Kabanata 16

2535 Words
[Matalinghaga--- mysterious; metaphorical] "Sa wakas! Nasugatan din kita, Bakunawa!" Malakas ang pagtawa ng Miar na si Pinunong Laim habang nakahawak siya ng pana sa kanyang kamay. Agad napagtanto ni Purol na ito ang pumana sa Mahal na Dian. "Natatablan ka rin naman pala ng ganitong uri ng sandata! Ngayon Durao, dakpin mo na siya at nang makaalis na tayo rito!" Nakarinig na lamang si Purol bigla ng tunog nang malakas na kulog, at ang kidlat na hugis bilog na nasa mga kamao ni Durao Liliente ay nagpipitikan na parang may sarili itong mga buhay, tanda na hindi biro ang matamaan ng mga ito. Batid ng binatang Mangangayaw sa sarili niya na sa sandaling tamaan siya nito o madikit lamang sa kanyang balat ang mga iyon ay tiyak na ikamamatay niya. Makapangyarihan si Durao Liliente. May dahilan kung bakit isa sa kinatatakutang Miar si Pinunong Laim, at dahil iyon sa alejar niya. Ngunit hindi na iyon alintana ni Putol. O ang kahit ano pa mang panganib. Ang iniisip niya na lamang ay ang maaaring mangyari sa Mahal na Dian, na ngayon ay tila naghihingalo na na nakasalampak sa lupa. Namumutla na ang buo niyang katawan habang ang palasong nakabaon sa kanyang kaliwang balikat ay umuusok na mistulang nagniningas na. Ang balat naman niya kung saan ito nakatarak ay nangigitim na. Papalapit na sa kanya ang Bathala ng mga Kulog at Kidlat at alam na ni Purol na mapapahamak na ito. Kaya ginawa na niya ang pinakaunang bagay na naisip niyang gawin upang mapigilan ang nais nilang gawin. Hawak ang isang matalim na tabak na kanina pang nakasuksok sa tagiliran niya, inunuhan ni Purol si Durao sa paglapit kay Arowana. At sa isang iglap, hinawi ni Purol ang mahabang buhok ng Mahal na Dian. Bahagya niya itong inangat at sa isang wasiwas lamang ay naputol niya ito nang walang kahirap-hirap. Isang matinis ngunit malakas na sigaw ang pinakawalan ni Arowana pagkatapos lamang nang ginawa ni Purol sa kanya. At hindi lamang si Purol, o si Durao, o si Pinunong Laim, o ang mga mamamayan ng Talisay ang nakarinig sa napakalas na palahaw ng Bathala, dahil kahit sa isang caragoda na naglalayag sa ilog na may kalayuan na mula sa Talisay, narinig din ang sigaw na iyon. Nabitawan nga ng isang babaeng tagapagsilbi ang pagkaing hawak niya, na dadalhin niya sana sa kanyang amo na nasa loob ng kaisa-isang silid ng caragoda. "Ano ang nangyari?" tanong ng isang tinig mula sa loob ng silid na ito dahil napahiyaw din sa gulat ang tagapagsilbi. Agad nitong niligpit ang nagkalat na pagkain at kasangkapan sa kahoy na sahig ng caragoda. "Ano ang tinig na iyon?" "Hindi ko nga rin po batid, Binibini. Nagulantang na lamang ako sa narinig ko. Animo'y isang halimaw ang umaatungal sa kalapit na bayan!" Bumukas ang kanina'y nakapinid na pinto ng silid at lumabas ang isang balingkinitang dalaga na nakasuot ng isang marangyang kasuotan. Tapos nababalot naman ang kasuotan niya ng isang kulay pulang balabal, na mukhang ginagamit niya bilang pananggalang sa lamig. Naglakad ang dalaga patungo sa dulo ng caragoda, at tinanaw niya ang Zulatre na nasa malayong bahagi ng kanluran. Sa kanya kasing palagay ay doon nagmula ang napakalas na sigaw ng isang babae. "Mukhang isa na namang Bathala ang nasa panganib," aniya. Samantala, sa isang mas malapit-lapit na pook naman, naglalakad sa isang malawak na damuhan ang isang binata na nakasuot naman ng kasuotang puti at ginto. May suot din siyang isang putong sa kanyang ulo na napapalamutian ng mga batong kumikinang. May kalakihan ang putong na ito kaya't natatakpan nito ang mukha ng binata mula sa kanyang buhok hanggang sa kanyang mga mata. Napahinto siya sa paglalakad at pagmumuni-muni kasabay ng kasama niyang matandang lalaki. Napatingin din silang dalawa sa matayog na Zulatre na malapit lamang sa kanila nang marinig nila ang sigaw ng Bathala. "Mahal na Lakan---!" Iwinasiwas ng binata ang kanyang kanang kamay sa matanda upang matahimik ito. Naguguluhan man, tumalima ang matanda at hinayaan niya na lang na mapakinggan ng binata ang ingay. Pumikit pa ito na wari'y ninanamnam pa ang naririnig. Nakita pa nga ng matanda na may tumulong luha sa mata nito, kahit na hindi naman naiiyak ang binata. "Mahal na Lakan, ayos lang po ba kayo!?" nag-aalalang tanong ng matanda. "Ano kaya't pumanhik na tayo sa---" Ngunit hindi na siya pinatapos ng binata na ang tawag niya ay Mahal na Lakan. "Kung ganoon ay nahuli siya?" palatak ng binata na mukhang sarili niya naman ang kinakausap. "Dapat yata ay kumilos ako." May lungkot pa sa tinig nito na nagpalito sa kasama nitong matanda. "Ano po ang ibig niyong sabihin doon sa inyong tinuran, Mahal na Lakan?" "Wala naman," sagot agad ng binata na nakatunghay pa rin sa matayog na Zulatre, kung nasaan ang bayan ng Talisay. Napapansin na niya na tila dumidilim ang mga ulap na sinasayaran ng mga sanga ng dambuhalang puno. "Mukhang may matalinghagang nagaganap sa bayan kung saan nagsimula ang lahat." Napakamot na lamang ng ulo ang matandang kasama ng Mahal na Lakan. At kahit siya ay napapatingin na rin sa gawi ng Talisay, at sa kakaibang nangyayari ngayon doon. Samantala, sa isang kakahuyan naman, walang tigil ang pagtakbo ng dalawang binatilyo at ang alaga nilang mabangis na hayop na kung tawagin ay Ayu. May hinahabol silang isa ring mabangis na hayop na kasinglaki ng isang karagoda. Ang isa sa mga binata ay may hawak ding pana at sa bawat takbo niya ay inaasinta niya ang hayop na kanilang hinuhuli. Habang ang kanyang kasama naman na kamukhang-kamukha ng isa ay may hawak na tanikalang yari sa bakal. Ito ang ipangtatali nila sa dambuhalang hayop kapag nahuli na nila ito. Ngunit biglang may narinig silang isang malakas na sigaw. Sa gulat ng may hawak ng tanikala, nabitawan niya ito. Naapakan naman ito ng kanilang Ayu at napuluputan ito ng tanikala at nagpagulong-gulong ito patungo sa bangin. "Pong!" Pagtawag nila sa kawawanv hayop ngunit nahulog na ito sa bangin. "Iligtas natin siya!" utos ng binatilyong may hawak na pana. Walang takot naman silang naghubad ng kanilang pang-itaas na kasuotan bago tumalon sa bangin, na ang kababagsakan ay isang malaking ilog. *** Bumuhos ang malakas na ulan kasabay ng biglaang pagdilim ng kalangitan. Umihip din ang malalakas na hangin. Ang ilog naman sa gilid ng bayan ay nangangalit at marami sa mga sasakyang pandagat na nakadaong sa pantalan ay hinahampas ng mga alon nito. Nagulantang ang taumbayan sa mga nagaganap. Kasunod lamang ng pagsigaw ng Bathala ay nangyari na ang mga ito. Nagtakbuhan ang mga tao, na nasindak na rin sa biglaang pagdilim ng buong paligid. Nag-iiyakan na ang ilang mga bata, habang ang mga nagtitinda sa paligid ay mabilis na nagliligpit ng kanilang mga paninda, sa takot na madamay ang mga ito. May nagsidatingan din namang mga kawal mula sa Uma ng Talisay na sinubukang ayusin ang gulo ngunit nang makita nila sina Arowana at Durao, napaatras sila agad lalo na nang biglaang kumulog at kumidlat. "Hindi! Durao! Ano pang tinutunganga mo diyan? Kunin mo na ang Bakunawa na yan!" "Ngunit Panginoong Laim, nahuli na tayo!" giit naman ni Durao. "Ang binatang ito ang pumutol sa buhok ni Arowana!" Nanggagalaiti na sa galit si Pinunong Laim sa nangyari, sapagkat naisahan siya ng lapastangang binata! Siya dapat ang nakabihag sa kinatatakutang Bathala ng Karagatan! "Ayan na ang Bakunawa! Kunin na natin siya!" sabi naman ng isa pang tinig, at nakita ni Purol na nakalapit na sa kanila sina Abiya at ang mga kasamahan nilang mga Catalona. Biglaan nilang pinalibutan ang Mahal na Dian, at bigla rin silang nagsayaw. May hinala na si Purol kung ano ang binabalak ng mga Catalona kaya napasigaw siya sa mga ito. "Lumayo kayo! Abiya! Ano ang ginagawa mo?" Ngunit hindi siya pinansin ni Abiya, na ngayo'y nagdadasal na ulit nang taimtim habang hawak-hawak nito ang tangkay ng kansuray na iwinawagayway pa nito sa hangin. Napansin ni Purol na tila mas nasasaktan si Arowana nang nilapitan sila ng mga Catalona. "Durao! Bakit nariyan ang mga yan? Tapusin mo ang mga Catalona na yan!" utos ni Pinunong Laim ngunit natigilan si Durao sa kanyang kinatatayuan. Napahawak din siya sa kanyang dibdib at tila may iniinda itong sakit. "Patawarin niyo ako, Panginoon! Ngunit nanghihina ako sa ginagawa nila lalo na't may hawak silang halaman ng kansuray!" Pinagmasdan ni Purol si Arowana. Nahihirapan na ito at nanghihina kaya kailangan na niya itong mailayo mula sa pook na ito. Hindi niya nga lang alam kung paano, sapagkat kahit na makaalis siya mula sa mga Catalona, nariyan naman si Durao na nakaabang lamang. Kailangan niyang makaisip ng paraan! At doon niya nakita si Ubay, na nag-aalalang nanonood sa nagaganapm natakot din yata itong lumapit, lalo na't mistulang naging gabi na sa dilim ng kalangitan. Kahit sino ay iisiping katapusan na ng daigdig! Ngunit kailangan nilang makaalis mula rito. Kaya tinawag niya nang pagkalakas-lakas si Ubay. Nang magtama ang mga paningin nila, itinuro niya ang tangkay ng kansuray na hawak ni Abiya. Tumango doon si Ubay, tanda na naiintindihan niya ang nais mangyari ng kanyang kaibigan. Kaya't hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Ubay. Tinakbo na niya ang mga Catalona na nakapalibot sa kanyang kaibigan at sa Mahal na Dian. Sinamantala ni Ubay ang ginagawa ng mga Catalona. Nilapitan niya si Abiya at sinubukan niyang agawin mula sa dalaga ang hawak nitong halaman ng kansuray. Nahirapan nga lang siyang makuha ito mula sa kanyang mga kamay sapagkat may kakaibang naramdaman siya habang malapit siya dito. Para bang may kung anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanyang huwag lapitan ang mga ito. Kaya huminto muna siya at nag-isip. Sa pagkakataong din na iyon, pinipilit ni Pinunong Laim na utusan si Durao na dakpin pa rin si Arowana. Kitang-kita ni Purol kung paano sinusubukang labanan ni Durao ang kapangyarihan ng halamang kansuray. Ang mga pabilog na kidlat na bumabalot sa mga kamao ng Bathala ay patay-sindi, kaya't hindi malaman ni Purol kung magagawa nga bang makalaban ni Durao. Sa mga kidlat niya pa naman nagmumula ang tanging liwanag na may roon sila. Kapag naglalaho ang mga ito, wala ng makita na kahit ano si Purol. Ni hindi na nga niya maaninag kung ano ang ginagawa ng mga Catalona. Nais niya sanang pigilan ang mga ito, ngunit tulad ni Ubay, siya ay hindi makakilos laban sa ginagawa ng kanyang dating kasintahan at ng mga kasamahan nito. Batid ni Purol na nais rin ng mga Catalona na dakpin si Arowana kaya't kailangang magtagumpay ni Ubay. "Ubay! Sanay tayo sa pagnanakaw noon sa dilim! Magagawa mo ito!" sambit niya rito upang mabigyan niya ito ng lakas ng loob. Narinig naman ito ni Ubay. Kahit na duwag siya at walang alam sa pakikipaglaban, sinuong niya ang panganib. Gamit ang isang mahabang kahoy na nakita niya sa lupa, lumayo muna siya mula sa mga Catalona upang hindi siya matangay ng kanilang kapangyarihan. Nang makahanap siya nang magandang gawi, dumapa siya sa lupa upang pakinggan ang mga yapak ng mga Catalona. Kahit madilim, sinipat niya ang mga paa nito na sumasayaw sa saliw ng kanilang mga sinasambit na panalangin. Nang makatiyak na siya, iwinasiwas siya doon ang mahabang kahoy. Nakarinig siya ng mga hiyaw at mga katawang nangatumba. Sa wakas! Nagtagumpay si Ubay na putulin ang ginagawa ng mga Catalona ng hindi siya lumalapit sa mga ito. Kaagad niyang nilapitan ang mga Catalona na naputol na ang ginagawang dasal. Hinanap niya sa mga ito si Abiya. Madali niya itong nahanap sapagkat kumikinang sa dilim ang kasuotan nito. Kaagad niyang inagaw dito ang halamang kansuray. Saka niya tinawag si Purol at sinabi ritong nakuha na niya ang ipinakukuha nito. Nang marinig naman ni Purol si Ubay, ito na ang naging hudyat niya upang kunin si Arowana. Inalalayan niya ito at naglakad na sila palayo sa mga Catalona. Ginamit nila ang dilim upang hindi sila makita ng mga ito, o ni Pinunong Laim. Nang malapitan niya si Ubay, tumulong ito sa pag-alalay sa Mahal na Dian. Ngunit umungol sa sakit na nadarama si Arowana nang makalapit si Ubay, tanda na nasasaktan siya sa paglapit ng halamang nakakalason. Nagpupumiglas siya mula sa pagkapit ng dalawang lalaki sa kanya. Pumalahaw pa nga siya, na narinig naman ni Pinunong Laim. "Tumatakas na ang Bakunawa! Hulihin mo siya, Durao! Dakpin mo ang Bakunawa, pati na rin ang lalaking kasama nito!" Dahil malayo na sa kanya ang kansuray, nakabawi na ng lakas si Durao. Ginamit niya agad ang liwanag ng kanyang mga kidlat upang hanapin si Arowana. Hindi naman siya nabigo. Nakita niya ito na tinutulungan ng dalawang lalaki na makalayo mula sa kanila. Tinatahak ng mga ito ang pantalan sa tabi ng Zulatre, kaya't naglakad na rin siya at sinundan ang mga ito. Samantala, nasa harap na ng pantalan sina Purol nang makasalubong nila si Balang na galing na pala sa kanilang caragoda. "Sarinawa! Mabuti na lamang at ligtas kayo! Ano ang nangyari sa Mahal na Dian?" "Mahabang salaysayin," ani Ubay, "at kailangan na nating makaalis mula rito!" "Nakahanda na ang ating sasakyang pandagat," tugon naman agad ni Bal-Ang. "Hinanda ko na ito sakaling makita ko na nga kayo at naisin niyo nang tumakas mula rito. At tama nga ako! Halikayo!" Naglakad na sila patungo doon, ngunit bago pa man nila iyon marating, isang malakas na kulog ang dumagundong sa kalangitan. Kasabay noon ay isang mahaba at malaking kidlat ang lumatay mula sa langit hanggang sa lupa, at tinamaan nito ang kanilang Caragoda. "Ang ating sasakyan!" hiyaw ni Ubay sa pagkagimbal. "Purol, tinamaan ito ng kidlat!" "At ito ngayo'y nasusunog na!" dagdag din ni Bal-Ang. "Ano na ang gagawin natin? Papatayin tayo ng Bathala ng Kidlat!" "Huwag kayong mag-alala! Hindi niya tayo malalapitan sapagkat nasa atin ang kansuray," ani Purol. "Ngunit mapanganib na puntahan pa natin ang ating caragoda. Lalo na't maaari niya tayong patamaan ng kanyang mga kidlat! Kaya sa ibang daan tayo magtutungo!" "Saan naman?" tanong ng dalawa kay Purol. Sasagot na sana si Purol ngunit nagsalita bigla si Arowana. "D-Dalhin niyo ako sa Z-Zulatre..." "Ano? Ngunit bakit naman?" "Huwag na kayong magtanong!" sigaw ulit nito. Kumulog at kumidlat na naman, at muntik na silang matamaan kaya't kumilos na sila. Tinungo na nga nila ang Zulatre na ilang lakad lang naman mula sa kung nasaan sila. Hinahabol pa nga sila ng mga kidlat ni Durao ngunit hindi sila nito tinatamaan. Pagkarating nila sa paanan ng Zulatre, isinandal nila sa katawan nito si Arowana, na halos wala ng malay. Lalo pang tumindi ang mga kulog at kidlat kaya't natatakot na si Balang para sa kanilang kaligtasan. "Bakit niya kaya rito nais magtungo?" kinakabahang tanong sa kanila ni Ubay. "Ano ang gagawin niya rito? Hindi niya naman nais akyatin ang Zulatre hindi ba?" Umiling si Purol doon. "Hindi ko tiyak kung bakit dito niya nais magtungo ngunit mas mabuti na nandito tayo. Hindi na rin naman tayo makakapaglayag sa ilog, sapagkat nasira na ang ating caragoda." "Tiniyak nilang hindi tayo makakaalis dito," pagsang-ayon ni Ubay. "Ngunit makikita rin tayo rito ng Durao na iyon," ani Balang. "Kailangan din nating umalis mula rito!" "Tama ka---" "Hindi!" biglang sumigaw sa kanila si Arowana, na ikinagulat nila. Nakapikit pa rin kasi ito kahit na nagsasalita ito. Saka nito itinuro si Purol. "Akyatin mo ang Zulatre. Naaalala ko na. May iniwan sa akin dito ang aking asawa!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD