Kabanata 14

1392 Words
[Adhikain--- mission, ambition, purpose in life or a particular goal, aim] "Iniibig?" Tumango si Hasilum sa tanong ni Arowana. "Tama ang iyong narinig, binibini." "Kung ganoon ay may asawa nga ang Bathalang iyon..." bulalas ni Arowana. Tila nagtaka naman si Hasilum kung bakit iyon nasambit ng dalaga, at mabuti na lang ay napansin iyon ni Arowana kaya't siinundan niya naman ang kanyang sinabi. "Ah... Ang ibig kung sabihin ay... t-tama pala ang haka-haka na narinig ko noon... Na maaring mag-asawa ang isang Bathala..." "Tama. Maaari naman silang mag-asawa. Ngunit may mga batas din sila tungkol doon." Kumunot ang noo doon ni Arowana. "Batas? Sa pag-aasawa? Gaya ng ano naman?" Akala ni Arowana ay may maisasagot sa kanya si Hasilum ngunit umiling ito, tanda na hindi niya rin alam ang nais malaman ni Arowana. "Sa kasaamang palad, wala akong alam tungkol diyan. Ang alam ko lamang ay ang Bathala ng Karagatan na si Arowana, o mas kilala sa tawag na Bakunawa, ay sinasabing may sinisinta na isang binata noong Riaga Zul o Panahon ng mga Bathala. Ngunit kung sino ang binatang tinutukoy nila na naging katipan ng Bathalang si Arowana--- kung siya ba ay katulad niyang isang Bathala, o isang pangkaraniwang tao lamang, wala nang nakakaalam." Kay bilis ng t***k ng puso ni Arowana sa kanyang mga naririnig mula sa ginoong kausap niya ngayon. Hindi niya mapigilan ang makaramdam nang kakaibang pananabik at pagkatuwa, na hindi niya rin maintindihan kung bakit niya biglaang naramdaman. Sa wari niya'y nakamit na niya ang kasagutan sa matagal na niyang katanungan--- kung totoo nga ba na siya'y mayroong asawa. Dati kasi, sumagi na rin sa kanyang isipan na baka kathang-isip niya lamang ang tungkol sa kanyang sinisinta. Ngunit ngayong may nakausap na siyang tao na may alam sa mga naganap noong Riaga Zul, batid na ni Arowana na hindi niya lamang gawa-gawa ang kanyang tanging naaalala mula sa kanyang nakaraan. Iyon nga lamang ay hindi rin batid nitong si Hasilum kung sino nga ba talaga itong naging kasintahan o asawa niya. Ngunit hindi na nagulat doon si Arowana. Inaasahan na niya na kahit ang pangalan ng binatang kanyang iniibig ay walang nakakaalam sapagkat lahat naman ng mga naganap noong Riaga Zul ay tila nilimot na sa paglipas ng panahon. Pinagmasdan na lamang ni Arowana ang dibuho ng mga Bathala. Nakatutok lamang ang kanyang pansin sa ukit ng binatang nasa tubig. "Ginoong Hasilum, kung lahat ng narito sa dibuho ay pawang mga Bathala, ibig sabihin ba nito'y isa nga ring Bathala ang iniibig ni Arowana?" Napangiti si Hasilum sa naging tanong niya. "Iyon ang iniisip ng karamihan sa mga nakakita na nito, binibini. Kung iisipin nga naman kasi, napakahirap maapuhap na isang pangkaraniwang tao lamang ang binatang kanyang inibig." "Bakit naman, Ginoong Hasilum?" "Dahil batid naman nating lahat na naiiba sa atin ang mga Bathala. Karamihan sa kanila, kung hindi lahat, ay mababa ang tingin sa ating mga pangkaraniwang tao. Ayon nga sa mga matatanda noon, hindi ka nga raw papansinin o tatawagin sa iyong pangalan ng isang Bathala noon kapag nakadaupang-palad mo ang isa sa kanila. Ang mga nilalang nga lamang daw na binibigyan nila nang higit na pansin ay ang mga anito at ang mga Catalona." "Hindi ba't ang mga Bathala ay may mga alagad na anito?" "Tumpak, binibini," pagsang-ayon ni Hasilum. "At ang mga Catalona naman ay ang mga kababaihang may kakayahang makausap ang mga anito." Napatango si Arowana. "Kung ganun, isa nga talagang Bathala ang aking kasin---," napatigil bigla si Arowana sa pagsasalita nang mapagtanto nito ang kaniyang sinasabi. Napakunot tuloy ng kanyang noo si Hasilum. "Ano ang iyong sinasabi, binibini?" tanong niya na tila nagtataka na. Umiling agad na Mahal na Dian. "W-Wala... Wala naman. Naisip ko lamang na mahirap ngang isipin na isang pangkaraniwang tao lamang ang k-kanyang inibig, ni A-Arowana... Sa aking palagay ay isa nga talagang Bathala ang lalaking ito..." Muling tumango si Hasilum, ngunit tila napapaisip na ito sa katauhan ng kausap niya. "Mukhang may halaga sa iyo ang kwento ng Bathala ng Karagatan, binibini," aniya na nagpakaba na kay Arowana nang kaunti. "Maaari ko bang malaman kung bakit tila lubos ka nang nabighani sa kwento ng Bathalang si Bakunawa?" "Ganito lang talaga ako. Gaya nga ng tinuran mo," sagot ni Arowana na may pagkainis na sa pagiging mausisa ng binatang kausap niya, "naakit lang ako sa hiwaga na taglay ng kanilang kwento..." Naging matagal ang pagtitigan ng dalawa na hindi pa sana mapuputol kung walang isang lalaki na mukhang kawal na lumapit kay Hasilum. Nakita ito agad ng binata kaya lumayo muna siya kay Arowana para makausap ang kawal. May ibinulong ito kay Hasilum, bago tumango-tango ang huli. Pagkaalis ng kawal ay nilapitan ulit ni Hasilum si Arowana. "Maiwan na pala kita rito, binibini," pagpapaalam nito sa Mahal na Dian. "May pupuntahan pa ako. Wag kang mag-alala, maaari ka pang manatili rito hangga't nais mo. Magsabi ka lamang sa mga tauhan ko sa paligid kung aalis ka na..." "Naku, hindi rin naman ako magtatagal," sagot naman ni Arowana. "May tutunguhin din naman ako. Napadaan lang din naman ako rito. Maraming salamat sa paunlak mo, Ginoong Hasilum." "Ganoon ba? O sige, mauuna pa rin ako sa 'yo..." magiliw na sagot ni Hasilum. "Ano nga pala ang iyong pangalan? Kanina pa tayo nag-uusap ngunit hindi ko man lang alam kung ano ang itatawag sa 'yo..." "Balang," pagsisinungaling ng Bathala. "Iyon ang aking pangalan." "Ah, magandang araw sa 'yo kung ganoon, Balang," pagbati ng binata bago ito umalis. Matamis pa nga ang ngiting ibinigay nito kay Arowana. Sa isip-isip ng Bathala, halatang nabighani na rin sa kanya ang binata. Napangiti din tuloy siya doon, dahil napatunayan niyang hindi pa rin pala kumukupas ang kanyang nakakaakit na alindog na kinahuhumalingan ng kalalakihan. Kailangan nang maspasya ni Arowana. Pagkatapos niyang pagmasdan ang dibuho ng mga Bathala sa dingding sa isa pang pagkakataon, nagpasya na rin si Arowana na umalis doon. Wala na rin naman kasi siyang bagong matutuklasan doon, kaya naisip niyang puntahan na lamang sina Purol doon sa kakatagpuin nitong Catalona daw. Kung iisipin niya nga, mukhang mas mainam ang ginawa ni Purol na puntahan ang Catalona dahil parang mas may alam nga ang mga ito tungkol sa mga Bathala. Kahit si Hasilum ay ganoon din ang pagkawari. Hindi niya agad namalayan, ngunit nakangiti na pala si Arowana dahil sa hakbang na ginawa ni Purol. Natutuwa siya sa ipinapakita nitong pagsusumikap na matulungan siya. Na para bang sarili nitong adhikain ang matuklasan kung sino nga ba talaga ang kaniyang kabiyak at kung nasaan man ito. May galak siyang nararamdaman sa kaisipang may isang taong buo ang katapatan sa kanya, at iyon ay si Purol. Ganoon lamang ang kanyang iniisip kaya't hindi na agad namalayan ni Arowana na siya'y bumangga na pala sa kung sinong tao habang naglalakad na nagmumuni-muni. Kapwa sila natumba ng kanyang nabangga at nabunyag tuloy ang mukha niya na ikinukubli niya sana gamit ang telang suot niya. Agad na umusbong kay Arowana ang galit sapagkat tumama ang mukha niya sa lupa. Ang tulad niyang isang Bathala ay hindi dapat nakakaranas ng ganito. Maituturing kasi itong kabalintunaan at isang malaking kahihiyan. Kaya naman nagpupuyos siya sa galit nang harapin niya ang taong nakabanggaan niya. Ngunit sa halip na saktan niya ito, napahakbang siya paatras nang makita ang taong nabangga niya. Bakas sa mukha ni Arowana ang gulat, sapagkat ang nabangga niya ay walang iba kung hindi si Durao! "Aba, aba, tingnan mo nga naman kung sino ang aming unang makakatagpo dito sa Talisay!" sigaw ng isang tinig na kilalang-kilala ni Arowana. Isang matandang lalaki na may marangyang kasuotan ang sumulpot mula sa likuran ng gulat na gulat ding si Durao Liliente. "Nagtungo lamang kami rito upang magbayad ng buwis, at mamili ng butil ng mais bago umuwi ng Awi, ngunit ngayo'y nasa amin ng harapan ang pinakanais kong makamit sa kasalukuyan! Wala ng iba kung hindi ang Bathalang nasa aking harapan ngayon!" Sinamaan agad ni Arowana ang Miar. "Lapastangan ka! Isa ka lamang Miar! Kay lakas ng loob mong pagsalitaan ako nang ganyan!" Nanlilisik na ang mga mata ni Arowana sa kabila ng mga bulong-bulungan ng mga taong nasa paligid nila na napahinto na rin dahil sa nagaganap. Ngunit tumawa lamang si Pinunong Laim. "Tunay nga ang mga nakasaad sa mga kwentong bayan, Bakunawa. May tinataglay ka nga talagang katapangan. Mainam! Mainam! Magiging kapaki-pakinabang ka sa akin kung ganoon!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD