"H-Huminahon ka muna!" sigaw pabalik ni Purol sa nanggagalaiting tikbalang, ngunit tila walang balak ang huli na makinig kay Purol. Galit na galit ito nang makita nitong ginamit ni Purol ang Buntot-Pagi, kaya nauubusan na ng hangin sa kanyang hininga si Purol at lumalabo na ang kanyang paningin dahil sa tindi ng lakas ng pananakal ngayon sa kanya ng tikbalang.
"Pinaslang mo ba ang Bakunawa? Hindi ako makapaniwalang may makakatalo sa kanya, at isa pang tulad mo! Kailangan mo nang mawala!"
Akala ni Purol ay matutuluyan na siya, ngunit kasabay ng pagsasalita ng galit na tikbalang ay ang biglaang pagsulpot ng isang nilalang sa kanilang tabi na kilalang-kilala ni Purol. Ang nilalang na ito ay nakalutang sa hangin--- isang babaeng Bathala na may mahabang buhok at kasuotan na tila hinabi mula sa ulap. Tila nabunutan ng tinik sa kanyang dibdib si Purol sapagkat ang Bathalang nagpakita bigla ngayon sa kanya ay walang iba kung 'di si Mayumi, ang Bathalang alejar ni Handiwa.
"Ikaw?"
"Purol, nahanap din kita sa wakas!" ani Mayumi, at nang makita niya kung ano ang nagaganap sa binatang Mangangayaw at sa kasama nitong isang kakaibang nilalang ay kaagad siyang lumikha ng isang dambuhalang ipoipo at iwinasiwas iyon patungo sa tikbalang. Wala namang nagawa ang tikbalang kung 'di ang umilag sapagkat tatamaan siya ng ipoipo kung hindi siya kikilos palayo. Dahil doon ay nabitawan niya si Purol na natumba sa lupa at hinahabol ang hininga at napapaubo.
Kaagad namang lumapit sa kanya si Mayumi. "Ayos ka lamang ba, Purol? Sino ang nilalang na yan at bakit ka niya sinaktan?"
"Mahabang salaysayin, Mayumi... Ngunit salamat sa iyong pagdating sa tamang sandali at nailigtas mo ako..." tugon ni Purol. "Kailangan na nating makaalis dito. Mapanganib ang tikbalang na yan! Malakas ang kanyang kapangyarihan!"
"Ikaw! Isa ka ring Bathala, hindi ba? Bakit mo tinutulungan ang isang tao na pumaslang sa isa mong kapwa Bathala? Hindi mo ba batid na nasa kanya na ang mahiwagang sandata ng Bakunawa? Nangangahulugan lamang ito na nagapi niya ang Bakunawa kaya nagagamit na niya ang sandatang naagaw niya sa Bathala!"
"Nagkakamali ka, tikbalang," ani Mayumi at mabuti na lamang ay tila nakikinig sa kanya ang tikbalang na tila hindi pa rin napapawi ang galit. "Hindi pinaslang ni Purol ang Bakunawa. Buhay pa siya. Sa katunayan ay patungo siya ngayon dito dahil tulad ko ay hinahanap niya rin si Purol. Kaya pahupain mo na ang iyong galit sa binatang ito... Wala siyang Bathalang pinapatay..."
"Totoo ba yan? Ang pinakaayoko sa lahat ay 'yung nagsisinungaling!" giit naman ng tikbalang. May pag-aalinlangan pa rin ito kay Purol at hindi naman ito masisi ng huli sapagkat kanina lamang ay pataksil siyang sinaktan noong dalawang batang Tagalipol. "Kung totoong buhay pa ang Bakunawa, paanong napunta sa iyo ang kanyang sandata? Sa pagkakaalam ko, magagawa lamang na agawin at kalaunan ay gamitin ng isang pangkaraniwang tao ang isang sandatang pagmamay-ari ng isang Bathala kapag natalo at napatay niya ang Bathala! Sa ganoong paraan lamang sumusunod ang isang mahiwagang sandata sa ibang mga nilalang na nais gumamit dito! Kaya hindi mo ako masisisi kung mahirap paniwalaan ang inyong mga winika..."
"Tama ka naman diyan," sagot ni Mayumi sa tikbalang. "Ngunit ang binatang ito ay hindi mo maituturing na isang pangkaraniwang tao, tikbalang. Siya ay nagmula sa bayan ng Batuk-Ao."
Nang marinig iyon ng tikbalang ay tila natigilan ito, at ganoon din si Purol sapagkat mukhang tama nga ang kanyang sapantaha noon sa naging usapan nila ni Handiwa. May kinalaman nga ang pagiging taga-Batuk-Ao niya sa dahilan kung bakit niya nagawang makuha ang sandata ng Mahal na Dian. Dahil kung hindi iyon ang sagot sa kanyang mga katanungan, kinain na sana nina Handiwa o Hasilum ang bunga sa tuktok ng puno ng Zulatre dahil batid naman nila na ito ang susi sa sandata ni Arowana.
"Batuk-Ao? Ang bayan ng mga Magbabatok?" ani ng tikbalang at doon pa lamang ay tila nagsitayuan na ang mga balahibo sa katawan ni Purol. Oo nga naman, bakit hindi niya kasi yun naisip noong una pa lamang? Batuk, Batuk-Ao, hindi ba't dapat ay halata na iyon?
"Tumpak. Kaya nagawa niyang gawing isang batuk ang sandata ng Bakunawa," sagot ni Mayumi. "Kaya tumigil ka na sa p*******t mo sa kanya."
Natawa naman ang tikbalang sa tinuran ng Bathalang si Mayumi. "Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo, Bathala? Oo nga't hindi niya pinaslang ang Bakunawa, ngunit inagaw niya pa rin ang kanyang sandata! Isa pa rin itong kalapastangan!"
"Ngunit bakit ka nagagalit sa bagay na iyan? Ano ang ugnayan mo sa Bakunawa? Hindi ka naman magagalit nang ganyan katindi kung wala kang kinalaman sa Bakunawa, hindi ba?" tanong na lamang ni Mayumi. Nahalata ni Purol na inilalayo ni Mayumi ang usapan mula sa kanya, at hindi niya mahulaan kung bakit.
"Hindi mo itatanong yan kung hindi rin nabura ang iyong alaala. Ngunit tulad ng ibang Bathalang nandito pa rin sa sansinukob, ikaw ay wala ng maalala tungkol sa nakalipas na mga dangtaon. Kaya't sasabihin ko sa inyo ito: Malaki ang utang na loob ko sa Bakunawa sapagkat ako ay kanyang iniligtas noon mula sa isa pang Bathala--- si Sidawa, ang Bathala ng Kamatayan. Kaya hindi na nakapagtataka na magalit ako sa aking natuklasan ngayon tungkol sa kanyang sandata..." Naglakad na papalapit kay Purol ang tikbalang at wala namang ibang magawa si Purol kung 'di ang mapaatras na lamang. "Ngunit dahil niligtas mo rin ako ngayon mula sa pagkalason, binata, hayaan mo at pag-iisipan ko ito nang mabuti. Hindi na kita papaslangin, ngunit hindi ko alam kung dapat nga ba kitang pakawalan. Batid kong galit ang Bakunawa sa sinapit ng kanyang sandata kaya kailangan kong makuha mula sa iyo ang sandatang yan..."
"Hindi mo na makukuha sa kanya ang sandatang kanya nang ginawang isang Batuk," pagsingit naman ni Mayumi. "Kung ako sa iyo ay sumuko ka na lamang, tikbalang. Kapag pinaslang mo si Purol ay hindi mo rin mababawi ang Buntot-Pagi. Kaya huwag ka nang gumawa ng bagay na hindi naman makakatulong sa atin, lalo pa't papunta na rin dito ang Bakunawa... Hinahanap niya rin si Purol kaya siya na lamang ang iyong kausapin."
"Sarinawa, siyang tunay?" bulalas ng tikbalang na tila nasiyahan naman sa kanyang narinig. "Makikita kong muli ang Bakunawa? Kung ganoon ay pumapayag na ako sa inyong mga mungkahi. Hihintayin ko na lamang siya, kaya't dito na lamang muna tayo at hintayin natin siya."
Wala namang nagawa sina Purol at Mayumi kung 'di ang sundin ang nais ng tikbalang. Wala naman itong masamang ginawa sa kanila, bagkus ay nagpakilala pa ito sa kanila. Agto nga ang kanyang ngalan, at ayon sa kanya ay siya nga ang dating pinuno ng pook na ito. "Matiwasay kaming namumuhay sa pook na ito hanggang sa dumating ang mga dayuhang nagnais na angkinin ang lupain at kabundukang ito para sa kanilang sariling pagkaganid. Dumating ang mga taong may mga mahihiwagang sandata na kung tawagin ay mga Tagalipol. Kung tutuusin, kaya ko silang talunin kung hindi lang dumating silang kasama ang isang Bathala--- ang Bathala ng mga Bulkan na si Kanlaon."
"Winasak niya ang aking tahanan, at pinaslang niya ang aking mga kauri.... Ako ay kanyang natalo dahil may hawak siyang isang makapangyarihang sandata... Isang kampilan na umaapoy--- ayon sa kanya ay mula ito sa apoy ng bulkang Agay-on, kung saan siya nagpasyang mamalagi... Sa madaling salita, ninais niyang agawin mula sa akin ang lupaing ito dahil nagpapanday siya ng mga sandatang gawa sa apoy at bato na mula sa bulkan, isang bagay na ang tulad niya lamang ang may kakayahang gumawa... Ninais ko ring maghiganti, ngunit hindi ko na iyon nagawa sapagkat isa namang tao na ang ngalan ay Lakan ang humuli sa akin at ako ay kanyang ikinulong sa puno na nagsilbi na ring aking tirahan... Kaya ako ay namumuhi sa kanilang dalawa: kay Kanlaon na inagaw ang lahat sa akin, at sa Lakan na nagkulong sa akin sa mahabang panahon!"
"Kay malas naman pala ng iyong sinapit, Agto," ani Purol. "Paumanhin kung kinailangan mo pang ilahad sa amin ang tungkol diyan."
"Hayaan niyo na, sapagkat ang mahalaga ay ako ay malaya na... Iyon nga lang, bakit wala pa ang Bakunawa? Nasaan na kaya siya ngayon?" tanong ni Agto.
"Hayaan niyong lumisan muna ako upang tumingin-tingin ako sa paligid kung siya ba ay nandito na sa kabundukang ito," ani Mayumi. Ayaw sanang magpaiwan ni Purol ngunit natatakot din siya sa maaring maramdaman ni Agto, kaya hinayaan niya na lang na makaalis si Mayumi. Ang kanyang dalangin na lang ay sana ay dumating na ang Mahal na Dian upang sila ay makaalis na rito, dahil wala yatang balak itong si Agto na sila ay tantanan hangga't hindi niya nakakusap si Arowana.
***
Samantala, nasa kabundukan ng Agayon na nga si Arowana, ngunit siya ay hinarang ng isang pangkat ng mga tao na naglalakbay. Kaagad niyang naramdaman ang isang uri ng kapangyarihan mula sa mga ito, kaya nagsimula na siyang mangamba. "Sino kayo? Ano ang inyong pakay sa akin?" tanong niya sa mga ito dahil ayaw nilang umalis sa kanyang daraanan. Malapit na siya sa kagubatan kung saan ay may nakita siya kaninang isang ipoipo at pakiramdam niya mula iyon sa Bathalang si Mayumi kaya nais niyang makarating doon agad. Naisip niya kasing maaaring nahanap na rin ni Mayumi si Purol at ngayon ay nasa panganib naman silang dalawa.
"Ikaw muna ang magpakilala... Sino ka, Bathala?" tanong naman ng isang matangkad na lalaki at nang maglakad ito patungo sa kanya ay batid na niya agad na hindi ito pangkaraniwang nilalang.
"Ako... Ako ang Bakunawa! Kaya kung ayaw niyong masaktan ay pararaanin niyo ako!"
Napangiti ang lalaki. "Sinasabi ko na nga ba. Ikaw nga ang Bakunawa. At mukhang patungo ka rin sa pook kung saan kami patungo, kaya bakit hindi ka na lamang sumama sa amin?" alok ng lalaki sa kanya. "Kung tama ang sinabi sa akin ng aking mga kasamahan, may isang lalaki na nagmamay-ari ng iyong sandata, hindi ba? Nagawa niyang makuha sa iyo ang Buntot-Pagi. Tama ba ako?"
Nagulat si Arowana na alam ng lalaki ang tungkol doon. "Paano mo nalaman ang bagay na yan?"
"Kanina ay iniulat sa akin ng aking mga Tagalipol na may nakasalamuha silang isang binata na may hawak na isang pambihirang sandata na sa pagkakadinig ko ay ang Buntot-Pagi na pagmamay-ari ng Bakunawa... At iisang lahi lang naman ang may kakayahang gawin ang bagay na iyon, at sila ay ang mga Mambabatuk,' aniya na mas lumakas pa ang pagtawa.