Naglalaro ang batang si Janna sa kanyang silid ng may marinig siyang ingay mula sa silid ng kanyang mga magulang. Hinayaan lamang niya iyon, ngunit nagulat siya ng may marinig siyang sumigaw at may parang pumutok ng tatlong beses. Tumayo siya mula sa pagkakaupo, dala ang kanyang barbie doll at nagtungo sa silid ng kanyang mga magulang.
"M-Mama! Papa!" sigaw niya ng makita ang mga magulang na nakabulagta sa sahig, umaagos ang dugo at wala ng buhay. Maging ang lalaking nagpupunta sa kanilang bahay na pinakilala sa kanya ng kanyang Mama na si Mang Ernie ay wala na ring buhay, wala rin itong saplot katulad ng kanyang Ina ay naliligo din sa sariling dugo.
Hindi niya alam ang kanyang gagawin, lumapit siya sa kanyang Papa na noo"y dilat na dilat ang mga mata habang umaagos ang dugo mula sa ulo nito.
"Papa, bangon ka na po diyan laro tayo," wika niya dito habang ginagalaw ito na tila ginigising. Matagal na rin kasi ng huling umuwi ang kanyang Papa, isang itong sundalo at kong saan-saang lugar ito nadi-destino. Kaya naman sabik na sabik siya kapag umuuwi ang kanyang Papa.
Ngunit kahit anong galaw niya dito, maging sa kanyang Ina eh hindi kumikilos ang mga ito. Umiyak na siya ng umiyak lalo na ng malagyan ng dugo ang kanyang kamay. Takot na takot siya habang umiiyak ng malakas. Lumabas siya ng silid ng mga ito, nagtungo sa kanilang terrace at doon umiyak ng umiyak habang paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ng kanyang mga magulang. Pilit niyang inaalis ang dugong napunta sa kanyang kamay, pinahid niya iyon sa kanyang damit pati na ang dugo na napadikit sa kanyang doll. Hanggang sa mapansin siya ni Nanay Inggrid, ang kanilang kapitbahay.
"Oh Janna, bakit ka umiiyak? Tsaka ano iyang nasa kamay at damit mo?! Dyosko, dugo! Napaano ka?! Dyoskong bata ito, nasugatan ka ba?! Nasaan ang Mama mo?" sunod-sunod na tanong nito tsaka tiningnan ang kamay niya kong may sugat.
Umiyak lang siya, hindi niya ito magawang sagutin.
"Abang bata ka! Wala ka namang sugat, saan mo nakuha ang dugong iyan?!" tanong nito, halata ang pag-aalala.
Pinahid niya ang kanyang luha maging ang sipon na humalo na sa kanyang mukha, maging dugo na naiwan sa kanyang kamay ay napunta na sa mukha niya. Kaya naman ang may edad na kapit-bahay ng mga ito ay pinunasan ang mukha ng bata gamit ang laylayan ng sariling damit.
"Dyosko, ano bang nangyari sa iyong bata ka," sabi nito sa kanya. "Jasmine! Jas, nasaan ka ba?" tawag naman nito sa kanyang Ina.
Hindi siya nagsalita pero itinuro niya ang kwarto ng kanyang mga magulang. Nagtungo ito doon at...
"Dyosko! Mahabaging langit! Tulong! Tulungan nyo kami!" sigaw nito tsaka tumakbo ito sa labas para makahingi ng tulong sa mga kapit-bahay pa nila.
Nagkagulo na sa kanilang bahay. Marami na ang mga taong nakiki-usyoso pero hindi hinahayaan ng ilang mga sangay ng barangay nila na may makalapit mismo sa kwartong pinangyarihan ng krimen. Ilang sandali pa, nagsidatingan na rin ang mga polisya. Siya naman ay dinala ni Nanay Inggrid sa bahay ng mga ito kaya wala na siyang alam sa nangyari sa kanilang bahay.
"Janna! Dyosko, ang kaawa-awang kong pamangkin!" umiiyak na bulalas ng kanyang Tita Mylene pagkakita sa kanya. Niyakap siya nito pero hindi niya alam kong bakit ito umiiyak.
"Nanay Inggrid, salamat po sa pagtawag ninyo sa akin ha. Aasikasuhin ko po muna ang Ate ko pati na ang asawa nya, pwede po bang kayo na po muna ang bahala sa pamangkin ko. Dyosko, parang hindi ko po ito kakayanin Nanay," umiiyak nanamang wika nito kay Nanay Inggrid.
"Naku lakasan mo ang loob mo Mylene, ikaw na lamang ang nag-iisang aasahan nitong si Janna. Napakabata pa niya para maging ulilang lubos. Nasaksihan pa ng bata ang nangyari sa mga magulang niya kaya nangangailangan siya ng iyong gabay at pagmamahal," malungkot na wika naman ni Nanay Inggrid habang nakatingin kay Janna na walang kamuwang-muwang sa mga nangyayari. Patuloy lamang ito sa paglalaro ng kanyang barbie doll na may bahid pa ng dugo.
"Oo nga po Nanay, kayo na po muna ang bahala sa kanya ha. Mamaya po kapag naisaayos na ang lahat, dadalhan ko siya ng damit para makapagpalit dahil may mga bahid ng dugo ang kanyang damit. Kawawa naman ang pamangkin ko, Dyosko bakit nangyari ang trahedyang ito," wika naman ni Mylene na napahikbi nanaman.
"Sige na Mylene, baka kailangan ka na doon. Ako na ang bahala dito kay Janna," wika naman ni Nanay Inggrid.
"Salamat po." iyon lang at umalis na ang tita ni Janna.
Inabot ng gabi bago natapos ang pag-iimbistiga at lumabas sa imbistigasyon na ang suspek ay ang mismong tatay ni Janna. Naabutan nito ang asawa at ang kabit nito na kasalukuyang gumagawa ng milagro sa mismong silid ng mga ito kaya nagdilim ang paningin ng ama ni Janna, pinatay nito ang dalawa gamit ang sariling baril at matapos iyon, binaril din nito ang sarili.
Naging usap-usapan sa lugar na iyon nina Janna ang trahedyang nangyari, isang linggo lang nilamayan ang mag-asawa bago sila nagpasyang ipalibing na ang mga labî nito. Matapos iyon, isinama na si Janna ng kanyang Tita Mylene sa kanilang bahay sa kabilang baranggay. Kahit anong pilit ni Mylene ay hindi na talaga pa nagsalita si Janna, palagi lang itong nasa isang sulok at tila palaging balisa at animo laging may kinakatakutan. Nais sana niya itong madala manlang sa doctor para mapacheck-up pero mahirap lamang siya, isa lamang siyang trabahador sa malaking farm sa kanilang bayan at sapat lamang ang kanyang kita at ng kanyang asawa sa pang-araw-araw na gastusin.
Isa pa hindi nagustuhan ng kanyang asawa ang pagsama niya kay Janna sa kanilang bahay. Nagdala pa daw siya ng isa pang pabigat at palamunin. Ngunit kahit na ganon, hindi niya pwedeng hayaan ang kanyang pamangkin. Siya na lamang ang aasahan nito dahil sila nalang ang natitira nitong kamag-anak, sa side naman ng Tatay nito nasa malayong lugar din ang mga kaanak nito. Wala rin naman itong mga kapatid dahil ang alam niya nag-iisa lang din itong anak at patay na rin ang mga magulang nito.
Awang-awa siya sa kanyang pamangkin, naluluha na nayakap na lamang ito. Tila nangangatog kasi ito at panay ang takip ng tenga.
ITUTULOY