Parang may bumarang mansanas sa lalamunan ko, hindi ako makalunok sa sobrang kaba sa biglaang pagdating ni Josefina. Masama ang timpla niya. Matalas na bumaba ang tingin niya sa kamay ko na nakatago sa likuran ko.
"A-Ano pong ginagawa niyo rito sa kuwarto ko? Akala ko magsisiyesta ka muna?" tanong ko sa panghihimasok niya.
"Anong salisi gang? At ano 'yang tinatago mo riyan?" sinubukan niyang sumilip sa likuran ko pero umiwas ako.
"S-Sabi ko sinigang. Tsaka anong tinatago? W-Wala naman akong tinatago."
Kumunot ang nagtataasan niyang mga kilay. "Ayoko ng empleyadong sinungaling. Tatanungin kita uli at gusto kong magsabi ka ng totoo, Ramona. Ano 'yang tinatago mo?"
"Sinagot ko na kayo. Wala akong tinatago. Eh kayo po ano 'yong tinatago niyo sa'min ni Edgar?" tanong ko pabalik.
"Anong tinatago ang pinagsasabi mo riyan? Tinatanong kita kaya sumagot ka ng maayos, ha. Pinaiinit mo ang ulo ko." Dinuro niya ko sa inis.
"Pumasok kayo sa kuwarto ko ng walang pasabi tapos kayo pa ang nagagalit? Kung may dapat magalit dito ako 'yon. Pa'no kung naabutan niyo kong hubad o nagbibihis? Pareho po tayong babae pero kahit na, kailangan ko rin ng privacy. Kung papasok kayo pwede namang kumatok muna." litanya ko, inunahan na ang galit niya.
Inis siyang nagpamaywang, napapahahiyang iniba ang usapan. "Nanggaling ka ba sa kuwarto ko?"
"H-Ha? Ano namang gagawin ko sa kuwarto niyo?"
"'Wag mong sagutin ng isa pang tanong ang tanong ko bata ka!"
"Hindi ako nanggaling do'n!" pagtatanggi ko. Palakpakan niyo ko, ako na ang sinungaling ng taon.
"Kung hindi ka pumasok bakit bukas ang pinto aber?! Iniwan ko 'yong nakasara!"
"A-Aba malay ko po? Baka naman dinalaw kayo ng senyorito at siya ang nagbukas no'n, 'di ba?"
Parang bulkan na siyang puputok sa galit. "Oh, sige kung wala ka talagang tinatago ipakita mo 'yang kamay mo sa'kin ngayon din!"
Pilit niyang sinilip 'yung likuran ko pero umilag ako kaya nagpaikot-ikot lang kami hanggang sa pareho na kaming mahilo.
"Ramona!" saway niya sa'kin.
"Josefina!" wala sa sarili kong nasabi.
"Aba't—"
"B-Biro lang po na-carried away lang ako!"
"Ikaw lang talaga ang nakapagpapataas ng presyon ko bata ka!" gigil na gigil na siya.
Pinakita ko na 'yong kamay ko para matigil na siya. "Oh, ayan na po! Wala naman akong tinatago sabi ko sa inyo, eh."
"Lintik na— bakit kasi hindi mo na lang pinakita agad kung wala naman pala? Pinasasakit mo pa ang batok ko!"
"Nakakahiya naman pong sabihin na nangangati 'yung pwet ko at 'yan ang pinangkamot ko. Oh, kung gusto niyo hawakan ang kamay ko kunin niyo na! Dali!" Nilahad ko sa kanya 'yung kamay ko pero nasusuka niya 'yong iniwasan. Lihim akong natawa, kung tingnan niya 'yon akala mo tae. Paniwalang-paniwala siya na nangati ang pwet ko.
Mabilis kong tinago 'yung mga susi sa cabinet kanina kaya hindi niya na naabutang hawak ko 'yon.
Pasimple kong kinindatan si Chim-chim sa tabi niya. Buti na lang pinatayan niya kami ng ilaw kanina kaya naitago ko pa 'yung mga susi. Deserve ng nakshie kong 'to mabigyan ng reward. Ano kayang maganda?
NARANASAN NIYO NA bang mapanaginipan ang isang estranghero? Hindi mo pa siya nakikita sa totoong buhay pero sa panaginip ay parang matagal mo na siyang kilala. Hindi siya kilala ng isip mo pero ng puso mo oo. Gano'n ang nararamdaman ko ngayon sa loob ng lucid dream.
Kasalukuyan kong tinatahak sa mundo ng panaginip ang bukirin na tanging daan papunta sa misteryosong puno ng balete na kumuha ng atensyon ko. Luntian at makulay ang bukid pero sa gawi ng balete ay nangingitim at nakukumutan ng lantang halaman at mga bulaklak ang kalupaan.
Kumaway ako sa lalaking nakaupo ro'n. Kanina pa siya nakatanaw sa'kin pero walang pagkilos mula sa kanya kahit magtatalon pa ko rito para pansinin niya. Ako na nga 'tong lumalapit pero siya pa 'tong suplado.
"Ang ganda rito, 'no? Bakit hindi ka pumunta sa bukid? Mas maganda ro'n, mas sariwa ang hangin at damo kaya maraming baka, tupa, at kalabaw na nagpapahinga." masaya kong bati sa kanya nang magtagpo kami sa ilalim ng puno.
"Mas komportable ako sa dilim," mailap niyang sagot.
"May ganyan ngang mga tao." Matamis akong ngumiti at umupo ilang dipa mula sa kanya.
Mapagprotesta niya kong tiningnan pero mukhang natutunan niya na lang tanggapin na nakaupo na ako dahil hindi na siya nagsalita pa.
Tahimik naming pinagmasdan ang bukirin na maituturing na tagong paraiso. Paminsan-minsan ay sumisimple ako ng tingin sa kanya at kapag nahuhuli niya ako ay pinanlilisikan niya ako ng mata habang sinusuklian ko naman siya ng napapahiyang ngiti. Gusto ko itanong kung bakit ang init ng ulo niya pero baka hindi lang maganda ang araw niya.
Naisip ko bigla kumain ng manggang hinog kaya niyaya ko siya.
"Gusto mo ng mangga?" tanong ko.
"I don't eat." sa punto ng pananalita niya ay mukhang galing siya sa mayamang pamilya.
"Hindi ka kumakain?" I chuckled. "Kung hindi ka kumakain edi sana patay ka na."
"Patay na nga ako kaya hindi ako kumakain."
Hindi ko matantiya kung seryoso ba siya o hindi.
"Wala sa itsura mo na marunong ka magbiro. Hmm, sige kung ayaw mo kumain edi ako na lang. Basta 'wag ka maglalaway d'yan, ah. Matamis 'tong mangga ko."
"Mangga? Wala ka namang dala."
Natawa ako. Gusto niya rin naman pala pakipot pa.
Gamit ang kakayahan kong manipulahin ang panaginip ko sa lucid dream ay buong pagmamalaki kong pinalabas ang isang basket ng manggang hinog sa tabi ko.
"Tada! Anong wala? Mayroon kaya akong dala." Naliligayahan kong kinuha 'yung isang mangga para balatan. Nang kagatin ko 'yon ay kinilig ako sa sobrang tamis no'n.
"Unbelievable." ungot niya.
Mapanukso ko uli siyang inalok. "Ano ba? Kakain ka o hindi?"
"Hindi." Suplado siyang nag-iwas ng tingin.
"Sus hindi raw pero naglalaway ka na diyan." Umusog ako palapit para pabirong punasan ang sulok ng kunwari'y naglalaway niyang labi. Pag-angat ko ng tingin ay nagkatitigan kami.
Sa ganitong tagpo ay mag-e-expect ka na ng romansa pero hindi gano'n ang nangyari. Nanghilakbot ako nang makita ang kamatayan sa mga mata niya— may diyablo ro'n na gusto akong isama at dalhin sa walang hanggan na kadiliman. Natakot ako kaya gamit ang kakayahan ko ay sinubukan ko nang pawalain ang binata pero hindi na 'yon gumana.
This man is invading my dream. Inaagaw niya 'to sa'kin.
"U-Uuwi na ko." nagtangka akong tumayo pero mahigpit niya kong pinigilan sa braso.
Tumambol ang dibdib ko sa kaba lalo na ng buktot siyang ngumisi.
"Kararating mo lang aalis ka na?"