ALTHEA
Huminga ‘ko nang malalim. Hindi ko alam kung anong iisipin ko ngayon sa kinalabasan nang hitsura ko. Pinaayusan ako ni mommy, pinaganda, at pilit ginawang kamukha ng kapatid ko pero hindi talaga kami magkamukha. Pero kahit paano ay natuwa naman siyang maganda ang kinalabasan ko. Iyon lamang ay napagagalitan niya ‘ko tuwing maglalakad ako dahil wala daw akong ka-confident, confident.
Naaawa ako sa magulang ko, maging sa kapatid ko na hindi ko alam kung nasaan para makapagtago lamang.
Ngayon, gusto nila na akuin ko na lamang ang puwesto ni ate.
Ang usapan namin ay ganito ang kinalabasan:
“Althea, hindi ba at hindi mo naman gusto sa maraming tao? Mas gusto mo naman sa bahay? Kung tutuusin tila naman wala kang pangarap at kung mayro’n man, iyong pagiging guro? Hindi mo ‘yon matutupad at takot ka nga sa mga tao at hindi mo naman makakausap ang magulang nila at mahiyain ka, baka maireklamo ka lamang at iyakan mo lamang.”
Naisip ko rin naman ‘yon minsan, pero sinusubukan ko namang makipag-usap sa iba. Ngayon ay nag-aaral ako ng General Education bilang kurso dahil gusto ko ang mga bata. Magtatapos na rin ako at sasalang na sa demonstration teaching. Nakapag-demo na naman ako, totoo na nahirapan akong i-deliver ‘yon nang kasing-confident ng iba dahil medyo naiilang ako sa mga tingin ng panels, pero ginawa ko naman ang lahat para umabot doon at napuri rin naman ako, ibang tao nga lang.
“Ang ate mo, marami siyang malalaking pangarap, marami pa siyang i-eenjoy sa buhay, mas gusto niyang makipag-socialize, hindi niya gustong matali kaagad. Kilala mo naman ang ate mo ‘di ba? Mahilig mag-hiking, kumanta, mag-enjoy, mag-travel, makipag-friends, ‘di ba? Pero ikaw, hindi mo naman gusto ‘yon ‘di ba? Gusto mo lang sa kuwarto mo, tahimik, at kuntento ka na ro’n,” aniya.
“Mommy, ano po bang gusto ninyo na gawin ko?” tanong ko. Nahihirapan na ‘kong lunukin at tanggapin ang mga sinasabi niya. Nagsisimula na naman akong malungkot, magtampo, at mamaya iiyakan ko na naman ‘to.
“Ikaw na lang, ikaw na lang ang sumama sa mga Yakuza,” aniya.
Nagulat ako, nangilabot at unti-unting nanghina.
Naririnig ko talaga ‘yon sa mismong mommy ko?
“Mommy—“
“Althea, please, kahit ngayon lang may maitulong ka naman sa pamilyang ‘to,” ani Daddy.
Mas lalo ‘kong nabigla, hindi ko na magawang magsalita, iyong dila ko rin parang umatras na.
Nag-iinit ang mga mata ko pero hindi magawang bumagsak ng mga luha ko.
“Kasi kung ikaw, panigurado hindi mo kami ipapahamak ‘di ba?” sabi ni mommy.
“Anak, maawa ka sa ate mo, hindi niya deserve ang mapunta sa mga taong ‘yon,” si daddy.
“D-deserve ko po?” tanong ko.
Halatang nabigla sila.
Naipikit ko ang mga mata ko para tumigil na sa pag-alala. Masyado nang masakit sa ‘kin na ulit-ulitin pang nasumbatan nila ‘ko at kagalitan dahil hindi ako kaagad pumayag. Bakit ko raw kinukuwestiyon ang pagiging magulang nila kung pinag-aral din nila ‘ko sa maganda’t mamahaling eskuwelahan kahit wala naman akong maibigay na karangalan sa pamilya.
Iniyakan ko ‘yon buong gabi, wala rin akong nagawa dahil ipinilit nila.
Nagsimula rin silang magsalita ng mga makaka-guilty sa ‘kin…
“Hayaan mo na lang kaming mamatay na magulang mo!”
“Tama, mamatay na lamang tayong lahat dahil lamang sa ‘di mo gustong maging masaya ang pamilya mo!”
“Kapag may nangyaring masama sa ate mo, pagsisisihan mo ‘yon at dadalhin mo habang-buhay!”
Mula sa mga salitang ‘yon nauwi na naman ang mga ito sa kalungkutan. Sabi ni mommy: “Hindi kasi puwedeng mag-boyfriend ang ate mo dahil iyon ang pangako namin sa Boss nila, pero ang ate mo ‘di ba alam mong naging matagal sila ni Cristof, hindi na virgin ang ate mo, isipin mo na lamang kung anong galit ang aabutin niya sa Boss oras na malaman ‘yon paniguradong pati tayo ipapapatay niya.”
Sa tingin ko naman wala silang pakialam sa ‘kin.
Ayoko pa rin namang masaktan si ate, ayoko ring masaktan sila kahit pa paulit-ulit nila ‘kong sinasaktan sa mga pananalita nila. Pakiramdam ko nga, sanay na sanay akong binabalewala at kilala lamang kung kinakailangan. Hanggang sa eskuwelahan nararamdaman ko rin naman iyong inaabuso na ‘ko ay hindi pa rin ako umiimik.
Ngayong pumayag ako ay naging mabait sila sa ‘kin. Naging masaya pa silang ihatid ako sa pagkikitaan namin ng miyembro ng Yakuza sa isang lugar para kunin ako. Marami silang ipinadala sa ‘king gamit. Masaya pa silang nagpaalam sa ‘kin.
Nang nasa itim na sasakyan na ‘ko at nasa likuran ay kabadong-kabado ako. Sa harapan ay dalawang lalaking nagtatawanan at nihonggo ( Japanese) ang pananalita. Pakiramdam ko pinagtatawanan nila ‘ko. Itim na itim din ang suot nila at pormal.
Malakas din ang aircon, lalo ‘kong nanlalamig. Hindi rin ako komportable sa suot kong spaghetti strap na dress, pakiramdam ko’y kaunting tela lamang ito para matawag akong hubad.
Nagulat ako nang lingunin ako ng katabi ng driver.
“Young Miss, we can speak your language or you can communicate with us using English too. But some of us didn’t know how to speak in English that fluently,” anito.
Mukhang friendly siya pero hindi ang hitsura niya dahil matiim siyang tumitig at ngiting-ngiti pa.
“T-tagalog?” tanong ko.
“Yes, we can speak your language. Oyabun is fluent in your language,” anito.
“Oyabun?” ulit ko. Kinakabahan ako sa kanila talaga.
Tiningnan nito ang driver arang humihingi ng tulong.
“Master, Boss, like that,” anito na tila naalala na nito ang tawag.
Tumango-tango ako.
Inaasahan ko na ang matandang lalaki na boss nila. Ayon kay mommy, baka nasa senior na ito o pa-senior, nakilala nila ‘to pero hindi ang hitsura eleven years ago na rin. Sinabi niya raw sa ‘kin iyon para hindi na ‘ko magulat. Paulit-ulit pa nga siyang nagsasabi sa ‘kin na i-please ko na lamang mabuti ang ‘Boss’ hindi naman daw lahat ng hapon ay mahilig sa magaganda. Maganda naman daw ako, hindi lang lumamang sa kapatid ko.
Nasa ikatlong oras kami nang biyahe no’ng huminto ang sasakyan at may sumakay doon na isang babae. Nakaitim din ito at nakatali ang buhok. Tumabi siya sa ‘kin. Mayroon siyang hawak na tila medicine box. Ibinukas niya ‘yon at may kinuhang syringe na mayroong karayom, isang maliit na botelya ang kinuhanan niya ng likido.
Natakot ako dahil tumingin siya sa ‘kin.
“Don’t worry, aantukin ka lang dito at makatutulog nang mahimbing,” aniya, mukhang Pinay siya.
Kinuha niya ang braso ko at isinaksak ‘yon sa ‘kin.
Walang naging imik ang dalawa sa harapan.
Napakabilis nang epekto no’n dahil nagsimulang umikot ang paningin ko at mabingi ang pakiramdam ko. Nagsasalita ang babae pero hindi ko maunawaan para ring umiikot ang kanyang boses. Napahawak ako sa ulo ko dahil nahihirapan ako sa pakiramdam na nahihilo. Maging ang katawan ko ay tila umiikot din nang umiikot sa isang roleta. Unti-unting bumagsak ang mga talukap ng mata ko, hindi ko na alam kung ano ang sumunod na nangyari, ang sigurado lamang ako ay nawalan ako ng malay tao.