Chapter 3: Hired

1148 Words
Napagkasunduan namin ni Juday na habang nag-ke-caretaker ako ay sa kanya muna tutuloy si Mama. Tutal nakatira naman siya sa second floor ng parlor niya, pwedeng tumulong-tulong si Mama sa kanya para mapagaan ang trabaho niya. Tuwang-tuwa nga rin siya dahil kapag nandito si Mama ay may nanay-nanayan na siya, may kachikahan pa siya tungkol sa mga boylet niya. Gabi bago ako sunduin papunta sa Malolos ay nag-asikaso na ako ng mga gamit na dadalhin ko. By 'gamit' hindi mga damit at bagahe ang ibig kong sabihin kundi mga pangontra sa maligno. Kompleto ako sa asin, bibliya, rosaryo, holy water, at buntot ng pagi. Mayroon pa akong bote ng kumukulong langis na may krus sa loob. Bigay 'to ng mga kakilala ko sa simbahan, proteksyon daw laban sa mga mambabarang at mangkukulam na baka magamit ko sa probinsya. Sabi nga ni Juday ang OA ko raw. Nasa lost city of Biringan daw ba 'yung haunted house na babantayan ko at kailangan ko ang lahat ng 'to? Nainis ako kaya winisikan ko siya ng langis. Ayun, nag-amoy kapre siya! I think dasurv. Nakuryoso si Chim-chim na lumabas mula sa kawalan; siya 'yung multo ng batang babae sa ospital. Hindi niya na ako nilubayan kaya pinangalanan ko na lang siya. "'Wag mong hahawakan ang alin man sa mga gamit ko, ha? Baka mapa'no ka." bilin ko sa kanya. Nagpatuloy ako sa pag-iimpake habang nanonood siya. Bigla kong naalala 'yung striktang matanda na umupa sa'kin. Tinanong ko siya tungkol sa senyoritong nagmumulto pero pinagbawalan niya akong mag-usisa. Kapalit no'n ay binigyan niya ako ng paunang bayad para hindi na ako magtanong ng kung ano-ano. Mas nakakaduda lang tuloy lalo. "Wala ka bang napansing kakaiba sa matandang 'yon, Chim-chim? Pakiramdam ko may tinatago siya." tanong ko sa bata. Tumango lang siya na hindi palasalita. Natawa ako ng pumorma siyang parang boksingero na handa akong ipagtanggol kahit kanino. "Aasahan ko ang tulong mo sa pagtataboy ng masasamang elemento, Chim. Matalino kang bata at natatangi ang nakikita kong potensyal sa'yo." "Ramona?" Kumatok si Mama sa pinto ng kuwarto kaya agad kong pinagtago 'yong bata. Sarado ang third eye ni Mama pero malakas ang pakiramdam niya. "Pasok ka, Ma." paanyaya ko sa kanya nang makaalis na si Chim-chim. Napangiwi siya pagkabukas na pagkabukas ng pinto. "Mona, bakit amoy putok dito? Hindi ba sabi ko sa'yo gumamit ka ng tawas dahil pawisin ka?" "Ma, pawisin lang ako pero hindi naman ako amoy putok grabe ka sa'kin. 'Yung sibuyas 'yon na nakahalo rito sa mga bawang!" Natawa siya. "Anak, nagpapaalala lang. Kaganda mong babae pero amoy sibuyas ka, hindi ka na makakahanap ng mapapangasawa niyan." "Hindi talaga ako maghahanap. Hindi naman sa pagmamayabang pero kusang lumalapit sa'kin ang mga lalaki." Umupo siya sa gilid ng kama na pinaghahatian namin. "Kamukha mo kasi ang iyong ama. Mukha kang Koreana na maputi at makinis. Noon pa nga kita gusto isali sa mga pageant, ikaw lang ang may ayaw. Sayang ang gandang bigay sa'yo ng papa mo." Natigilan ako sa pag-zi-zipper ng bag. "'Walang binigay sa'kin ang taong 'yon, Ma. Wag mo na ring binabanggit ang taong matagal nang patay." "Anak, 'wag kang magsalita ng ganyan hindi pa patay ang papa mo." "Pero iniwan niya tayo para sumama sa nabuntis niya noong babae, 'di ba? 'Yung maginhawa sana nating buhay nagkandaleche-leche dahil hindi siya tapat na asawa at hindi responsableng ama. Pinabayaan niya tayo so to me kahit anong sabihin mo he's good as dead." inis akong tumayo mula sa pagkaka-Indian seat para tumungo sa aparador. Mabuti na lang hindi na siya nagsalita pa. Palagi kaming nagkakasagutan kapag ama ko na ang pinag-uusapan dahil pinagtatanggol niya pa ang lalaking 'yon na wala namang mabuting idinulot sa'min. HINDI AKO NAKATULOG masyado kinagabihan. May nakikita kasi akong anino ng binata na pabalik-balik na naglalakad sa labas ng pinto ng kuwarto namin no'ng alas tres ng madaling araw. Minsan ay bubukas pa ng kaunti ang pinto ng kuwarto, akala ko sisilip siya pero hindi pala. Mukhang pareho lang kaming nagpapakiramdaman. Una kong napansin 'yung anino no'ng nasa ospital pa si Mama. Ngayong nandito na kami sa bahay ay sigurado akong sinusundan nga ako nito kahit saan ako magpunta. Hindi siya kagaya ni Chim-chim kaya kailangan kong matanggal ang pagkakadikit niya sa'kin bago pa siya matutong makapanakit. Kinabukasan ng alas sais ay dumating ang striktang matanda para sunduin na ako. Nakasakay siya sa puting van at may kasamang driver, wala nang iba pa. Habang nasa biyahe kami ay pormal na siyang nagpakilala bilang mayordoma ng pamilya Conte— ang pangalan niya ay Josefina. Ang aga-aga pero nakabusangot siya. Ni hindi pa kami nag-uumpisa sa trabaho ay masama na ang tingin niya sa'kin sa rear view mirror ng sasakyan. "May problema po ba?" alanganin akong ngumiti. "Ano 'yang nasa leeg mo?" "Oh." Pinakita ko maigi sa kanya. "Bawang po." "Alam kong bawang pero bakit nakakuwintas pa riyan sa leeg mo?" "Pangontra po sa mga maligno." may naisip akong kapilyahan. Pinanakot ko sa kanya 'yung kuwintas ng bawang na para akong nagtataboy ng demonyo gamit ang rosaryo. "A-Ano ba?! Nasisiraan ka na ba ng ulo bata ka?!" tinataboy niya 'yong bawang pero pilit ko 'yong tinutulak sa mukha niya. "'Wag kayong malikot tinitingnan ko lang kung masusunog po kayo!" "Ano?! Anong palagay mo sa'kin aswang?!" "Kamukha niyo po kasi 'yung mga picture ng mangkukulam na naghahalo ng dinasalang tubig sa higanteng palayok! Naninigurado lang ako!" Mahinang tumawa 'yung driver. Dinamay ko rin tuloy siya at makulit na hinilamusan ng pagkarami-raming bawang. "Dios Mio, Ramona! Pati ba naman si Edgar!" palakat ni Josefina. Inagaw niya sa'kin 'yung kuwintas ng bawang at pinambatok 'yon sa'kin. "Araguy!" "'Wag ka nang hahawak uli ng bawang bata ka!" Ngumuso akong parang paslit habang pinagagalitan niya. Lumitaw si Chim-chim na namimilipit ang tiyan sa paghagikhik. Nilakihan ko nga siya ng mata pero nahuli ako ni Josefina kaya mapagkunwari na lang akong ngumiti at nagpakabait buong biyahe. Kalaunan ay para akong batang hindi maihi sa kinauupuan. Hindi ko na rin napigilang maglikot at magsalita kaya nagtanong ako. "Nag-almusal na po kayo? Baka puwede naman tayong dumaan sa drive thru. Hindi pa ako nag-aagahan, medyo nagugutom na kasi ako." "Anong gusto mong kainin aber? Malapit na tayo ipagluluto na lang kita sa bahay," sagot ni Josefina. Napaisip ako. "'Yung kakainin ko, kakainin niyo rin?" "Aba s'yempre. Anong klaseng tanong 'yan?" "Sige, gusto ko po ng garlic buttered shrimp." Lumingon siya sa'kin at sinamaan ako ng tingin. "Bata ka gusto mo lang akong pakainin ng bawang, ano!" "Hindi po, ah." Painosente akong sumipol. "Tumigil ka na sa bawang bawang na 'yan at amoy putok ka na. Kahit ang senyorito mahihiya nang magmulto sa amoy mo!" "Hmp." Pumreno ang driver kaya natigil kami sa pagbabangayan. Nang patayin niya ang makina ng van ay doon ko lang napansin na nakaparada na pala kami sa harap ng mataas na marble fountain. "Nandito na po tayo." imporma niya sa'min.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD