Kabanata 5

1079 Words
[Nakahahalina- enchanting, enticing, alluring] Dahil laki sa laot ang isang Mangangayaw na tulad ni Purol, mabilis niyang narating ang kinaroroonan nang lumubog na caracoa. Hindi rin siya nagpatinag sa malalaking alon at sa ipo-ipong nabuo sa gitna ng Batuk-Ao. Ang unos na nabuo ay alam na niyang kagagawan ng kanyang kasamahang Bathala. Sa isang banda ay natatakot si Purol na baka nagagalit na ngayon si Arowana kung kaya't lumikha ito ng isang pambihirang unos--- at hindi niya naman ito masisisi sapagkat kasalanan niya rin naman. Bakit niya nga ba ito iniwan sa gitna ng laot? Tiyak na papaslangin siya nito kapag sila ay nagtagpong muli. Ngunit wala na siyang pakialam sa kung ano man ang mangyayari sa kanilang dalawa. Hindi na siya nagdalawang-isip na lumusong sa tubig. Sinuyod niya ang sasakyang pangdagat sa ilalim ng tubig na kanina lamang ay kanyang sinakyan. Ngunit dahil sa dilim ng tubig at dahil na rin sa unos na humahambalos ngayon sa dagat ay hindi nahanap ni Purol si Arowana. Hindi naman siya tumigil sa kakalangoy at kakasisid. Nagbabaka-sakaling matatagpuan niya ang Bathala. Umaahon nga lamang siya kapag nauubusan na siya ng hininga. Ngunit sumisisid rin ulit kapag nakakabawi na ang kanyang baga. Sa kanyang huling pagsisid, isang panganib ang dumating kay Purol ng may isang mahabang piraso ng kawayan ang tumama sa kanyang likuran mula sa ibabaw. Sa labis na bigat ng kawayang tumama sa likuran niya ay napabuga siya ng hangin kaya't pumasok naman ang tubig sa kanyang ilong at bibig. Hindi na nagawang makaalpas pa ni Purol at tuluyan na siyang lumubog at nauubusan na siya ng hininga. At kung kailan naman tila parang katapusan na ni Purol, saka naman niya naaninag ang isang napakaganda at kakaibang nilalang sa tubig. Akala niya nga ay nananaginip na siya. Ngunit nakatitiyak naman si Purol na hindi siya namamalik-mata. Kumikinang ito sa ilalim ng kadiliman ng tubig, at napagtanto ni Purol na patungo ito sa kanya. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya habang pinagmamasdan ang Bathala na lumangoy patungo sa kanya. Sa tanang buhay ni Purol ay ngayon lamang siya nakakita ng ganoong uri ng kagandahan. Ang maamong mukha ni Dian Arowana sa ilalim ng tubig ay sadyang nakahahalina kung kaya't halos mapigti na ang hininga ni Purol dahil sa nasasaksihan, lalo na nang masilayan na niya ito nang malapitan. Magkalapit na ang kanilang mga mukha, hindi na makapaniwala si Purol sa nagaganap. Hindi na rin alam ni Purol ang mga sumunod na nangyari. Ang akala niya talaga ay nasa isang pambihirang panaginip na siya. Ang sumunod na naaalala na lamang niya ay napaubo siya nang maraming tubig nang makaahon siya mula sa tubig. Nasa isang maliit na bangka na siya ngayon na puno ng mga panindang prutas. Marahil ay dito siya isinampa ni Arowana pagkatapos nitong sagipin ang kanyang buhay. "Mabuti naman at buhay ka pa," rinig niyang turan ng isang tinig. Napalingon siya sa nagsalita at natunghayan niya si Dian Arowana na nakatayo sa gilid ng bangka at nakamasid sa malayo, doon sa isang caracoa. Kung hindi nagkakamali si Purol ay ang caracoa na iyon ay papalubog na rin kanina. Ngunit tila may himalang naganap at nakaligtas ito sa unos at mga daluyong na dinulot ni Dian Arowana. Oo, batid ni Purol na ang kasama