C1: News
“Ate, saan ka pupunta?”
Nagtataka si Althea nang makita ang kapatid na pababa sa hagdanan. Nauuna rito ang dalawang bodyguard nilang may dala ng mga gamit nito na naka-maleta.
Tiningnan lang siya nito pero hindi na pinansin.
Kasunod na bumaba sa hagdanan ang kanyang ama at nagmamadali rin ito.
“Dad—”
Pero naitulak na siya nito na hindi naman kalakasan para tumabi.
Sinundan na lamang niya nang tingin ang mga ito. Hindi niya alam na aalis ang kanyang kapatid.
“Bilisan mo na, Aiko!” Narinig niya ang ina. Pababa rin ito at nagmamadali.
Para lamang siyang hangin na dinaanan ng magulang at kapatid. Noon pa naman niya nararamdaman ang panlalamig ng magulang sa kanya kahit na rin naman ‘yon bago sa kanya. Iniisip na lamang niyang may kasalanan din naman siya, hindi niya kasi maging katulad ng kanyang ate na bukod sa maraming achievements ay confident na magsalita sa edad nitong twenty-one. Siya naman ay twenty-years old na pero hindi pa rin ma-overcome ang pagiging mahiyain.
Nagbalik ang kanyang magulang pagkaalis ng kanyang ate, natanaw niya na sumakay ito sa bagong sasakyan nilang binili noong nakaraang araw lamang.
“Sigurado ka ba sa nalaman mo, Carrie?” Ang pagiging kalmado ay nakalimutan ng kanyang ama.
“Sigurado nga ‘kong dumating siya mismo sa Pilipinas! Anong gagawin natin? Ito ang ipinangako natin sa kanya noon, isa pa, kilala niya si Aiko!” Naliligalig ang kanyang ina. Namumutla ang magulang niyang paikot-ikot sa sala. Minsan ay uupo pero maya-maya’y tatayo na parang ‘di mapakali.
“Sa tingin mo ba maniniwala siyang naglayas si Aiko?” tanong ng kanyang ama.
“Hindi ko alam! Isa pa, akala ko ba napatay na siya?”
Dahil mukhang takot ang mag-asawa ay hindi makaimik si Althea.
“Bakit hindi na lang kasi itong si Althea ang kunin niya’t tila naman mukhang tanga palagi!” gigil na wika ng kanyang ina.
Nasaktan si Althea, pero ayos lang naman ‘yon, sanay na naman siya—iyon ang parati niyang sinasabi tuwing makaririnig sa ina ng mga ganoon. Sanay na siyang tawagin nitong bobo at tanga sa araw-araw. Kasalanan naman niya, hindi niya kayang gawin ang mga gusto nito na madali lang naman daw sabi nito.
“Hindi naman iyan ang picture na ipinakita mo sa kanya, maging sa pangalan ay kilala niya si Aiko. Isa pa, malayo ang hitsura nila sa isa’t isa, tingnan mo nga.”
Naalala ni Althea, mahirap lang naman sila at siya’y alaga ng kanyang lola. Ang kanyang magulang ay pumunta ng Japan para magbakasyon, pero ang plano talaga ng mga ito ay doon magtrabaho. Ilegal na nanatili ang magulang niya sa Japan pero muntikan nang mahuli.
Pero nakabalik ang mga ito ng Pilipinas at palaging sinasabing may tumulong sa mga ito at may malaking halaga ring ipinahiram.
Nakabalik din ang kanyang magulang sa Japan at sa legal ng paraan.
Doon nagsimula silang magkaroon nang mas magandang pamumuhay, iyon lamang nang maging sosyal ang magulang niya’y naging matapobre at namimili na lamang ng kikilalanin.
“Akala ko ba’y namatay na siya?” tanong uli ng kanyang ina sa kanyang ama.
“Sinabi ko naman sa ‘yo palabas lang iyon! Imposibleng mamatay iyon. Nalaman ko pang narito na siya sa Pilipas at higit isang taon na,” sabi ng kanyang ama.
“Kung hindi pa tatawag ang isa sa kanila hindi natin mapapaalis si Aiko,” sabi ni Carrie. “Pero natatakot ako, kilala mo naman ang mga ‘yon, baka bigla tayong pagpapatayin ang mahirap pa’y baka pahirapan pa tayo nang husto.” Natataranta na naman ang kanyang ina.
“Bakit gusto mo bang ibigay siya sa Yakuza?!” galit na sigaw ng kanyang ama.
Nanlaki ang mga mata ni Althea.
Tama ba ang narinig ni Althea? Yakuza? May koneksiyon ang mga magulang niya sa Yakuza?!
“Mommy, daddy, anong Yakuza? May kaugnayan kayo sa ganoong mapanganib na grupo?” tanong ni Althea. Hindi niya maiwasang magsalita dahil hindi isang biro ang banggitin ng mga ito ang ganoong grupo.
Lumingon ang kanyang ina, iritable ‘to at mukhang sa kanya ibabaling ang galit.
“Carrie, hindi naman niya kilala si Aiko sa hitsura, sampung taon lang si Aiko no’ng makita niya ang picture nito, marahil hindi naman niya kilala na? Baka makahanap tayo ng babaeng babayaran?” suhestiyon ng kanyang ama.
“Mahirap ‘yong gusto mo! Baka mamaya ibuko tayo no’ng babaeng ‘yon! Mas malilintikan lamang tayo. May malaki pa nga tayong utang sa kanya na ‘di natin nabayaran at mas tumaas pa nitong dalawang taon na hindi sila nagparamdam! Hindi bale kung kahit putulan mo ng dila ‘yong babaeng iyon hindi tayo ibubuko!”
Napabaling sa kanya ang ama.
Kahit paano ay tinablan ng kaba si Althea.
“Carrie, lumapit ka rito,” sabi ng kanyang ama.
Lumapit naman ang asawa rito. Nagbulungan ang dalawa.
Nag-aalala naman si Althea, gusto niyang tulungan ang mga ito. Lalo at kahit hindi sila close ng kapatid ay mahal naman niya ito at hindi niya ‘to gustong mapahamak. Isa pa, palagi niyang iniisip na siya ang problema kaya ganoon ang pakikitungo ng mga ito sa kanya. Mayroong mali sa kanya na hindi niya mabago-bago para maging proud ang mga ito.
Tumikhim ang kanyang ama.
“Althea, lumapit ka nga rito at may pag-uusapan tayo ng daddy mo.”
Kaagad namang lumakad palapit si Althea naupo sa isang sofa. Sa katapatan niyang sofa naman naupo ang kanyang magulang.
Biglang naging malumanay at emosyonal ang mga ito.
Nalungkot naman nang husto si Althea.
“May magagawa po ba ‘ko?” Hindi na niya mapigilan na magtanong.
“May magagawa kang malaki!”
Nabigla naman si Althea sa naisagot ng ina.
Naiyak na ang kanyang ina, nanatili namang nakatungo ang kanyang ama at pasimpleng nagpapahid ng luha.
“Noon, alam mo naman na naging ilegal kami sa Japan, hindi ba? Ginawa namin ‘yon ng daddy mo dahil kailangan-kailangan namin ng trabaho at mabigyan kayo ng mas magandang buhay magkapatid.” Lumakas ang pag-iyak nito.
Lalong naantig ang puso ni Althea. Naiiyak na rin siya. Hindi niya kasi gustong nasasaktan ang mga ito.
“Kaso ay muntikan na kaming mahuli dahil mayroong nainggit sa ‘min sa pinagta-trabahuhan namin na Pinoy din at isinuplong kami. Pero ang ‘yong ama ay may nakilalang Yakuza sa pinagta-trabahuhan niyang sugalan. Ayon sa kanya, ililigtas niya kami basta mag-offer kami nang kahit na ano at kapag nagustuhan nang kanilang boss ay sila na ang bahala.”
Kinakabahan na si Althea, parang alam niya na kung ano ang ini-offer ng magulang niya.
“Sa pagkataranta ko, wala naman kaming pera si Aiko ang picture na naipakita namin. Hindi naman namin kilala kung sino talaga ang Yakuza Boss na ‘yon pero sabi ay nagustuhan si Aiko at tutulungan kami. Pinautang niya rin kami nang malaking halaga, at magpasahanggang ngayon may malaki kaming pagkakautang sa kanya pero nahuhulugan naman namin ‘yon ng iyong ama dahil may negosyo naman tayo. Iyon lamang ang pangako namin sa kanya ay kukunin niya si Aiko kapag gusto niya na, pero sa legal na edad, at ito nga kanina may tumawag na mula sa kanila.”