"P-Paanong... Paanong may puno ng Zulatre rito sa loob ng bulkan?" tanong ni Arowana sa kanyang sarili. Halos manginig siya sa gulat sa kanyang natuklasan at kumurap-kurap pa siya upang makatiyak na hindi lamang siya namamalik-mata, o 'di kaya ay hindi siya nililinlang ng kanyang isipan sa pamamagitan ng paglikha ng guni-guni dahil paanong nagkaroon ng puno ng Zulatre rito?
Dahil ba ito kay Kanlaon? Isa rin ba siya sa mga Bathalang may nakalaang puno ng Zulatre para sa kanya? Tulad niya ba ay may kinalaman si Kanlaon sa Riaga Zul?
"Hindi naman iyon malabong iyon nga ang nangyari," ani Arowana na kausap pa rin ang kanyang sarili. Nakalimutan niya na nga na kanina lamang ay lumindol nang pagkalakas-lakas at siya ay nagnanais na makatakas mula rito. Napukaw na ng puno ng Zulatre ang kanyang diwa at tila hindi na siya makaalis sa kanyang kinatatayuan. Wala na rin siyang ibang magawa kung 'di ang tumingala sa puno ng Zulatre na may kakaibang wangis, hindi tulad sa naunang dalawang puno na kanyang nakita sa Batuk-Ao at Talisay. Ang isang ito ay maliit lamang at tila.... nangamamatay na.
"Nagulat ka ba nang masilayan mo ang punong iyan, Bakunawa?"
Muntik nang mapasigaw si Arowana sa pagkagulat nang marinig niya ang nagsalitang tinig. Paglingon niya sa nagsalita ay nakita niya ang isang nilalang na ngayon lamang niya nakita. Siya ay isang maiksing matandang babae na kulay abo na ang buhok. Kulubot na rin ang balat nito at hindi na makatayo nang tuwid. Sa wari ni Arowana ay isa itong hukluban... isang matandang tao na napatawan ng sumpa. Nakikilala ni Arowana ang mga kulay pulang bukol sa kanyang balat, na nagkalat sa buong katawan ng matanda. May nakita na rin siyang isang hukluban noon sa isang pulo.
"S-Sino ka?"
"Ang aking ngalan ay Silag, Bakunawa," tugon naman nito sa kanya. Nagsasalita ito sa kanya na para bang may paggalang ito kay Arowana, isang bagay na hindi niya inaasahan sa isang tulad niya. "Isa ako sa mga matatandang pinuno ng aming lipi, ang lipi ng mga Tagalipol."
"Kung ganoon ay isa ka sa mga tagasunod ni Kanlaon," sambit naman ni Arowana sa matanda. "Tumabi ka. Aalis na ako, matandang hukluban."
"Huli na para riyan, Bakunawa. Ikaw ay hindi na makakaalis sa loob ng bulkan na ito," matipid na tugon naman ng matandang hukluban na ang ngalan ay Silag. Nakangiti ito kay Arowana ngunit masama na ang kutob ng Bakunawa kaya't tumakbo na siya at iniwan na niya si Silag, at siya ay nagtungo na sa lagusan palabas ng bulkan na ito. Ngunit laking gulat niya nang marating niya ang lagusan palabas ay hindi nga siya makalabas. Animo'y may hindi nakikitang harang ang pumipigil sa kanya na makalabas mula rito sa loob ng bulkan!
"Ikaw ba ang may kagagawan nito? Ano ang ginawa mo?"
"Habang kasama mo ako ay hindi ka makakalabas sa pook kung nasaan ako, Bakunawa. Ito ang sumpa na dumapo sa akin ilang taon na ang nakalilipas..."
"Ano?"
"Kaya ako ang itinalaga ni Pinunong Kanlaon bilang bantay ng kanyang tahanang ito sapagkat kaya kong ikulong dito ang sino mang kasama ko rito sa loob. Kaya ko ring pigilan na makapasok mula rito ang sino mang naisin kong hindi makapasok dito. Nakuha ko ang kapangyarihang ito bilang bahagi ng sumpa na dumapo sa akin noon, kapalit ng aking kahindik-hindik na wangis at matinding sakit sa katawan na aking nararamdaman... Kaya huwag mo nang subukang umalis dito. Ang bilin sa akin ni Pinunong Kanlaon ay huwag kang patakasin..."
"Tampalasan!" sigaw sa kanya ni Arowana. Matindi na ang kanyang galit sa narinig niya mula sa walang hiyang hukluban sapagkat hindi nga siya makaalis sa bulkan na ito kahit pa ano ang gawin niya! Ginamit niya na rin ang kanyang kapangyarihanng pambihirang lakas, ngunit hindi niya maalis ang harang sa lagusan na hindi niya rin nakikita! Nais niyang humiyaw sa inis at poot! Hindi siya makapaniwalang may nilalang na may ganitong taglay na kapangyarihan, at isa lamang hukkuban ang may kagagawan nito sa kanya!
"Dito ka na muna habang wala pa ang aking pinuno, Bakunawa. Hindi ka naman maiinip dito. Handa akong sagutin ang mga katanungan mo tungkol sa mga nais mong malaman tungkol kay Pinunong Kanlaon, o kahit sa puno ng Zulatre na pinagmamasdan mo kanina. Handa akong libangin ka habang abala pa si Pinunong Kanlaon sa pagdating ng kanyang bagong panauhin."
"Panauhin?"
Tumango si Silag. "Nasa labas ang tikbalang na si Agto na siyang may gawa ng mga pagyanig kanina. Mukhang binalak niyang wasakin ang bulkan na ito, na ang ngalan ay Agay-on. Akala niya yata ay madali niyang maisasakatuparan ang mga balak niya, dahil batid niya ang kakayahan ni Pinunong Kanlaon. Ngunit ang hindi niya alam ay nakahanda rin ang mga tagasunod niya na ipagtanggol ang aming tahanan... ang tahanan ni Pinunong Kanlaon!"
"Inihanda? May kakayahan din kayong lumaban sa isang malakas na nilalang gaya ng isang tikbalang?"
Nginitian ulit siya ni Silag. "Siyang tunay, Bakunawa. Hindi mo naitatanong, ngunit noong kabataan ko ay hindi ako isang Tagalipol. Dati akong isang Catalona, kaya maalam ako kung paano lumikha ng lason na mula sa dagta ng halamang Kansuray," pagsisiwalat niya at doon na napatigagal si Arowana. Hindi na kasi siya makapaniwala na ganito pala katindi ang kakayahan ng matandang hukluban na ito!
"Hindi maaari yan..." ani Arowana na sa totoo lang ay natataranta at natatakot na nang marinig niya ang tungkol sa lason... Ang lason na muntik nang kumuha ng kanyang buhay! Inaalala niya pa nga lang ang kanyang naranasan nang malason siya nito ay parang matutumba na siya sa lupa na nanghihina!
"Maaari, Bakunawa," pagtatama naman sa kanya ni Silag na tila nasisiyahan pa nang husto na makitang nasisindak na si Arowana sa mga narinig nito sa kaniya. Ikinatuwa niya na natatakot pala talaga ang Bakunawa sa lason ng dagta ng halamang Kansuray, tanda na matindi nga talaga ang tinamo nitong pinsala sa kanyang katawan sa pagkalason nito. "Sa katunayan, ginugol ko ang mga taong nandito ako upang pag-aralan pa nang maigi ang lason ng halamang iyon... Ito ang pinakamatinding uri ng lason na mayroon sa buong sansinukob kaya batid kong marami akong magagawa sa lasong ito... Kung kaya nitong lasunin ang mga tulad niyong Bathala na itinuturing na pinakamalakas na mga nilalang, nangangahulugan lamang ito na kaya rin nitong lumason ng iba pang mga nilalang... At yun ang ginagamit naming mga Tagalipol sa paglilipol namin sa mga kaaway namin..."
"Hindi..." pagtutol naman ni Arowana na para bang may magagawa pa ang pagtutol niya. "Hindi maaari yan. Kailangan ko nang makaalis dito kung ganoon!" Sinubukan niyang sipain ang 'di nakikitang harang sa lagusan ngunit tila mas lumalakas lamang ang balakid na ito sa kanyang daraanan. "Ang iyong sabi ay sa iyo nagmula ang kapangyarihang ito, hindi ba? Na bahagi ito ng iyong sumpa? Kung ganoon, kailangan kitang paslangin, hukluban!"
Umiling sa kanya si Silag. "Kung ako sa iyo ay hindi ko gagawin iyan, Bakunawa..." mahinang babala nito sa kanya. "Sa sandaling ako ay pinaslang mo, tuluyan ka nang makukulong sa loob ng bulkang ito," dagdag niya pa.
***
"Nandito na tayo," bulong ni Handiwa kay Abiya. Nakarating na kasi sila sa kanilang paroroonan. Nandito na sila sa dulo ng kagubatan na patungo sa kabundukan ng Agayon. Kita nila ang matatayog na kabundukan sa 'di kalayuan, pati na rin ang makapal at masukal na kakahuyan na naghihintay lamang sa kanila na pasukin nila.
"Kinakabahan ako, Handiwa," pag-amin naman ni Abiya sa dalagang Miar na kanyang kasama. "Nagpaiwan na lang din sana ako kasama nina Balang at Ubay sa Kamyas. Hindi ko nga alam kung ano ang pumasok sa utak ko at naisipan kong sumama sa iyo rito..."
Napahagikhik doon si Handiwa. "Hindi mo ba talaga batid ang dahilan kung bakit ka sa akin sumama rito upang iligtas si Purol? Dahil ako, batid ko ang iyong dahilan. Babae rin ako, Abiya. Alam ko kung ano ang iyong pinagdadaanan. May pagtatangi ka sa binatang Mangangayaw at ayaw mo siyang mapahamak kaya ninais mong siya ay iligtas. Ni hindi ka nga nasindak sa binalita sa atin ni Mayumi nang siya ay makabalik sa atin kanina... Hindi biro ang katapangan na ipinakita mo kahit na may mga Tagalipol at mga tikbalang sa kabundukang ito..."
Namumula na ang mga pisngi ni Abiya sa hiya dahil nabasa na yata siya ni Handiwa. "Hindi ko nga mawari na ako ay magkakaganito... Ang akala ko'y matagal ng tapos ang aming ugnayan ni Purol... Ngunit magmula nang magkasama kaming muli sa Talisay ay masasabi kong marahil ay nabuhay ngang muli ang mga damdamin ko para sa kanya... At tama ka, ni hindi ko na alintana ang mga panganib na maaari kong kaharapin habang nandito tayo... Ngunit ngayon ay nag-uumpisa ko na ring maramdaman ang kaba. Kaya naguguluhan na ako, Handiwa."
"Halika na. Huwag kang mag-alala at kasama naman natin si Mayumi. Dadalhin niya tayo agad kay Purol."
"Sana nga," ani Abiya at naglakad na nga sila papasok sa kakahuyan. Yun nga lang ay hindi pa sila nakakalayo mula sa dulo ng gubat ay may nakasalubong na agad silang isang malaking hayop---o mas mainam yata na tawagin itong isang halimaw. Napasigaw si Abiya sa takot. Mas malaki kasi sa kanila ni Handiwa ang halimaw na ito, na tila pinaghalong asong ligaw at ahas. Ang ulo nito ay mas hawig ng sa aso, ngunit ang mga paa at buntot nito ay makaliskis na tulad ng sa ahas. Ang dila rin nito ay tulad ng sa ahas, habang ang katawan naman nito ay nababalot ng tinik.
"Isang Ayu," sabi ni Handiwa. "Totoo nga na mayroon ng mga nilalang na yan dito!"
"Ayu? Ang mga alaga ng Bathala ng Kamatayan? Ang sinasabing mga tagasundo ng mga namatay? Ngunit bakit may Ayu rito sa pook na ito? Hindi ba't dapat ay nasa tahanan lamang ito ng Bathalang nagmamay-ari sa kanila?"
"Iyan din ang aking ipinagtataka, Abiya. Lalo pa't ang pagkakaalam ko ay gaya ng isang pangkaraniwang aso, dalawa lamang ang mga mata ng mga Ayu. Ngunit ang isang yan ay may ikatlong mata," ani Handiwa. Kinakabahan na rin siya sapagkat may hinala siya kung bakit ganito ang wangis ng halimaw na ito na dapat ay wala ngayon dito. "Abiya, maghanda ka. Tayo ay nasa panganib!"