Kabanata 32

1572 Words
"Ano yan?" takot na tanong ni Purol habang pinagmamasdan ang nilalang na bigla na lamang sumulpot mula sa kung nasaan nakatayo ang puno ng Balete. Natumba na kasi ito sa lupa at napansin nina Purol at ng dalawang batang Tagalipol na nabiyak sa dalawang bahagi ang malaking puno na tila nagpapahiwatig na may nakawala mula sa loob nito. "Hindi ako makapaniwala..." nanginginig na sagot naman ni Pong sa tanong ni Purol. lahat silang tatlo ay tila naningas na sa kanilang kinatatayuan at walang ni isa sa kanila ang makakilos ngayon dahil na rin sa pinaghalong gulat, takot, at pagkamangha sa naganap ngayon-ngayon lamang. "Kakabanggit lang natin sa kanya... Ngunit narito na siya ngayon at nagising... Nakatakas na siya mula sa puno ng Balete!" "Ano? Ibig sabihin ay iyan ang tikbalang na tinutukoy niyo kanina?" hindi makapaniwalang tanong ni Purol kina Pong at Palong. "Siyang tunay! Hindi ako maaaring magkamali! Siya ang tikbalang na si Agto, ang sinaunang nilalang na namumuno rito sa kabundukan ng Agayon!" Isang malakas na tawa ang narinig nila mula sa kinaroroonan ng tikbalang, at sa wakas ay nakita na nila ang kabuuang anyo nito. Isa itong matangkad na nilalang. Mas matangkad ito sa pangkaraniwang tao, marahil ay halos dalawa hanggang sa tatlong ulit itong mas matangkad kay Purol. Malaki rin ang katawan nito na pinaghalong katawan ng tao at hayop. Ang mga paa nito ay tila sa kabayo, at may buntot din ito na animo'y sa hayop. Ang ulo niya ay sa tao, ngunit ang buhok niya rito ay tila sa kabayo rin. Nakasuot naman ito ng damit na hindi mawari ni Purol kung saan yari, malamang kasi ay isa itong uri ng hibla na hindi niya pa batid kung ano. Napapalamutian naman ang kanyang katawan ng mga gintong kuwintas at may suot siyang mga gintong hikaw sa kanyang mga tainga na hugis bungo. Ang kanyang balat ay tila pinaghalong kayumanggi at bughaw, habang ang kanyang mga mata naman ay kulay dilaw at pula. May mga pangil din sa kanyang ngipin, at matatalim ang kanyang mga kuko sa kanyang mga kamay. Hindi na nga alam ni Purol kung ano pa ang dapat niyang maramdaman habang pinagmamasdan ang kahindik-hindik na nilalang na ito, sapagkat tila isa itong katha ng kanyang isip na nagkatotoo. Hindi niya talaga akalaing makakatagpo siya ng ganitong uri ng nilalang. Mukhang tama nga ang mga bali-balita noon tungkol sa Daang Bathala. Naglipana nga rito ang mga hindi pangkaraniwang mga nilalang, o marahil ay mas nararapat silang tawaging mga halimaw! Kanina pa nais ni Purol na tumakbo, o gumalaw man lamang, ngunit sa kasamaang-palad ay ni hindi niya ito magawa. Naisip niya nga, ganito pala ang masindak nang tuluyan, talagang hindi ka makakakilos sa tindi ng takot na iyong nararamdaman kahit pa ano ang gawin mo! Napansin niya kasing nakita na silang tatlo ng tikbalang. Ang mukha nito ay talaga namang nakakakilabot sa paningin, lalo na ang kanyang mga pulang mata na may halong dilaw. Lumapit ito sa kanila kaya pakiramdam ni Purol ay malapit na ang kanilang katapusan. "Mga tao... May mga tao pala rito," dinig nilang sambit ng tikbalang sa kanila. Napansin din ni Purol na nanginginig na rin sa takot ang magkambal na batang Tagalipol. Si Pong nga ay parang iiyak na. Balak ni Purol na muling ilabas ang Buntot-Pagi ngunit wala siyang makitang tubig sa kanyang paligid. Dito na niya napagtanto na kung nais niyang magamit ang sandata ng Mahal na Dian kahit ano mang sandali na kailanganin niya ito ay kailangan niya palang magdala palagi ng tubig. Wala naman kasing ibang paraan upang masamo ang maalamat na sandata maliban sa basain ang batuk na nasa kanyang bisig. At dahil nga nandito sila sa bundok na walang tubig kung 'di bato lamang at lupa ay nanganganib siyang masaktan ng tikbalang na ito kung walang mangyayari. "Hindi kayo sumasagot... Mukhang nagulat kayo sa aking muling paglaya..." ani ng tikbalang. "Kung sa bagay, kahit ako rin naman ay nagulat. Ang tagal kong nahimlay sa loob ng punong nagsilbing aking tahanan ng maraming dangtaon, kaya hindi na ako magtataka na magugulat na lamang kayo na ako ay lumaya na! Ahahahaha!" Ang lakas ng tawa ng tikbalang at alam nina Purol na maririnig ang tawa nito sa buong kabundukan. Nagtakip pa nga ng kanilang mga tainga sina Pong at Palong sapagkat masakit sa tainga ang malakas na halakhak ng bagong sulpot na nilalang sa kanilang harapan. Nag-iisip pa rin si Purol kung paano siya makakalayo mula sa tikbalang na ito, ngunit wala siyang maisip. Batid niyang ang mga tikbalang ay 'di hamak na mas malakas sa isang tao, at sinasabi ring may taglay silang mga kapangyarihan. Ayon sa kanyang lola noon, ang mga tikbalang ay sinasabing may kakayahang magbalat-kayo, gamitin ang mga halaman sa kaniyang paligis bilang kanyang sandata, at may taglay itong pambihirang lakas na sinasabing katumbas ng isang libong mandirigma. Doon pa lamang ay batid na ni Purol na wala siyang laban sa tikbalang na ito kung sakaling siya ay saktan nito. Ang Buntot-Pagi lamang ang kanyang naiisip na tanging makakatulong sa kanya, ngunit hindi niya naman alam kung saan siya makakahanap ng tubig. Balak niya sanang tanungin ang dalawang batang paslit, ngunit nagdadalawang-isip din siya sapagkat malalaman naman ng dalawang batang Tagalipol ang lihim kung paano niya masasamo ang kanyang sandata. "Hindi pa rin kayo nagsasalita. Magtatanong na lamang ako sa inyo," sabi ng tikbalang. Nagulat pa nga si Purol dahil tila masayahin pa yata ang tikbalang na ito at mukhang wala naman itong balak na manakit. "Kayo ba ang gumising sa akin?" nakangiti pa nitong tanong sa kanila. Ngunit dahil nakakatakot pa rin ang wangis nito ay mas lalo lamang nasindak ang dalawang batang Tagalipol nang makita nilang nakangiti ito sa kanila. "G-Gumising?" bulalas ni Purol. Ni hindi siya makapagsalita nang maayos. Tumango ang tikbalang. "Oo. Nakarinig kasi ako ng awitin kanina na galing sa isang agung. Ito ang gumising sa akin mula sa aking matagal na pagkakahimbing. Kayo ba ang nagpatugtog ng agung? Wala kasi akong makitang agung na hawak niyo ngayon." Batid ni Purol na ang isang agung ay isang malaking ksangkapan na ginagamit sa pagtugtog ng mga awitin. Karaniwang mayroon nito ang mga bayan dahil ginagamit ito kapag may kaganapan sa bayan tulad ng kasal, o 'di naman kaya ay libing. "W-Wala kaming agung dito... Hindi kami ang nagpatugtog ng agung na iyong narinig," ani Purol na sa wakas ay nakakapagsalita na. Naramdaman niya na kasing mabait naman pala ang tikbalang na ito, taliwas sa mga kwentong-bayan tungkol sa kanyang lahi. "Ah ganoon ba? Kung ganoon, sino ang gumising sa akin mula sa aking pagtulog?" nagtataka namang sagot ng tikbalang. Nagpalinga-linga pa ito sa kanilang paligid upang hanapin ang tumugtog ng agung na hindi naman narinig nila Purol kanina. "Paumanhin, ngunit hindi namin alam kung sino ang nagpatugtog ng agung na gumising sa iyo," magalang na tugon ni Purol dito. "Ngunit kung hindi ako nagkakamali, ay ang Lakan ang sinasabing may kakayahang gawin iyon, hindi ba?" Biglang nag-iba ang timpla ng ugali ng tikbalang nang marinig nito ang salitang 'Lakan.' Nanlaki pa nga ang mga butas sa kanyang ilong dahil sa kanyang narinig. "Oo nga pala! Ang Lakan! Siya ang may kagagawan kung bakit ako nakulong sa loob ng aking tahanang puno! Siya rin ang nagpataw sa akin ng sumpa kung saan ako ay mahihimbing nang ilang dangtaon! Napakasama niya!" "M-Masama ang Lakan?" ulit ni Purol. "Hindi ba siya ang namumuno sa buong sansinukob?" "Marahil ay tama ka, ngunit hindi ako nasa ilalim ng kanyang katungkulan sapagkat hindi naman ako tao! Kaya kay lakas ng kanyang loob upang ako ay maisahan nang ganoon na lamang! Hindi ko siya mapapatawad! Ikaw! Ano ang ngalan mo?" "Ako? Ang ngalan ko ay P-Purol..." "Kilala mo ba ang Lakan? Ikaw ba ay kanyang kakampi?" Agad na umiling si Purol. "Nagkakamali ka! Hindi ko kilala ang Lakan, at lalong hindi ako kanyang tauhan! Sa katunayan pa nga ay isa akong Mangangayaw, at ako ay lumalabag sa mga batas at mga tuntunin na itinataguyod ng Lakan!" Mariin siyang tiningnan ng tikbalang. "Kung ganoon, hindi kita kaaway. Ang aking kaaway ay ang Lakan na siyang nagsumpa sa akin, at kailangan ko nang wakasan ang kanyang buhay. Magtutuos kami sa lalong madaling panahon!" sabi pa nito ngunit bigla rin itong napasigaw nang may tumama sa kanyang kung ano. Napasinghap sa gulat si Purol. Ang bagay na tumama sa tikbalang ay ang kalawit na nakakabit sa dulo ng tanikalang sandata ni Palong, at ang kanyang sandata ay nakapulupot na rito! "Pong! Ngayon na! Gamitin mo na ang iyong palaso!" "Pong! Palong! Ano ang inyong ginagawa?" sigaw ni Purol sa dalawang batang paslit sapagkat naisahan na pala ng mga ito ang tikbalang na mukha namang hindi masama. Kanila itong sinusubukang hulihin gaya ng ginawa nila kay Purol kanina! "Siya ay aming balak hulihin at iharap sa aming pinunong si Kanlaon!" ani Pong, at pinakawalan na nito ang kanyang palasong nakaasinta sa tikbalang. Tumama ito sa likod ng tikbalang, at napasigaw ito nang napakatindi nang tamaan ito ng palaso sa kanyang likuran. Sa lakas ng kanyang pagsigaw ay nakalikha siya ng isang malakas na bugso ng hangin--- o buhawi, at dahil doon ay tumilapon palayo si Purol. Ngunit bago siya bumagsak sa lupa ay nakita niya pang natumba na ang tikbalang, at sumuka ito ng kulay itim na dugo habang sumisigaw ito. "Mga taksil! Magbabayad kayong mga tao sa kalapastangan niyong ito!" sigaw pa nito bago ito nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD