[Sapantaha- presumption, suspicion]
Ikinagulat iyon ni Purol. Hindi naman iyon malayong mangyari sapagkat isa rin namang Bathala si Durao Liliente, ngunit may kung ano'ng nagsasabi sa kanya na nagkakamali ang Dian na kasama niya. "N-Nakatitiyak po ba kayo, Mahal na Dian?" paniniguro niya rito. "May naaalala ka ba na dahilan upang makapagsabi ka niyan?"
Umismid sa kanya si Arowana dahil hindi yata nito nagustuhan ang tinuran niya rito. "Kakasabi ko lamang sa iyo na wala nga akong naaalala sa aking nakaraan, Purol. Ito ay aking kutob lamang!"
"Paumanhin, Mahal na Dian," paghingi niya naman ng tawad. "Akala ko lamang ay may malalim kang dahilan upang isipin na siya nga ang iyong nawalay na asawa. Bukod kasi kay Durao Liliente, marami pang ibang lalaking Bathala."
"Alam ko naman iyan," singhal ng dalaga kay Purol. "Kaya nga kailangan ko siyang makausap. Iyon ang kailangan nating gawin. Kailangan ko siyang makausap na hindi niya kasama ang matandang Miar. Pakiramdam ko kasi ay hindi kayang suwayin ni Durao ang matandang iyon. At gusto akong hulihin ng taong iyon, na ka'y lakas ng loob!"
"Mahirap ang nais mong mangyari, Mahal na Dian," sambit ni Purol. "Kung tama ang aking sapantaha, nais ka nilang hulihin upang ikaw ay maging alipin ng Miar."
Kumunot ang noo doon ni Arowana. "A-Alipin? Ano ang ibig mong sabihin?"
"Hindi mo alam ang tungkol doon?" ani Purol na gulat naman na tila walang kaalam-alam ang dalagang Bathala ukol doon. "Mahabang salaysayin ang tungkol doon, mahal na Dian, kaya't mabuti pa't mag-isip na muna tayo kung ano ang gagawin natin upang makausap mo nga si Durao. Mungkahi ko na umalis muna tayo rito sa laot at sumama ka na muna sa akin sa aming bayan upang doon tayo makapagsagawa ng ating balak."
"At bakit kailangan pa nating lumayo kung nandito na tayo? Baka umalis na rin ang caragoda nila!"
"Bukas pa ang alis nila mula rito sas Batuk-Ao. Nandito kasi ang Miar upang makipagkalalakan para na rin sa piging na ginaganap ngayon dito. At kung sakali mang makita nila tayo, kaya nila tayong talunin sapagkat mas marami sila."
"Kung sa bagay. Hindi rin biro ang lakas ng Durao na iyon."
"Kaya nga't mungkahi ko na sumama ka muna sa amin. Hihingi rin ako ng tulong sa mga kaibigan ko, kaya't magkakaroon tayo ng pagkakataon na makapag-isip ng mabisang gagawin upang makadaupang-palad mo na ang Bathalang iyon."
Hindi na sumagot pa si Arowana doon sapagkat maganda naman ang naiisip gawin ni Purol. At saka wala rin naman siyang ibang paraan na maisip kaya't hahayaan niya na muna si Purol na magpasya para sa kanilang dalawa. Kailangan niya rin kasing magpahinga dahil sa totoo lang, nahapo siya sa naganap kanina sa pagitan nilang dalawa ni Durao.
Mabuti na lamang at mabait ang mga kasama ni Purol. Ipinakilala sila ni Purol kay Arowana ngunit nakalimutan na niya agad ang kanilang mga pangalan. Ang natatandaan lang niya ay mga kababata ito ni Purol at mababait sila. Hindi naman siya nailang sa mga kasamahan ni Purol sapagkat itinago nilang dalawa sa mga ito ang kanyang tunay na katauhan. Ang akala pa nga nila ay kasintahan siya ni Purol. Pulang-pula tuloy si Purol dahil sa maling akala ng mga kaibigan niya, Hinayaan niya na lamang ang mga ito habang siya ay umidlip.
Kaya naman kaagad siyang naidlip nang marating nila ang payak na bayan ng Batuk-Ao, na isa palang bayan na nakatayo sa taas ng ilog na ito na kung tawagin ay Ilog Batuk. Akala niya nga ay nakakamangha ang pook na ito sapagkat nasa bukana ito ng Daang Bathala, ngunit wala namang kakaiba rito bukod sa dambuhalang puno ng Zulatre sa tapat ng bibig ng Ilog Batuk. Hindi niya nga mawari kung bakit may puno ng Zulatre rito, dahil kung siya ang tutuusin, wala namang kakaiba sa Batuk-Ao. Ang nakaagaw lamang sa kanya ng pansin ay ang mga bata rito na naglalaro suot ang kakaibang mga damit na ayun kay Purol ay isang uri ng laro kung saan ginagaya nila ang isang kwento ukol sa isang Bathala.
"Sinong Bathala ba ang ginagaya ng mga batang iyan?" tanong ni Arowana kay Purol habang pinagmamasdan nila ang mga bata sa kanilang makukulay na kasuotan.
Umiling si Purol. "Hindi namin alam ang kanyang ngalan, ngunit sinasabi sa aming kwnetong-bayan na ang Bathalang iyon ang nagtatag ng Batuk-Ao. Siya rin ang dahilan kung bakit may Zulatre rito."
"Talaga? Kung ganun, maaaring may mahalagang dahilan kung bakit may puno ng Zulatre rito sa inyo. Hindi kaya narito lang din ang Bathalang iyon?"
"Yan ang hindi ko alam," tugon ni Purol. "Ngunit kung mayroon mang Bathala na nanirahan noon dati, siguro ay lumisan na iyon ngayon. Bakit niya naman pagtitiisan ang hamak na pook na ito? Wala naman siyang mapapala rito."
"Kay baba naman ng tingin mo sa inyong bayan. Nakakagukat. Akala ko ba ay kapag ikaw ay isang Mangangayaw ay mataas ang iyong tingin sa iyong sarili sapagkat marami na kayong natatalong mga malalakas na mga tao? Hindi ba't upang mabuhay kayo ay kailangan niyong makipaglaban sa mga caracoa na dumaraan dito?"
"Oo nga, Mahal na Dian. Ngunit hindi naman lahat ay masaya sa buhay-Mangangayaw."
Nagkatinginan silang dalawa. "Kung ganun, ibig mo bang sabihin ay hindi mo talaga nais na maging isang Mangangayaw?"
Tumango si Purol. Malungkot ang kanyang mukha sapagkat may naalala siya sa kanyang nakaraan na naungkat dahil sa usapan nila ngayon ni Dian Arowana. "Hindi ko naman ninais na maging isang Mangangayaw. Wala lang akong mapagpipilian, Mahal na Dian."
"Kung ganon, bakit ka naging isang Mangangayaw?"
"Bago ako naulila, nagkaroon ako nang malubhang sakit ng ako ay sanggol pa lamang, Mahal na Dian. Kinailangan ng salapi ng aking mga magulang upang ako ay madala nila sa isang catalona na maaaring makapagbigay ng lunas sa aking sakit. Ngunit dahil wala naman kaming ganoong salapi, humiram ang aking ama sa mga magulang ni Kuhol, ang aking pinuno nang unang beses tayong nagkatagpo. Hindi iyon nabayaran ng aking ama hanggang siya ay mamatay, kaya't heto ako at malaki na, ako ang nagpartuloy sa pagbabayad ng utang na iyon hanggang sa matapos ko itong bayaran."
"Kung ganoon, napilitan ka lang na makisama sa mga iyon." Nabigla si Arowana sa natuklasan niya kay Purol. Wala na pala itong mga magulang. Kaya pala wala siyang kapamilya na sumalubong rito kanina nang dumating sila sa tahanan ni Purol.
"Opo, Mahal na Dian."
Nagtataka na si Arowana. "Kung ganon, ano sana ang nais mo gawin sa iyong buhay kung hindi mo kinailangang magbayad sa pamilya ng Purol na iyon?"
Napatingin si Purol sa kalangitan. "Nais ko sanang maging Lakan, Mahal na Dian." Natawa doon si Arowana dahil hindi niya alam kung nagpapatawa ba si Purol o hindi. Hindi kasi biro ang sinabi nito. Nais nitong maging Lakan, ang pianakamataas na taong may katungkulan sa buong sansinukob!