Kabanata 19

2134 Words
"Hindi kita maintindihan," saad ni Purol kay Handiwa dahil naguguluhan pa rin siya sa pakay nito. Kahit sino naman ay magtataka sa kanyang ikinikilos ngayon, isip pa ni Purol. Halata namang may hindi pa ito sinasabi sa kanya. Hindi pa sapat ang mga tinuran niya upang pagkatiwalaan siya ni Purol. Umiling naman sa kanya si Handiwa. "Hindi mo kailangang maintindihan ang lahat sa ngayon, binata. Wala ka rin namang ibang mapagpipilian. Kung hindi ako nagkakamali, ang lason ng halamang Kansuray ay lubhang mapanganib para sa isang Bathalang katulad ni Arowana. Kapag hindi mo siya nabigyan ng lunas kaagad sa loob lamang ng isang araw ay maari na siyang mamatay. At hindi iyon maganda para sa 'yo." Itinuro ni Purol ang sarili niya dahil hindi niya tiyak kung tama ba ang dinig niyang tinuran ng kausap niyang dalaga. "Ako? Ano'ng hindi maganda para sa akin?" "Mukhang marami ka pang hindi alam," aniya. "Ang isang Bathala na katulad nina Arowana ay may ibang paraan ng kamatayan. Kapag siya ay 'namatay' siya ay magiging isang pangkaraniwang nilalang na lamang. Ngunit may kaakibat na sumpa ang pangayayaring iyon. Maari kang kapitan ng isang sumpa na magmumula kay Arowana kapag siya ay namatay, sapagkat ikaw ay kanyang almajo at hinayaan mo lamang siya na mamatay. Kaya kung ako sa iyo, kukunin ko na ang sandata niya na nasa tuktok ng puno ng Zulatre na iyan." Naguluhan na si Purol sa mga narinig niya. "Ngunit paano ang Mahal na Dian? Si Arowana? Hindi ba't mas dapat kong pagtuunan ng pansin kung paano ko siya maililigtas mula sa kanyang pagkalason? Aanhin ko pa ang sandata niya kung mamamatay na rin siya?" "Akala ko'y naunawaan mo na kung bakit ko nais na kunin mo ang kanyang sandata na ang ngalan ay Buntot-Pagi. Ito ang magiging panlaban mo kay Hasilum at ang kanyang Bathalang alejar na si Dalikmata. Bukod sa kailangan mong iligtas ang mga kaibigan mo mula sa kanya, may gamot si Hasilum sa lason ng halamang Kansuray. Mayroon siya nito lagi kung sakaling malason rin ang kanyang alejar na Bathala." "Oo nga pala. Hindi ko naisip yun," ani Purol. "Salamat sa iyong mga sinabi. Ngunit kung iyong mamarapatin, binibining Handiwa, may isa pa akong katanungan sa 'yo." "Ano iyon?" "Paano ko makukuha ang sandata ni Arowana sa tuktok ng dambuhalang puno na iyan?" tanong ni Purol kay Handiwa na nakaturo sa Zulatre ilang hakbang lang ang layo mula sa kanilang kinaroroonan. Natawa si Handiwa doon sa kanyang katanungan. "Oo nga naman. Patawarin mo ako kung nakalimutan kong sabihin ang isang mahalagang bagay. Tutulungan kitang makarating sa tuktok noon." "Paano?" "Sa tulong ng aking Bathala," matipid niyang sagot sabay kindat kay Purol. *** Samantala, nakatakip ang bibig ni Abiya habang pinanonood niya ang ginagawang pagpapataw ng parusa sa dalawang kasama ni Purol. Hindi na niya kasi maatim ang karahasang ginagawa sa dalawa. Wala na kasing malay ang dalawa ngunit patuloy pa rin silang sinasaktan ng mga tauhan ni Hasilum. Kakatapos nga lang sila parusahan ng Bathalang si Durao sa utos na rin ng Miar na si Laim, kaya naman malala na ang tinamong mga sugat nina Ubay at Balang. Nababalot na nga ng dugo ang mga mukha nila, at ang likuran nila ay pawang tadtad na ng mga sugat mula sa hampas ng lubid na may mga pako sa dulo. "Hindi na yata sila bubuhayin ng pinuno ng Talisay, Abiya," sabi sa kanya ng kasama niyang isa ring Catalona. Maya ang pangalan nito at kasing gulang lamang ito ni Abiya. Nandito sila ngayon sa bahay-piitan ng Talisay kung saan nakakulong ang dalawang kaibigan ng kanyang dating katipan, dahil nagbabaka-sakali sana siya na papakawalan din ni Hasilum ang dalawa sapagkat hindi naman ang mga ito ang tumangay sa Bathalang si Bakunawa. "Hindi ko ikinatutuwa ang ginawa nila sa dalawang ito na pawang tiga-Batuk-Ao, Maya," ani Abiya. "Narinig naman nila ang paliwanag ng dalawa kanina nang inusisa nila ang mga ito. Hindi nila batid na bawal tumapak sa bayang ito ang bathalang si Bakunawa. Kaya kung ako ang tatanungin, dapat ay magaan lang ang parusang ipinataw sa kanila..." "Sinasabi mo yan, Abiya, kasi kilala mo ang kaibigan nilang isa ng almajo ng bathalang iyon," tugon naman sa kanya ni Maya. "Marahil nga ay naging kalabisan ang ginawa nila sa dalawang yan, ngunit kasamahan pa rin sila ng Bakunawa. Ano'ng malay natin kung ano ang kanilang tunay na sadya sa pagparito." "Alam ko naman yun. Ngunit hindi naman natin maaring parusahan ang sino man dahil lang may masama silang binabalak. Kailangan munang maganap ng kanilang binabalak bago natin sila patawan ng kaukulang parusa, hindi ba?" "Siyang tunay naman, Abiya. Ngunit sarilinin mo na lamang iyang kurokuro mo sapagkat hindi sasang-ayon sa iyo si Hasilum. Baka pati ikaw ay mapagbintangan pang kasabwat ng dati mong katipan." "Tama ka rin naman diyan," pagsang-ayon ni Abiya sa kanyang matalik na kaibigan. "Ang mahalaga ay mukhang nakaalis na ang tampalasang bathala. Hindi naganap ang kinakatakot nating mangyari, Maya, dahil kung ako ang tatanungin, higit namang mas mainam na hindi na niya makuha pa ang kanyang maalamat na Buntot-Pagi sapagkat sinasabing sa isang hampas lamang niyon ay maaaring mawasak ang buong Talisay." *** Hindi makapaniwala si Purol sa nangyayari ngayon sa kanya. Nasa tuktok na kasi siya ng puno ng Zulatre, ang napakatayog na puno ng mga Bathala na tanging sa Daang Bathala lamang matatagpuan. Nanginginig pa nga ang kanyang mga tuhod habang nakatayo siya sa mismong pinakatuktok ng punong ito dahil na rin sa pinaghalong pagkamangha at kaba sa kanyang dibdib. May kaibahan kasi ang Zulatre sa pangkaraniwang mga puno na ngayon lamang natuklasan ni Purol at marahil isa siya sa mga pinakaunang taong nakatuklas tungkol dito. Patag ang tuktok ng puno ng Zulatre, na animo'y isang maliit na kanlungan. Walang kung ano mang bagay o nilalang ang nandito bukod sa isang kakaibang bagay na sa tingin niya ay isang uri ng bunga. Nilapitan ito ni Purol na may pagtingin ng isang batang namamangha sapagkat ang bunga na ito ay kumikinang sa gitna ng dilim. Naalala naman bigla ni Purol ang sinabi kanina ni Handiwa sa kanya. "Kapag nasa tuktok ka na ng puno, kunin mo ang bunga na naroon. Kailangan mo rin itong kainin, sapagkat ikaw na ang almajo ni Arowana. Mahalagang ikaw ang makakain nito upang ikaw ang magkaroon ng pagkakataong gamitin ang sandata ni Arowana. Iyon nga lang, may lason din ang bungang ito. Kapag ikaw ay hindi namatay sa lason nito, masasabi mo ng nagtagumpay ka. Makakamit mo na ang Buntot-Pagi." Nang sinabi iyon ni Handiwa sa kanya kanina sa baba ay natakot pa si Purol. Naisip niya rin kasi na lubhang napakalaki naman ng kapalit ng sandata ni Arowana. Ang kanyang buhay! Sino ba naman ang hindi masisindak dahil paano na lamang kung ikamatay niya nga ang pagkain sa kakaibang bunga na ito na hugis puso? Paano kung malason nga siya gaya ng babala ni Handiwa sa kanya kanina? Ito na ang magiging katapusan niya kung ganoon? Ngunit sa kabilang banda, napaisip din si Purol. Sa ngayon, mas mahalaga ang buhay ng bathalang kanyang ginawang alejar. Dahil kapag namatay si Arowana ay magkakaroon din naman ng sumpa sa kanya dahil galit ito sa kanya kaya ganoon din naman. Masasawi rin naman siya sakaling mamatay nga ang Bathala ng Karagatan. Kaya hindi na dapat siya mabahala sapagkat kahit ano naman ang gawin niya, o hindi gawin, may panganib pa rin sa buhay niya. Kaya habang iniisip niya iyon, lumapit na si Purol sa bunga na nakakabit pa sa isang maikling sanga na nakausli sa gitna ng puno na kanyang inaapakan ang tuktok. Hindi na nga niya alintana na nasa taas na siyua ng mga ulap at malakas dito ang hangin na kung tutuusin ay isang ihip lang ay maaari siyang mabuwal at mahulog sa lupa at mamatay. Kailangan niya ring tapangan at lakasan ang kanyang loob sapagkat sa kanya nakasalalay ang buhay nina Ubay, Balang, at ng Bathalang si Arowana. Pinitas na niya ang bunga, na tumigil sa pagkinang nang mapigti na ito mula sa sanga. Wala na rin siyang sinayang na panahon. Kaagad niya itong kinagatan, at nalasahan niya ito agad. Matamis ang malambot na laman ng bunga, ngunit habang nginunguya niya ito sa loob ng kanyang bibig ay unti-unting napapalitan ng init ang tamis na iyon. Hanggang sa hindi na niya nakayanan ang init ng laman ng bunga kaya kailangan na niya iyong lunukin. At doon na niya naramdaman ang kakaibang pakiramdam na nagaganap sa buong katawan niya. Animo'y nilalamon ng apoy ang kanyang buong katawan. Hindi mawari ni Purol ang kakaibang pakiramdam na ito, dahil halos mawalan na siya ng hininga sa sakit na nararamdaman niya ngayon. Ito na ba ang lason? Parang mapipigti na rin kasi ang kaniyang hininga. Sa wari niya nga'y tila bumagal na ang pagtibok ng kanyang puso. Mukhang totoo nga na maari siyang mamatay sa lason ng bunga na ito! Ito na ba ang simula ng kanyang tuluyang pagkasawi? Ngunit nang matumba na siya at manghina, ay saka naman parang nagkaroon ng tinig na nagmula sa kung saan ang naririnig na ngayon ni Purol. At kahit na siya ay nasa bingit na ng kamatayan, nakilala niya pa rin ang tinig na iyon--- ang tinig ng bathalang kanyang nakita doon sa puno ng Zulatre sa kanyang sariling bayan... ang Batuk-Ao! "Ikinagagalak ko na nakarating ka na rito sa Talisay," pagbati sa kanya ng tinig ng lalaki. At pakiramdam ni Purol ay nawala ang kanyang mga iniindang sakit sa katawan nang marinig niya ang tinig na ito. "Sa wakas, nakuha mo na ang sandata ng aking irog. Kailangan niyo ito sa inyong paglalakbay patungo sa Hiraya." Nais sanang sumagot ni Purol sa lalaking ito, ngunit natuklasan niya rin na siya ay tila nawalan na ng lakas, o kahit ang kanyang tinig ay naglaho rin. Marahil ay dahil ito sa bunga na kanyang nakain, o baka naman ay dahil napakahina niya lang ngayon sa kalagayan niya. Hindi niya tuloy maiwasang magalit, dahil marami sana niyang nais itanong sa tinig na ito na nagsasalita ngayon sa kanya. "Susubukan kang paslangin ni Arowana dahil sa iyong nagawa sa kanya," saad pa ng tinig, "kaya kailangan mong sabihin sa kanya ang mga katagang ito: Hayaan mo siyang mabuhay dahil siya ang susi mo upang makarating ka sa Hiraya. Ang binatang isinilang sa Batuk-Ao, na lumaki sa dagat at namuhay sa paglalakbay sa karagatan ang siyang tanging makakagamit sa Buntot-Pagi. Kaya hindi mo siya sasaktan.' Kapag sinabi mo yan sa kanya, Purol, hindi ka na niya pagbabalakan pang patayin." Nagulat naman si Purol doon sa narinig niya. Hindi niya kasi akalaing maririnig niya ang bagay na iyon. Bakit kasi tila mahalaga naman siya sa paglalakbay ng Mahal na Dian patungo sa Hiraya? Ano ang dahilan kung bakit tila siya at si Arowana ay magkarugtong pa yata ang mga tadhana? "Ngayon, magmadali ka, Purol. Kailangan mong magtungo sa pinuno ng bayang ito. Kunin mo ang gamot sa lason na nasa kanyang pangangalaga upang mailigtas mo ang aking irog. At kapag nagawa mo na iyon, hanapin mo rin ang Catalona na may alam sa kwento ng Riaga Zul, dahil iyon ang magiging susi niyo kung saan kayo magtutungo upang marating niyo ang Hiraya." Nagmulat na si Purol pagkatapos niyang marinig yun. Napabalikwas pa nga siya ng tayo, lalo pa't wala na siya ngayon sa tuktok ng Zulatre. Nasa lupa na siya sa paanan ng puno, at maayos na ulit ang pakiramdam niya. Wala na nga ang lason sa katawan niya! "Magaling, Purol," saad ng tinig ni Handiwa na naghihintay lang pala sa tabi niya na magising siya. "Napagtagumpayan mo ang lason. Mukhang tama nga ang hinala ko. Hindi ka rin kung sino lang." "Bakit, sino nga ba ako?" hinihingal namang tanong ni Purol sa dalagang bagong kakilala niya. "May ibang panahon para pag-usapan natin yan. Magmadali ka na. Magtungo ka na sa tahanan ni Hasilum. Kunin mo na ang lunas sa lason ng halamang Kansuray. At kung sakali mang makaharap mo ang mga bathala na kanilang mga alejar, gamitin mo ang sandata ni Arowana na nakuha mo sa tuktok ng Zulatre." "Sandata? Ano'ng sandata? Wala naman akong nakuhang sandata mula sa punong yan," daing ni Purol dahil totoo naman, wala naman talaga siyang nakuha mula doon na kahit anong uri ng sandata. Isang mahiwagang bunga lang naman ang nandoon. "Ano'ng sinasabi mo? Hindi ba't nakuha mo na ang bunga doon at kinain mo?" "Oo." Nginitian siya ni Handiwa. "Kung gayon, nasa iyo na ang sandata." "Nasaan?" "Tingnan mo ang iyong kanang bisig." Tiningnan nga ni Purol ang kanyang bisig. Natigilan siya sa kanyang nakita doon. Pagkat sa kanyang balat doon sa kanyang kanang bisig ay isang batuk, at ito ay isang larawan ng isang mahaba na tila ahas na may tinik na uri ng latigo. Ito na ba ang kanyang sandata na kung tawagin ay Buntot-Pagi?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD