BUMALIK siya ng bahay para kuhanin na ang mga bagahe. Sa araw ding iyon siya inaasahan ni Diana na luluwas ng Maynila. Tahimik siyang inihatid ni Nana Eliza sa sasakyan. Siguro ay napagod na rin sa kapapayo sa kaniya ang matanda dahil kahit anong sabihin nito ay hindi siya napigilan. Kung alam lang sana ni Nana Eliza kung para saan ang pag-alis niya. "Bukas na ang dating ni Milleth dito," ani Nana Eliza nang kaniya itong harapin. Naipasok na niya ang dalawang maleta sa backseat ng kotse. Tumango siya dito. Nagpasalamat na na-contact nito ang dati nilang katulong at napakiusapang dumoon sa kanila para may makasama. Bagaman iginigiit lagi ng matanda na kaya na nito ang mag-isa. "Anak... h-hindi 'ko akalain na basta mo na lamang isusuko si Colin. Nasasaktan ako para sa inyong dalawa..."