Kabanata 36

1465 Words
"Tila kanina ka pa yata nakangiti riyan nang mag-isa," puna ni Purol sa batang Tagalipol na si Palong. Tahimik na kasi silang magkapatid habang naglalakbay sila pabalik sa tahanan ng kanilang pinunong Bathala, ngunit batid ni Purol na nakikinig ito sa usapan nila ni Agto at nakailang ulit niya itong nakitang natawa o napangiti. "May nakakatawa ba sa aming mga winika?" "Wala naman," matapang na saad ng bata. "Natatawa lamang ako na napakabilis mong magtiwala sa isang tikbalang," hirit niya na hindi naibigan ni Purol. "Hindi mo ba naiisip na baka ginagamit ka lamang niya upang makuha niya ang maalamat na sandata na hawak mo? Akala ko ay kami ng kapatid ko ang paslit dito, ngunit ikaw yata ang kung mag-isip ay tila isang paslit pa." Mabuti na lamang at hindi naririnig ni Agto ang sinasabi ng batang tagalipol sapagkat nauna na itong maglakad. Malayo na ito sa kanila dahil nais daw nitong alamin kung nasaan na ang kanyang mga kauri. Ibig sabihin, habang naglalakad sila ay nagtitingin-tingin ito sa paligid nila kung may makikita o mararamdaman siyang bakas ng kapwa niya mga tikbalang. Kaya naman naiwan silang tatlo na maglakad nang sabay. Hindi nagsasalita si Pong, ngunit itong si Palong ay malakas talaga ang loob kahit na mas nakakatanda sa kanya ang kanyang kausap. "Napakatalas naman ng iyong dila, batang paslit," sagot naman dito ni Purol. "Bakit naman hindi ko pagkakatiwalaan si Agto? Mabait siya at hindi kaagad nananakit. Hindi tulad niyong magkakambal, ilang ulit niyo nga akong sinubukang saktan, 'di ba? Kaya mas pagkakatiwalaan ko naman talaga siya. Lalo pa't nalaman kong siya talaga ang naunang nanirahan sa lupaing ito at itinaboy at tinalo lamang siya ng pinuno niyong Bathala... Kaya kung mayroon mang hindi katiwa-tiwala sa aking paningin, hindi si Agto yun." Napaismid doon si Palong. "Matagal na naming kaaway ang mga tikbalang. Ang kanyang lahi ay pumapatay rin ng mga tao, hindi mo ba alam? Halimbawa na lamang ang aming ama, napatay siya ng isa sa mga kalahi ng tikbalang na yan. Mabuti na lamang at naubos na ang lahi ng mga tikbalang na yan na naninirahan dito, dahil kung andito pa sila, tiyak kong naubos na rin ang lahi naming mga Tagalipol." Nagulantang naman doon si Purol sa nalaman niya. "Naubos na ang lahi ng mga tikbalang dito? Kung gayon ay wala nang mahahanap pang kauri niya si Agto?" Natatawang tumango ang batang si Palong sa tanong ko. "Tama ka riyan. Dahil nga sa matagal ng alitan nina Pinunong Kanlaon at Agto, nang matalo ang huli at makulong sa kanyang tahanang puno ng Balete ay ninais ng kanyang mga kauri na siya ay mapakawalan mula doon. Kahit na batid nilang tanging ang Lakan lamang ang makakapagpalaya kay Agto, humanap sila ng paraan upang mapalaya nila ang kanilang pinuno. At habang wala pa silang nahahanap na paraan, kami naman ang kanilang inaaway, sapagkat ayaw nila na kami ay mamalagi sa lupaing ito. Kahit ang aming pinuno ay kinalaban nila. Ang alam ko'y piniit sila ni Pinunong Kanlaon at kalaunan ay pinalaya rin sa kasunduang hindi na sila mananakit ng kahit sino rito sa kabundukan ng Agayon, ngunit magmula nang pakawalan sila ni Pinunong Kanlaon ay hindi na sila nakita pa sa pook na ito kaya't ang inisip ng lahat ay naubos na sila at nangamatay..." "Kay lupit naman ng inyong pinuno!" bulalas ni Purol. "Kanila ang lupaing ito, sa mga tikbalang! Kaya't bakit niya sila piniit at pinahirapan?" "Huwag mo sa akin ipasa ang iyong galit, Purol," ani Palong. "Kung nais mong magalit ay kay Agto mo iyan ilabas." "Ano?" "Bakit, mali ba ako? Hindi ba't dahil sa kanya naman kung kaya't ang kanyang mga kauri ay wala na ngayon? Kung umalis na lamang siya mula sa pook na ito nang siya ay magapi ni Pinunong Kanlaon, hindi na madadamay pa ang kanyang mga kauri sa gulong naging dulot ng kanilang away. Kung hindi niya kinalaban ang Lakan, hindi siya makukulong sa puno ng Balete na iyon. Kaya't siya ang dapat sisihin sa nangyari sa kanyang mga kalahi!" giit ni Palong, na tumatawa na naman. Nais sana siyang batukan o sampalin ni Purol nang ubod ng lakas ngunit nagdalawang-isip siya sapagkat alam niyang ito ay bata pa lamang. Ngunit dapat ay siya na lamang ang nanakit kay Palong sapagkat biglang lumindol sa kanilang kinatatayuan. Nakarinig sila ng sunod-sunod na mga ingay, at naulinigan na lamang ni Purol na may mga malalaking tipak na ng bato ang nangangabagsak mula sa tuktok ng burol sa kanilang kaliwa! Patungo sa kanila ang mga batong ito kung kaya't tiyak na mapipisa sila kapag tinamaan sila nito. "Purol! Tumakbo na tayo!" sigaw ni Palong nang makita ng bata ang mga malalaking tipak ng bato. "Ano pa ang hinihintay mo?" Natataranta na si Palong sapagkat hindi siya makakilos ng sarili niya lamang. Nakatali pa kasi siya sa kanyang tanikalang sandata at ito pala ay pumipigil sa sino mang mapupuluputan nito na makakalas mula rito. Ganoon din ang nangyari kay Pong, at nakanganga na lamang ang batang ito habang nanlalaki ang kanyang mga mata at maputla na sa takot ang kanyang buong mukha dahil sa pagbagsak ng mga bato. At hindi pa roon nagtatapos ang tila bangungot na nagaganap ngayon sa kanila---- dahil nakarinig sila nang isang napakalakas na sigaw, at nakilala kaagad ni Purol kung sino ang nagmamay-ari ng matinding palahaw na yun. Isa iyong panaghoy... at sa tingin ni Purol ay batid na rin ngayon ni Agto na wala na siyang makikita pang mga kauri niya rito sa kabundukan ng Agayon. Nasa malapit lamang si Agto habang nakaluhod sa kanyang mga tuhod at malakas ang kanyang palahaw habang nakatingin siya sa kalangitan. Puno ng luha ang kanyang mga mata sapagkat natuklasan niya ang mga buto at mga lumang kasuotan ng kanyang mga kauri na nasa kanyang harapan ngayon. Nakilala niya pa nga kung kanino ang luma at gutay-gutay na kasuotan na kanyang nahanap sa bahaging ito ng kabundukan. Alam niyang may pumaslang sa mga natirang tikbalang at ngayon ay mag-isa na lamang si Agto. Hindi niya akalain na mahuhuli na siya ng dating... Kaya naman at ganoon na lamang ang hinanakit, pighati, at poot ngayon sa kanyang kalooban kaya hindi niya sinasadyang makapaglabas ng matinding poot na naging dahilan ng paglindol at pagbagsak ng mga bato mula sa mga bundok at burol na malapit sa kanya. Nais niyang ipaghiganti ang kanyang mga kalahi... Iisa lang naman ang maaring may kagagawan nito... Wala ng iba pa kung 'di ang Bathalang si Kanlaon at ang kanyang mga tagasunod na mga Tagalipol. Kaya't nang mapahid na niya ang mga luha sa kanyang mga nanlilisik na mga mata ay tumakbo na siya patungo sa bulkan na natatanaw na niya sa 'di kalayuan... Iniwan na niya si Purol dahil nilamon na siya ng kanyang galit at matinding pagnanais na makaganti... At gaya ng kanyang inaasahan ay may mga taong nakabantay sa labas ng lagusan papasok sa bulkan. May mga kabahayan din dito, tanda na nandito na siya sa tahanan ng mga Tagalipol. Sa kanyang galit ay kaagad siyang sumigaw at nagpapadyak siya sa lupa. Dahil naman dito ay nagkaroon nang malakas na pagyanig sa lupa na naging dahilan pa nga upang umuka ito gumuho ang mga bahay ng mga tampalasang mga Tagalipol. Narinig na niya ang mga sigawan ng mga ito... May mga natatakot... May mga nasaktan, at may mga umiiyak sa tindi ng nagaganap na paglindol... Kitang-kita niya pa nga kung paanong ang isang buong pamilya ng mga Tagalipol ay nilamon ng lupa, habang ang ilang nakaligtas naman ay nagkukumahog na makaalis mula sa mga umuukang bahagi ng lupa. Nais sanang ipagpatuloy lamang ni Agto ang kanyang ginagawa, hanggang sa ang bulkan ng Agay-on na ang sunod na lumubog sa ilalim ng lupa, ngunit nahinto ang kanyang nais nang tamaan na naman siya ng isang palaso sa kanyang leeg. Hindi niya pa man nararamdaman ang ang lason na nasa palaso ay alam na niyang siya ay nabigo na namang makapaghinganti... Natumba siya sa lupa na nanlisisik pa rin ang kanyang mga mata. Samantala, dahil sa pag-uka ng lupa ay tuluyang nawasak ang piitan kung saan ikinulong ni Kanlaon si Arowana. Nagawa niya tuloy makalaya, at doon niya nakita ang kabuuan ng pook kung nasaan nga ba siya. Nakita niya na may mga taong nakahandusay na sa lupa, ang ilan sa kanila ay tinamaan sa katawan ng mga malalaking tipak ng bato na bumagsak mula sa taas... Halata ang kaguluhan dito, kaya kinuha na ito ni Arowana bilang pagkakataon niya upang makatakas na. At nang paalis na sana siya ay nakarating siya sa isang malawak na bahagi ng pook na ito kung saan sa gitna nito ay isang pambihirang bagay ang kanyang nakita... Napanganga siya nang mapagtanto kung ano itong kanyang nakikita, sapagkat hindi kapani-paniwala na may puno ng Zulatre rito!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD