Kabanata 3

1126 Words
Hindi makapagsalita nang maayos si Purol habang kasama niya ang Bathalang si Arowana. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala na may kasama siya ngayong isang tunay na Bathala. Oo nga't naririnig na niya sa iba't-ibang lugar ang ilang bali-balita patungkol sa sinasabing mga tunay na Bathala ngunit hindi siya lubos na naniniwala sa mga ito hangga't sa araw na ito. Para sa kanya, ang mga Bathala ay mga alamat na mapapatunayan lamang kung sila ay iyong masisilayan ng iyong mga mata. Ngunit ang akala niya ay alamat lamang ay nasa kanyang harapan na ngayon. Nakasalamuha na niya ang Bathala at kasalukuyang kasama sa isang kakaibang paglalakbay. Ngayon, sinasabi niyang kakaiba ang kanilang paglalakbay dahil wala silang pook na patutunguhan kung hindi ang Daang Bathala. Ang daang ito ay ang sinasabing daan patungo sa maalamat na pook na kung tawagin ay Hiraya. Ang daang ito ay tumatahak sa ilang mga ilog, karagatan at bundok kung saan ang palatandaan ay ang dambuhalang mga puno na kung tawagin ay Zulatre. Napakahaba ng daang ito kaya't nagtataka rin si Purol. Hindi naman yata nila lilibutin ang buong sansinukob sa daang ito? At ang alam niya'y wala pang nakakarating sa dulo ng daang ito, kaya nangangahulugan ba ito na susuong sila sa isang mapanganib na paglalakbay na maaring kanyang maging katapusan? "Kung maaari, bakit hindi?" Yun ang naging sagot ni Arowana nang magkalakas ng loob siya na magtanong kung talaga nga bang balak niyang suyurin ang buong Daang Bathala upang hanapin ang kanyang asawa. Napaawang na lamang siya ng kanyang mga labi sa naging sagot ng kasama sapagkat ang nais niyang gawin ay hindi isang madaling paglalakbay, sapagkat ang pagtahak sa Daang Bathala ay isang mapanganib at mahabang paglalakbay! Katumbas na rin kasi ito ng pagpapatiwakal! Akala yata ni Arowana na walang alam si Purol, ngunit sa tulong na rin ng kaniyang lola ay batid niya ang mga kwentong nakapalibot sa Daang Bathala. Tinatawag itong Daang Bathala sapagkat ang daang ito ay sinasabing naging daanan ng mga Bathala patungo sa kanilang kaharian noong unang panahon na kasundo pa nila ang mga tao. Ang daang ito ay punong-puno ng panganib dahil sa tinatahak nito ang ilang kabundukan at karagatan na bihirang puntahan o dayuhin ng mga tao dahil sa nakaambang panganib doon. Karamihan ng mga manlalakbay ay umiiwas sa daang ito sapagkat bukod sa panganib, narito rin ang ilang mga nilalang na may angking lakas upang pumatay ng kahit sino! Ang mga Mambabarang at mga Tagalipol, halimbawa, ay ilan sa mga katutubong kinatatakutan ng mga tao at nakatira sila sa Daang Bathala! "Bilisan mo ang pagsagwan, Purol," utos sa kanya ni Arowana habang nakatingin ito sa malayo. "Kung kukupad-kupad ka ay sa susunod na kabilugan ng buwan pa tayo makakarating sa lupa..." "Opo, mahal na Bathala," sagot na lamang niyang nakatungo. Ngunit ang totoo ay nais niya sanang sabihin na talagang magiging mabagal ang kanyang pagsagwan. Sa laki ba naman ng caragoda na ito, kailangan ng ilang katao upang maging mabilis ang paglalayag nito sa laot. "Dian na lamang ang itawag mo sa akin," dagdag naman ni Arowana na ngayon inaayos ang kanyang buhok gamit ang kanyang kamay na animo'y nang-aakit. "Ayoko namang marinig ng iba ang aking lihim, Purol. Sapat ng ikaw ang may alam nito." "Opo, Mahal na D-Dian..." "Bilisan mo pa ang pagsasagwan," aniya na may paglalambing na sa kanyang tinig. "Huwag kang mag-alala. Kapag may nahanap tayong arocereo ay magkakaroon ka na ng katuwang. Mas mainam din namang may iba pa tayong kasama..." Natuwa naman doon si Purol. Akala niya kasi ay mag-isa lang niyang gagawin ang lahat ng naisin ng Bathala. Aba'y ikamamatay naman niya iyon agad. Ngayon pa nga lang ay hindi na niya maramdaman ang kanyang mga bisig sa tindi ng kanyang pagsasagwan. "May itatanong lang sana ako sa iyo Mahal na Dian, kung iyong mamarapatin?" Tiningnan naman siya maagi ni Arowana. "Ano iyon, Purol?" "Tila nakatitiyak na kayong ang iyong asawang Bathala ay nasa kung saan sa Daang Bathala," panimula ni Purol. "Ibig bang sabihin nito ay may nakapagsabi sa iyo na maaaring narito siya?" Umiling naman ang Dian. "Nagkakamali ka, Purol. Wala akong narinig tungkol sa kanya, lalo na't hindi ko naman maalala kung sino siya. Nilibot ko na ang mga kapuluan ngunit hindi ko siya nakita, at ang Daang Bathala na lamang ang hindi ko pa nagagalugad," pag-amin nito. "Na isang malaking pagsasayang ng panahon ang aking ginawa dahil kamakailan lang ay may bigla akong naalala tungkol sa kanya..." Napaangat ng tingin si Purol sa Bathalang kausap niya. "Ano po iyon?" Nakatingin na naman sa kawalan ang Bathala, na animo'y sinasariwa ang kanyang natuklasan. "Napanaginipan ko na kami ay naglalakbay. At ang pinag-uusapan namin ay ang aming pagkikita sa Daang Bathala." "Nakatakda kayong magkita sa Daang Bathala?" ulit ni Purol na nakakunot ang noo. "N-Ngunit... Mahal na Dian, kay lawak nito! Saang banda raw ba kayo magkikita?" "Iyon na nga ang aking suliranin, dahil hindi ko alam kung saan. Umaasa na lamang ako na kapag makita ko siya ay agad ko siyang makikilala. Lalo pa at may mga paraan naman upang malaman ko kung ang aking kasama ay katulad ko..." "Ano pong mga paraan?" "Basta't marami..." sagot na lang nito at tumingin ulit sa harapan ng kanilang caragoda. May nababanaag na si Arowana sa di-kalayuan; ang kanyang pakay mula nang siya'y maglayag sa karagatang ito ng Batok. May nakapagsabi kasi sa kanyang narito ang isa sa mga bukana ng Daang Bathala. At mukhang tama nga ang nasabi sa kanya dahil natatanaw na niya ang Zulatre, isang pambihirang puno na napakatayog--- sa katunayan ay abot hanggang langit ang taas nito. Ang katawan nito ay singlaki ng isang buong caragoda, na yari sa ginto. Dahil dito ay ito ang pinakamataas na bagay sa sansinukob, dahil mas matayog pa ito sa pinakamataas na bundok. Mayaman sa mga kwento't alamat ang mga Zulatre, at sinasabing sumasayad sa kalangitan ang mga dulo ng mga sanga nito. Tinatawag din itong 'Puno ng mga Bathala.' "Malapit na pala tayo sa Zulatre, Dian. Ibig sabihin, malapit na tayo sa amin..." "Amin?" "Hindi niyo pa po ba alam?" tanong naman ni Purol na may galak sa kanyang mga mata sapagkat siya'y pauwi na. "Patungo po tayo sa aming bayan ng Batuk-Ao. Doon po ako lumaki." Mukhang wala namang naintindihan si Arowana kaya't nagpatuloy si Purol sa pagsasalaysay. "Ang Batuk-Ao ang tahanan naming mga Mangangayaw. Ang aming bayan ay nasa harap lamang ng bukana ng ilog na tinatawag ring Ilog ng Batuk. Hindi malayo mula sa aming bayan ang Zulatre na iyan na ating natatanaw ngayon---" "Kung ganon ay patungo tayo sa bayan niyong mga Mangangayaw?" hindi makapaniwalang tanong ni Arowana. Kinabahan siya, sapagkat paano kung isa itong patibong upang mahuli siya ng mga Mangangayaw? Paano kung hindi niya mapagkakatiwalaan si Purol?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD