“DARLYN, hindi ka ba maghahapunan?” narinig niyang tanong ni Erica. Bahagya niyang iniangat ang mukha mula sa pagkakasubsob niya sa unan at tiningnan ito. May kakaibang ngiti na naman sa mga labi nito. “Hindi ako gutom. At bakit ganyan ka makatingin?” walang buhay na tanong niya. Naging hagikhik ang ngiti nito. “Dahil kanina nang makabalik kami ni Alex mula sa paglalakad namin sa dalampasigan, may nasaksihan kaming napakainteresanteng eksena,” sabi nitong tiningnan pa siya ng makahulugan. Naramdaman na naman niya ang pag-iinit ng mukha niya sa ipinapahiwatig ng tingin nito. Muli niyang isinubsob ang mukha sa unan. “Kakalbuhin ko talaga ang lalaking iyon! Wala siyang ginawa sa buhay kung hindi ang inisin at ipahiya ako!” sabi niya. Lalo siyang naiinis dahil naalala niya pa rin hanggang n