Kabanata 24

1676 Words
Kitang-kita sa mukha ni Abiya ang pamumutla dahil sa banta ni Handiwa sa kanya. At sino ba naman ang hindi masisindak sa nasabing banta? Sabi nga ni Handiwa ay mapuputol na ang hininga ng isa kina Abiya at ang Bakunawa. Ibig sabihin lamang nito na maaaring may kapangyarihan ang kaniyang alejar na Bathala na pumutol ng hininga. "Handiwa, 'wag mo namang saktan si Abiya---" "Masyado kang mabait, Purol," ani Handiwa sa binatang Mangangayaw. Ang Bathalang si Mayumi ay nakalutang pa rin sa himpapawid sa labas ng caragoda na parang isang ipoipo, kaya batid nina Purol at Abiya na tagilid sila laban kay Handiwa sa pagkakataong ito. Kung sakaling isa rin palang kaaway ang dalaga ay tiyak na magagapi sila nito ngayon dahil wala silang ibang mapupuntahan habang nandito sila sa taas sa himpapawid. "Hindi mo naman kasi kailangang gumamit ng dahas," giit naman ni Purol sa kanya. "K-Kaibigan ko si Abiya, kaya hindi ako papayag na saktan mo siya." "Kahit na nagpupumilit ito na huwag ibigay sa iyo ang lunas sa lason ng halaman ng Kansurary? Kahit na dahil sa katigasan ng ulo ng 'kaibigan' mong yan ay nag-aagaw-buhay na ang Bakunawa? Mag-isip ka nang mabuti, Purol. Kung tutuusin, ang mga Catalona ay may hidwaan sa Bakunawa kahit noon pang panahonh sinauna, kaya't malamang ay wala talagang balak ang babaeng yan na tulungan ang iyong alejar na Bathala. Kaya kung ako ang masusunod, mabuti pang maglaho na lang siya sa ating landas habang maaga pa..." "Teka, akala ko ba ay kailangan natin ang isang Catalona?" nagtatakang tanong naman ni Purol. "Hindi ba't sinabi mo sa akin kanina na may dapat akong alamin mula sa isang Catalona? Kaya bakit mo papaslangin si Abiya?" "Hindi lang naman siya ang Catalona sa buong sansinukob. Kaya 'wag ka nang maghanap pa ng paraan upang mailigtas mo ang Catalona na iyan mula sa akin---" "Hindi ako gumagawa ng palusot," ani Purol. Itinaas niya ang kanyang isang kamay at biglang lumitaw ulit doon ang Buntot-Pagi, na biglang naglalaho kapag hindi niya kailangan. Sa ngayon ay tila batid na ni Purol kung paano gamitin ang maalamat na sandata. Kailangan niya lang itaas o igalaw ang kanang kamay niya at isiping kailangan niya ang Buntot-Pagi at ito ay bigla na lang lilitaw mula sa kawalan. "Sinasabi ko lamang na ang usapin tungkol sa lunas ay suliranin sa pagitan namin ni Abiya. Hindi mo na kailangang manghimasok doon---" "Ano ang iyong sinabi?" Nakataas ang isang kilay ni Handiwa nang inusal niya ang mga katagang iyon. "Pinagsasalitaan mo ba ako, ha, Purol?" "Hindi naman sa ganoon," ani Purol na pinipilit ang kanyang sarili na manatiling mahinahon. "Nais ko lamang ipaalala sa iyo, Handiwa, na sa kabila ng pagtulong mo sa akin ay hindi mo ako tagasunod. Kaya hindi mo ako maaring pagsabihan kung ano ang dapat kong gawin o hindi," sabi niya pa. Nabigla pareho sina Abiya at Handiwa sa mga salitang binitawan ni Purol, lalo na si Handiwa. Maaring hindi niya inaasahan na ang isang hamak na Mangangayaw ay mangangahas na magsalita laban sa kanya nang ganito kaya't nagulat siya. Ngunit napahanga rin siya ng binata sapagkat ngayon lang siya nakakilala ng taong may ganitong lakas ng loob kahit na ipinakita na niya kung ano'ng uri ng kapangyarihan mayroon siya--- si Mayumi, ang Bathalang may kakayahang lumikha ng malalakas na ihip ng hangin na maaring kumitil ng buhay ng sino mang tatamaan nito gaya sa kung paano nagiging mapaminsala ang isang malakas na bagyo o ipoipo. "Kung maaari sana ay itigil mo na ang paninindak mo sa akin, pagkat hindi ako natutuwa. Lalo pa't sa inyong dalawa ni Abiya, ikaw ang hindi ko pa kilala. Ngayong araw lang nagtagpo ang ating mga landas kaya hindi mo ako kakampi." Napangiti si Handiwa sa tinuran ng binata. "Nakakatuwa ka naman, Purol. Mukhang nagkamali ako ng pagkakakilala ko sa iyo. May paninindigan ka rin naman pala. At isa yan sa mga katangian ng isang lalaki na aking kinalulugdan. Ngunit may nasabi ba akong mali? Tama naman ang aking mga sinabi tungkol sa Catalona na katabi mo. Mas pipiliin mo siyang kampihan kahit na nagmamatigas siya?" Umiling naman agad doon si Purol. "Hindi iyon ang aking sinasabi. Ang nais kong ipabatid sa iyo ay huwag mo sana akong pangunahan, lalo pa't hindi mo ako tauhan o ano pa man." Matagal na katahimikan ang bumalot sa kanila, hanggang sa narinig nila ang malakas na ingay na nanggagaling sa loob ng isang silid dito sa caragoda. Lahat silang tatlo ay napalingon doon sa pinagmumulan ng ingay. "Mimosa, anong nangagayari diyan?" pagtawag ni Handiwa sa dalagitang malamang ay tagasunod niya. "Binibini, ang Bathalang ito ay tila nasa bingit na ng kamatayan! Sumusuka na siya ng dugo at nagingitim na ang kanyang buong katawan!" sigaw nito pabalik sa kanila dito sa may labas ng silid. "Ano? Mahal na Dian!" Tatakbo na sana patungo sa silid kung nasaan si Arowana ng hinarangan siya ni Abiya. "Purol, huwag kang lumapit sa Bakunawa! Mapanganib iyon para sa 'yo---!" Sinamaan na ni Purol ng tingin si Abiya. "Abiya, alam kong ayaw mo sa Mahal na Dian, ngunit kailangan ko siyang iligtas. Kaya kung hindi mo kusang ibibigay sa akin ang lunas na kailangan niya, mapipilitan akong kunin iyon sa iyo gamit ang dahas." Napaatras si Abiya hanggang sa sumayad ang likod niya sa dulo ng caragoda. Napasinghap rin siya sa gulat dahil hindi niya akalaing pagsasabihan siya ni Purol nang ganito katinding mga kataga. "P-Purol, maghunus-dili ka... Hindi mo naiintindihan... Marami ka pang hindi alam tungkol sa Bakunawa---" "Abiya, iniligtas kita mula kay Hasilum, at pati na rin kina Laim at Durao," sagot naman ni Purol sa kanya kaagad. "Kung tutuusin, hindi ko na kailangang gawin yun lalo na't ikaw naman ang nang-iwan sa akin noon. Hindi na kita dapat inilgtas dahil sa ginawa mo sa akin noon. Ngunit dahil inalala kong may maganda naman tayong pinagsamahan, inisip kong kailangan pa rin kitang tulungan. Ngunit ikaw, hindi mo rin ba magawang gawin ang bagay na iyon para sa akin? Batid mo na nakasalalay na rin ang buhay ko ngayon sa kaligtasan ng Bathalang si Arowana o mas kilala sa ngalang Bakunawa. Hindi mo man lang ba iisipin ang aking kaligtasan, alang-alang na rin sa ating magandang pinagsamahan noon?" Napatigagal si Abiya at namalayan niya na lang na basa na ang kanyang mga mata. Umaagos na pala ang mga luha sa kanyang pisngi pabagsak sa sahig ng caragoda. Napahawak din siya sa kanyang dibdib na tila may kumirot doon dahil sa kanyang mga naririnig na madamdaming pahayafg ng binatang Mangangayaw na kanyang dating kasintahan. Inaamin niya naman na nais niyang iligtas si Purol, ngunit hindi niya rin maaaring suwayin ang nakaatas na katungkulan sa kanya bilang isang Catalona. Magmula nang nilisan niya ang Banwahan kung saan sila nagkakilala noon ni Purol, tinanggap na niya ang kanyang tadhana--- ang maging isang tunay at ganap na Catalona, ang mga sugo at tagapangasiwa sa mundo ng mga anito at hindi pangkaraniwan... Sila ang naatasan na maging tagapagtaguyod ng katarungan sa mundong ito kapalit ng mga Bathala na biglaan na lamang naglaho. At isa sa kanilang itinakdang gawin ay talunin at dakpin ang Bathala na may malaking kalasanan sa mga tao at kapwa niya Bathala... Ito ang Bathalang kailangan nilang parusahan at tapusin na ang kanyang buhay, sapagkat ang parusang iginawad sa kanya ay ang maglaho ng tuluyan, at silang mga Catalona ang nabigyan ng tungkulin na ito ay isakatuparan. Ngunit kung ililigtas niya ang Bakunawa, mistulang pinagtaksilan niya na rin ang kanyang mga kauri na mga Catalona. Hindi niya lang tatalikuran ang kanyang mga kasamahan ngunit yuyurakan niya rin ang kanilang buong katauhan... Hindi niya rin alam kung mabubuhay pa siya pagkatapos niyang pagtaksilan ang samahan na kaniyang minahal nitong ilang taon na naging isa siyang Catalona... Iniisip niya pa lamang ang maaring mangyari sa kanya sa pagkakataong hayaan niya ngang mabuhay pa ang Bakunawa ay nanginginig na siya... Dahil alam ni Abiya na hindi biro ang darating na balik ng tadhana kapag siya ay nagtaksil sa kanyang tungkulin. Ngunit mahalaga rin para sa kanya si Purol... Higit sa lahat ay alam niya kung gaano nawasak ang kanyang puso nang sila ay maghiwalay... At kahit na wala na sila ng dating katipan ay palagi niya itong naiisip at naaalala lalo na kapag siya ay napapag-isa. Kaya hindi niya rin naman makakayang makita na mamatay sa kanyang mismong sariling kagagawan si Purol... Si Purol na walang ibang ginawa kung 'di ang intindihin at pagbigyan siya. Kaya naman hindi na niya kayang mapatahan ang kanyang sarili ngayon dahil mnaguguluhan siya kung ano ang dapat niyang piliin... "Abiya, inuulit ko. Kung hindi mo ako mapagbibigyan sa aking nais ay mabuti pa't hindi na lang din tayo magkita pa. Pagdaong natin sa lupa ay aalis ako kaagad at isasama ko ang mga kaibigan ko at ang Mahal na Dian. Ang sabi ni Handiwa ay isang araw pa ang aabutin bago tuluyang gumana ang lason nang tuluyan sa Mahal na Dian, kaya may panahon pa ako para maghanap ng lunas. Kaya kung hindi mo ako matutulungan ay sabihin mo na lang sa akin kung saan gawa ang lunas at ng ako na lang ang gumawa nito---" Napailing si Abiya at pinunasan niya ang kanyang mga luha. "Hindi mo magagawa ang lunas ng ikaw lang, Purol." "Ha? Bakit naman?" "Kailangan ng basbas mula sa mga anito ang lunas. Kapag wala nito, walang pinagkaiba ang lunas sa lason na nasa katawan ngayon ng iyong alejar na Bathala... Ikapapahamak ko ang gagawin ko ngunit nagtagumpay ka na, Purol. Pagbibigyan kita sa nais mo, ngunit kapag ginawa ko iyon, ako na ay iyong magiging tungkulin, sapagkat wala na akong babalikan pa kapag nagtaksil na ako sa aking katauhan..." Nagliwanag na ang mga mata ni Purol nang marinig niya ang mga sinabi ni Abiya. Malapad na rin ang kanyang ngiti. "Talaga? Gagamutin mo na ang Mahal na Dian?" Tumango si Abiya. "Kapalit ng isang bagay na kailangan mong gawin." "Ano naman yun? Handa akong gawin ang lahat, Abiya! Magsabi ka lamang!" "Ikaw na ang papaslang sa Bakunaw pagdating ng tamang panahon."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD