EPISODE 4
THE UNTOLD STORY
NICHOLAS’ POINT OF VIEW.
Hindi maaari… niloloko lang nila ako. Hindi totoo itong nalaman ko.
“No…”
Unti-unti akong umatras habang malamig na nakatingin sa babaeng kamukhang-kamukha ng aking ina na si Aislinn Calista. Hindi pwedeng siya ang nakakatanda kong kapatid. Matagal ng patay ang aking kapatid at iyon ang sinabi ng aking mga magulang! Hindi pwedeng magsinungaling sila sa akin. Nakikita ko palagi ang pangungulila nila sa kapatid ko lalo na ang aking ina na palaging umiiyak habang hawak ang damit ng aking kapatid na si Ariadne noong bata pa siya.
“Patay na ang kapatid ko,” malamig kong wika.
Hindi ko alam kung namalik-mata lang ba ako o hindi, nakita ko ang lungkot sa mga mata ng reynang nasa aking harapan ngunit agad din itong nawala.
Ngumiti siya sa akin.
“Buhay ako, Nicholas. Ako ang iyong nakakatandang kapatid,” sagot niya.
Bahagya akong ngumisi.
“So, sinasabi mong sinungaling ang mga magulang ko?” inis kong tanong sa kanya.
Mabilis siyang umiling at humakbang papalapit sa akin kaya muli akong napatras. Tumigil siya sa kanyang pag hakbang nang makita niyang umatras ako, nakita niya atang ayoko na mapalapit sa kanya.
“Nicholas, alam kong mahirap ito sa ‘yo, pero kapatid mo talaga ako. Hindi ako namatay… oo, nawala nga ako, nawala ako dahil mas pinili ko ang mundong ito kaysa sa mundo ng mga mortal,” seryoso niyang sabi habang nakatingin sa akin.
Hindi ko mapigilan na mapakunot sa aking mga noo sa kanyang sinabi. Wala akong maintindihan! Kanina pa masakit ang ulo ko at hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwalang nasa loob ako ng isang palasyo at may isang reyna akong kaharap ngayon. Habang napapatingin din ako sa paligid ay may nakikita akong lumilipad at hindi ito mga paru-paro, mga maliit silang tao na may pakpak! Ito ba ang sinasabi nilang mga fairies? Nababaliw na talaga ako!
“Hindi ka baliw, Nicholas. Totoo lahat ng iyong nakikita ngayon sa loob ng ating palasyo.”
Muli akong napatingin sa babaeng nasa aking harapan habang nanlalaki sa aking mga mata.
“N-Naririnig at nababasa mo ang aking iniisip?” nauutal kong tanong.
Hindi niya sinagot ang aking tanong. Nakangiti lang siya sa akin. Nakita kong itinaas niya ang kanyang kamay at may binigkas siyang mga salita na hindi ko naman maintindihan habang nakapikit at nakataas pa rin ang kanyang mga kamay.
Makalipas ang ilang minuto ay may bigla na lang umilaw sa itaas at nanlaki ang aking mga mata sa gulat nang makita akong mga imahe sa itaas.
“Paanong…”
“Aislinn! Nahihibang ka na ba?! Pagbibigyan mo ang kagustuhan ni Brigantia na malayo sa atin ang ating anak na si Ariadne?!”
Natigilan ako nang makita ko ang aking mga magulang sa imahe. Kung titignan ko siya ay matagal na panahon na ang pangyayaring iyon. Buntis si Mama habang may batang babae na nakaupo sa kanyang tabi habang tahimik lamang ito. Umiiyak si Mama habang si Papa naman ay nagyuyupos sa galit.
“Akala mo madali lang sa akin ito, Callum?! Ayokong mawala ang anak natin! Ayokong mangyari iyon!”
“Then, let’s run away! Huwag nating ibigay sa diwatang iyon ang anak natin! Tapos na tayong pagsilbihan ang mga taong iyon, ang mundong iyon. Panahon na para unahin naman natin ang ating mga sariling kaligayahan.”
Nang mawala ang mga imahe ng aking mga magulang sa itaas ay muli akong napatingin sa babaeng nasa aking harapan, ang babaeng pinipilit akong pinapaniwala na siya ang nawawala kong kapatid, ang kapatid kong matagal ng patay.
“Para saan iyon? Bakit nakita ko si Mama at Papa? Ginawa mo ba ‘yun para maniwala ako na ikaw ang nawawala kong kapatid? Akala niyo maniniwala ako sa kahibangang ito?! Ibalik niyo na ako sa amin!” napasigaw ako sa sobrang galit.
Ayoko na. Gusto ko nang umalis dito. Kung totoo man ang mahika, wala na akong pakialam. Sapat na lahat ng aking nakita at ang gusto ko lang gawin ngayon ay ang makaalis dito at makabalik sa aming mundo.
“Nicholas, hindi ko iyon pinakita sa ‘yo para mas lalong paguluhin ang iniisip mo at para lokohin ka. Pinakita ko iyon para malaman mong totoo lahat ng aking sinabi. Kinuha ako ni Brigantia, ang diwata na may kapangyarihan na malaman ang hinaharap. Nalayo ako sa piling ng aking pamilya, sa inyo, dahil kailangan kong pangalagaan ang mundong ito. Ayaw man ng ating mga magulang pero ito ang nakatadhana sa akin, ang maging isang reyna ng Avalon,” pag ku-kwento niya.
Hindi ako nagsalita.
Nakatingin lang ako sa babaeng nasa aking harapan. Siya ba talaga ang nawawala kong kapatid? Pero bakit? Bakit dinala ako rito sa mundong ito? Ito rin ba ang nakatadhana sa akin?
Nakita kong muli siyang humakbang papalapit sa akin. Bahagya akong nagulat nang hawakan niya bigla ang aking mga kamay at sa pag hawak niya rito ay may mga imahe na naman akong nakita sa aking isipan at ito ay tungkol sa aking mga magulang. Lahat ng tungkol sa kanila at sa dati nilang buhay ni Papa.
Isang reyna si Mama, si Papa ay isang hari sa kaharian na puro kasamaan lang ang alam. May digmaan na nangyari at nagtagumpay si Mama. Pinapili sila ng diwata kung saan nila gustong tumira at mamuhay at ang pinili nila ay sa normal na mundo, sa mundo ng mga tao. Nakita ko si Ariadne… nakita ko ang sarili ko na kasama siya. Palagi kaming magkasama ng kapatid ko pero bakit hindi ko iyon maalala?
Kinuha si Ariadne, kinuha siya ng isang babae na puno ng kapangyarihan sa pagkatao. Inalis niya ang ala-ala ng aking mga magulang pati na rin sa akin, ang ala-ala namin tungkol kay Ariadne.
Nawala na ang mga imaheng nakita ko sa aking isipan. Hinay-hinay akong napamulat sa aking mga mata at napatingin sa babaeng nasa aking harapan na malungkot na nakatitig sa akin. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na mapatulo sa aking mga luha. Ang bigat ng aking damdamin at nakaramdam ako ng sakit.
“A-Ariadne?” banggit ko sa kanyang pangalan.
Ngumiti siya sa akin at tumango.
“Ako nga… ako ang iyong kapatid, Nicholas.”
Hindi na ako nagdalawang isip na yakapin siya. Parang nawala lahat ng aking lakas nang mayakap ko ang nawawala kong kapatid, ang kapatid kong inakala kong matagal ng patay.
Hinagod niya ako sa aking likuran.
“Masaya ako na makita ka ulit, Nicholas. Maligayang pagdating sa ating mundo,” malumanay na sabi ng aking kapatid.
Ngayon ko lang napagtantong hindi pala ako simpleng tao. Isa akong prinsipe at ang reyna ng kahariang ito ay walang iba kundi ang nawawala kong kapatid, si Queen Ariadne.
Bakit ako nandito? Bakit nila ako dinala rito?
May malaki ba akong pagsubok na dadaanin sa pagpunta ko rito?
Kakayanin ko kaya ito?
TO BE CONTINUED...