AMBER'S POV
“James, hindi mo ba sasagutin yung cellphone mo? Baka importante kaya kanina pa tawag ng tawag,” wika ko kay James.
Ngayon ang unang araw ng pagtuturo nito sa akin bilang secretary ni Phillip Peralta. Labis ang kaba ko kanina pa lang pagkapasok ng opisina, hindi ko alam kung paano pakikisamahan ang magiging bagong amo ko. Mabuti at meron itong official business travel for three days. Nasa Visayas region ito para mag-monitor at i-check ang operations ng mga commercial buildings na pag-aari ng mga Peralta. Sabi ni James ay next month pa raw dapat ang punta nito sa Visayas region pero bigla raw pinabago ang schedule ngayon. If I know ayaw lang siguro ako nito makita at hindi siguro nito matanggap na ako ang magiging bago nitong secretary.
“Sandali lang Amber ha.” Kinuha ni James ang cellphone na nasa table. Sumimangot ito ng tinignan kung sino ang tumatawag. “Hay naku, ang kulit talaga!” sabi nito na nayayamot. “Hello, Brenda?” sagot nito mula sa kabilang linya.
“Naku, Brenda, wala na akong magagawa kung nagsawa na sa’yo si Sir. Kahit pa libre ang offer mong serbisyo hindi pa rin papayag si Sir. Papagalitan ako ‘nun pag ikaw ang isinalang ko.” Rinig kong sabi ni James sa kabilang linya. “Sige na at busy ako, huwag ka ng tumawag girl dahil hindi ko na sasagutin.” Pinatayan na nito ng cellphone ang kausap, matapos ay bumaling sa akin at ngumiti.
“Pasensya ka na, Amber, ha. 'Yung mga babae kasing customer si Sir Phillip nangungulit eh.”
“Hah? Customer ng ano, James?”
“Naitanong mo na rin lang Amber, kailangan kong sabihin sa iyo ang isa sa magiging trabaho mo. Sinabihan ako ni Sir Phil, na lahat ng pinapagawa niya sa akin ay ikaw na ang gagawa, pati mga personal niyang pinapatrabaho sa akin ay ikaw na raw ang gagawa. Isa roon ang pagre-recruit ng mga babaeng magpapaligaya sa kanya.”
“Ha?” Kinakabahang tanong ko.
“Alam mo na kahit woman hater yang si Boss, may pangangailangan pa rin siya bilang lalaki. alAlam mo na ‘yun Amber. Isa sa mga personal na pinapagawa ni Sir ay maghanap ako ng mga babaeng makakasiping niya. Meron naman akong iiwan sa iyong ma contacts kung saan ka maghahanap, sa mga dekalibreng club iyon galing. Dapat ensure mo na malinis at walang sakit ang babae kaya ikaw ang maghahandle ng lahat ng test na ipapagawa sa babae like HIV test etc. Pati interview ay gagawin mo.”
“P-pero, James, kailangan ko ba talagang gawin ‘iyon? Pwede bang tanggihan ko yun?”
“Hindi pwede, Amber! Mapapagalitan ako. Huwag kang mag-alala, aalalay naman ako sa unang paghahanap mo at interview, para malaman mo paano ko ginagawa.” Hindi na ako umimik pa, hindi ko muna iintindihin. Nakaka-shock na nagbabayad pa ng babae si Sir Phillip. Grabe...Ermitanyong malibog 'yun ah.
Sinabi sa akin ni James lahat ng pinapagawa sa kanya ni Sir Phillip, at sobrang personal na nga raw talaga ng iba. Minsan pati pamimili ng mga gamit sa condo nito ay iuutos pa sa kanya. Sinabi niya kung ano ang mga bagay na ayaw at gusto ni Sir Phillip, kung ano ang mga nagpapainis dito. Matiim akong nakinig, ayoko naman mapahiya kay Sir Dominic, kailangan ko pa rin galingan sa trabaho dahil in the first place, ako ang may kailangan.
“Pero the price is really right Amber, ang laki ng naipon ko dahil sa pagiging assistant ni Sir Phillip,” patuloy ni James sa pagkwento. “Ang naging problema ko lang ay nawawalan ako ng time sa girlfriend ko kasi kahit hating gabi tatawag si Sir sa akin. Kagaya nung last week, yung araw na nakaaway mo siya, pinapunta ba naman ako sa condo niya ng madaling araw.”
“Hah?” Bigla akong nagkaroon ng agam-agam, hindi naman pwede sa kalusugan ko ang pagpupuyat. “Paano yan James, malamang mas pahirapan niya ako masama pa naman sa kalusugan ko ang pagpupuyat.” Tanong ko kay James.
“Hindi naman siguro, Amber. Tinanong ko naman kay Sir Dominic kung sinabi niya kay Sir na naoperahan ka na, ang sabi ni Sir Dominic sinabihan na raw niya si Sir Phillip na huwag kang pahirapan dahil operada ka. Susunod naman siguro siya sa Daddy niya, kilala ko si Sir Phillip, mahal niya ang ama niya at ayaw niya itong sumasama ang loob.” Bumuntong hininga ako ng malalim, parang pagsisisihan ko ang pagpayag sa gusto ni Sir Dominic ngayon pa lang.
“Sana hindi niya ako pahirapan James, kailangan ko talaga ng trabahong ito. Pasenya ka na, James ha. Bigla ka tuloy nalipat ng ibang posisyon dito sa kumpanya.”
“Amber, nagpapasalamat nga ako sa’yo, at least may time na ako sa girlfriend ko, nitong nakakaraang araw kasi ay nagkakalabuan na kami dahil dito sa trabaho ko. Sa totoo lang... nagpaplano na rin akong mag-resign, buti na lang at ililipat na lang ako sa ibang department. Though sayang yung bukod na sasahurin ko kay Sir Phillip, pero okay na rin kasi alam kong sa’yo mapupunta iyon na mas nangangailangan.” Ngumiti ito sa akin. “Paano pala ang lovelife mo, Amber? Baka mawalan ka rin ng time sa boyfriend mo?”
Bigla akong tumawa ng mapait.
“Wala akong boyfriend, James,” sagot ko dito.
“Nagpapatawa ka ba sa ganda mong 'yan, Amber? Ang dami nga raw nanghihingi nang number mo na taga Marketing department, sabi ni Maya. Alam siguro nila na single ka.” Biro sa akin ni James. “Hindi ka pa ba nagkaroon ng boyfriend?” Takang tanong nito.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko bago ko nakwento kay James ang buhay pag-ibig ko. Ang pang-iiwan sa akin ng first love kong si Kenneth.
“Grabe naman siya Amber, minulto ka lang? Ghoster pala ang ex mo, sinayang ka niya.” Tinawanan ko lang si James. Ewan ko may something sa pag-sasalita nito na nakakaaliw, kung hindi nito sinabi na may girlfriend ay mapagkakamalan ko itong bakla.
“Maiba pala ako, James.” Ayoko nang pag-usapan si Kenneth kaya pinutol ko na ang ano mang itatanong niya sa lovelife ko. “Bakit pala ganoon ang itsura ni Sir Phillip? Mas lalo siyang matanda sa itsura niya, hindi ba siya marunong mag-ahit man lang nagmumukha kasi siyang ermitanyo sa paningin ko eh.” Magaan na ang loob ko kay James kaya walang pasintabi na akong nagtatanong dito.
“Wait you must see this.” Binuksan ni James ang drawer, at may hinahanap ito. Magkatabi kami dito sa table niya, habang tinuturuan niya ako. Maya-maya ay nakita na nito ang hinahanap at agad itong inabot sa akin. “This is Sir Phillip four years ago!”
Agad kong kinuha ang binigay nitong larawan. Agad na bumilis ang pintig ng puso ko ng masilayan ang napakagwapong lalaki sa litrato. Napakalayo ng histura ni Sir dito sa larawan na hawak ko sa itsura niya ngayon, wala itong balbas at kitang kita ang hubog ng mukha nito, matangos na ilong, mapungay na mata, clean cut ang buhok, napakalakas ng appeal ng taong nakikita ko sa larawan. Nakangiti ito na lalong nagpabilis ng t***k ng puso ko, tila namagneto ako sa kina-uupuan ko. “Totoo bang si Sir Phillip ito?”. Dumako ang tingin ko sa katabi nitong babae. Napakaganda at maamo ang mukha, bagay na bagay sila ni Sir Phillip. Nakaupo ang dalawa sa pandalawahang sofa at magkahawak ang kamay. Hindi ko alam kung ilang segundo na akong nakatinigin sa larawan dahil naramdaman ko na lang na kinakalabit ako ni James.
“Amber, okay ka lang?”
“H-ha, ahh oo... nagulat lang ako, ibang iba ang itsura ni Sir Phillip ngayon. 'Yung babaeng katabi niya... eto ba yung fiance’ ni Sir?”
“Oo, si Ms Charlotte. Ang babaeng nagwasak ng puso ni Sir Phillip. Ang balita ko naglaho na yang parang bula simula ng maghiwalay sila ni Sir. Nakita ko lang iyang picture na yan dito sa drawer nung baguhan pa lang akong secretary ni Sir, itabi mo na lang.”
“S-sige.” sabi ko na lang kay James, hindi pa rin ako maka move on sa itsura ni Sir, napakagwapo. Kung ang picture na ito ay four years ago, ibig sabihin ay thirty-three years old pa lang siya dito. Sana naman ay ibalik n ani Sir ang ganitong itsura niya para hindi na ito magmukhang ermitanyo sa paningin ko.
Marami kaming napagkwentuhan ni James habang tinuturuan ako nito sa pagiging secretary ko. Mabuti na lang at madali akong natututo. Natapos ang maghapon namin ni James ng maayos.
“Maraming salamat James, marami akong natutunan. Sana ma-extend ang official business travel ni Sir Phillip sa Visayas,” wika ko. “Natatakot kasi akong makaharap pa si Sir Phillip.”
“Sa tapang mo ba naman, Amber, huwag mo na lang patulan si Sir. Hangga’t kaya mong magtimpi... magtimpi ka na lang kasi baka biglang magwala ‘yun, hindi kita matutulungan. Dalawa lang kayo dito sa 8th floor at hindi ka namin maririnig.” Mas lalo akong natakot, oo nga pala, tanging CEO office at conference room lang ang narito sa 8th floor, meron ring sariling pantry at CR.
Nagpaalam na ako kay James na maunang umuwi, alas singko na ng hapon. Kailangan ko ng umuwi dahil ako ang magluluto ng hapunan namin ni Nanay. Si James naman ay aayusin ang mga gamit niyang personal dahil dadalhin na sa paglilipatan nito na Marketing department. Bago iyon ay hihiramin muna raw siya ni Sir Dominic para ayusin ang mga management reports. Matalino si James at naka-graduate sa kilala at mamahaling University kaya natanggap ito agad dahil dito rin siya nag OJT sa Peralta Land Corporation. Kailangan kong tapatan ang galing ni James. Mahirap na at mukhang perfectionist si Sir Phillip, kailangan hindi niya ako mahanapan ng butas sa trabaho, para hindi agad ako nito tanggalin dito sa opisina. Mag-iipon lang ako ng pambayad kay Sir Dominic at capital para sa business na pangarap ko para kay Nanay ay masasabi ko na pwede na akong umalis sa kompanya na ito at hindi na pakisamahan ang Boss ko na magaspang ang ugali.
NANG makarating ako sa bahay ay agad kong kinumusta si Nanay. Advantage sa akin ang byahe ko mula sa Peralta Building hanggang dito sa bahay namin dahil wala pang isang oras ay makakauwi na ako kahit rush hour, at thirty minutes lang 'pag hindi rush hour.
“Kamusta, anak, ang pag-oopisina mo?” Tanong ni Nanay. Maayos na ang lagay nito simula nang makalabas kami ng ospital. Inaalagaan ko ito at hindi pinakikilos para madaling makabawi ng lakas.
“Mabuti naman ako Nay, sinunod mo ba ang mga bilin ko ngayon, Nay?” Balik na tanong ko sa matanda.” Mahigpit kong binilin na huwag munang magkikilos, nilutuan ko na ito ng pagkain nang umaga pati ng tanghalian nito. Ngayon ay magluluto ako ng hapunan.
“Huwag kang mag-alala anak, sumunod ako sayo, maghapon lang akong humiga. Nakaka-boring nga. Hinahanap ng kamay ko ang mga sinuid at tela.” wika ni Nanay.
“Mahigpit na bilin ng doctor, Nay, huwag ka munang magtatrabaho, hayaan mo muna ako, Nay, kaya ko na ito.” Ngumiti ako dito. Nagbihis muna ako ng pangbahay at nagsimula na agad akong magluto, hindi pa naman ako pagod, matapos magluto ay agad akong naghain.
Pritong galungong iyon at nilagang okra at talong na may bagoong na binili sa nadaanan kong talipapa, hindi rin kasi ako pumayag na si Nanay ang bibili dahil ayoko muna itong palabasin. Wala naman kaming refrigerator na mapagiimbakan ng pagkain kaya araw araw ang pamamalengke, minsan ay lutong ulam na lang ang kinakain namin. Simpleng pagkain, simpleng buhay ay masaya kami ni Nanay.
Matapos kumain ay ako na rin ang naghugas ng pinggan at matapos ay sa wakas nakapag-pahinga na rin. Hindi ganoon kabigat ang ginagawa ko kaya okay lang naman. Pinayuhan ako ng Doctor na kailangan ko rin ng exercise para mas lumakas ang puso ko kaya sinasadya ko talaga na ako ang gagawa ng gawaing bahay. Bawal nga lang daw ang sobrang mapagod. At dapat talaga ay healthy lifestyle.
Natulog ako ng gabing iyon na iniisip si Sir Phillip, kasabay ng pag-iisip ko sa kanya ang kakaibang pintig ng puso ko, lalo na ng at nakikita ko sa imahinasyon ko ang dati niyang itsura. Kinapa ko ang puso kong walang tigil sa pagkabog, ipinikit ko ang mata ko at ang gwapong mukha ni Phillip pa rin ang nakikita ko. Hanggang sa panaginip…
LUMIPAS ANG dalawang araw at natapos na rin ang pagtuturo sa akin ni James, halos lahat ng do’s and dont’s ay sinabi na siguro nito. Kinagabihan ay nahirapan akong matulog dahil sa kaiisip kay Sir Phillip. Makikita ko na muli ang arogante kong Boss. Pinilit kong matulog para hindi ma-late kinabukasan.
HALOS magtatakbo na ako nang makababa ng jeep patungo sa Peralta Building, ten minutes before eight am at nakapasok na ako ng building at nakapag-in. Mabuti at hindi ako na-late dahil 8 to 5 ang schedule ko. 7:30 am dumarating si Sir Phillip, gusto ko sanang dumating ng 7 am para maunahan ko ang masungit kong amo pero dahil late na ako natulog ay nahirapan akong bumangon kaninang umaga. Hindi na nga ako nakapagluto ng agahan ni Nanay. Nakisuyo na lang ako sa nagtitinda ng mga ulam, namin na kapit-bahay na mag-deliver na lamang ng pagkain para kay Nanay.
Sumakay ako ng elevator at marami nang nagsisidatingan na empleyado. As usual nagpapalipad hangin ang ibang lalaki kong nakasabay at may nagtangka na naman na kumuha ng number ko.
Nakarating na ako ng 8th floor at agad umupo sa table ko na nasa labas lamang ng office ni Sir Phillip, tahimik ang paligid. Syempre dalawa lang naman kami ni Sir ang mag-oopisina rito.
Nagpunta muna ako ng CR para mag-retouch ng manipis na powder at lipgloss lang ang nilagay ko. Nagpasya na akong lumabas agad matapos hagurin ang itsura ko.
Hindi ko alam kung nasa loob na ng opisina si Sir Phillip, but I assume na naroon na siya kaya pinasya kong puntahan ito sa loob ng opisina niya para maipabatid na nakarating na ako. Nagtangka akong kumatok pero wala akong nakuhang sagot,
“Baka wala pa siya.” ang nasa isip ko. Pinihit ko ang seradura ng pinto para tingnan ang loob. Laking gulat ko nang bumungad sa akin si Sir Phillip na nakaupo sa swivel chair nito, matalim ang tingin sa akin.
Hindi ako nakapagsalita at tila nanigas na sa kinatatayuan ko, kasabay ng malakas na t***k ng puso ko…