niyang Bathala ang may kagagawan sa nabuong sama ng panahon. Hindi naman iyon mahirap isipin sapagkat kilala ang Bathala sa ganoong taglay na kapangyarihan. Isa pa, may hinuha siya na dahil sa kanya kung kaya't lumikha ng unos and Bathala. Dahil dito, hindi makatingin ngayon si Purol sa Bathalang si Arowana. Sa tubig lamang siya nakatunghay sa takot na saktan siya ngayon ng Bathala dahil sa kanyang nagawang pag-iwan dito. "Mahal na Dian, ano po ang nangyari? Bakit niyo ginamit ang iyong Amorazul?" tanong ni Purol sa dalagang Bathala. Ang Amorazul ang tawag sa natatanging kapangyarihan ng isang Bathala. Ibig sabihin, walang ibang Bathala ang nakakagawa ng kanyang nagagawa. At ang tinutukoy ni Purol ni Amorazul ng Dian na Arowana ay ang kakayahang lumikha ng unos at ipoipo. Nakatingin pa rin sa malayo ang Dian nang sumagot ito. "Nasa sasakyang pangdagat na iyon ang isang katulad ko, Purol." "Talaga po ba, Dian Arowana?" Napatingin si Purol sa tinutukoy na sasakyan ni Arowana. Nagulat siya nang mapagtanto niya na ang tinutukoy nito ay ang caragoda ng Miar. Di hamak na mas malaki ang sasakyang pandagat na ito kaysa sa kanilang caracoa, sapagkat ang caragoda ay nilikha upang makapaglulan ng mga paninda at kalakal. Kailangang malaki at malawak ito upang makapagdala ito nang maraming paninda na inilalako ng Miar sa mga bayan at iba pang mga pook. Ngunit hindi iyon ang mahalagang pag-usapan sa ngayon para kay Purol. Ang nakapagbigay sa kanya ng kakaibang pakiramdam ay ang kaalaman na narinig niya sa Bathala na may nakita itong kauri niya. Hindi niya maipaliwanag, ngunit pakiramdam ni Purol ay nais niyang magalit kahit wala naman siyang karapatan na maramdaman iyon. "Ibig niyo po bang sabihin, Mahal na Dian, ay may nakasalamuha kayong isang Bathala sa caragoda na iyon?" "Siyang tunay. Ang narinig ko ay Durao ang kanyang ngalan." Napaawang naman ang mga labi ni Purol dahil sa kanyang narinig. "Durao? Ang Bathala ng mga Kulog at Kidlat! Si Durao Liliente!" Napatingin na si Arowana kay Purol. "Kilala mo siya?" Napatango nang mabilis si Purol sapagkat tunay na may alam siya sa nabanggit niyang Bathala. "Narinig ko na ang pangalan niya, ngunit hindi ko pa siya nakakasalamuha. Ngunit sa tulad naming mga Mangangayaw, isa siya sa aming kinatatakutan. Kung naaalala mo ang mapangahas kong kasamahan na si Kuhol, ang sabi niya'y nakaharap na niya minsan ang Bathalang iyon. Ngunit hindi lang iyon ang aking naririnig ukol sa Bathalang ito. Naikuwento na rin sa akin noon ng aking yumaong Lola ang tungkol kay Durao Liliente." Hindi naman maitago ni Arowana ang kasiyahan na may nalalaman pala ang binatang Mangangayaw na kasama niya. "Ano ang nalalaman mo sa kanya?" Napaisip naman saglit si Purol. "Sa aking pagkakatanda sa mga kwento noon ng aking Lola, si Durao Liliente ay isang Bathala na mahilig magbigay ng mga parusa sa mga tao at kapwa niya Bathala. Sa pagkakaalam ko ay isa siya sa mga tagapagtanggol ng mga tao laban sa mga Bathalang mapagsamantala noon. Ngunit bakit mo tinatanong, Mahal na Dian?" Nagbuntong-hininga si Arowana. "May kakaiba akong kutob sa Bathalang iyon, Purol," sagot niya naman. "Ano pong kutob iyon?" "Na baka siya ang aking asawa?" bulalas ni Arowana na ikinabigla ni Purol. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD