Chapter 4

1645 Words
"Bata-bata gusto mo bang tulungan kita?" tanong ng isang batang babaeng lumapit kay Janna, pero tiningnan lamang niya ito ng walang emosyon at ipinagpatuloy na ang pagdidilig ng halaman. Isang buwan na agad ang matuling lumipas simula ng iwan siya ng kanyang Tita Mylene sa orphanage. Pero nananatili pa rin siyang tahimik at hindi nakikihalubilo sa ibang mga bata sa bahay ampunan. Nasasabihan na rin siya ng ibang kabataan na pipi daw siya dahil hindi talaga siya nakikipag-usap sa mga ito. Palagi na lamang siyang nasa isang sulok ng bahay ampunan, mas nais niyang mag-isa kesa sumama sa karamihan. Maging ang kanilang Mother Superior kinausap na din siya tungkol sa kanyang ugali. Pero wala naman siyang magagawa, talagang mas gusto pa rin niya ang nag-iisa. Pero masipag siya sa mga gawaing itinatalaga sa kanya ng kanilang Mother Superior. Masunurin din siya at napakagalang kapag kinakausap ng mga madreng nag-aalaga sa kanila lalo na ang kanilang Mother Superior. Ito ang nag-iisang madre na halos anak na kong siya ay ituring. Kaya naman agad niyang minahal ito ng tulad ng sa isang Ina. Dumating ang pasukan, pinag-aral siya ng kanilang Mother Superior. Kahit nine years old na siya, hindi siya nahiyang makihalubilo sa mga grade 1 students. Kailangan niyang matuto para na rin sa sarili niya at para kapag dumating ang araw na magkikita silang muli ng kanyang Kuya Thirdy, maipagmamalaki na siya nito. "Hi! Ako nga pala si Janna Mae, anong pangalan mo?" nakangiting wika muli nito, kung hindi siya nagkakamali ito ang batang ulila na katulad niya na kararating lang sa bahay ampunan. Hindi niya ulit ito pinansin, nagpatuloy lamang siya sa ginagawa. Isang buwan man ang nakalipas pero nananatili pa rin si Janna na malayo ang loob sa ibang mga bata. Pakiramdam kasi niya mas mainam na ilayo niya ang sarili niya sa mga ito at mag-focus na lang sa kanyang pag-aaral at sa mga gawaing alam niyang makakagaan sa buhay ng mga butihing madreng umampon sa kanya. Tama ng ang mga ito lamang ang tanging mga taong pinagkakatiwalaan niya lalo na si Mother Theresa ang kanilang Mother Superyora. "Uhmm, gusto mo ba tulungan na kita? Teka, ilang taon ka na ba? Ako kasi malapit ng mag ten sa susunod na buwan," wika muli nito. Hindi pa rin niya pinansin patuloy pa rin siya sa pagdidilig ng halaman, pero natuklasan niyang parehas pa talaga sila ng buwan ng kapanganakan. Parang na-curious siya kong anong date ang birthday nito, pero minabuti niyang di na magtanong. "Wala ka na bang Mama at Papa? A-Ako kasi iniwan na nila ako parehas, nasagasaan sila ng isang malaking truck na nawalan ng preno. N-Nagtitinda sila noon ng buko sa gilid ng kalsada tapos a-ayon, halos madurog ang kanilang katawan. Mag-isa na lang din ako sa buhay k-kaya pwede ba maging kaibigan kita?" naiiyak ng pahayag nito. Nakaramdam siya ng awa dito kaya humarap siya para iabot ang isa pang lagayan ng tubig na pandilig ng halaman. Kinuha naman nito iyon na nakangiti. "Friends?" tanong muli nito habang nakangiti. "Sige, ako nga din pala si Janna same pa tayo ng name," nakangiting wika niya dito. "Wow! Talaga?! Ang galing naman! Ei di, ikaw nalang si Janna one, ako naman si Janna two!" masayang sabi nito. Simula noon, naging mabuting magkaibigan na ang dalawa. Halos hindi sila mapaghiwalay at ang dating malungkutin at laging nag-iisang si Janna, ngayon ay naging masayahin na at minsan nakikihalubilo na rin sa ibang mga bata. Ikinatuwa naman iyon ng mga madreng nag-aalaga sa kanila. "Janna, pano kapag may umampon na sa akin, mamimiss mo ba ako?" tanong bigla ni Janna Mae kay Janna, isang gabing matutulog na sila. Maging sa kama, magkatabi sila. Si Janna ang may nais niyon, dahil noong wala pa ito hirap na hirap siyang makatulog. Kapag pumipikit siya, palagi niyang nakikita ang malagim na tagpong nangyari sa mismong bahay nila na naging sanhi ng pagiging ulilang lubos niya. Kasunod niyon ang mga maliliit na boses na animo bumubulong sa kanya. Kaya naman palagi niyang suot-suot ang kwentas na ibinigay ng kanyang Kuya Thirdy, pero simula ng maging magkaibigan sila ni Janna itinago na niya iyon dahil unti-unti na ring naging normal ang lahat sa kanya. "Ayoko Janna Mae, magpromise ka na hindi ka sasama kapag may mag-aampon sayo. P-Parang hindi ko na kayang mag-isang muli," wika niya na hindi naiwasang maluha, agad niyang iyong pinunasan para hindi na makita ni Janna Mae. "Ano ka ba, lahat ng mga bata sa ampunan darating ang panahon na aampunin sila kaya dapat handa ka don," wika naman nito. "Hindi ako sasama, dito lang ako kaya mag-promise ka sakin na hindi ka rin sasama. Diba sabi mo bestfriend forever?" "Kahit naman magkalayo tayo, ikaw pa rin ang nag-iisang Janna one para sakin kaya wag ka ng mag-alala. Tsaka kong ako ang unang maampon, pangako ko babalik ako dito para dalawin ka." Naluha na siya ng tuluyan, lahat talaga ng mga taong mahal niya iniiwan lang siya sa huli. Una ang kanyang mga magulang, pangalawa ay ang kanyang Kuya Thirdy at ngayon si Janna Mae nagpapahiwatig na iiwan din siya sa huli. "Lahat nalang ng mahal ko, palagi nalang akong i-iniiwan," garalgal ang boses na wika niya hanggang sa nauwi sa pag-iyak. Bumangon si Janna Mae sa pagkakahiga at saka inalalayan siya na maupo sa kama. Pinahid nito ang kanyang luha at inilabas ang hinliliit na daliri. "Promise ko sayo na hindi kita iiwan katulad ng mga magulang natin at ng Kuya Thirdy mo. Kapag may nag-ampon sakin dapat kasama kita dahil kong hindi, hindi ako sasama." kinuha nito ang kanyang kamay at ikinawit ang daliri nito sa hinliliit na daliri nya tsaka pinagdikit naman ang hinlalaki niya. "Ayan, sealed na! Kaya dapat tumupad ka sa promise natin ha!" wika muli ni Janna Mae sa kanya. "Oo naman, kahit kelan walang iwanan peksman!" nakangiti ng wika rin niya dito tsaka nahiga na silang dalawa, at ilang sandali pa ay nakatulog na sila ng magkayakap. Ilang taon pa ang matuling lumipas, isang linggo na lang debu na nilang dalawa ni Janna Mae. Parang kaylan lang noong una silang nagkita. Parehas lamang silang nine years old noon at natuklasan nilang same pa ang birthday nila. Kaya naman tuwing magbi-birthday sila isang celebration nalang. Napakasaya ni Janna dahil natupad ang pangarap niyang wala ng taong mag-aampon sa kanila ni Janna Mae, ibig sabihin lang non hindi na talaga silang dalawa magkakahiwalay. Kaya sobrang saya niya, dahil umabot na sila ng ganitong edad. Masaya na siyang kapag naka-graduate na sila ni Janna Mae sa bahay ampunan na lang din sila magtuturo. Pangarap kasi nilang dalawa ang maging isang teacher at sa bahay ampunan sila magtuturo. Ngunit dalawang araw bago ang kanilang birthday. "Ate Janna Mae, pinapatawag ka ni Mother Superior." wika ng isa sa mga batang nakatira din sa ampunan, tsaka tumakbo na rin ito palabas ng kusina. Nasa kusina kasi sila noon ni Janna Mae dahil tumutulong sila sa pagluluto ng pananghalian. "Uhmm, bakit kaya?" tanong nito sa kanya. "Ewan ko, naku baka tungkol iyon sa debu natin Janna Mae! Wow, excited na talaga ako! Basta dapat parehas tayo ng damit ha para magmukha tayong kambal!" masayang wika niya dito. "Baka nga, sumama ka kaya," aya nito sa kanya. "Okey, tara na tapos na rin naman itong mga hinihiwa natin eh," pagsang-ayon niya dito. Tsaka maghawak kamay na silang nagtungo sa opisina ni Mother Superior. Kumatok muna sila sa pinto bago sila pumasok. Nagtataka sila dahil may dalawang taong kausap si Mother Superyora, mukhang mag-asawa ang mga ito. "Mr. and Mrs. Peliciano, nandito na po pala siya," nakangiting wika ni Mother Superior. Nakaramdam siya ng kaba at may namumuong hinala sa kanyang isipan. "Oh, napakagandang bata at napakaamo ng mukha. Hindi nga ako nagkamali sa kanya honey," nakangiting wika nito sa kanya sabay haplos sa maganda niyang mukha. Napansin niya ang pagsimangot ni Janna Mae habang nakatingin sa kanya. Ayaw na ayaw kasi nitong nasasapawan niya, gusto nito ito lang palagi ang napupuri pero okey lang naman yon sa kanya dahil mahal na mahal niya ito. "Aahh, Mrs Peliciano, pasensya na pero hindi po siya si Janna Mae. Ito pong katabi niya," magalang na pagtatama ng kanilang Mother Superior. "Oh, naku pasensya na sister. Medyo malabo na kasi ang mata ko kaya hindi ko masyadong namukhaan iyong nasa picture na ipinakita mo sa akin noong isang linggo," paliwanag ng ginang. "Okey lang iyon Mrs," wika nito sa ginang. "Janna Mae, sila ang mag-asawang nais kang ampunin, nandito sila para makita ka. At bukas na umaga susunduin ka na nila dito," wika ng kanilang Mother Superior. Napaawang ang labi ni Janna, parang hindi niya matanggap ang sinabi ng kanilang Mother Superior. "Po?! T-Talaga po bang a-aampunin ninyo ako?!" mangiyak-ngiyak na tanong naman ni Janna Mae sa mga ito. Kunot noo namang napatingin siya sa kaibigan, mababanaag sa mga mata nito ang kasiyahan. Ibigsabihin ba, gusto pala nitong magpaampon? At hindi totoo ang sinasabi nitong ayaw nitong mawalay sa kanya? Pero naalala niya ang sinabi nito noon na, kapag hindi pumayag ang mag-aampon dito na hindi siya kasama hindi rin ito sasama kaya umaasa pa rin siya na sasabihin iyon ni Janna Mae. Ngunit ilang minuto ng nag-uusap ang mga ito, wala manlang binanggit si Janna Mae tungkol sa kanya. "T-Talaga po ba pwede ko na kayong tawaging Mama at Papa?!" masayang tanong muli nito. "Oo naman anak, simula sa araw na ito anak ka na namin. Sabi ni sister, birthday mo na pala sa linggo. Kaya bukas na bukas din susunduin ka na namin dito, dahil may inihanda kaming party sa debu mo anak," masayang wika naman ng ginang. "Wow! Talaga po Mama?! S-Salamat po!" maluha-luha pang wika nito. Tila hindi na siya naalala ni Janna Mae, kaya hindi na niya kinaya ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang puso. Tumalikod siya, at lumuluhang lumabas sa silid na iyon. ITUTULOY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD