Chapter One:
“Jerimiah!” Napalingon ako sa sumigaw. Nakita kong papalapit si Aljon sa akin at may bitbit pang cartolina. Nakangiti siya sa akin at may nakasabit pang panyo sa kanyang kanang balikat.
“Bakit?” tanong ko ay isinabit na ang bag ko sa balikat ko.
“Wala naman my friend! I just miss you!” At ang g*go ay hinalikan pa ako sa pisngi. Kahit kailan talaga ang baboy niya.
“Ang g*go naman eh!” reklamo ko at tinulak siya palayo sa akin. Tinapunan ko siya ng masamang tingin habang pinupunasan ang pisngi ko. Kadiri, may laway pa. Mamaya may virus ito. Uso pa naman ang mga sakit ngayon.
“Ouch! You hurt my feelings!” At umarte pa siyang nasasaktan.
Pagpasensyahan niyo na iyang kaibigan ko. Kulang sa buwan yan noong pinagbubuntis ng nanay niya.
“Kumusta ang report? Parang ‘di mo nagamit iyang cartolina mo ah,” sabi ko at nagsimula ng maglakad palabas ng campus.
“Ah speaking of report, bokya yata ako eh,” sagot niya at humawak sa batok. Mannerism na niya iyan kapag may palpak siyang nagawa.
“Malamang palpak ka na naman. Ano ba nangyari?”
“Eh pano ba naman my friend, ang ganda na ng flow ng report ko. Bigla ba namang nagtanong yung honor student na si Haji. Ayun, ‘di ko nasagot tanong niya. Ang epal niya! Kapag siya nagrereport hindi naman ako nagtatanong tapos nang ako na babatuhin niya ako ng mga tanong. Hindi ko na tuloy naipakita itong drawing ko.” Binuklat niya ang cartolinang hawak niya. Tumambad sa akin ang kanyang obra, larawan ni Andres Bonifacio at ang ilang katipunero ang kanyang iginuhit. Madalas ko itong makita sa Kartilya sa Maynila.
“Bakit ‘di mo pinakita? Sayang iyang drawing mo.”
“Kasi si prof pinaupo na ako kasi nga hindi ko nasagot ang tanong ni Haji. Kamot-ulo akong umupo. Epal kasi ni Haji! Eh ‘di siya na matalino!”
“Akin na lang iyang drawing mo. Ididisplay ko sa kwarto ko,” sabi ko at kinuha na ang cartolina sa kanya. Ibinigay naman niya ito sa akin. Bilib talaga ako sa talent ng kaibigan ko, napakagaling gumuhit.
“Sure. Kapag sa bahay baka itapon lang ni daddy yan. Alam mo naman ‘yun, ayaw makakita ng mga drawings ko. Nagsasayang lang daw kasi ako ng oras sa pagdo-drawing.”
“Talent mo ito bro. Be proud of it,” sabi ko at nakarating na kami sa gate ng school.
Ako pala si Jerimiah Cortez. Isa akong scholar dito sa St. Mary's University. Isa akong 3rd year Education student major in social studies. Ito namang kaibigan ko ay si Aljon Soriano, isang Polsci student.
“My friend, sabay ka na sa akin! Ayan na yung sundo,” sabi niya sa akin ng makita ang sasakyan nila na nakapark sa may tawid. Okay sana ang offer niya kaso baka kasi nandoon ang tatay niya. Nakakatakot pa naman ang tatay ni Aljon.
“Ha? ‘Wag na. Baka nandyan daddy mo. Okay lang ako, may jeep naman eh.”
“Wala si dad. May court hearing si dad sa Cebu kaya wala siya ngayon. Kaya tara na.” At wala na akong nagawa ng hilahin na niya ako papunta sa itim na SUV.
Pagpasok namin ay agad ngumiti ang driver niya na si Mang Fidel. Nakasuot ito ng puting polo at nakashades pa. Akala mo bida sa MIB na pelikula.
“Magandang hapon Mang Fidel,” bati ko ng makasakay sa loob. Tumabi naman sa akin si Aljon.
“Magandang hapon din, Jerimiah.” Tahimik lang kaming bumayahe pauwi. Naghihilik na nga si Aljon eh. Mukhang pagod na pagod dahil sa reporting niya kanina.
“Mang Fidel, dito na po ako. Maraming salamat,” sabi ko at bumaba na ng sasakyan. Ngumiti naman sa akin si Mang Fidel at tumango. Si Aljon ay tulog na tulog pa din.
“Walang anuman, Jeri. Mag-iingat ka,” sabi niya bago ko isinara ang pinto at pinanuod ang paglayo nila.
Tumalikod na ako at tiningnan ang daan pauwi sa bahay. Pinagmasdan ko pa ang arko bago pumasok.
Saint Gabriel Cemetery
Tama kayo ng basa. Nasa isang sementeryo ako. Dito ako nakatira. Dito sa sementeryo kami kumukuha ng pangkabuhayan. Pamilya kami ng mga sepultulero. Mula sa lolo ko hanggang sa bunso namin ay sepultulero. Kami ang nangangalaga sa mga puntod dito. Kumbaga, kaharian naming itong sementeryo ng Saint Gabriel.
Pagdating ko sa maliit naming bahay ay naabutan ko si nanay na nagluluto, at si Anya naman ay nagtutupi ng mga nilabhang damit.
“Andito ka na pala, Jeri. Kanina ka pa hinihintay ng tatay mo. Mukhang may iuutos sa’yo,” sabi ni nanay habang binabaligtad ang pinipritong isda.
“Sige ‘nay, hanapin ko si tatay. Gagawa muna ako ng assignment ko,” sagot ko. Inilapag ko na sa maliit naming lamesa ang bag ko. Nagbihis ng pambahay at sinimulan ko ng basahin ang lesson namin para bukas. Wala pang kinse minutos akong nag-aaral nang marinig kong sumisigaw si tatay.
“Jeri! Jerimiah!” sigaw ni tatay.
“Bakit ‘tay?” tanong ko pagkadungaw ko sa bintana. May hawak siyang timba na aaminin ko naman ay nanghihitata na dahil ito ang pinaglalagyan niya ng semento, may pala din siyang dala. Mukhang may inilibing ngayong araw.
“Lumabas ka nga dito,” utos niya. Napabuntong hininga ako at binitawan ang hawak kong libro.
“Bakit ‘tay?” Alam kong natunugan ni tatay ang pagkairita sa boses ko. Pasensya na, gusto ko lamang kasi magpahinga muna at mag-aral pero mukhang malabo mangyari iyon.
“Linisin mo ang musuleo ng Alcaraz. Darating bukas ang kaanak ng mga iyon,” utos niya. Tiningnan ko si Tatay na para bang tinubuan siya ng isa pang ulo. Lumabas na ako ng bahay at nilapitan siya.
“Ngayon na ‘tay?” tanong ko. Nagulat ako ng bigla akong hampasin ni tatay ng walis tingting na kinuha niya sa isang tabi.
“Aba'y oo! Alangan namang bukas ka pa maglilinis?!”
“Eh ‘tay…” Napatingin ako sa kalangitan at halos lubog na ang araw.
“Jusmiyo Jerimiah! ‘Wag mong sabihin natatakot ka?! Bata ka palang dito ka na nakatira!”
“Hindi naman sa takot ‘tay. Pero—”
“Walang pero-pero! Maglinis doon! Bilis!” At hinagis na niya sa akin ang walis at mop. Kamot-ulo kong pinulot iyon at nagtungo sa musuleo ng Alcaraz.
Hindi naman ako takot, sabi nga ni tatay ay dito kami nakatira pero kasi may kakaiba sa musuleong iyon. Ewan ko ba pero may iba akong nararamdaman. Pakiramdam ko nabubuhay ang mga nakalibing doon pagsapit ng gabi. Kakaiba din kasi ang musuleong iyon. Hindi pangkaraniwan. Walang nitso sa loob ng musuleo. Tanging kabaong lang na nakahilera. Ang alam ko may walong kabaong nandoon.
Pagdating ko doon ay binuksan ko ang ilaw at tumambad sa akin ang walong itim na kabaong. Sa tingin ko pang-18th century pa ang design ng mga kabaong na nandito. Ewan ko ba sa pamilya ng mga patay na ito. Hindi sila nilibing. Nakahilera lang sila sa lapag.
Dapat pinagbabawalan ng pamunuan ng sementeryo ang ganito eh. Sabagay mukhang mayaman ang angkan nito. Nakakapaglagay siguro sila sa mga opisyal dito.
Habang naglilinis ako ay nakakarinig ako ng konting kaluskos mula sa mga kabaong. Hindi ko na lamang pinapansin at iniisip na pinaglalaruan ako ng aking pandinig.
Malaki ang musuleong ito. May isang kuwarto dito na kahit kailan hindi ko nakitang bukas. Sinabi sa amin na huwag bubuksan iyon. Bata palang ako isinasama na ako nila tatay sa paglilinis dito at lagi kong napapansin ang pintong iyon.
Hay, bakit kasi ngayon lang pinalilinis. Kung kailan gabi saka ipapalinis. Kung ano-ano tuloy ang naiisip ko.
Napalingon na naman ako sa mga kabaong dahil nakarinig na naman ako ng kakaibang tunog. Tila may kumakatok sa kanila.
Naku! Mukhang may kakaiba na dito. Makaalis na nga!
Dali-dali kong kinuha ang mga ginamit ko ng bigla akong mapatalon sa gulat. Nabitawan ko tuloy ang walis at mop. Napatingin ako sa kuwartong iyon.
Alam ko doon nanggaling ang ingay. Tila may mabigat na nahulog. Lumapit ako doon at unti-unti kong pinihit ang door knob. Nanlaki ang mata ko ng malamang hindi iyon nakalock.
Dahan-dahan akong sumilip. Madilim ang loob kaya binuksan ko ng husto ang pintuan para pumasok ang liwanag sa loob.
Napaatras ako sa nakita ko. Isang babae. Mahaba ang buhok nito at tila kababangon lang mula sa mahabang pagkakahimbing. Nakaupo siya sa loob ng isang pulang kabaong.
Halos napigil ko ang aking hininga ng tumingin siya sa akin. Ngayon lang ako nakakita ng isang pares na pulang mata.
Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng ganoong pares ng mga mata.