ABALA sa pagbabasa ng magazine si Chrislynn nang marinig ang pagtikhim sa may tabi niya. Nalingunan niya sa gilid niya si Kirst na may puting tuwalya pa na nakasampay sa may batok nito. Kagagaling lang nito sa banyo. “Babe,” wika pa nito. “Gusto mo bang lumabas?” Humayon agad ang tingin niya sa alarm clock na nasa gilid ng kama nito. Mag-a-alas nuwebe na ng gabi. “Gabi na para lumabas.” “So? Maraming puwedeng puntahan kahit ganitong oras.” Umiling siya. “May pasok ka pa bukas.” “It’s okay. Date muna tayo.” Napangiti siya sa huli nitong sinabi. “Kapag day off mo na, saka mo ako i-date. Para mahaba ‘yong oras natin sa pamamasyal.” “Sa weekend pa ‘yon. Kahit one hour lang tayo sa labas? Mag-po-food trip?” tumaas-baba pa ang kilay nito. “Ang dami mong nakain kanina. Gutom ka na naman?”