Sumisigaw ang doktor at nakikiusap na padaanin sila habang pinangungunahan niya ang pagtulak sa stretcher na dadalhin sa Operating Room.
Natulala ako sa binatang nakahiga sa stretcher na 'yon. Walang siya malay, ni hindi ko masabi kung buhay pa ba siya dahil nahihilamusan siya ng dugo tapos 'yung suot niyang business attire ay may nakatusok pang mga bubog. Sa itsura niya ngayon kahit siguro mga kaanak niya ay hindi siya makikilala.
Parang nag-slowmo ang lahat nang mahuli ko ang tuluyang pagbagsag ng lantang gulay niyang kamay sa stretcher. Kulay ube na ang mga kuko niya. Binawian na ba siya ng buhay?
"Grabe 'yong aksidente do'n sa highway, 'no? Hindi ka talaga bubuhayin no'n nabalataan 'yong bubong ng kotse, eh." narinig kong usapan ng nurses sa likuran ko.
"'Yong kasama niya dead on arrival."
Ang lalaking ito pala ang dahilan ng traffic kanina. Siya pala 'yong nadisgrasya.
Nahintakutan ako pagkakita sa mga patak ng dugo na iniwan niya nang makapasok na sila sa Operating Room. Marami-rami rin ang nawalang dugo sa kanya.
Naghintay ako ng ilang saglit sa labas ng OR dahil baka makita ng third eye ko ang kaluluwa niyang lalabas mula ro'n pero wala naman akong nakita. Natitiyak kong lumalaban pa siya.
Naglaan ako ng minuto para ipanalangin ang kaligtasan niya. Habang nagdarasal ay naririnig ko ang mga nagmumultong kaluluwa sa palapag ng ospital. Hindi ko sila napansin kanina dahil siguro abala ako kay Mama at hindi nag-fo-focus ang psychic ability ko. Ngayon alam ko nang hitik sa kanila ang ospital. They're everywhere; bata, matanda, at maski sanggol. May lumapit pa sa'king paslit na babae.
"Pasensya ka na hindi kita masasamahan at may kailangan pa akong gawin," paumanhin ko sa kanya. Iiwan ko na sana siya pero hinawakan niya ako sa kamay. "Uhm, gusto mo sumama?"
"Sama." sa pagngiti niya ay ngumiti rin ang singkit niyang mga mata. Ang taba-taba rin ng pisngi niya.
"Sige, isasama kita pero quiet ka lang, ha? Matatakot sila kapag nakita ka, eh. Bawal rin paglaruan ang mga tao. Malinaw ba 'yon?" kondisyon ko. Masunurin naman siyang tumango.
Hawak-kamay naming tinahak ang daan papunta sa Billing ng ospital. Nasa dulo na kami ng corridor, palayo na sa Operating Room nang bigla akong kilabutan at makaramdam ng panlalamig sa katawan. Parang may hamog na agresibong pumulupot sa baywang ko. Maski ang batang kasama ko ay nagtaka kaya napatingin siya sa'kin.
"Hindi ikaw 'yon?" tanong ko sa kanya. Inosente lang siyang umiling.
Napatitig ako uli sa pinto ng Operating Room. Something doesn't feel right. Ano na kayang nangyayari sa lalaking nasa loob?
"TANONG KO LANG po, makakakuha pa kaya ako ng r****d para rito sa uniform? Ibabalik ko sana kasi hindi na po matutuloy ang pag-enroll ko this sem. Hindi ko naman magagamit," tanong ko sa admission office ng university.
"'Neng, hindi na 'yan maibabalik dahil nasukat mo na," anang ginang.
"Pwede naman pong labhan?"
"Hindi na 'yon bago kapag nilabhan."
"Pero malinis naman p—"
"'Neng, kung gusto mo ibenta mo na lang 'yan d'yan sa mga estudyante sa labas sa mas murang halaga. Alis na't mahaba pa ang pila para sa mga batang kaya mag-enroll. Next!"
"Kaya ko rin naman mag-enroll. Ipinambayad ko lang sa hospital bills ang pangtuition ko kaya lumipad ang isang taon kong ipon." isip-isip ko.
"Tabi na tabi na!" padaskol niyang binalik sa'kin 'yung mga naka-plastic na uniform. Nangahulog pa 'yon sa sahig kaya lalo akong pinagtinginan ng mga estudyante.
"Ngayon lang ba kayo nakakita ng nagtatanong for r****d, huh?!" inangasan ko silang lahat na kapwa napayuko sa pagkapahiya.
Hindi na ako nag-abalang itupi 'yung mga blouse at skirt na nahulog dahil gusto ko nang mag-walkout. Pag-alis ko ay kusang nahawi ang takot na mga estudyante sa'kin para bigyan ako ng daan. Nagbelat pa sa kanila ang kasa-kasama kong batang multo na pinangalanan kong si Annie.
Nakakainis. Alam ko namang ganyan ang ugali ng mga office staff dito pero lumapit pa rin ako dahil baka sakaling pwede mag-r****d. Aba, apat na set kaya ang binili kong uniform. Pambili rin 'yon ng gamot ni Mama kung sakali.
Bagsak ang balikat ko pagsakay ng jeep. Wala akong napala at ngayo'y kumakalam pa ang sikmura ko. May kikitain akong employer sa mall na mag-aalok sa'kin ng trabaho. Hindi ko pa alam kung anong trabaho pero kahit ano pa 'yon ay papatusin ko na basta kumita lang ng pera. More importantly, sana naman manlibre siya ng tanghalian dahil gutom na gutom na ako.
Pagdating sa mall ay hinintay ko ang employer sa food court. Ang hirap tiisin ng temptasyon na kumain dahil nakakapanlaway 'yung amoy ng sizzling plate rito. Samahan mo pa ng aroma ng iba't-ibang pagkain, parang pinipilipit lalo ang sikmura ko sa gutom.
Pumwesto ako sa natatanging table na nakita kong bakante rito sa food court. Ang daming tao dahil Linggo at katatapos lang ng unang misa sa simbahan ngayong araw. Dito talaga ang diretso ng karamihan para mananghalian.
"Papa, gusto ko ng ice cream!"
"Ako rin!"
Iniwasan kong ma-bored at matulala sa mga pamilyang kumakain dahil nakararamdam ako ng inggit. Bakit may mga pamilyang kumpleto at ang sa'kin ay hindi? Bakit may mga anak na komportable ang buhay at ang iba ay hindi? Minsan gusto ko na lang magalit sa mundo dahil napaka-unfair nito.
"Ikaw ba si Ramona?" pukaw sa'kin ng isang matanda. Very Spanish era grandma ang itsura niya— 'yong tipo ng lola na nakasuot ng baro't saya at nakatira sa magarang bahay na bato noong sinaunang panahon. Mukha siyang strikta at mangungurot sa singit kaya agad akong napatayo.
"Yes po, ako po si Ramona. Kayo po 'yung employer na inirekomenda ng kaibigan ni Jude sa parlor?"
"Ako nga. Maupo ka."
Ilang bata na kaya ang nakurot nito sa singit? Kinikilabutan ako sa awtoridad ng boses niya.
"Simple lang ang trabahong ito, hija," panimula niya na naglabas pa ng abaniko. Now I'm really getting the eighteen-hundreds vibes from her. "Magiging caretaker ka ng mansyon ng amo ko roon sa Malolos. Hindi ka mag-isa dahil kasama mo ako. Kung gusto mong maghanap ng part-time ay hindi kita pipigilan. Kailangan ko lang ng tatao ro'n kapag gabi na wala ako at kapag umaga bago ako dumating."
"Mukhang caretaker din po kayo ro'n. Hindi po kayo ro'n nakatira?"
"Hindi. Hindi na. Hindi na mabuti sa puso ko ang pagtira ro'n."
"Ano pong ibig niyong sabihin?"
Pumilantik ang abaniko niya pasara. Misteryoso niya akong tinitigan at kapagkuwan ay umakyat ang tingin niya sa noo ko.
"Nakikita mo 'yung bulag sa katabi nating mesa, hindi ba?" tanong niya.
Luminga-linga ako sa paligid pero puro masasayang pamilya lang namang nanananghalian ang nakikita ko. Nang may mahagilap ang paningin ko ay mabilis akong napalingon pabalik; isang kaluluwa na parang may katarata ang mga mata, 'yon ba ang tinutukoy niya?
"Nasagasaan 'yan sa pedestrian sa labas nitong mall," anang matanda. "Ramona, sanay ka naman siguro sa mga ganyan?"
Wala sa sarili akong napatango. Ano ba 'tong pababantayan niya sa'kin haunted house?
"Pakiramdam ko ay nagmumulto ang senyorito sa mansyon na 'yon. Pang-apat ka na sa uupahan ko para bantayan ang bahay. Kailangan ko ng matibay ang loob, Ramona," dagdag niya.
Napalunok ako. Gaano ba ka-intense na pagmumulto ang pinaguusapan namin dito?
"Pwede ko po bang malaman kung magkano ang iaalok niyong sweldo? Maliban kasi riyan ay mapapalayo rin ako kay Mama kaya kailangan ko 'tong irekonsidera."
"Nakahandang magbayad ang amo ko ng cincuenta mil bilang buwanang sahod mo. Kung kailangan mo 'tong pag-isipan ay bibigyan kita ng tatlong araw.
"H-Hindi na po! Hindi na kailangang pag-isipan!" nahulog ang panga ko sa presyo niya sa'kin. Hindi ko kikitain ang gano'n sa pinagtrabahuhan kong restaurant kahit isama mo pa ang tip na binibigay ng mga customer. "Kayang-kaya ko ang trabahong 'yan. Tinatanggap ko na po ang alok niyo sa pinagmumultuhang bahay ng senyorito."