Chapter 2

1398 Words
Ang Tita Mylene ni Janna ay isang trabahador sa farm at minsan isinasama siya nito doon lalo na kapag umaalis ang asawa nito at kanyang dalawang pinsan. Sa farm hindi maiwasang hindi siya mapag usapan, kahit naman sa murang isipan eh batid na niya ang ibigsabihin ng mga ito. Minsan pa nga napaaway pa ang kanyang Tita dahil sa mga patutsada ng ilan nitong mga kasamahan sa trabaho. Ang ginagawa niya eh nagtutungo siya sa isang sulok na bahagi pa rin ng farm. Doon ay taniman naman ng mangga. Tahimik ang palagid, maririnig lamang ay mga huni ng ibon at pagaspas ng mga sangang sumasabay sa ihip ng hangin. Napakatahimik na lugar kaya naman palagi siyang nakakatulog sa lugar na iyon ng di niya namamalayan. Nakaupo siya noon sa puno ng isang malaking mangga,nakasandal siya doon habang payapang natutulog. Maya-maya ay may kung anong bagay ang tila kumikiliti sa kanya tenga, naalimpungatan siya, sinubukan niyang imulat ang kanyang mga mata ngunit agad din siyang napapikit dahil may bahagyang sikat ng araw na tumatama sa mata niya. Pero naaninag na niya ang batang lalaking nakangiti habang pinagmamasdan siya. Agad siyang napabalikwas ng mapagtantong di na nga siya nag-iisa sa lugar na iyon. Agad niyang kinuha ang kanyang barbie doll na regalo pa sa kanya ng kanyang Mama at tangkang tatakbo na palayo sa lugar na iyon ngunit pinigilan siya nito. "Teka bata, wag kang matakot gusto ko lang naman ng kalaro ei." pigil nito sa kanya sabay hawak sa kanyang braso.  Napaatras siya, natatakot siya dahil hindi naman niya ito kilala at tsaka naalala niya ang laging sinasabi sa kanya ng mama niya na don't talk to strangers. Pero nakita niyang may kinukuha itong bagay sa bulsa nito, namilog ang mata niya ng makita ang hawak nito. Isang malaking lolipop iyon na napakaganda ng design. Agad siyang napangiti at ng i-abot sa kanya ang lollipop agad niya iyong tinanggap. Tsaka walang pakundangang lumupagi ulit sa ilalim ng punong mangga. Mabuti nalang may mga pinong carabao grass doon safe na umupo. Umupo din ito sa harap niya at masaya siyang pinagmasdan habang masayang sinisipsip ang lollipop. "Hi bata, ako nga pala si Cedrick Fuentes III pero ang palayaw ko ay Thirdy, ikaw anong pangalan mo?" nakangiting tanong nito.  Tumitig lamang siya dito, pero ibinuka niya ang kanyang bibig at sinubukang sumagot dito pero walang lumabas na boses don. Parang naiiyak na siya, dati kahit anong gusto nyang sabihin nasasabi niya pero ngayon tila umurong na ng tuluyan ang kanyang dila. Napasinghot-singhot siya, nagbabadya sa pag-iyak pero agad namang lumapit sa kanya ang batang lalaking nagpakilalang si Thirdy. "Okey lang kung ayaw mong sabihin, gusto mo bigyan nalang kita ng palayaw?" nakangiti nitong tanong muli sa kanya.  Nagliwanag ang kanyang mga mata, gusto niyang sabihin ang pangalan sa batang lalaki pero wala talagang lumalabas na boses sa kanyang bibig. Kaya mabuti na yong ito ang magbigay ng palayaw sa kanya. Magaan kasi agad ang loob niya dito, kanina napag-isipan niya ito ng masama pero napatunayan niyang mabait ito. Humawak ito sa baba nito at tila nag-iisip ng ibibigay sa kanyang palayaw. Maya-maya'y bigla itong napapitik ng daliri. "Alam ko na! Bonenay! Tama! Ikaw nalang si Bonenay," masayang pahayag nito, hindi niya masyadong gusto ang tunog ng binigay nitong palayaw sa kanya pero masaya siyang ito ang nagbigay non.  Kaya ngumiti nalang siya dito, tanda na gusto niya ang palayaw binigay nito. "Bonenay kasi ang name ng favorite kong gold fish kaya lang namatay na siya, kaya pwede ba yon nalang din ang tawag ko sayo?" sabi nito.  Tumango naman siya. "Teka ilan taon ka na nga pala?" tanong muli nito.  Naguhit sya ng hugis five sa hangin, nakuha naman agad nito iyon. "Ah, five ka na pala? Ako naman ay ten mas matanda pala ako sayo ng limang taon. Tawagin mo akong Kuya Thirdy ha kasi mas matanda ako sayo.  At promise mo na simula sa araw na ito lagi tayong magkikita dito sa manggahan para maglaro ah. Sobrang sad kasi sa bahay namin eh, palagi nalang busy sina Mommy," pahayag nito.  Ngumiti siya tsaka tumango. Wala naman silang ginawang kung ano, basta kwento lang ng kwento ang bago nyang kalaro. Minsan natatawa siya sa mga sinasabi nito na sinasabayan pa ng aksyon. Pakiramdam ni Janna ay safe siya sa kanyang bagong kalaro, ang kanyang Kuya Thirdy. Simula ng makilala niya ito namuo ang pagkakaibigang sa tingin niya ay hindi mapapantayan ng kahit na ano. Sa kanyang Kuya Thirdy lamang siya naging palagay ng ganito. Feeling niya ligtas siya kapag kasama niya ito. Mas payapa pa nga ang loob niya dito kesa sa kanyang mga pinsan na anak ng kanyang Tita Mylene. Ang mga boses na parating bumubulong sa kanya at ang pagiging balisa niya ay unti-unti na ring nawala dahil dito. Palagi lamang silang nasa may manggahan kapag nagkikita sila. Minsan nagdadala pa ito ng mga pagkain doon at sabay nila iyong nilalantakan. Hindi alam ng kanyang Tita ang tungkol sa kanyang Kuya Thirdy, ayaw niyang ipalam ang tungkol dito dahil baka makagalitan siya nito. Tumagal din ng halos dalawang taon ang masayang sandali niya kasama ang kanyang Kuya Thirdy. Ngunit isang araw hindi niya inaasahang makita ito sa labas ng gate ng bahay ng kanyang Tita Mylene. Inalam pala nito kung saan siya nakatira, agad niya itong nilapitan. Tiningnan niya ito, mababasa sa mukha niya ang pagtatanong. Kahit gusto niyang magsalita ay wala talagang boses na lumalabas sa bibig niya. Malungkot itong tumingin sa kanya. "Bonenay, aalis na ako. Sabi kasi ni Mommy sa Manila na daw ako mag-aaral,"  malungkot na pahayag nito.  Tumingin siya sa mga mata nito at agad na pumatak ang kanyang luha, ayaw niyang umalis ito. Ito na lang nga ang nag-iisang taong nagpahalaga sa kanya at nag-iisang taong palagay ang loob niya, iiwan pa siya nito. Ibinuka niya ang bibig at nagsalita siya ngunit wala pa ring lumalabas na boses doon. Gusto niyang sabihin dito na wag itong umalis, na wag siyang iiwan pero wala talaga, umiyak nalang siya ng umiyak. Mas matangkad ito sa kanya kaya naman yumukod pa ito ng konti. Hinagkan nito ang noo niya tsaka ngumiti sa kanya. Halatang pilit iyon dahil hindi umaabot sa mga mata nito. "Huwag ka ng umiyak, promise babalik ako. Babalikan kita dito kaya promise mo sakin dimo ako kakalimutan ha," saad nito tsaka pinahid ang luha niyang namamalisbis sa kanyang pisngi.  Tumango nalang siya bilang tugon. Pero ibinuka muli niya ang kanyang bibig para subukang magsalita, ngunit wala pa rin kaya ang ginawa niya niyakap nalang niya ito ng mahigpit. Pakiramdam kasi niya kapag umalis ito malulungkot siya ng todo tsaka isa pa hindi na siya magiging safe, siguradong babalik nanaman ang mga boses na dati ay parati nalang bumubulong sa kanya. Muli siyang hinalikan nito sa noo tsaka tuluyan ng nagpaalam dahil baka daw hinihintay na ito ng Mommy nito. Ayaw niya pero wala siyang magagawa. Pero bago yon, may iniabot ito sa kanya. Isa iyong kwentas na batid niyang mamahalin, naguguluhang tumingin siya dito na nagtatanong ang mga mata. "Para sayo yan Bonenay, sa abuela ko yan ibinigay niya sakin.  Sabi niya ibigay ko lang daw yan sa babaeng nais kong pakasalan. At ikaw iyon,  bata pa man ako pero batid ko ng ikaw ang nais kong pakasalan.  Kaya promise mo sakin kahit hindi man tayo agad magkita, promise mo sakin na wag mo akong kakalimutan at wag na wag mong iwawala ang kwentas na iyan.  Iyan ang magiging daan para makilala kita agad. Pero babalik ako kaagad, promise ko yan," mahabang pahayag nito.  Bata pa man siya pero batid na niya ang mga sinabi nito. Agad nanamang namalisbis ang luha sa kanyang mga mata. Umiling-iling siya habang mahigpit na hawak ang braso nito, ang nais niyang sabihin dito ay wag itong umalis. "Tahan na, mas mahihirapan ako niyan eh mag aalala ako sayo ng husto niyan. Wag ka ng umiyak ha, kelangan ko ng umalis Bonenay.  Babye na, mag-iingat ka palagi ha. Wag kang mag-alala, babalikan kita pangako yan," muling alo nito sa kanya tsaka inalis ang kamay niya sa braso nito at tuluyan ng tumalikod.  Ibinuka muli niya ang boses, paulit-ulit siyang nagsalita ng 'Kuya' habang umiiyak, sa una wala talagang lumalabas pero laking gulat niya ng may lumabas ng boses doon.  "Kuya! Kuya Thirdy!" malakas niyang sigaw. Manghang napalingon ito at agad na tumakbo pabalik sa kinaroroonan nya.  ITUTULOY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD