[Katipan--- betrothed; sweetheart; a companion]
Hindi na natutuwa si Arowana. Mistulang kikitil na siya ng buhay sa paraan ng pagtitig niya sa dalawang lapastangan na nasa kanyang harapan ngayon. Nag-iisip na rin siya kung paano niya mapaparusahan ang mga ito. Ngunit alam niyang mahihirapan siya, dahil malayo siya sa karagatan, iyon ay kanyang batid. Iisa lang ang kanyang kayang gawin sa pagkakataong ito, ngunit batid niyang hindi ito sapat upang makatakas siya ngayon lalo na sa isang katulad ni Durao. Malakas ito at may kaalaman paglabanan na ang pinag-uusapan kaya't alam ni Arowana na talagang mapapalaban siya rito kapag nagkataon.
Ngunit siya pa rin ang Bathala ng Karagatan. Siya pa rin ang kinatatakutang Bakunawa. Hindi niya ugali ang magpagapi nang basta-basta na lamang. "Lubayan niyo ako ngayon din kung ayaw niyong masamain kayo sa akin!" banta niya sa dalawa. "Hindi mo pa ako kilala, Sadiwa!" pananakot na ni Arowana sa mga ito. "Hindi ako madaling lupigin gaya ng iyong iniisip!"
"Sadiwa?" ani Pinunong Laim na napapaisip na. "Isa iyang salitang Zultra, o ang wika ng mga Bathala hindi ba? Ano nga ba ang ibig sabihin ng Sadiwa, Durao?"
Tipid siyang sinagot ng kanyang alejar na nakatayo sa harapan ni Arowana. "Ang ibig sabihin po ng Sadiwa ay isang nabubuhay na mas nakakababa sa iyo."
"Ganoon ba?" Bakas sa tinig ng Miar ang pagkauyam dahil sa kapangahasan ni Arowana, ngunit nanatili naman itong nakangiti. "Malalaman natin kung sino ang Sadiwa sa ating dalawa, Bakunawa, pagkatapos nang gagawin ko sa iyo," banta niya. "Durao, maghanda ka!"
Tumalima agad si Durao sa iniutos sa kanya ng kanyang almajo. Ang kanyang kanang kamao ay biglang nabalot ng kidlat na pumipitik-pitik pa sa tunog nito, habang nakamatyag naman sa kanya si Arowana na hindi naman ganun kabahala. Iyon nga lang, nakikinita niyang masasaktan siya sa magaganap na pagtutuos nila ni Durao.
***
"Ano ang inyong gagawin?" nagtatakang tanong ni Purol kay Abiya dahil naghahanda na itong umalis ng Iraya upang hanapin si Arowana kasama ang mga kapwa niya Catalona. "Talagang nais niyong dakpin ang Bathala?"
Tumango sa kanya si Abiya na may mga hawak na mga agimat at mga halamang gamot, na sa hinuha ni Purol ay gagamitin nito laban kay Arowana. "Dakpin, litisin, at paalisin dito sa Talisay," aniya. "O kahit saang pook na nasa Daang Bathala. Iyon ang aming adhikain, Purol."
"At bakit niyo naman ito ginagawa?" tanong niya pa sa dating kasintahan. "May nagawa ba siyang kasalanan laban sa inyong mga Catalona?"
"Nabanggit ko na sa inyo ni Ubay ang dahilan," sagot naman ng Catalona kay Purol. "Siya ang may kasalanan kung bakit nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ng mga Bathala at mga tao noong Riaga Zul! Ipinagbabawal na pagmamahalan at pagtataksil--- iyon ang kanyang kasalanan, kasama na ng kanyang iniibig. At kami, kami na mga Catalona, ang may kakayahang pumigil sa kanya sa mga maiitim niyang balak, Purol. Kaya kailangan namin itong gawin..."
May apoy sa mga mata ni Abiya nang winika niya ang mga katagang iyon, na siyang dahilan kung bakit hindi na niya nasagot ang tinuran nito. Isa pa, sa isang iglap na iyon ay bumalik sa kanyang gunita ang nakaraan nila ni Abiya, sapagkat ganitong-ganito sila mag-away noon. Sadyang may paninindigan ang dalaga na dati niyang katipan.
"Sasama kami sa inyo, Abiya," pagpupumilit naman ni Purol at nagkatinginan sila saglit ni Ubay. "Kung iyong mamarapatin, Abiya. Nais kong masaksihan ang iyong gagawin sa Bathala."
"Hindi ko alam kung bakit ganito na lang ang kagustuhan niyong sumama ngunit kung hindi niyo naman kami maaabala ay ayos lang sa amin. Huwag niyo lang itago sa amin kung nasaan ang Bakunawa dahil hindi ko iyon ikatutuwa, Purol."
"Maraming salamat, Abiya," ani Purol na bahagya pang nagulat na pumayag ang kanyang dating kasintahan na isama sila ni Ubay kung saan man sila pupunta. Kung totoo nga kasi ang mga sinasabi nina Abiya, ibig sabihin ay nasa panganib ang Mahal na Dian. Hindi niya pa naman alam kung nasaan ito, at malakas ang kutob niya na matutunton siya ng mga Catalona.
"Ang dilim ng mukha mo, Purol," puna naman sa kanya ni Ubay habang papunta sila sa pusod ng bayan ng Talisay kasama ang mga Catalona. "Halata na nag-aalala ka," bulong pa nito sa kanya. "Ngunit kanino ka nga ba nag-aalala? Sa Bathala ba o sa Catalona?"
"Sa ngayon, mas nag-aalala ako para kay Abiya," pag-amin ni Purol sa matalik na kaibigan. "Batid mo kung anong ugali may roon ang Mahal na Dian. At batid nating dalawa na mas nakahihigit siya sa mga Catalona. Baka saktan niya si Abiya kapag nagkatagpo sila," balik ni Purol sa kaibigan na napangisi naman sa kanyang tugon.
"Sana nga ay hindi na lamang magtagpo ang mga landas nila," tugon naman ni Ubay. "Ngunit teka nga muna, paano ba nila matutunton ang Mahal na Dian?"
"Tingnan mo iyon," turo ni Purol sa isa sa mga nakakatandang Catalona na nauuna sa paglalakad. Ito pa nga ang sinusundan nilang lahat. May hawak itong isang mahabang tangkay ng kung anong halaman. Ang halamang ito ay may mapula-pulang mga dahon na mukha ring matutulis. At sa pamamaraan ng paggamit dito ng matandang Catalona, animo'y dito siya humihingi ng gabay sa kung saan sila patutungo.
Itinanong niya ang halaman kay Abiya na nasa unahan niya lang naman. "Ito ang halamang kansuray. Ito ang pangunahing halamang ginagamit namin sa aming mga dasal. Mabisa kasi ito laban sa mga Bathala."
"Mabisa laban sa mga Bathala? Sa paanong paraan naman?" naguguluhan pa ring pag-usisa ni Purol.
"Mahabang kwento," ani Abiya, "ngunit sa madaling salita, ang halamang kansuray ay may nakakalasong dagta na nakakapanghina sa isang Bathala. Kapag may malapit na Bathala sa halamang ito, kusang umiinit ang mga tangkay nito. At ito ang batayan namin kung narito sa paligid ang isang Bathala..."
Hindi man gaanong naiintindihan ni Purol, naniwala siya sa ipinaliwanag ni Abiya kaya't batid na niyang matutunton nga ng mga Catalona si Arowana. Mukhang mali ang naging pasya nilang magtagal dito sa Talisay. Kailangan nilang maunahan ang mga Catalona, upang mailayo si Arowana sa mga ito, at nang hindi na rin sila magkasakitan. Batid niya naman kasi kung sino ang magwawagi kung sakali. Ano naman kasi ang laban ng mga Catalona sa kapangyarihan ni Arowana?
Nakita ni Purol kung paano lihim na mapatawa si Ubay, marahil ay hindi ito naniniwala sa hiwagang taglay na may roon ang halamang tinutukoy ni Abiya. "May ganoon ba talagang halaman, Purol?" natatawa nitong tanong sa kanya. "Aba'y sarinawa! Kung isang nakalalasong halaman lang pala ang makakatalo sa katulad ng Mahal na Dian, marapat na manghingi na tayo ng isang tangkay mula rito sa mga Catalona!"
"Tumahimik ka nga Ubay at baka marinig ka nila!" saway niya naman dito.
"Naniniwala ka sa sinasabi nila, Purol? Na mahahanap nila ang Bathala gamit ang isang tangkay ng halaman?" usisa pa ng kaibigan niya sa kanya.
Ngunit hindi na kailangan ng mga Catalona ng kung ano mang tangkay ng halaman, sapagkat sa di-kalayuan ay may roong nagaganap na kaguluhan. Napakarami ng taong nagtatakbuhan palayo sa nagaganap na tila isang labanan.
"Purol, may nagaganap sa bandang iyon ng pamilihan!" turo rin ni Ubay doon. May dumaan na tumatakbo galing doon kaya't hinarang iyon ni Purol at tinanong. "Ginoo, ano bang nagaganap doon?"
Bakas ang takot sa mukha ng lalaking tinanong niya. "May dalawang Bathala doon! Oo, tama ang iyong narinig mula sa akin! Mga Bathala! Hindi kayo maniniwala, ngunit naroon nga ang dalawang Bathala at nagsasagupaan sila!"
Sa sinabing ito ng lalaki, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Purol. Kaagad siyang tumakbo patungo doon. Hindi na nga niya pinansin kung ano na ang gagawin ng mga Catalona. Basta na lamang niyang tinungo ang dalawang Bathala kuno na naglalaban. Dahil malakas ang kutob niya kung sino ang dalawang Bathalang iyon.
"Dalian mo na Durao! Tapusin mo na 'yang laro niyo nang maging alejar ko na rin ang Bakunawa na iyan!" dinig ni Purol pagkarating niya sa pinangyayarihan ng nagaganap na labanan. Kasalukuyan kasing nakataas sa kalangitan ang mga kamay ni Durao Liliente, at iisa lamang ang ibig sabihin noon. Sumasamo ito ng kidlat na gagamitin nito laban kay Arowana!
"HINDI! HINDI!" Nagsisigaw na si Purol at iniharang niya ang sarili niya sa pagitan ng dalawang Bathala. Natigil si Durao sa pagsasamo ng panibagong kidlat, habang si Arowana naman na sugatan na at napilayan pa ay biglaang nangatumba. Napahiyaw siya sa sakit at napatingin sa kanya ang lahat.
Nakita ni Purol na may isang palasong tumarak sa kaliwang balikat ng Mahal na Dian, at biglang nangitim ang balat nito kung saan lumubog ang ulo ng palaso.
"Mahal na Dian!" sigaw ni Purol na nahihintakutan, dahil sa kanyang palagay, may dagta ng halamang kansuray ang palasong tumama sa Bathala ng Karagatan!