Nagkatotoo nga ang mga tinuran ng dalagang ang ngalan ay Handiwa. Ang kaninang isa lamang batuk na nakaguhit sa kanyang bisig ay ngayo'y animo nabuhay at naging tunay na bagay. Hawak na ngayon ni Purol ang sandatang kung tawagin ni Handiwa ay Buntot-Pagi, ang latigong sinasabin g pag-aari ni Arowana, na may kakayahang lipulin ang isang libong kalaban sa isang wasiwas lamang nito.
"P-Purol! Ano iyan?" gulat at takot na tanong sa kanya ni Abiya, habang tumakbo naman palabas ng piitan ang kasama nitong si Maya marahil dahil na rin sa kilabot na naramdaman nito nang makita niya ang biglaang pagsulpot ng isang sandata mula sa kanyang katawan. "B-Bakit may tangan kang isang kakaibang sandata? Saan iyan nagmula?"
Ngunit sa halip na si Purol ang makasagot sa tanong ni Abiya ay naunahan na siya ni Hasilum. "Hindi mo ba nakikilala kung ano ang hawak niya, Abiya? Isa kang Catalona, kaya't hindi ba ay dapat kilala mo kung ano at kanino ang sandatang iyan? Akala ko ba ay lahat ng bagay tungkol sa Bakunawa ay pinag-aaralan niyo?"
Natigilan doon si Abiya. "Siya nga? Ibig mo bang ipabatid na ang sandatang yan na hawak ngayon ni Purol ay nagmula sa isinumpang Bathalang yun?"
"Ganoon na nga," matipid na sagot sa kanya ni Hasilum na nakatitig na ngayon kay Purol nang maigi. Kahit siya ay hindi rin kaagad makapaniwala na susulpot na lang basta-basta ang sandatang pagmamay-ari ng Bakunawa sa mismong harap niya. Kaya naman nagduda pa siya noong una niya itong masilayan ng kanyang mga mata. Ngunit kahit na nagduda siya, malakas ang mga palatandaan na ipinakita nito na ito nga ang Buntot-Pagi... "Hindi ko akalaing masisilayan ko ngayon ang mahiwagang sandatang ito ng Bathala ng Karagatan... Ngunit hindi na rin naman kataka-taka, sapagkat sinasabing dito sa Talisay ito nakatago. Kaya nga dito ko napagpasiyahang manirahan upang magkaroon ako ng pagkakataong mahanap ito... At ngayon ay nasa aking harapan na ito ngayon!"
Hindi na maganda ang kutob ni Purol dahil sa mga narinig niya sa Hasilum na ito. Mukhang may sariling adhikain ang lalaking ito, kaya kailangan na niyang makaalis dito. Naisip niyang tumakbo na rin palabas, ngunit ang biglaang pagsulpot ng Bathalang nasa tabi ni Hasilum ang pumipigil sa kanya upang makakilos. Hindi mawari ni Purol kung paano ito ginagawa ng Bathalang ito, ngunit sa kanyang palagay ay ito ang dahilan kung bakit bigla na lang hindi niya maikilos ang kahit anong bahagi ng kanyang katawan sa ngayon.
At tama nga ang kanyang hinala, sapagkat biglang lumapit sa kanya si Hasilum na nakangiti. Bakas sa mukha niya ang walang mapagsidlang tuwa sa kanyang nakikita. Nakatuon lamang ang kanyang paningin sa sandatang hawak ngayon ni Purol. Kitang-kita ni Purol ang pagkaganid nito sa Buntot-Pagi. "Sa wakas... Matagal ko nang inaantay ang pagkakataong ito," aniya. Nagsasalita siya nang malakas ngunit pakiramdam nina Purol at Abiya ay kausap lamang ni Hasilum ang kanyang sarili. "Dalikmata, tama ang nakikita ko, 'di ba? Ano ang sinasabi ng iyong mga mahiwagang mata? Ito na nga ba ang Buntot-Pagi? Hindi ba ako dinadaya ng aking paningin?"
"Iyan na nga ang iyong hinahanap na sandata, aking Panginoon," sagot naman ng Bathalang may maraming mata. Kinikilabutan si Abiya sa anyo ng bathalang ito, ngunit sa hindi niya rin maipaliwanag na dahilan ay tila na-bato-balani na siya at hindi na niya maikilos ang kanyang katawan. Napako na lamang siya sa kanyang kinatatayuan, kahit na gusto niyang lumayo sa bathalang ito na ang pangalan ay Dalikmata.
"Kung ganoon, naganap na ang aking pinakahihintay. Hindi ako nagkamali na tumira rito sa Talisay. Talagang nagpakita rito ang Bakunawa at ang kanyang maalamat na sandata! Ito na ang palatandaan na ako ay makakarating sa Hiraya!"
"Hiraya? Kung ganoon ay nais mo ring magtungo roon?" tanong naman ni Purol kay Hasilum. Nalaman niya kasing kahit na hindi niya maigalaw ang kanyang buong katawan ay kaya niya pa rin namang magsalita.
Sa wakas ay tiningnan na siya ni Hasilum na malapad pa rin ang ngiti. "Oo, binatang Mangagayaw. Ako nga ay nagnanais na makarating doon, sapagkat ang sino mang taong makarating doon ay magiging isang Bathala. Magkakaroon ako ng kapangyarihan na kagaya ng kay Dalikmata, o ng sa Bakunawa. At ang susi upang makarating ako doon ay ang sandatang hawak mo ngayon!"
Lahat silang tatlo ay nakatingin na sa latigo na hawak pa rin ni Purol. Ngayon lang din ito napagmasdan ni Purol nang mabuti. Itim ang kulay ng katawan ng Buntot-Pagi, at ang mga patalim na umuusbong sa kahabaan nito ay patusok at mistulang tinik ng isang halaman, kaya't alam ni Purol na kapag tamaan ka nito ay tiyak na masakit ito. Ngunit ang pinakanakaagaw ng kanyang diwa ay ang kakaibang liwanag na nagmumula sa sandatang latigo. Para kasing gawa ito sa tubig at kumikinang ito katulad kung paano kumikinang ang tubig kapag tinatamaan ng liwanag ng araw. Doon palang ay makikita mo na hindi ito isang pangkaraniwang sandata.
"S-Susi? Paanong iyan ang susi patungo sa sinasabi mong pook?" Si Abiya naman ngayon ang nagtatanong kay Hasilum, dahil wala siyang naintindihan sa tinuran ng huli. "Ano ang kinalaman ng sandata ng Bakunawa sa sinasabi mong Hiraya?"
"Malaki, Abiya. Malaki ang kinalaman nito sa Hiraya," sagot ni Hasilum. "Ngunit hindi niyo na kailangan pang malaman ang tungkol dito dahil hindi niyo rin naman kakailanganin pa ang kaalaman tungkol sa Hiraya. Kaya tumahimik na lamang kayo. At ngayon, binatang Mangangayaw, kukunin ko na ang Buntot-Pagi sa 'yo..."
Wala nang nagawa pa si Purol. Hindi na kasi nagsayang ng panahon si Hasilum. Hinablot na niya ang sandata mula sa mga kamay ni Purol na hindi niya pa rin maikilos kaya hindi niya nagawang labanan ang ginawa ni Dalikmata sa kanya. May haka-haka na siya kung ano ang nangyayari sa kanya. Sa kanyang palagay ay may kakayahan ang mga mata ni Dalikmata na pigilan siyang makakilos, lalo na't napansin niyang hindi kumukurap ang ilan sa mga mata niya na nakatitig sa kanya.
Ganoon din ang napansin niya kay Abiya. May mga mata rin kasi si Dalikmata sa mga kamay niya, at ang mga mata niya doon ay nakatitig naman kay Abiya. Mukhang ito nga ang pumipigil sa kanila na makatakas. Ngunit wala ng panahon si Purol. Bukod sa kailangan na niyang mabigyan ng lunas sa lason si Arowana, kailangan niyang makaalis sa piitan na ito bago pa man makabalik sina Laim at Durao.
"Sa wakas, hawak ko na ang sandata ng Bathala ng Karagatan. Naunahan ko si Handiwa rito, at maging ang mahal na Lakan!" tuwang-tuwang bulalas ni Hasilum habang hawak-hawak niya ang kakaibang sandata sa kanyang mga kamay. Maigi niya itong pinagmamasdan. "Ang balakid sa Lawa ng Takipsilim ay malalampasan ko na, na wala pang ibang nakakagawa! Ako na nga ang mauuna patungo sa Hiraya!" Tumawa pa nang malakas si Hasilum dahil na rin sa kanyang tagumpay na makamit ang kanyang ninanais, habang wala namang alam sina Purol at Abiya sa mga sinasabi nito.
"Hindi mo pag-aari ang Buntot-Pagi," bulalas ni Purol kay Hasilum. Hindi niya kasi nagugustuhan ang pagsasaya nito sa ngayon. "Ibalik mo sa akin iyan!"
Natawa doon si Hasilum. "Wala ka ng magagawa, Purol! Hindi bagay sa iyo ang sandatang ito! Ipaubaya mo na ito sa akin, dahil mamamatay ka rin naman ngayon. Alam mo ba kung ano-ano pa ang susunod kong gagawin? Una, papaslangin kita upang mawala na ang bisa ng pagiging alejar ng Bakunawa sa isang hamak na Mangangayaw na tulad mo. Pangalawa, kapag magawa ko na iyon, gagamutin ko ang Bakunawa at ako na mismo ang magiging bago niyang almajo. Magkakaroon na ako ng dalawang Bathalang susunod sa bawat ipag-uutos ko kaya magiging mas makapangyarihan na ako sa kahit kanino. Wala ng makapipigil pa sa akin, Purol! Kaya manahimik ka na lang diyan, dahil ano nga ba ang magagawa ng isang tulad mo?"
Hindi iyon nagustuhan ni Purol kaya hinamon niya na si Hasilum. Tinawanan niya na ito. "Matapang ka lang naman dahil kay Dalikmata. Oo nga't may mataas na antas ka ng pamumuhay, 'di gaya ko. Ngunit ito ang sinasabi ko sa 'yo, hindi ka magiging bathala! Hindi ka makakarating sa Hiraya, dahil ako mismo ang pipigil na makarating ka roon!"
"Ah, ganoon ba? Bakit hindi natin alamin ngayon din kung sino ang makakarating doon at kung sino ang hindi?" ani Hasilum na may himig pang-uuyam kay Purol. Nanonood naman si Abiya ng may pag-aalala sa kanyang dating kasintahan dahil alam niyang kahit ano'ng sabihin ni Hasilum ay maaari niyang gawin at totohanin sapagkat ganoon ito kalakas bilang pinuno ng bayan ng Talisay. "Batid kong walang pinag-aralan ang tulad mong Mangangayaw na nagmula sa Batuk-Ao, ngunit hindi ko alam na ganito kababa ang iyong uri. Sino ka sa akala mo? Sa tingin mo ba ay nakahihigit ka na sa akin? Ako, na isang Pantas, nag-aral ng kasaysayan at pakikipaglaban? Ako, na may basbas mula sa mga bathala? Ako, na natatangi, sapagkat ako ay isinilang na may pulang balat na sinasabing palatandaan na ako'y magiging isang makapangyarihang pinuno?"
Napasinghap si Abiya sa kanyang narinig. Hindi niya kasi alam ang tungkol doon. Ang alam niya, ang sino mang isinilang na may pulang balat sa kanyang katawan ay nakatadhanang maging isang mahalagang tao sa sansinukob. Ang kilalang bayaning si Malakas na sinasabing pinakamalakas na nilalang na nabuhay sa buong sansinukob ay may ganoon ding balat.
"Wala sa akin kahit na anak ka pa ng mga anito," sagot naman sa kanya ni Purol. "Gawin mo na lang kung anong nais mong gawin sa akin ngayon, nang magkaalaman na tayo kung sino nga sa atin ang tunay na nakatadhanang maging mas malakas sa isa sa atin!"
"Pagbibigyan kita sa tinuran mong yan!" sagot naman agad ni Hasilum, kaya iwinasiwas na niya ang Buntot-Pagi kay Purol. Ngunit sa halip na tumama ang dulo nito kay Purol, doon ito tumama kay Dalikmata. Napahiyaw ang bathala na napapikit na rin ang marami niyang mga mata, kaya sa wakas ay nakakilos na sina Abiya at Purol! Nagulat si Hasilum sa nangyari. At nang hahatawin niya ulit sana si Purol gamit ang Buntot-Pagi ay natigilan siya sapagkat napansin niyang bigla na lamang naglaho ang sandatang iyon na hawak niya palang! "Nasaan na ang Buntot-Pagi?" tanong nito at napalingon ito kay Purol. Nanlaki ang mga mata niya dahil nakita niyang biglang sumulpot ulit ang sandata sa kamay ng Mangangayaw!