Kabanata 20

2313 Words
Napanganga na lamang si Purol sa kanyang nakikita ngayon sa kanyang sariling katawan. Kung may magsasabi sa kanya ngayon na siya ay nananaginip lamang, magmula kanina nang makaakyat siya sa tuktok ng punong Zulatre hanggang sa ngayon ay maniniwala siya sapagkat hindi naman talaga kapani-paniwala ang nagaganap ngayon sa kanya. Hindi niya kasi mawari kung paano ito nangyari, ngunit tama si Handiwa. May batuk nga na nakaukit ngayon sa balat sa kanyang kanang bisig. Isa iyong batuk na naglalarawan ng isang mahabang latigo--- na ngayon lang niya nakita sa tanang buhay niya. Bilang isang Mangangayaw, maraming uri ng sandata na ang nakita ni Purol, kabilang na ang iba't-ibang uri ng latigo, ngunit ngayon lang siya nakakita ng isang dibuho ng ganitong uri ng latigo. Mukha kasi itong hindi nilikha o iginuhit ng isang pangkaraniwang tao lamang. "Ito ba ang... ang Buntot-Pagi?" nagtatakang tanong niya sa dalagang kausap niya. "Iyan nga yan, Purol. Ang ngalan niyan ay Buntot-Pagi. Ito ang sinasabing maalamat na sandta ng Bakunawa, na kapag ginamit niya ay may kakayahang lipulin ang kahit sinong kalaban. Kaya magmadali ka na. Magtungo ka na kay Hasilum at gamitin mo iyan bilang iyong sandata." "Ngunit bakit isa itong batuk? Paano ko naman ito magagamit kung isa itong batuk?" tanong pa ni Purol dahil nababaliw na yata si Handiwa. Paano naman kasi gagawing sandata ni Purol ang isang batuk na nakaukit lang naman sa balat niya? Ano naman ang magagawa nito laban sa mga bathala na mga alejar ng kanilang mga kalaban? "Basain mo ng tubig ang batuk na yan kapag nais mo nang gamitin ang Buntot-Pagi, at ito ay lalabas mula sa iyong balat upang iyong magamit. Saka ko na ipapaliwanag sa iyo ang iba pang bagay tungkol diyan, basta't humayo ka na ngayon upang makuha mo na ang panlunas sa lason na nasa katawan ng iyong alejar na bathala. Magmadali ka na!" Wala nang nasabi pa si Purol kung 'di ang tumango na lamang sa mga tinuran ni Handiwa, dahil tama naman ito. Hindi na niya maaari pang patagalin ang pagkuha sa lunas sa lason na mula sa halaman na Kansuray. At mas lalong hindi niya maaaring pabayaan na lamang sina Balang at Ubay, kaya tumakbo na siya pabalik sa mga kabahayan sa bayang ito ng Talisay. Kinakabahan man, inisip na lamang ni Purol na para rin ito sa kanya sapagkat hindi niya rin naman kakayanin kung sakali ngang dapuan siya ng isang sumpa sakaling mamamtay na nga si Arowana. At kapag iniisip niya pa lamang na mamamatay ang Mahal na Dian ay may kung ano na sa loob-loob niya ang napupukaw at nagnanais na pigilang mangyari iyon. Kaya naman mas lalo lamang siyang nagkaroon nang matinding pagnanais na magawa niya ngayon ang mga kailangan niyang gawin. Ngunit hindi pa man siya nakakalayo nang ganoon mula sa puno ng Zulatre ay biglang may tumama na sa kanyang likuran, na naging dahilan upang matumba si Purol sa lupa. At ang sunod na naganapo ay mas lalong hindi niya inaasahan, dahil narinig niya ang pagkulog at pagkidlat, at namalayan na lamang niya na hindi na niya maigalaw ang kanyang buong katawan. "Sa wakas, nahuli ka rin namin, Purol," dinig niyang saad ng isang tinig na kilalang-kilala niya rin kung kanino galing. Batid niyang si Pinunong Laim iyon at hindi nga siya nagkamali. Dahil nang nag-angat siya ng kanyang paningin ay nakita niya itong nakatayo sa bandang kaliwa niya, at katabi naman nito si Durao, ang Bathala ng Kidlat. Si Durao marahil ang may kagagawan kung bakit tila nakagapos siya ngayon ng isang tanikalang tila yari pa sa kidlat. Masakit kasi iyon sa pakiramdam ni Purol. Parang unti-unting sinunog at tinutusok ang kanyang balat na nadadampian ng kidlat na ipinamgapos sa kanya ni Durao. At dahil doon ay nanghihina siya kung kaya't hindi siya makapalag man lang mula sa pagkakagapos niya. "Nahuli na natin siya, aking Panginoon," sabi naman ni Durao sa kanyang almajo. "Ano na ang susunod kong gagawin sa kanya? Papaslangin ko na ba siya upang maputol na ang ugnayan niya sa Bakunawa?" "Huwag muna, Durao. May kailangan pa akong malaman sa kanya. Kailangan muna natin siyang dalhin kay Hasilum." "Wala akong panahon sa inyong dalawa..." saad niya naman sa mga ito na may halong panggigigil na rin. "Pakawalan niyo ako rito!" "Hindi ka namin papakawalan hangga't hindi mo isinusuko sa amin ang Bakunawa," sagot naman sa kanya ng sakim na Miar. "Batid kong nalason siya at hindi iyon mawawala hangga'y hindi iyon nalulunasan, kaya ka nagpunta rito, 'di ba? Mangangayaw? Nais mong gamutin ang iyong bagong alejar na Bathala. At tama nga ako ng hula. Kay dali mong mabasa." "Patayin mo na lang ako. Tama na ang kakasatsat mo riyan!" giit naman ni Purol sa Miar. "Alam ko naman na nais mo lang gawing alejar mo si Arowana, kaya hinding-hindi ako makakapayag!" Kaagad na napadaing si Purol pagkatapos niya lamang isigaw ang mga katagang nasambit niya. Bigla na naman kasi siyang tinamaan ng kidlat at halos mawalan na siya ng ulirat dahil sa tindi ng sakit na idinulot nito sa kanya. "Kay lakas ng iyong loob na pagtaasan ako ng iyong tinig, Mangangayaw," ani Pinunong Laim na mukhang hindi ikinatuwa ang pagsagot-sagot sa kanya ni Purol. "Nagkaroon ka lamang ng alejar ay tumapang ka na. Kung sa bagay, bihira nga naman ang tulad mo na magkaroon ng ganyang uri ng kapangyarihan, kaya't hindi rin naman kita masisisi kung isipin mong kapantay mo na ako. Ngunit ito ang sasabihin ko sa 'yo, binatang Mangangayaw. Isa ka lang hamak na walang puwang na nilalang na nagmula sa bayan ng mga maralita at magnanakaw. Hindi kita katulad. Magkalayo ang agwat ng ating pamumuhay, o lakas." "Wala akong pakialam sa iyong mga sinasabi, Laim," sagot ni Purol na nagmamatigas pa rin at ayaw magpakumbaba dahil naisip niyang kung ito na ang kanyang wakas, ay dapat mamamatay siyang taas-noo at hindi nagpapaintas sa kung sino man lalo na tungkol sa kanyang pinanggalingan at katauhan. "Kung nais mo talagang makuha ang Bakunawa mula sa akin, paslangin mo na ako ngayon din upang hindi mo pagsisihan na buhayin mo pa ako." Narinig ni Purol ang malakas na pagtawa ng Miar sa kanyang hamon. "Mukhang natakasan ka na nga ng iyong bait, binata! Hindi ka man lang nasindak sa aking ibinigay na babala sa iyo. Nagpapatuloy ka pa rin sa pagiging tampalasan sa akin." "Dahil hindi ako natatakot sa 'yo!" "Mukha ngang wala ka ng takot sa iyong katawan ngayon, at naiintindihan ko naman. Kahit sino naman na nasa bingit na ng kamatayan ay mababaliw na rin. Lalo pa't matindi ang pinagdaraanan ng iyong katawan sa ginawa sa iyo ni Durao. Ngunit 'wag kang mag-alala, hindi pa kita papatayin. Nais ka pang makausap ni Hasilum." "At ano naman ang pakay niya sa akin?" "Aba'y ano'ng malay ko kung ano ang nais niya sa 'yo! Ang kasunduan lang namin ay bago kita tuluyan ay ihaharap muna kita sa kanya. Patungo na nga sana ako sa may pantalan upang hanapin ko kayo ng Bakunawa nang magpakita ka rito ngayon sa amin ni Durao! Sa makatuwid ay pinadali mo ang aming gawain! Kaya Durao, hala, dalhin mo na ang lapastangang Mangangayaw na yan sa bahay-piitan ni Hasilum. wala akong pakialam kung hihilain mo siya papunta doon. Dalhin mo siya at nang mapasaakin na ang Bathala ng Karagatan na si Arowana!" Sa mga sinabing iyon ni Pinunong Laim ay hindi na nakapagpigil si Purol na matawa. "Sarinawa sa iyo, Laim! Kung babagal-bagal ka, maaring mamatay na ang Bakunawa sa lasong tinamo ng kanyang katawan bago mo pa ako mapaslang o maihatid kay Hasilum o kung sino man yun!" "Durao! Magmadali ka! Dalhin mo na siya kay Hasilum ngayon din!" hiyaw naman ni Pinunong Laim. Marahil ay natakot kasi ito sa narinig niyang tinuran ni Purol. Batid niya rin kasing maaari ngang mangyari ang sinasabi ni Purol. Kaya naman natataranta siyang naglakad pabalik sa piitan kung nasaan si Hasilum at naghihintay sa kanilang pagbalik. *** Pabalik na sana ng Iraya sina Abiya at Maya mula rito sa piitan nang biglang dumating ang Miar na si Laim at ang kanyang alejar na Bathala na si Durao Lilliente. Nahintakutan pa nga siya dahil kaagad niyang nakita na may bitbit na tao ang bathalang ito. Bitbit niya sa kanyang balikat ang tila walang malay na si Purol, ang kanyang dating kasintahan! "Ano'ng nangyari sa kanya?" nag-aalalang tanong niya sa Miar ngunit pinagtaasan lang siya ng kilay ng matandang mangangalakal. "Bakit pa kayo nandito, mga Catalona? Tapos na ang tungkulin niyo rito." "Ngunit paano siya?" turo ni Abiya kay Purol. "Ano'ng gagawin niyo sa kanya?" "Wag ka nang maraming tanong, Catalona! Narito siya dahil nais siyang makaharap ni Hasilum." "Narito na pala ang binatang Mangangayaw na nagmula pa sa Batuk-Ao," sabi naman ng isang tinig na nagmula sa may pintuan. Naroon na pala si Hasilum, nakangiti sa kanila at naglakad ito patungo sa kung saan inilapag ni Durao ang kawawang si Purol. "At si Arowana? Ang Bakunawa? Nasaan siya?" "Hindi naman siya nakita---" "Kailangan niyo siyang makita! Ano'ng ginawa niyo at hindi niyo hinanap si Arowana?" giit ni Hasilum na mukhang nagalit pa sa nalaman niya. Natigilan naman ang Miar at si Durao sa biglaang paghihimutok ni Hasilum na kadalasan ay hindi makabasag-pinggan ang kilos. "Hanapin niyo na siya ngayon din! Hindi niyo ba alam na maaring may magligtas sa kanya na ibang nilalang at baka makalayo pa siya rito?" Nataranta naman ang dalawa at dali-dali silang lumabas ng piitan upang hanapin naman si Arowana. Naiwan sa piitan ang mga Catalona at si Hasilum, bukod sa walang-malay na si Purol. Hindi naman makapagsalita si Abiya sa nakita niyang sinapit ni Purol. Nais niya itong iligtas at pakawalan dahil naaawa siya rito, ngunit alam niyang hindi iyon hahayaang mangyari ni Hasilum. Hindi tuloy malaman ni Abiya kung ano ang dapat niyang gawin. "Ikaw, Abiya ang iyong pangalan, hindi ba?" asik sa kanya ni Hasilum. "Ang iyong sabi ay may hawak kang lunas sa lason ng dagta ng halamang Kansuray. Dala mo ba ito ngayon?" Tumango si Abiya. "Opo. Palagi po akong may dalang panlunas sa lason kung sakaling may malason kaming ibang Bathala nang hindi namin sinasadya---" "Akin na ang lunas," utos sa kanya ni Hasilum ngunit hindi iyon ibinibigay ni Abiya sa kanya. Napapaisip kasi siya. Mukha kasing nais gamutin ni Hasilum ang Bathalang kaaway nila. "Catalona, ang sabi ko ay ibigay mo sa akin ang lunas." "Ngunit bakit niyo ito kailangan? Ililigtas niyo pa rin ba ang Bakunawa? Hindi ba't mas mainam na siya'y mawala na nang tuluyan?" "Kailangang mabuhay ni Arowana," saad sa kanya ni Hasilum. "Dahil siya ang susi patungo sa Hiraya." Kumunot doon ang noo ni Abiya. "Hiraya? Ang pook na sinasabing pinagmulan nilang mga Bathala?" "Iyon na nga. Hindi mo ba alam na kapag nakarating ka sa maalamat na pook na iyon, ay magiging isa ka ring Bathala? Kaya kailangan ko si Arowana. Hindi siya maaring mamatay sa lason na nilikha niyong mga Catalona mula sa halaman ng Kansuray. Dahil kapag siya ay mamaytay, magiging pangkaraniwang tao na lamang siya at maglalaho na ang kapangyarihan niya. Hindi na niya magagawang makapunta sa Hiraya. Kaya akin na ang lunas sa lason, Abiya." "Abiya, ibigay mo na lamang ang lunas..." sabi rin ni Maya na nanginginig na sa takot sa tabi niya. Natatakot ito marahil sa maaring gawin ni Hasilum kapag hindi nito gawin ang nais niya lalo pa't ang Iraya na kanilang tahanan ay sakop ng bayan ng Talisay, na siya namang pinamumunuan ni Hasilum. "Abiya... tubig..." Napalingon silang lahat kay Purol na nakagapos pa rin ang buong katawan na nakasalampak sa sahig. Nakatali pa rin ang kaniyang mga kamay at paa gamit ang kidlat ni Durao. Nanghihina na ang tinig ni Purol at nagmamakaawa na siya sa kanyang dating kasintahan. "Pakiusap. Tubig... Buhusan mo ako ng tubig..." "Ano?" "Mukhang nauuhaw na si Purol," saad naman ni Hasilum, walang kamalay-malay na ang tubig ang magiging susi upang makatakas mula sa kanila si Purol. "Bigyan mo siya ng tubig, Abiya. Mukha namang may nakaraan kayo ng binatang yan, kaya bigyan mo na siya ng tubig." Sinunod naman ni Abiya ang utos ni Hasium. Alam niyang nasa panganib pa rin siya hangga't hindi niya ibinibigay ang lunas dito,. ngunit ayaw niyang iligtas nito ang Bakunawa. Para kasi sa kanilang mga Catalona, ang kamatayan ng Bakunawa ang katapusan ng kanilang tungkulin na minana pa nila mula sa mga sinauna pang mga Catalona. Balak ni Abiya na itapon ang lunas ngunit naunahan na pala siya ni Hasilum. Sa di-maipaliwanag na pangyayari, nakita ni Abiya na hawak na ni Hasilum ang lunas na binalot niya sa Yula, isang uri ng hibla na ginagamit nilang sisidlan ng mga gamit. Nagtaka si Abiya sapagkat nasa bulsa pa dapat iyon ng kanyang kasuotan, ngunit ngayon ay nasa kamay na ito ng nakangising si Hasilum. "Hindi ko akalaing may masama kang binabalak, Abiya," saad pa nito sa kanya. "Ang mga tulad mong hindi kayang maging tapat sa akin ay kailangan nang mawala rito sa mundong ibabaw. Kaya halikana, Dalikmata. Magpakita ka sa Catalona na ito at siya ay gawaran mo ng iyong kaparusahan sa kanya!" Nang sabihin iyon ni Hasilum, isang kakaibang babae ang bigla nalang sumulpot sa tabi ni Hasilum. Nakasuot ito ng kasuotan na tila yari sa mga mamahaling bato, at mahaba ang buhok nitong kulay abo. Ngunit ang agaw-pansin sa kanya ay ang mukha niyang tadtad ng mga mata! Nakakatitiyak si Abiya, ang Dalikmata na ito ay isang Bathala! "Patayin mo na siya!" utos pa ni Hasilum sa bagong litaw na Bathala, at dahil na rin sa takot ni Abiya ay naibuhos niya ang tubig na dapat sana ay ipapainom niya kay Purol. Natapon ito sa katawan ni Purol, na hindi niya alam kung paano'ng naging mitsa iyon upang makabangon na sa wakas si Purol at makalaya sa kidlat na tanikala ni Durao, at may hawak na itong isang napakahaba na latigo!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD