"Maayos na ba ang kalagayan niya? Bakit wala pa rin siyang malay? Tumupad ka naman sa usapan natin, 'di ba, Abiya?" tanong ni Purol kay Abiya.
"Oo naman, Purol. Tumupad ako sa kasunduan natin," matipid namang sagot ni Abiya at ramdam pa rin ni Purol sa kausap na labag pa rin sa kalooban nito ang ginawa niyang paggamot sa Mahal na Dian. Nasa loob sila ng silid dito sa caragoda ni Handiwa, at pinagmamasdan nilang dalawa ang walang malay na Bathala. Bumalik na ang kulay nito sa balat niya, taliwas sa pinaghalong nagingitim at maputla na kulay niya kanina nang hindi pa siya nalalapatan ng lunas ni Abiya.
Namangha pa nga si Purol nang masaksihan niya ang bisa ng lunas. Isa pala itong uri ng gamot na may anyong tubig. Kung titingnan ito ay mukha lang itong pangkaraniwang tubig, ngunit ayon nga kay Abiya ay ito ang tanging lunas sa lason ng dagta ng halamang Kansuray. Mahimbing ang tulog ngayon ng Bathala at mapayapa naman ang mukha nito sa ngayon kaya umaasa si Purol na totoo ngang nagamot na siya.
"Pinahina ng lason ng Kansuray ang kanyang katawan, kaya maaring matagalan pa bago siya magising," kwento naman sa kanya ni Abiya na tumayo na mula sa pagkakaupo niya at naglakad na palabas ng silid. "Sa labas na muna ako, Purol. Hindi ko pa rin maatim na nasa iisang silid lang kami ng Bathalang iyan. Iiwan na muna kita kasama siya."
Pumayag naman si Purol, habang siya ay naupo pa rin sa tabi ni Arowana. Nag-aalala pa rin siya sa Mahal na Dian, lalo pa't malubha yata ang kanyang tinamong sugat. Bukod kasi sa palasong may lason ng Kansuray, natatandaan ni Purol na tinamaan din si Arowana ng mga kidlat na sibat ni Durao. Ang isa pa nga sa mga iyon ay kitang-kita niyang tumagos sa katawan ng Bathala kaya nag-aalala pa rin siya sa kalagayan niya. Kasama nina Ubay at Balang, walang ibang nais si Purol kung hindi ang agarang paggaling ng kanyang Mahal na Dian.
"Gagaling siya," sabi ng isang tinig sa likod niya at nakita niyang pumasok sa silid si Handiwa. Napatayo si Purol dahil alam niyang nasira na ang magandang ugnayan nilang dalawa magmula nang pagsalitaan niya ang dalagang ito. "Mabilis gumaling at maghilom ang mga sugat ng mga katulad nila, Purol. Hindi mo na siya kailangang bantayan. Ilang sandali lang ay maglalaho na ng tuluyan ang mga bukas niyang sugat..." Walang tugon doon si Purol dahil hindi pa alam kung ano ang iaasal niya kay Handiwa pagkatapos ng mga binitawan niyang mga salita rito.
At mukhang naramdaman ni Handiwa na iyon nga ang tumatakbo sa kanyang utak ngayon kaya nagsalita ulit ito habang natatawa na animo'y nakarinig ito nang nakakatawang biro. "Purol, huwag mong sabihing natatakot ka na ngayon sa akin? Pagkatapos nang inasal mo sa akin kanina sa labas? Akala ko pa naman ay wala ka talagang kinatatakutan..."
"Nadala lang ako kanina ng bugso ng aking damdamin," paliwanag naman ni Purol dito. "Ngunit ngayon ay malinaw na ang aking isip. Batid kong nakasalalay sa iyo ngayon ang mga buhay sapagkat kung iyong nanaisin ay maaari mo kaming ihulog sa lupa na parang mga basura..."
Mas lalong natawa si Handiwa sa sinabi ni Purol. "Tama ka naman diyan. Kayang-kaya ko ngang gawain ang iyong tinuran. Ngunit huwag kang mag-alala. Hindi ko iyon gagawin."
Napatingin sa kanya si Purol. "Hindi mo kami sasaktan?"
Umiling si Handiwa. "Bakit ko naman iyon gagawin sa mga nilalang na maituturing kong susi sa aking mga suliranin?"
"S-Suliranin? Ano'ng suliranin?"
Napawi na ang ngiti sa mukha ni Handiwa. Tila may pumasok sa kanyang isipan na nagbalik sa kanya sa katotohanan. "Ang totoo niyan ay may dahilan kung bakit kita tinulungan, Purol. At ito rin ang dahilan kung bakit hindi kita maaring saktan o iwanan, sapagkat nasa iyo ang kailangan ko."
Napaisip si Purol. "Sandali. Ang tinutukoy mo ba ay ang Buntot-Pagi?"
Tumango si Handiwa. "Tama ka. Matagal ko nang inaasam na makuha ang sandatang iyan ng Bakunawa, sapagkat iyan ang tanging bagay na makakapagbigay ng sagot sa aking mga katanungan."
"Teka, teka... Naguguluhan ako, Handiwa... Hindi kita maintindihan... Ano ba itong suliranin mo na ang sagot o maglulutas dito ay ang Buntot-Pagi ng Mahal na Dian? At kung ito nga ang hinahanap mo, bakit hindi na lang ikaw ang kumuha nito sa tuktok ng Punong Zulatre?"
"Kung maaari nga lang ay ginawa ko na nga yan," ani Handiwa. "Noong una ay ang Bakunawa ang aking hinahanap sapagkat ang aking akala ay nasa kanya ang kanyang sandata na kung tawagin ay Buntot-Pagi. Ngunit napag-alaman ko mula sa aking pananaliksik na hindi na niya pala ito tangan, kaya akala ko'y nawalan na ako ng pag-asang makuha pa ang sandatang iyon. Ngunit isang araw, may nakasalumha akong mga Catalona, at ayon nga sa kanila ay nasa bayan ng Talisay ang Buntot-Pagi. Kaya nagtungo ako doon upang hanapin ko ang maalamat na sandata."
"Huhulaan ko... Hindi mo ito mahanap dahil nasa tuktok ito ng isang dambuhalang puno na ang mga sanga ay lumalampas pa sa mga ulap?"
Natawa si Handiwa sa birong iyon ni Purol na totoo rin naman. "Siyang tunay... Hindi ko na mabilang kung nakailang balik at suyod na ako sa bayang iyon upang hanapin lamang ang isang bagay na hindi ko nga alam kung naroon nga ba talaga... Umabot pa sa panahong si Hasilum na ang naging pinuno ng Talisay at katulad ko ay hinahanap niya rin pala ang naturang sandata. Ayon sa kanya, matagal na niyang naisip na maaaring nasa puno ng Zulatre ang Buntot-Pagi, ngunit dahil mariing ipinagbabawal ang pag-akyat dito ay hindi niya ito magawang hanapin doon. At bukod doon, sinong matinong tao ba ang susubok na akyatin ang ganoong katayog na puno? Hindi niya pa alejar noon si Dalikmata kaya maingat pa noon si Hasilum sa kanyang mga kilos..."
"Kilala mo pala talaga ang lalaking iyon..."
Tumango ulit si Handiwa. "Kinaibigan ko siya sapagkat siya ay isang Pantas... At ang mga Pantas ay maraming nalalaman... Hanggang sa naging alejar niya si Dalikmata, at itinuro nga ng mga mata ng kanyang Bathalang alejar na may kung ano itong nakikita sa tuktok ng puno. Inunahan ko si Hasilum sa tuktok ng puno gamit ang kapangyarihan ni Mayumi, ngunit katulad ni Hasilum ay wala akong nakita doon kung 'di isang bunga. Sinubukan ko rin itong kunin, ngunit nang gawin ko iyon ay isa namang nilalang ang biglang lumitaw doon at pinigilan akong gawin ang pagkuha sa kakaibang bunga na naroon."
Natigilan si Purol dahil pakiramdam niya ay kilala niya o alam niya kung ano ang hitsura ng nilalang na pumigil kay Handiwa na makuha ang bunga. Marahil ang nilalang na tinutukoy ng dalaga ay ang nilalang na nakausap niya doon sa panaginip niya nang kainin niya ang bungang iyon... Ang lalaking nagsabi sa kanya na magtungo sila ni Arowana sa maalamat na pook na kung tawagin ay Hiraya... Ito marahil ang nakita ni Handiwa.
Bumilis tuloy ang t***k ng puso ni Purol dahil sa kanyang mga natuklasan. Unang-una, mukhang hindi nais ng nilalang na iyon na mapunta sa iba ang bunga--- dahil bukod tanging siya lang ang nakakuha nito kahit na matagal na palang alam nina Handiwa at Hasilum ang tungkol sa bunga na iyon. Kung ganoon, hindi na niya maaaring ikaila na tila may kakaiba sa nagaganap sapagkat bakit siya ay hindi pinigilan ng nilalang na kunin ang bunga, bagkus ay tinulungan pa siya nito at kinausap? Ano ang mayroon sa kanya at nangyari ang bagay na iyon?
"Naisip ko na baka ang Bakunawa lamang ang maaaring makakuha noon, kaya hinintay na lamang namin ni Hasilum na mahuli ang Bakunawa. Nagsaliksik pa ako tungkol sa Bakunawa, at doon ko nalaman na sa Talisay siya sinasabing huling nakita noon, at nagsabi raw ito na babalik itong muli upang maghiganti sa mga nagtaksil sa kanya... Umasa ako sa mga katagang iyon... Hanggang sa narinig nga namin mula kay Laim na namataan niya raw at ng kanyang alejar na Bathala na si Durao ang Bakunawa... Nakita niya raw ito sa Batuk-Ao, kaya ganoon na lang ang tuwa ko, sapagkat maisasakatuparan ko na rin ang nais ko! Ngunit nang dumating ang Bakunawa rito, may kasama na siya... At sa 'di inaasahang pagkakataon ay naging alejar na siya ng kasama niyang iyon... Kaya nilapitan ko ang lalaking iyon sa pag-asang matulungan namin ang isa't-isa."
Napaisip muna nang malalim si Purol bago siya magsalita. "Kung ganoon, tinulungan mo ako upang makuha ko ang Buntot-Pagi, sapagkat hindi mo ito makuha ng sarili mo lamang."
"Tama ka."
"At ngayon ay nais mo na itong kunin sa akin?"
"Hindi mo pa yata naiintindihan kung paano gumagana ang mga sandata ng mga Bathala, Purol," sabi naman ni Handiwa. "Ang mga sandata nila ay bahagi ng kanilang mga katawan... Ibig sabihin, kahit na makuha ko sa iyo o kahit na ibigay mo sa akin ang Buntot-Pagi, kapag naisin ng Bakunawa na bawiin niya ito sa akin, magagawa niya itong kunin sapagkat ganoon ang kakayahan ng mga sandata nila. Sa madaling salita, kunin ko man sa iyo ang Buntot-Pagi, maglalaho ito sa aking mga kamay at muling lilitaw sa iyo."
"Sa akin?" gulat na tanong ni Purol. "Sa akin ito muling lilitaw at hindi sa Mahal na Dian?"
"Sa aking palagay ay sa iyo na ito susunod, sapagkat alejar mo na ang Bakunawa. Sa makatuwid, ikaw ang kailangan ko, at hindi lang ang sandata."
"Kung ganoon, kailangan mo nang mamatay, Purol," dinig nilang sigaw nng isang tinig at namalayan na lang ni Purol na sinasakal na siya ni Arowana. Gising na pala ito at narinig niya pala ang usapan nilang dalawa ni Handiwa!