[Kapanalig- ally; fellow; supporter]
Kung noong una ay natatawa si Arowana sa ipinagtapat ni Purol sa kanya, ngayon ay hindi na sapagkat napagtanto niya na magkasingtulad lamang sila. Katulad ni Purol, siya rin ay nangangarap na maganap ang isang bagay na mas malabo pa sa pagputi ng uwak o pag-itim ng tagak na maganap.
Kung tutuusin, baka nga mas mauna pang magkatotoo ang nais mangyari ni Purol para sa kanyang sarili. ANg sabi niya ay nais niyang maging Lakan. Di hamak naman na mas madali itong gawin kaysa mahanap ang kanyang asawa na hindi niya nga alam ang pagkakakilanlan.
Sa pagkakaalam niya, ang Lakan ay ang tao na may pinakamataas na katungkulan sa buong sansinukob. Kung bawat bayan ay may pinuno na kung tawagin ay Datu, at bawat Datu ay napapasailalim sa isang Rajah, ang mga Rajah naman ay pinamumunuan ng Lakan. Sa makatuwid, siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng mga pinuno sapagkat kahit iisa lamang ang Lakan sa buong sansinukob.
Hindi alam ni Arowana kung bakit nais ni Purol na maging Lakan, ngunit kung hindi ito nagbibiro ay maaarin namang mangyari iyon. Yun nga lang ang ganoong katayog na pangarap ay siya ring napakahirap abutin. Kaya't hinayaan na lamang ni Arowana ang binatang Mangangayaw sa kagustuhan nito. Ngunit kahit ganoon, tinanong niya pa rin si Purol kung bakit nais nitong maging Lakan.
"Upang maibangon ko ang Batuk-Ao mula sa kahirapan, Mahal na Dian," saad nito. "Kung hindi mo pa napapansin, lahat ng nakatira rito ay pawang mga mahihirap. Kaya nga nasa ibabaw ng tubig nakatayo ang aming mga tahanan sapagkat wala kaming sariling lupain. Upang magkaroon lamang ng makakain, kailangan naming gumawa ng mga bagay na kami nga ay hindi namin kagustuhan gaya na lang ng Pangangayaw. Sino ba ang may nais na magnakaw at manalakay ng ibang mga caracoa kung maaari kang mamamatay sa ganoonggawain? Kung ako ang tatanungin, mas nanaisin ko na lamangang payak na pamumuhay kaysa maging isang Mangangayaw. Biruin mo, bawat pangangayaw mo ay parang nasa hukay na rin ang isa mong paa, Mahal na Dian."
"Bakit mo naman nasabi iyan?"
"Sapagkat hindi mo naman malalaman kung ano ang naghihintay sa iyo sa caracoa na iyong sasalakayin. Tingnan mo na lamang ang nangyari kina Kuhol nang makaharap ka namin. Hanggang ngayon ay wala pa akong balita kung ano ang nangyari sa kanila. Nag-aalala na ang kanilang mga pamilya. Ang sinabi ko na lamang ay wala akong alam sapagkat ako ay kanilang iniwan."
"Kung sa bagay. Hindi mo nga mahuhulaan kung ano ang mangyayari sa 'yo sa tuwing kayo ay mangangayaw."
"Lalo na kapag ang makaharap namin ay mga mangangalakal. Kadalasan kasi ay may mga sandata sila. Lalo naman ang mga Miar. Katulad na lang ng Miar na iyong nakasalamuha. May kasama siyang isang Bathala at kapag sila ang nakasagupa mo, tiyak na ang iyon na rin ang iyong katapusan."
"Hindi ba't ang Miar ay isang mayamang Mangangalakal?" tanong pa ni Arowana kay Purol.
"Tama po kayo, Mahal na Dian. Maituturing din siyang makapangyarihan sapagkat sa taglay niyang yaman, lahat ay magagawa niya. Sila rin ang nagpapasinaya ng Miargaro, na siyang tawag namin sa kalakalan na nagaganap dito sa amin. Kung nais mong makilahok at ilako ang iyong mga paninda sa Miargaro, magbabayad ka ng patong sa Miar."
Tumango-tango naman si Arowana na mataman pa ring nakatingin sa caragoda. "At pag-aari ng Miar na iyon ang caragoda na iyon?"
"Tama, Mahal na Dian. Ang caragoda ay isang caracoa na ginagamit sa pangangalakal. Kadalasang pag-aari ito ng isang Miar. Mukhang maraming lamang kalakal ang caragoda ng Miar na iyon, Mahal na Dian, kaya marami rin itong bantay. Mahihirapan tayong makalapit kay Durao nang hindi nila napapansin dahil sa dami nila kung kaya't kailangan nating pag-isipan nang mabuti ang gagawin natin."
"Kung ganun, isa ngang may mataas na katayuan ang lalaking tila sinusunod ng Durao na yun..." ani Arowana na malalim na pala ang iniisip. "Kilala mo ba ang Miar na nagmamay-ari ng caragoda na iyon, Purol?"
"Iisa lang naman ang Miar na nagpupunta rito sa Batuk-Ao, Mahal na Dian. At yun ay si Pinunong Laim."
"Laim? Sino siya?"
"Wala akong masyadong alam sa kanya, ngunit kilala siya bilang isang tuso at makapangyarihang Miar. Isa sa mga madalas niyang ikalakal sa mga mayayamang tao ay mga alejar---"
"Alejar?"
"Mga taong ginawang alipin, Mahal na Dian," ani Purol na natutuwang magbigay ng kaalaman sa kasama niyang Bathala. Noong una ay nagtataka pa siya kung bakit ang isang Bathalang tulad ni Arowana ay walang masyadong alam sa mga bagay-bagay ngunit kung iisipin, hindi naman pala ito nakakagulat. Iba naman kasi si Dian Arowana sa kanya.
Napasinghap doon si Arowana sa naging tugon ni Purol. "Sarinawa! Purol! Paano kung ginawa niyang isang alejar si Durao?"
Nagkatinginan ang dalawa. Mababakas sa mukha ni Arowana ang pangamba, na para bang ang kanyang hinuha'y alam na niyang iyon ang katotohanan.
Nabasa naman agad ni Purol ang nasa isip ng Bathala kaya inunahan na niya itong magsalita. "Mahal na Dian, hindi tayo maaaring magtungo sa caragoda na iyan kung tama ang iyong hula. Nais ka nilang saktan, Mahal na Dian. Hindi mainam na lumapit pa kayo sa kanila."
"Kahit na maaaring si Durao nga ang aking nawalay na asawa?" aniya.
Maaari nga iyon, isip-isip ni Durao. Ngunit iba ang kutob niya sa Miar. Nakikita na niya ito noon pa at alam niyang ganid ito lalo na pagdating sa kayamanan. Hindi na magtataka si Purol kung malalaman niyang nais ng Miar na gawin ding alipin nito si Arowana. Bukod sa suliraning iyon, mabigat din sa loob para kay Durao ang napipintong pakikipagkitang muli ng Mahal na Dian kay Durao. Kapag nagkataon kasing ito nga ang asawa ni Arowana, magsasama na ang dalawa. Ano na lamang ang mangyayari sa kanya? Saan na siya pupulutin noon? Babalik ba siya sa pagiging isang Mangangayaw?
Akmang lulusong na ulit si Arowana sa tubig upang magtungo sa caragoda nang siya'y pigilan ni Purol. Nabigla pa siya sa kanyang ginawa, na hawak niya ngayon ang kamay ng napakagandang Bathala. Masama ang titig sa kanya ni Arowana ngunit kailangan niyang maging matapang.
"Bitawan mo ako."
Umiling si Purol. "Mapapahamak ka, Mahal na Dian."
"Kaya ko silang labanan," giit naman ni Arowana. "Marahil ay nakita mo naman kanina kung ano ang kaya kong gawin sa magtatangkang manakit sa akin, Purol."
"Ngunit sa aking palagay ay kapantay mo lamang si Durao. At paano mo siya kakausapin kung parati niyang kasama ang Miar? Kung isa nga siyang alejar ni Pinunong Laim, susundin nito ang bawat ipag-utos nito sa kanya. Patawad kung sasabihin ko sa 'yo ito Mahal na Dian ngunit wala kang mapapala kung makikilala ka ng lahat kung sino kang talaga."
"Kay lakas ng iyong loob---"
"May mga paraan upang humina ang isang Bathala, Mahal na Dian at alam kong batid mo ito. Alam mo ring maaaring gamitin ito ng Miar at ni Durao laban sa 'yo sa takdang magpakita ka sa kanila."
"Kailangan kong makausap si Durao!"
"Naiintindihan ko po ngunit kailangan natin itong pag-isipan nang mabuti. Ang pagsugod doon ay maihahalintulad mo na rin sa isang kapangahasan, Mahal na Dian."
Nais pa sanang sumagot ni Arowana ngunit inaamin niyang napahanga siya ng Mangangayaw sa mga tinuran nito. Tama ito sa kanyang sinabing mahihirapan siyang kausapin si Durao nang maayos kung naroon ang Miar na nag-uutos ditong hulihin siya. Ang kailangan niya ay makausap ang lalaking Bathala nang palihim! Ngunit paano niya ito magagawa?
Naramdaman ni Arowana na humigpit ang pagkakahawak ni Purol sa kanyang kamay. "Mahal na Dian, may naisip po akong paraan kung paano niyo makakausap si Durao nang matiwasay na hindi mapapasabak sa ano mang gulo." Kumikinang pa sa dilim ang mga mata nito na wari'y nagsasabing pakinggan niya naman ang sasabihin nito sa kanya.
"Paano?"
"Magpapanggap tayong bibili tayo ng kalakal sa kanila."
***
Sa tanang buhay ni Purol ay ngayon lamang siya gagawa ng isang mapangahas na bagay--- ang subukang linlangin ang isang taong may mataas na katungkulan sa lipunan.
Oo nga't bilang Mangangayaw ay sadyang mapangahas ang kaniyang ginagawa noon--- ang manguha at magnakaw ng mga kalakal ng iba, ngunit bihira nilang gawin iyon sa isang Miar. Unang-una, wala silang laban sa mga caragoda ng Miar. Kay rami ng mga tauhan nitong Mandirigma, at marami rin itong mga kapanalig na katulad nilang mga Mangangayaw. Isang kabaliwan ang kalabanin ang isa sa mga tulad nila.
Lalo na't kinatatakutan sa Batuk-Ao si Pinunong Laim. Hindi kasi ito nagdadalawang-isip na parusahan ang sino mang kumakalaban sa kanya. Halos kapantay lang nito sa katungkulan si Datu Uma na siyang pinuno ng Batuk-Ao. Iginagalang ito ng mga tao lalo na ng mga katulad ni Purol sapagkat dito sila nakikipagpalitan ng mga kalakal.
Ngunit iba na ang panahon ngayon. Handa na siyang gawin ang dati'y hindi niya man lang naisipang balakin. Kailangan siya ni Arowana kaya't gagawin niya ang lahat masunod lamang ang nais nito.
Palihim silang bumalik sa bahay ni Purol kung saan nila naabutan ang kaibigan nitong si Ubay na nagulat sa pagsulpot niya kasama ang isang magandang binibini. "Siya si Dian Arowana," pagpapakilala nito sa kasama ngunit tila nahalina na rin ni Arowana ang lalaki. Nakatulala na ito sa kanya at hindi na kumukurap ang kanyang mga mata.
Ang akala ni Purol ay mahihirapan siyang maisakatuparan ang iniisip dahil sa maaaring mag-alangan si Ubay, ngunit kabaliktaran ang nangyari. Magiliw nitong tinanggap ang mga sinabi ni Purol, at tumatango ito sa bawat sasabihin ng Dian. Napasapo sa noo niya si Purol at napailing na lamang. Nakalimutan niyang may angking kagandahan si Arowana na bumibihag sa mga kalalakihan. Madali nitong napasunod ang mga taong kailangan nito. Kaya't nasilayan ni Purol na may pag-asang magtagumpay sila sa kanilang balak.
Kaya namalayan na lang niyang nasa isang bangka na sila kinaumagahan, at nakasuot sila ng kasuotan ng mga mangangalakal at patungo sila sa Miargaro na kasalukuyang nagaganap sa gitna ng karagatan ng Batuk-Ao. Tanaw na nila ang mga maliliit na bangkang paroo't-parito at lahat ay tinutumbok ang malaking bangka ng Miar na si Pinunong Laim.
Hindi ito katulad ng mga payak na caracoa na yari lamang sa kahoy at nalalagyan lamang ng mga lantaka at layag; ang caragoda ay tadtad ng mga palamuting ginto at mga anitong nakalagay sa magkabilang dulo nito. Makukulay rin ang mga layag nito na nagsusumigaw ng karangyaan. At higit sa lahat ay mapapansin agad ang mga kahon-kahong kalakal na naroon. Ayon kay Purol, karamihan ng mga naroong kalakal ay mga mamahaling tela na nagmula pa sa malalayong lugar.
Nalampasan na nila ang dambuhalang puno ng Zulatre nang biglang sumakit ang ulo ni Arowana. Napatili siya sa pagkakabigla kaya't nagulat rin si Purol at ang mga kaibigan nito. "Mahal na Dian, ano ang nangyayari sa iyo?"
"Kumirot bigla ang ulo ko!" sagot naman ni Arowana na napayuko habang sapo-sapo ang kanyang noo. Hindi siya makapaniwala na nangyayari ito ngayon sa kanya. At bago pa man siya makapgsalita ulit, bigla siyang may nakita sa kanyang isipan. Bigla niyang nakita ang sarili niya na lumalangoy sa tubig, na alam niyang dito sa Batuk-Ao!
At habang siya ay nasa tubig, may isang caracoa na papalapit sa kanya. At may lulan itong isang binata!
Tinawag siya nito. "Arowana, aking irog," sabi ng tinig ng lalaki na pakiramdam ni Arowana ay narinig na niya.