Kabanata 8

1201 Words
[Anito--- a spirit which according to traditional Filipino culture--- belongs to one's ancestor, or from nature itself. They are highly regarded and considered to be bringers of good luck or misfortune.] *** Hindi na alam ni Arowana kung ano ang gagawin sa pagkakataon na ito. Ito ang unang pagkakataon na siya ay nabato-balani; dahil sa isang bagay na hindi niya nga mawari kung ano. Hindi niya mapagtanto kung ito ba ay talagang nagaganap ngayon sa kanya o ito ba ay waring isang pangitain lamang. Kung siya lamang ang masusunod, agad niyang nanaisin na ito ay totoo na lamang sapagkat may kutob siya na ang tinig na narinig niya ay pagmamay-ari ng kanyang nawawalang asawa. Kaya naman hindi na niya napigilan ang kanyang sarili. Siya'y napahiyaw sa gulat at pagkakasabik sa asawa niyang hindi niya naman matandaan kahit man lang ang wangis nito. "Sino ka? Nasaan ka?" tawag niya rito. "Magpakita sa akin!" Iyon ang kanyang sinambit sapagkat wala naman siyang makitang kahit ano sa harapan niya kahit man lang anino ng isang nilalang. Ang nakikita niya lang ngayon ay ang madilim na karagatan at ang kumikislap na mga ilaw sa di-kalayuan, na sa kanyang palagay ay mga ilaw mula sa mga lampara ng mga tahanan dito sa Batuk-Ao.  "Mahal na Dian! Sino ang iyong kausap?" naguguluhang tanong naman sa kanya ni Purol. Nilingon siya ng nagtatangis ng si Arowana. "May narinig akong tinig, Purol!" kwento niya rito. "Tinawag niya ako! Alam niya ang ngalan ko at tinawag niya akong irog!" Nabigla rin doon si Purol, dahil mukha namang hindi nagbibiro at lalong hindi nagsisinungaling sa kanya ang Mahal na Dian. Ngunit pakiramdam niya rin ay may hindi tama rito dahil wala naman siyang narinig o nakita, kaya't nagtanong na siya. "Paumanhin sa aking kalapastangan Mahal na Dian ngunit nakatitiyak ka ba na hindi lamang guniguni ang iyong narinig?" "Hindi ako nagsisinungaling!" ani Arowana na tila ay nainis sa tinuran sa kanya ng binatang Mangangayaw. "Bakit ako magsisinungaling? Ano ang mapapala ko roon?" "Kung sa bagay," sagot na lamang ni Purol na nakatungo dahil tama naman ang Bathala. Alam niyang hindi ito gagawa ng kwento. "Ngunit wala akong nakita o narinig, Mahal na Dian. Kayo, may nakita ba kayo o narinig?" baling niya naman sa iba pa nilang kasama rito sa caracoa. Lahat ng kasama nila, na tatlong katao--- ay lahat umiling sa kanyang huling katanungan.  Ang mga kasama nina Purol at Arowana na lulan din ng sinasakyan nilang caracoa ay lahat hindi umiimik. Marahil ay nasisindak na may kasama silang isang Bathala ngayon. Isa sa kanila ay ang kababata ni Purol na si Ubay, na hindi pa rin makapaniwala sa kanyang nasasaksihan ngayon. Akala niya nga ay nagbibiro lamang noon si Purol nang ipakilala nito sa kanya ang magandang dilag na kasama nito. Yun pala ay ito na ang sinasabing si Bakunawa, o si Arowana, na sinasabing isang nakakatakot na Bathala. Hindi man batid ni Ubay kung gaano katotoo ang mga sinabi ni Purol tungkol sa Bathalang kasama nila ngayon, nasindak pa rin siya nang ito ay magsalita na. Mararamdaman mo kasi rito na hindi lamang ito basta-bastang dilag. Bukod sa taglay nitong kagandahan, isang tingin mo pa lamang rito ay madarama mo na mula ito sa isang mataas na uri ng pamumuhay. Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit 'Dian' ang tawag rito ni Purol. Baka nga bukod sa isa itong bathala ay isa rin itong pinuno ng kung ano mang uri ng pook.  "Halika, aking irog. Dito tayo magpahinga..." Ito ang narining ni Arowana kung kaya't napatayo na siya sa caracoa at lumingon pa siya kina Purol. "Narinig niyo ba iyon? May nagsalita na naman?" "Wala akong narinig," ani Purol. "Ano ang sinasabi nito, Mahal na Dian?" "Tinatawag niya ako!" Hindi na talaga natutuwa si Arowana sa nagaganap. Tila kasi na siya lamang talaga ang nakakarinig sa tinig ng lalaki.  "Mukhang narinig niyo ang Anito ng Batuk-Ao, Mahal na Dian," sabat na ni Ubay sa usapan nina Purol at Arowana kaya't napalingon ang lahat sa kanya. Ngunit dahil kiakabahan pa rin si Ubay sa Bathala ay nakatungo ito habang nagsasalita. "Pinaglalaruan ka yata niya." "Anito ng Batuk-Ao? Ano iyan?" tanong naman ni Arowana. "Purol, may alam ka ba ukol dito sa sinasabi ng iyong kaibigan?" Tumango naman si Purol. "Ang anito na ito ay laman ng aming mga kwentong-bayan dito sa Batuk-Ao, Mahal na Dian. Sabi ng mga matatanda, nakatira ito sa paanan ng Zulatre at ito ay nagsisilbing bantay at gabay namin mula sa mga nais gawan kami ng masama. Ngunit mapaglaro rin daw ang anito, kaya't minsan kapag natipuhan ka nito ay maari ka nitong paglaruan tulad na lamang ng pagtawag nito sa iyo hanggang sa ikaw ay mahintakutan." Napaisip doon si Arowana. Ayaw niyang maniwala agad sa sinasabi nina Purol, dahil may kutob pa rin siya na ang nawawala niyang asawa ang naririnig niya. Kaya't walang ano-ano ay lumusong ulit siya sa tubig at nilangoy niya ang Zulatre. Hindi na siya nagpapigil pa kina Purol. Samantalang gulat na gulat naman si Purol sa ginawa ni Arowana. Hindi niya nga alam kung bakit lumusong din siya sa tubig kahit na sumisigaw na ang mga kaibigan niya na bumalik siya sa caracoa. Lumangoy na rin siya at sinundan ang kanyang Mahal na Dian, sapagkat may hinala siya na maaring mapahamak ito. At hindi nga siya nagkamali. Dahil nang marating nila ang paanan ng dambuhalang Zulatre, bigla na lang naglaho ang Bathala. Kinakabahan na si Purol sapagkat natatakot rin naman siya sa sinasabing anito na naninirahan dito, kaya't napasigaw siya nang isang nilalang ang bigla na lamang sumulpot sa kaniyang harapan. Isa itong lalaki--- at sa wari niya ay kilala niya ito. "Sino ka?" tanong ni Purol rito kahit na kinakabahan na siya nang matindi habvang kaharap ang isang nilalang na sa tingin niya ay hindi niya katulad na isa lamang hamak na tao. "Ikaw ba ang anito---?" Hindi na niya natuloy ang kanyang tanong sapagkat naglakad na papalapit sa kanya ang nilalang. napansin ni Purol na marangya ang kasuotan nito. May mga palamuting ginto ito sa kanyang katawan at nakasuot pa ito ng kalasag na animo'y ito ay nakahandang makipaglaban. Napalunok pa nga ng laway si Purol nang mapagtanto nito na tila ito ay isang mandirigma.  "Sa wakas, nagtungo ka rin dito," sambit ng lalaki sa kanya na matamang nakatitig sa kanyang mukha. Ganoon din naman ang ginawa ni Purol. Pinagmasdan niya ang mukha ng lalaking ito sapagkat pakiramdam niya talaga ay kilala niya ito. Ngunit malabo naman talaga iyong mangyari sapagkat wala naman siyang kilalang kawangis ng lalaking nasa harapan niya ngayon--- lalo na isang lalaking narito sa paanan ng Zulatre. "Sino ka ba?" tanong niya rito. "Ikaw ba ang anito---?" Napangiti ito sa kanya, o marahil sa tanong niya. "Ganoon na lamang ang isipin mo upang hindi ka na mahirapan, Purol." Napasinghap si Purol doon sa narinig niya. "Kilala mo ako?" Tumango ito. "Matagal na kitang hinihintay. Kayo ni Arowana." "Kilala mo ang Mahal na Dian? Sandali nga lamang! Ikaw ba ang asawa ni Arowana?" Hindi niya iyon sinagot bagkus ay iba ang tinuran nito kay Purol. "Ang kasagutan sa mga tanong niyo ay nasa isang pook na kung tawagin ay Hiraya. Magtungo kayo roon, Purol."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD