"Kailangan niyo ba ng tulong ko?" tanong ni Handiwa sa kanila mula sa caragodang nakalutang sa ere. "Maaari ko kayong pasakayin sa aking sasakyang panghimpapawid upang matakasan niyo ang mga humahabol sa inyo," dagdag pa nito na malapad na ang ngiti sa kanila ni Abiya. May kataasan mula sa lupa ang nililipad ng caragoda ni Handiwa, ngunit naririnig pa rin nila ang tinig niya na para kay Purol ay hindi na dapat.
Ngunit wala na siyang panahon upang alalahanin pa ang ganoong mga maliliit na bagay sapagkat malapit na silang maabutan nina Laim at Durao. Ngunit dahil hindi niya makita kung saan na napunta si Arowana ay hindi siya makapagpasya kung ano ang kanyang gagawin. Alangan namang hayaan niya na lamang ang Mahal na Dian at sumakay na siya sa sasakyang panghimpapawid ni Handiwa at tumakas mula rito sa bayang ito? Ngunit kung hindi niya rin naman kukunin ang pagkakataong ito upang makatakas, malamang ay mahuhuli na rin sila nina Durao. At ayaw niya iyong mangyari dahil may kutob siya na kahit hawak na niya ang Buntot-Pagi ay mas malakas pa rin sa kanya si Durao. Tiyak na hindi na siya bubuhayin pa ng mga ito kapag nahuli na naman sila nito.
"Kung si Arowana ang iyong iniisip, nandito na siya sa aking sasakyan," sigaw sa kanya ni Handiwa at iyon na ang naging hudyat upang sumang-ayon siya kay Handiwa. Ngunit nakita niya namang hindi kumikilos si Abiya na katabi niya lang na nakaagapay kina Balang at Ubay dahil pareho silang wala ng malay. "Kaya halina kayo. Magmadali na kayo, kung hindi ay tatamaan na kayo ng mga kidlat ni Durao!"
"Abiya, ano ang iyong iniisip?" tanong ni Purol sa dalaga. "Natatakot ka ba kay Handiwa? Huwag kang mag-alala, hindi siya kalaban---"
Ngunit umiling agad si Abiya kaya hindi iyon ang kanyang inaalala. "Purol, natatakot ako para sa aking mga kasama sa Iraya... Hindi ko sila maaring iwan..." mangiyak-ngiyak na paliwanag nito kay Purol.
"Ngunit Abiya, kung hindi ka sasama sa akin, tiyak ako na huhulihin ka pa rin nina Laim o Hasilum. Wala na tayong magagawa sa mangyayari sa iyong mga kasama, ngunit higit na dapat mong unahin sa ngayon ang iyong kaligtasan! Tutugisin ka ng mga yun! Tandaan mo, pareho silang may alejar na mga Bathala! Wala kang laban sa kanila!"
"Hindi totoo yan, Purol. Nasa akin ang lason na maaring tumalo sa kanilang mga Bathala..."
"Ngunit mamamatay ka na muna bago mo pa iyon magagamit sa kanila dahil mas malakas at mas mabilis sila sa iyo! Abiya! Pakiusap! Sumama ka na sa amin! Ito lang ang paraan upang makaligtas ka sa kanila!"
Handa pang lumuhod sa harap ni Abiya si Purol o 'di kaya ay magmakaawa upang sumama lamang ito sa kanila sa pagtakas nila mula rito, ngunit hindi niya na pala kailangang gawin iyon. Sunod-sunod kasing tumama sa harapan nilang dalawa ang mga sibat ni Durao na yari sa purong kidlat, at ang isa pa nga rito ay tumama sa paanan ni Purol kaya naramdaman niya ang pagdaloy ng kidlat sa mga paa niya. Dahil doon ay natumba siya.
"Purol! Tumalon kayo sa hangin! Ako na ang bahala sa inyo!" dinig nilang sigaw ni Handiwa sa kanila.
"Ano? Ngunit bakit---?"
"Wala ng panahon upang magpaliwanag! Gawin niyo na lang ang tinuran ko kung ayaw niyong matamaan na sa sunod na pagbato ni Durao ng mga sibat niya!"
"Ayan na si Durao!" hiyaw rin ni Purol dahil ilang dipa na lang ang agwat nila mula sa Bathala ng mga Kulog at Kidlat. Umiilaw na ng kulay puti ang mga mata ni Durao--- palatandaan na ginagamit na niya ang rurok ng kanyang kapangyarihan. Patunay na roon ang biglaang pagkulog ng kalangitan. Animo'y sumasamo ito ng isang dambuhalang kidlat na kapag tumama sa lupa ay mabubuwal ang mga kabahayang tatamaan nito. Kaya naman upang makaligtas mula rito sina Purol, ginawa niya na naman ang ginawa niya kanina sa piitan.
Iwinasiwas niya ang Buntot-Pagi sa lupa, at nagkaroon ng biglaang pagbulwak ng tubig mula doon. Kung hindi mo alam ang kapangyarihan ng sandatang ito ni Arowana ay iisipin mong nabutas ang lupa at umagos pabulwak sa lupa ang tubig na nagmula sa ilalim. Dahil doon ay hindi nakatawid papunta sa kanila sina Laim at Durao dahil napakalakas ng pag-agos ng tubig.
"Ngayon na! Tumalon na kayo!" asik sa kanila ni Handiwa. Pinapanood niya ang nagaganap at kahit siya ay nababahala na baka mahuli nga sina Purol. Mabuti na lang at nakita niya na tumalon na silang lahat, sa tulong na rin ng sandata ng Bakunawa. Bigla kasing bumulusok pataas ang tubig sa kinatatayuan ng dalawa at natangay sila ng tubig na ito pataas, at nang nasa ere na sila ay ginawa na ni Handiwa ang kailangan niyang gawin.
"Ano'ng nangyayari? Paano tayo lumilipad?" natatakot namang tanong ni Abiya dahil hindi siya nagbibiro nang sinabi niyang lumilipad na sila. Nang tumalon kasi sila ni Purol sa tulong ng nilikhang tubig mula sa sandatang latigo ng Bakunawa ay napadpad sila sa ere, ngunit sa halip na bumagsak ulit sila pababa ay patuloy lang silang umaangat sa hangin na tila ba may hindi sila nakikitang kung anong lakas na tumutulak sa kanila pataas. Kahit ang inaakay nilang sina Ubay at Balang ay ganoon din ang nararanasan nila ngayon.
"Hindi ko alam kung paano, ngunit alam kong ang Bathalang yun ang may kagagawan nito," sagot naman ni Purol. Nagtaka si Abiya kung sinong Bathala ang tinutukoy ng dati niyang kasintahan, ngunit wala na rin siyang panahon upang pag-isipan ang tungkol doon sapagkat nakasampa na sila sa caragoda ng babaeng nagngangalang Handiwa.
Hindi nga maipaliwanag ni Abiya, ngunit tila may haplos ng hangin ang humila sa kanila papunta sa loob mismo ng sasakyang panghimpapawid. Tapos nang bumagsak na sila sa sahig ng sasakyang panghimpapawid, bigla namang umihip ang isang malakas na bugso ng hangin na nagpabilis sa 'paglalayag' ng caragoda na ito.
"Mimosa, ipasok mo sa loob ang mga sugatang kasamahan nila," ani Handiwa.
"Opo, Binibining Handiwa," sagot naman ng isang tinig na pagmamay-ari ng isang dalagita na nakasuot ng isang hindi pangkaraniwang kasuotan na tila mukhang bulaklak. Nakita ni Abiya kung paano hinila ng dalagita ang mga katawan nina Balang ayt Ubay papasok sa bahagi ng caragoda na patungo sa ilang mga silid. Napatayo naman agad sila ni Purol at ngayon ay napatingin sila sa labas ng sasakyang panghimpapawid.
Hindi pa rin sila makapaniwala na lumilipad sila na parang ibon sa himpapawid. At mas lalong nahirapan silang maniwala na totoo ang nagaganap sa kanila nang makita nilang ang taas at ang layo na nila mula sa pinanggalingan nila. Samakatuwid, malayo na sila sa bayan ng Talisay. Nakatakas nga sila!
"Hindi ako makapaniwala, nasa himpapawid nga tayo," bulalas ni Abiya kay Purol. "Kung isa itong panaginip, nakakatakot ito at nakakatuwa rin!"
"Ganito pala ang wangis ng sansinukob mula sa langit," sambit naman ni Purol na namamanha pa rin sa nangyayari. Kahit na madilim kasi ang langit ngayon dahil gabi pa rin, nakikita niya pa rin naman ang kaibahan ng himpapawid sa lupa. Kahit ang mga ulap ay nakikita na niya sa malapitan, at sa kalayuan ay natatanaw niya ang puno ng Zulatre bago ito matabunan ng ilang kumpol din ng itim na mga ulap na kumikislap pa sa dilim.
"Ang mga yan marahil ay ang mga kidlat na sinamo ni Durao," sabi naman ni Handiwa na pinagmamasdan din ang nakikita ni Purol. "Natakasan niyo siya. Hindi ba kayo magdiriwang? Bihira ang nakakatakas sa kanya."
Natawa doon si Purol. "Napagod na yata ako kakatakbo at kakatakas. Wala na akong lakas para magdiwang pa."
"Kung sa bagay. Ngunit mabuti na lang at hindi nakakalipad si Durao, dahil kung nagkataong marunong din siyang lumipad ay baka katapusan na rin nating lahat iyon."
"Oo nga pala. Kaya pala kabado ako kanina nang malala. Inisip ko kasing kaya niya ring lumipad, ngunit mukhang ang mga Bathala ay may pagkakaiba pagdating sa taglay nilang kakayahan."
"Siyang tunay, Purol. Malakas si Durao, ngunit kung nasa langit ang kalaban niya ay hindi niya ito mahahabol o maabot gamit ang kanyang mga kidlat kung ganito na tayo kalayo mula sa kanya. May hangganan din ang kanilang kapangyarihan, at naisip ko lang, hindi ba't kailangan niyo pang gamutin ang Bakunawa?"
Napansinghap si Purol dahil nakalimutan na niya ang tungkol sa Mahal na Dian. "Sarinawa! Kay sama kong kaibigan! Nakalimutan ko na nga ang tungkol sa kanya!" sabi niyang nanginginig saka bumaling kay Abiya. "Abiya, ang lunas sa lason sa halamang Kansuray. Akin na, agt nang malunasan na natin ang Mahal na Dian!"
Ngunit sa halip na tumalima sa kanya si Abiya ay napailing ito sa kanya. "Paumanhin, Purol, ngunit hindi ko balak na gamutin ang Bakunawa. Isa pa rin akong Catalona at ang ibig sabihin noon ay kaaway namin siya."
Hindi makapaniwala si Purol sa naririnig niya ngayon sa dating kasintahan. "Abiya, naririnig mo ba ang iyong winika? Hahayaan mo siyang mamatay?"
"Bakit hindi?" giit naman ni Abiya. "Nararapat lamang iyon sa kanya. Tingnan mo nga kung saan ka dinala ng Bathalang iyan, Purol? Nanganganib na ang buhay mo dahil sa kanya! At nakakatitiyak ako na hindi ito ang huling pagkakataon na mangyayari ito sa iyo dahil habang kasama mo siya ay mangangahulugan din iyon na nasa panganib ka!"
Umiling si Purol. "Matagal ng nasa panganib ang aking buhay, Abiya. Magmula ng bata pa ako, animo'y nakalagay na sa hukay ang isa kong paa. Wala na sa akin iyon," mahinahon niyang sagot sa dalagang Catalona. "Nakikiusap ako sa iyo, Abiya. Iwaksi mo naman muna ang galit mo sa Mahal na Dian. Isipin mo na lang na para ito sa akin. Dahil siya ay akin ng alejar, kapag mamatay siya, dadapo sa akin ang isang matinding sumpa. Nais mo bang maranasan ko iyon, Abiya?"
Natigilan si Abiya sa tinuran ni Purol. "Hindi ko nais na maganap ang kahindik-hindik na bagay na iyon sa iyo, Purol. Ngunit mahirap ang iyong hinihiling sa akin. Nais mong gamutin ko ang isang Bathala na siyang dahilan kung bakit nagaganap ang mga kaguluhan sa buong sansinukob! Nais mong iligtas ko pa ang buhay ng isang makasariling Bathala na kung hindi dahil sa kanya, masaya sanang namumuhay ng magkasama ang mga tao at mga Bathala, at hindi sana nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng dalawang hanay!"
Batid ni Purol na mahihirapan siyang pilitin si Abiya na gawin ang pinapakiusap niya, kung kaya't lumuhod na siya sa harapan ng dalaga na nakatungo ang ulo sa sahig ng caragodang kanilang sinasakyan ngayon. "Nakikiusap ako sa iyo, Abiya. Taos-puso ako sa iyong nagpapakumbaba. Iligtas mo ang Mahal na Dian. Hindi ko naman sinasabing kaibiganin mo na siya. Malaya ka pa ring magalit sa kanya. Ngunit kapag hinayaan mo siyang mamatay ngayon, para na mo na rin akong pinatay, Abiya."
"Purol..."
"Mawalang-galang na sa inyong dalawa, ano," pagsingit naman ni Handiwa sa usapan ng dalawa. "Kahit ano pa man iyang away niyo, kailangang makaligtas ng Bakunawa. Iyon ang hinihingi kong kapalit sa pagtulong ko sa inyo na makatakas mula sa mga kaaway niyo... Kaya kung hindi niyo ililigtas ang Bakunawa, malaya kayong tumalon mula sa aking caragoda," aniya na tila hindi nakakatakot ang banta niya sa dalawa. "Ikaw, Catalona, batid ko ang pagdududa mo sa Bakunawa, ngunit malakas ka ba kung sakaling maisipan kong kalabanin ka upang mapilit kitang gamutin mo siya? Dahil ako, kaya kong lumaban. Hindi ba, Mayumi?" sabi pa nito.
"Tama po kayo, Panginoon," dinig nilang sambit ng isang maamong tinig na nagmula sa labas ng karagoda. Isang nilalang ang tila nabuo mula sa isang ipoipo, at biglang sumulpot ang isang babaeng may katawan na mukhang gawa rin sa hangin.
"Siya si Mayumi, ang Bathala ng Himpapawid," pagpapakilala ni Handiwa sa kanyang alejar na Bathala. Natulala naman dito si Purol, dahil ngayon ay alam na niya ang anyo ng nilalang na nagdala sa kanya kanina sa tuktok ng puno ng Zulatre. "Ngayon, Catalona, mamili ka. Buhay ng Bakunawa o buhay mo? Kaninong hininga ang nais mong matigil na ngayon?"