"N-Nagapi natin ang tikbalang, Pong!" hiyaw ni Palong sa kanyang kapatid nang tuluyan nang mawalan ng malay ang tikbalang habang nakahandusay ito sa lupa. "Hindi ako m-makapaniwala... Talagang natalo natin siya!"
"Makapangyarihan nga talaga ang mga sandatang ipnagkaloob sa atin ng ating pinuno!" tugon naman ni Pong. Nakatunghay silang magkaptid sa walang malay na tikbalang, at bakas sa kanilang mga batang mukha na kahit sila ay hindi makapaniwala na nagapi nila ang isang napakalakas na nilalang.
"May lason ang iyong palaso... Tiyak na ikamamatay niya iyan kung hindi siya malalapatan ng kaukulang lunas," ani Palong. "Kaya tayo na, magmadali tayong bumalik sa ating pinuno ang tungkol dito! Kailangan niyang malaman na nagising na ang tikbalang!"
"Ibig mong sabihin ay dadalhin natin ang tikbalang sa ating pinuno?"
"Ano ka ba? Hindi ka ba nag-iisip? Madadala mo ba ang dambuhalang nilalang na yan? Kahit na magtulong-tulong pa tayong tatlo kasama ng lalaking ito ay hindi natin magagawang buhatin yan kaya humayo na lang tayo. Bumalik tayo sa Bulkang Agay-on at sabihin natin sa ating mga kasama ang tungkol sa tikbalang. Tapos saka na lamang tayo bumalik dito kasama ang iba at baka mabuhat na natin siya kapag mas marami na tayo."
"Tama ka riyan, Palong! Mainam ang naisip mo, kaya halika na! Baka si Pinunong Kanlaon pa nga ang magtungo rito upang tingnan ang ang kinahinatnan ng tikbalang na dati niyang mabagsik na kaaway!" patakbo na sana sila nang tinawag ko muna sila kaya nahinto rin sila at napalingon sa akin.
"Teka lang naman mga batang paslit, paano naman ako? Iiwan niyo na lang ba ako rito? Akala ko ba ay sasamahan niyo pa ako palabas ng kagubatan na ito?"
Pinandilatan lamang ako ng dalawang bata. "Hindi na namin magagawa ang nais mo, binata! May mas mahalaga kaming kailangang gawin, kaya umalis ka na lang mula rito nang mag-isa! Matutunton mo rin naman ang daan palabas, sundan mo lang ang bahaging yan ng gubat!" turo niya sa kaliwa ni Purol. Napatingin naman doon si Purol at nakita niyang tila mas masukal pa ang bahaging iyon ng kagubatan kaysa sa kung nasaan sila ngayon.
"Nakakatiyak ba kayong diyan talaga ang daan palabas ng kagubatan?"
"Oo!May ilog sa dulo ng daang yan, at magmula doon ay sundan mo na lamang ang ilog at may mararating kang isang maliit na bayan! Kaya humayo ka na at 'wag ka nang bumalik dito dahil sa susunod na mapadpad ka ulit dito ay ang pinunong Kanlaon na ang makakaharap mo!" pananakot pa ni Palong.
Sa sinabing iyon naman ng batang Tagalipol ay tila napukaw ang pansin ni Purol. Nais niya rin kasi sanang makita ang wangis ng Bathalang ito na tinatawag nilang Kanlaon. Ang alam niya kasi ay maaring narinig na niya ang tungkol sa Bathalang iyon dati pa, ngunit hindi siya nakakatiyak kung ito nga ba ang Bathalang alam niya.
Nakalayo na rin sa wakas ang dalawang batang tagalipol habang siya naman ay nakatayo pa rin doon sa harapan ng walang malay na tikbalang. Kahit paano'y naawa si Purol dito, dahil kanina ay mukha namang wala itong balak na manakit. Tumatawa pa nga ito habang nagtatanong ito kung sino ang nagpalaya sa kanya mula sa pagkakakulong niya sa loob ng kanyang tahanan na punong Balete.
Hindi na namalayan ni Purol na nakalapit na pala siya sa tikbalang, at nakita niyang humihinga pa ito. Nakita niya ang palasong nakatarak pa rin sa likuran nito kaya binunot niya iyon. Umagos ang dugo mula doon sa maliit na sugat kung saan bumaon ang palaso ng mga batang Tagalipol. Batid ni Purol na wala rin namang saysay ang pag-alis niya sa palaso sapagkat marahil ang lason na taglay nito ay kumalat na sa katawan ng tikbalang. Humihinga pa ito, ngunit nakita niya ring tulad ng kalagayan ng Mahal na Dian noong nalason ito sa bayan ng Talisay ang kalagayan ngayon ng tikbalang. Ibig sabihin, maaaring ang dagta rin ng halamang kansuray ang lasong ginamit ng mga bata sa kanilang palaso.
Doon na napaisip si Purol. May naalala siyang isang bagay na alam niyang nasa loob ng bulsa ng kanyang suot na damit, kaya kinapa niya iyon. Mabuti at naroon pa nga ang maliit na lalagyan ng gamot, na siyang lunas sa lason ng dagta ng halamang Kansuray. Kinuha niya iyon at hindi na siya nagdalawang-isip pa. Pinatakan niya ang bibig ng walang muwang na tikbalang, pati na rin ang sugat nito. Kaagad namang tumalab ang lunas sapagkat nakita ni Purol na agad naghilom ang sugat na tinamo ng tikbalang mula sa nakakalasong palaso.
Mabilis na ang t***k ng kanyang puso. Batid niya kasing sumugal siya nang magpasya siyang gamutin ang tikbalang--- lalo pa't hindi nga siya nakatitiyak kung magkatulad nga ba ang lasong ginamit nina Pong at palong sa lason na mula sa halamang Kansuray. Ang alam niya lamang ngayon ay sinubukan niyang iligtas ang isang nilalang na sa tingin niya ay hindi naman masama. Pakiramdam niya rin kasi ay mauuna munang mamatay sa lason ang tikbalang bago pa makabalik dito ang dalawang bata kasama ang Bathalang pinuno nila, kaya kailangan nang may gawin si Purol.
Napasigaw naman siya bigla nang makita niyang gumagalaw na ang tikbalang. Tila nagising na ito at nakita na niya si Purol. Nagpupumiglas pa rin ito mula sa tanikalang nakapulupot sa kanya, at matulis ang mga tinging ipinupukol niya kay Purol. "Ikaw... Ginamot mo ba a-ako?" tanong nito sa kanya na ikinagulat ni Purol.
"Oo..."
Iyon na lamang ang naisagot ni Purol sa takot at kaba niya sa nangyayari. Paano kasi kung makalaya mula sa tanikala ang tikbalang at siya ang pag-initan nito dahil sa nangyari sa kanya? Baka isipin pa nitong kasamahan siya ng mga batang Tagalipol at paslangin siya nito ngayon bilang ganti sa ginawa ng dalawang bata rito.
"B-Bakit? Bakit mo ako tinulungan?" biglang tanong nito kay Purol.
"Hindi naman ako kakampi o kasamahan ng mga batang gumawa niyan sa 'yo," payak na tugon ni Purol. "Wala akong dahilan upang patayin ka o hayaang mamatay ka na lang dito. Nagkataon din na may dala akong lunas sa lason, kaya sinubukan ko kung gagana ba iyon sa lason na tinamo mo..."
Kumunot ang noo ng tikbalang. "Kakaiba ka.... Tila hindi ka natatakot sa akin... Ang alam ko'y takot ang mga tao sa aming mga tikbalang. Ngunit niligtas mo pa ako."
Nagkibit-balikat lamang doon si Purol. "Marami na akong nasaksihang ibang nakakatakot na mga bagay kaya maaari kong sabihin na nasanay na lamang ako. At gaya nga nang sinabi ko kanina, hindi naman ako kasamahan ng mga iyon. Isa lang din akong manlalakbay."
"Kung ganoon, utang ko sa iyo ang aking buhay," sagot ng tikbalang. Nakangiti na ito sa kanya. "Maari mo ba akong pakawalan din mula sa mga tanikalang ito? Kapag tinulungan mo pa ako ng isang ulit ay ipinangangako ko sa iyong tatanawin ko itong isang malaking utang na loob. At sinasabi ko sa iyo, marunong tumanaw ng utang na loob ang mga tikbalang na tulad ko."
"Siya nga ba?" ani Purol at tumango ang tikbalang. "Kung ganoon, payag ako. Kailangan ko lamang ng tubig," aniya at tumingin siya ulit sa kanyang paligid ngunit wala na naman siyang nakitang tubig. Ang nasa harapan niya lamang ay ang dugoang tikbalang at doon na siya napaisip pang muli. "Mukhang hindi ko na kailangan ng tubig. Sapat na yata ang dugo mo," sabi pa ni Purol. Lumapit siya sa tikbalang at at binasa niya ang batuk sa kanyang bisig gamit ang dugo sa sugat ng tikbalang. Unti-unting lumitaw ang Buntot-Pagi sa kanyang mga kamay, at ginamit niya iyon upang sirain ang tanikalang nakapulupot sa tikbalang. Nagtagumpay naman siya doon, at tuluyan nang nakalaya ang tikbalang.
Ngunit sa halip na magpasalamat ito kay Purol, bigla niya na lamang sinakal sa leeg ang binatang Mangangayaw at sumigaw ito nang patanong. "Bakit nasa iyo ang Buntot-Pagi na sandata ng Bakunawa? Sino ka? Ano ang ginawa mo sa kanya?" galit na galit na tanong nito kay Purol habang nanlilisik ang kanyang mga mata.