Kabanata 4

2093 Words
Pinagmasdan ni Arowana ang kasama niya nang maigi na para bang ngayon niya lang ito napagmasdan nang mabuti. Inaamin niya, nagulat siya sa kaalaman nito sa mga pook at mga bayan. At dahil sa isa nga itong Mangangayaw, nakatitiyak na si Arowana na maaasahan niya ito sa gagawin niyang paglalakbay. Liliit din kasi ang mga pagkakataong maliligaw siya dahil sa angking kaalaman ng mga Mangangayaw sa paglalakbay. Kilala naman kasi ang mga ito bilang mga manlalakbay. Napangiti nang bahagya si Arowana sa naisip. "Kung ganun, ang iyong bayan pala ang unang bayan na madadaanan natin sa Daang Bathala," puna ni Arowana na nakamasid sa dambuhalang puno. "Naisip ko lamang, maaaring may mahalagang bagay sa inyo kung kaya't nariyan ang puno ng Zulatre sa inyo..." "Ngunit ganoon naman po, 'di ba?" ani Purol na napapaisip din habang nagsasagwan. "Ang sabi ng aking Lola, itinanim daw ang mga puno ng Zulatre ng mga Bathala, totoo po ba iyon?" "Sa tingin mo ba ay masasagot ko ang iyong katanungan kung wala akong maalala sa aking nakaraan?" singhal naman ni Arowana sa binatang Mangangayaw. Nakatingin rin ito nang masama kay Purol at dali-daling itinama ng binata ang kanyang pagkakamali. "Paumanhin Bathala! Ay Mahal na Dian pala! Nakalimutan ko ang tungkol doon! Hindi mo nga pala naaalala ang nakaraan mo! Paumanhin sa aking kalapastanganan!" "Bilisan mo na lamang ang pagsasagwan," asik naman ng kunyari ay isang Dian at hindi na nito pinansin si Purol. Nalungkot naman ang huli dahil alam niyang naasar ang Bathala sa kanya. Hindi niya akalain na makakalimutan niya ang tungkol sa bagay na iyon. Hindi siya nag-ingat. Malamang ay suliranin din ng Bathala ang tungkol sa mga puno ng Zulatre. Kung mayroon man itong alam kung bakit may mga puno ng Zulatre sa kanilang bayan, ipinagbigay-alam na sana ito ng Bathala sa kanya. Ngunit gaya nga ng nauna nitong tinuran, wala itong nalalaman sa kasaysayan ng mga Bathala sapagkat ito ay walang matandaan sa kanyang sariling naging nakaraan. Hindi tuloy maiwasang mapaisip ni Purol. Bakit nga ba walang maalala na kahit anong bagay si Arowana mula sa kaniyang nakaraan? Ano kaya ang maaaring naging dahilan ng pagkalimot nito? May masama nga kayang nangyari noon dito na siyang naging mitsa sa kalagayan nito ngayon? At bakit nga ba may nakatanim na puno ng Zulatre sa Batuk-Ao? Bakit ang kanilang bayan na 'di-hamak namang maliit kaysa sa ibang mga bayan ay may puno ng Zulatre na wala sa iba? Dati, gaya ni Purol ay inakala ng mga taga-Batuk-Ao na ang dahilan kung bakit may ganitong puno sa kanilang bayan ay sapagkat nasa bunganga ng Daang Bathala ang kanilang bayan. Ngunit kung iisiping mabuti ngayon ni Purol, mayroon din namang ibang bayan na tulad ng Batuk-Ao na nasa bunganga ng maalamat na Daang Bathala, ngunit wala namang mga puno ng Zulatre sa mga pook na ito. Napaisip tuloy siya na baka may iba pang dahilan dito. Nagising si Arowana sa ingay ng mga tinig na nagmumula sa paligid niya. Umidlip muna kasi siya dahil napakakupad ng kanilang paglalayag. Sa bagay, kung iisang tao nga lang ang magsasagwan, hindi na siya dapat pang umasa na darating siya agad sa Batuk-Ao. Wala siyang balak na huminto sa bayan nina Purol, dahil alam niyang magulo ang tahanan nito. Hindi niya rin nais makihalubilo sa mga kababayan ng binata. Nais niyang lisanin agad ang pook. Ngunit pagkusot niya ng kanyang mga mata, nagulat si Arowana nang makita niyang nasa gitna ng isang piging ang kaniyang caracoa. Noong una, tila hindi siya makapaniwala, dahil alam niyang nasa laot pa siya. Ngunit hindi niya inaasahan na nasa laot din pala ang piging na ito. Daan-daang mga bangka ang nakapalibot sa kanya, lahat may mga nakasakay na mga tao. Maingay na tulad sa isang pamilihan, maririnig dito ang palitan ng mga kalakal na karaniwan ay mga pagkain at inumin. May mga tumutugtog ng mga awit at may mga sumasayaw pa sa kanilang mga bangka. Mayroon din namang ibang caracoa na punong-puno naman ng mga taong nagkakasiyahan na halos puro mga lalaki. Natatanaw rin ni Arowana ang mga kabahayan na yari sa kawayan. Nakatayo ang mga ito sa ibabaw ng tubig. "Kung ganoon, ganito pala ang bayan ng mga lapastangan," bulong ni Arowana sa sarili niya, at hinanap na niya si Purol. Ngunit hindi niya ito makita sa loob ng caracoa. Ang lapastangang Mangangayaw na 'yon! Iniwan siya rito nang mag-isa! Galit na si Arowana sa mga sandaling ito kaya't siya na mismo ang nagsagwan dahil nais niyang makaalis sa kinaroroonan niya ngayon sa lalong madaling panahon. Ang pinakainiiwasan niya kasing mangyari ay ang masilayan siya ng ibang mga tao. Hindi maaaring may makakilala sa kanya rito! Ngunit masyado siyang nagmamadali dahil may nabangga siyang isa ring caracoa. Hindi niya nakita ang malaking bangka sa harapan niya sapagkat madilim na--- hindi sapat ang liwanag sa mga kabahayan at sa iba pang mga bangka sa paligid ng kaniyang caracoa upang makita ni Arowana ang kanyang ginagalawan kung kaya't nakarinig siya ng sigaw. Muntik pa nga siyang mahulog sa tubig dahil sa lakas ng bangaan na naganap. Maya-maya ay may mga tao nang sumampa sa kanyang caracoa. "Mapangahas na manlalakbay, magpakita ka!" Iyon ang narinig ni Arowana, isang malakas na tinig ng lalaki na sa kanyang hinuha'y isa ring Mangangayaw. "Harapin mo ako!" Tumalima naman roon si Arowana. Lumabas siya agad mula sa loob ng silid kung saan siya nagkukubli kanina at humarap siya sa mga taong sumakay sa kanyang caracoa. Nakita niya ang mga ito, mga sampung katao na pawang mga lalaki. Nagulat ang mga ito nang makita nilang isang dilag lamang ang sakay ng caracoa. "Ikaw lang ba ang lulan nito?" Mahinahong sinagot ni Arowana ang lalaking nagtanong. "Ako nga. May masama ba roon?" "Hindi ka mukhang isang Mangangayaw, o isang tagarito. Sino ka, babae?" "Paumanhin ngunit hindi ko na sasagutin iyan," mahinang sambit ni Arowana sa kanila kaya't nilapitan na siya ng mga lalaki. Hahablutin na sana siya ng isa sa kanila ngunit biglang umihip nang malakas ang hangin at napasayaw rito ang sinasakyan nilang bangka. Umaalog-alog na ang caracoa, tanda na lumakas na rin ang mga alon. "Sino ka babae?" usisa ng pinuno ng mga lalaki. "Kay lakas naman ng loob mong banggain ang aking caragoda? Ilan sa mga mamahaling kalakal na mula pa sa hilaga ay nabasag ng dahil sa 'yo! May pambayad ka ba sa mga nawasak mo? Dadalhin ko pa sana ang mga yun sa Daang Bathala---!" Sinubukan ni Arowana ang kaniyang palaging ginagawa, ang akitin ang lalaki upang makuha nito ang kanyang loob, ngunit nagulat siya dahil may panibagong dumating upang matigilan siya. Isang matangkad na binata na may mga liwanag sa kanyang kamay ang nagtangkang lumapit sa kanya. Sa unang tingin ay batid na ni Arowana na hindi ito isang pangkaraniwang nilalang--- naramdaman niya agad na ito'y kauri niya. Marahil ganoon din ang nararamdaman nito kaya't agad itong nagsalita. "Alta Zul?" "Ul Zulan," kaagad na sambit ni Arowana sa binatang ngayon niya lang nakita. Mabilis ang t***k ng puso niya sapagkat sa unang pagkakataon ay may nakasalamuha siya na marunong magsalita ng wikang ito. Iisa lamang ang ibig sabihin nito, kung tama ang hinuha niya. Marahil ay katulad niya ang bagong dating na binata! Natigilan naman ang kaninang lalaking nagsasalita, marahil sa pagkagulat na rin siguro ngunit ngayon siya ay nakabawi na. Kinausap nito ang lalaking kaharap ni Arowana. "Nagsasalita siya ng iyong salita! Sabihin mo, Durao, katulad mo ba siya?" "Opo, Panginoon." Mula sa gulat ay nakangiti na ngayon ang lalaking tinawag nitong panginoon. "Narinig niyo si Durao," tawag nito sa iba pa nitong mga kasama. "Hulihin siya!" Naguguluhan man ay ipinagpatuloy ni Arowana ang pakikipag-usap sa lalaki na tinatawag na Durao ngunit ito'y hindi na sumagot sa kanya. Bagkus ay nanguna pa ito upang hulihin siya. Tulad ng kaniyang hula, kuminang ang mga kamay nito at naging mga bilog na wangis ng kidlat, na siyang ibinato nito sa kanya! Nakailag si Arowana sa una kung kaya't tumakbo siya patungo sa dulo ng kaniyang sasakyang pandagat. Hindi na niya alam ang gagawin, dahil hindi niya akalaing susugurin siya ng isang kauri niya. Ang buong akala niya ay magkakaintindihan sila! "Ul Zulan! Ul Arowana! Su antre!" Halos mapaos na siya sa kakasigaw ngunit hindi na siya kinausap ng lalaki, bagkus ay sinubukan lang nitong tamaan siya ng kanyang mga kidlat! Nadala na sa nagaganap si Arowana, at nasa dulo na siya ng kaniyang caracoa. Tubig na ang nasa kaniyang likuran. Wala na siyang mapupuntahan pa at patungo na sa kanya ang lalaki. Kaya sinubukan niya ulit na makipag-usap dito. "Su antre! Su antre! Ul Zulan!" Ngunit wala iyong bisa sapagkat nabingi na rin yata ang lalaking nagngangalang Durao. Patuloy siyang nagpapaulan ng mga bilog na kidlat mula sa kaniyang mga kamay, na sumasabog kapag tumatama sa kahit anong bagay. Ang kaninang pagkasabik ni Arowana na makausap ang isang katulad niya ay naglaho, at napalitan na ito ng pagkalito at pagkamuhi. Nalilito siya sapagkat hindi niya akalaing nanaisin siyang saktan ng isang ito, habang namumuhi rin siya na tila ang Durao na ito ay tumatalima sa utos ng lalaki na tinawag nitong panginoon. Ngayon lang niya nasaksihan ang ganitong pangyayari. Ngunit kung akala ng Durao na ito na magpapaapi na lang nang basta-basta itong si Arowana, nagkakamali siya sapagkat nagpasya na itong lumaban. Tulad ng kaniyang katunggali ngayon, umiilaw na rin ang kaniyang buong katawan. At sa isang iglap ay hinampas na ng hangin ang caracoa. "Pinunong Laim, sumasama ang panahon!" bigkas ng isa sa mga alagad ng lalaking nag-utos kay Durao na sugurin siya. Napansin ni Arowana na nasisindak na sila sa kaniyang ginagawa, kaya't lalo niya pang pinag-ibayo ang pagsasamo sa hangin at mga alon. "Durao! May hula na ako kung sino ang isang iyan! Marahil siya ang Bakunawa na sinasabing sumasalakay sa mga manlalakbay! Hulihin mo siya! Malaki ang maitutulong niya sa atin kapag siya'y napasaakin!" "At sa tingin ko ay hahayaan ko iyon?" giit naman ni Arowana na galit na galit na sa kanila. "Kinasusuklaman ko kayo! Humanda kayong tanggapin ang galit ko!" Sa isang iglap ay nagkaroon ng isang ipoipo na nagbigay ng takot hindi lang sa kanila kung hindi sa buong pamayanan ng Batuk-Ao. Isang unos ang tila biglaang nabuo sa sandaling iyon at doon na naganap ang pagtutuuos ng dalawang Bathala! Iyon ang nagpagising kay Purol, na natutulog sa kaniyang tahanan. Nang dumating kasi sila sa kanilang nayon ay naabutan niya ang Miargaro, o ang pagpapalitan ng mga kalakal ng mga dayuhan at mga tagarito sa takipsilim. Naaliw siya sa kaniyang pagbabalik dahil matagal na rin mula ng siya ay huling pagkakataon na narito kaya nakaligtaan niya na may kasama nga pala siya. Lumusong siya sa dagat upang bumili ng makakain ngunit nakita siya ng kaniyang kababatang si Ubay at niyaya siya nitong uminom. May piging raw kasing nagaganap sa kanilang nayon ng mga sandaling iyon. Naghanda nang maraming pagkain at inumin ang pinakamayamang Miar o mangangalakal dito bilang pagdiriwang sa isang pambihirang bagay na nakamit nito. Ayon kay Ubay, nakahuli raw ito ng isang Bathala! Ikinagulat ito ni Purol kaya't sumama siya sa kanyang kaibigan upang alamin kung sinong Bathala ang tinutukoy nitong nahuli ng Miar. Nais niya kasing malaman ang lahat dahil tiyak niyang ikatutuwa ni Dian Arowana kung may matutuklasan siyang katulad nitong balita. Ngunit hindi na namalayan ni Purol na siya'y napainom na nang marami. At sa halip na bumalik siya sa caracoa ng Bathalang kasama niya ay sa dati niyang bahay siya pumanhik at doon na siya umidlip. Kung hindi niya pa narinig ang malakas na kulog at kidlat at ang malamig na ihip ng hangin ay hindi pa siya magigising. Mabilis siyang kumilos at naghanap ng masasakyang bangka. Balak niya sanang balikan ang Dian ngunit huli na, masyado nang malalaki ang mga alon upang pumalaot, kaya't may takot niya na lamang na pinagmasdan ang nababanaag niyang unos sa di-kalayuan! "Sarinawa!" bulalas na lamang niya nang makita ang nangangalit na panahon. Kung hindi rin siya dinadaya ng kanyang paningin, ay nakikita niyang umuulan mula sa langit ng kidlat na animo'y mga patalim na gumuguhit sa kalangitan. Nakarinig pa si Purol ng mga sigaw at iyak ng mga bata, tanda na nadadamay na ang buong Batuk-Ao sa nangyayari. Akala ni Purol ay hindi na matatapos ang pambihirang unos, ngunit bigla itong tumigil. Saka niya nakita, kasama ng ibang tagarito, ang pagkulay puti ng kalangitan dahil sa isang malaking kidlat na tumama sa isang caracoa sa dagat. Nakita ni Purol na nilamon ito ng mga alon, at napatalon siya sa tubig nang mapagtanto na iyon ang sinasakyan ni Arowana!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD