Kabanata 38

1646 Words
Walang nagawa si Arowana kung 'di ang huwag galawin ang matandang hukluban. Ayaw niya kasing sumugal. Ang pagkakaalam niya, may mga uri talaga ng sumpa na mas tumitibay at lumalakas kapag ang nagbigay nito ay nasawi na. Kaya alam niyang sa sandaling pinatay niya si Silag ay maaring magkatotoo nga ang banta nito sa kanya. Na dapuan siya ng isang sumpa at hindi na siya makalabas dito sa loob ng bulkan. Kaya naman ay tahimik na lamang siyang naghintay sa maaring sunod na maganap sa kanya. Wala siyang ibang mapagpipilian kung 'di ang umasa sa mga winika ni Kanlaon kanina. At iyon ay ang pagdating dito ni Purol. Oo, batid niyang may hindi pa sila pagkakaunawaan ni Purol, kaya hindi alam ni Arowana kung magtutungo nga ba rito si Purol sa sandaling malaman nito na siya ay naging bihag ni Kanlaon. Hindi niya nga alam kung nais pa ba siyang makita ng binatang Mangangayaw. Pagkatapos ba naman nang ginawa niya rito, hindi na siya magtataka kung tuluyan nang lalayo ang loob ni Purol sa kanya. Inaamin niya naman na nagkamali siya. Hindi siya dapat nagpadala sa kanyang galit. Hindi niya dapat ibinunton ang sisi sa binata, lalo pa't tama si Handiwa at ang mga kaibigan ni Purol. Wala namang ibang ginawa ang binata kung 'di ang isipin ang mas nakakabuti para sa kanya. Palagi nitong inuuna ang kanyang kaligtasan. At tama rin si Abiya, mga binitiwang salita lamang ang kasunduan nilang dalawa ni Purol. Kung tutuusin ay maari na siyang iwan ni Purol pagkarating palang nila ng Talisay nang tumambad sa kanila ang mga nakaambang na panganib. Ngunit hindi siya iniwan ng binatang Mangangayaw. Bagkus ay iniligtas pa siya nito. Kaya naman matindi ang pagsisisi ngayon ni Arowana sa kanyang nagawa sa binata. Hindi niya dapat ito itinulak at ihinulog palabas ng sasakyang panghimpapawid ni Handiwa. Kung namatay noon si Purol, kasalanan niya talaga ang lahat. Matatanggap niya agad ang kaparusahan na naghihintay sa kanya kung namatay nga si Purol sa ginawa niya, sapagkat siya ay maglalaho rin naman kung nangyari nga iyon. Ngunit dahil nabuhay pa si Purol (na hindi niya alam kung paanong nangyari dahil nahulog si Purol sa lupa mula sa napakataas na bahagi ng hangin) may pagkakataon pa si Arowana na makabawi sa kanya. Nangangako siyang gagawin niya ang lahat mapatawad lamang ni Purol. Kailangan na nilang magkaayos upang magawa nilang makapagsimulang muli. "Mukhang natatagalan si Pinunong Kanlaon sa kanyang ginagawa," bungad ni Silag kay Arowana. Mukhang wala rin itong magawa habang nandito sa loob ng bulkan. At alam ni Arowana na kaya ito nandito kasama niya ay dahil gumagana lamang ang taglay niyang sumpa kung naroon din si Silag na loob ng pook na pinagkulungan sa taong nais niyang makulong. "Kung sa bagay, baka nasa labas na ang binatang Mangangayaw. Kung nagagawa nga ng binatang iyon na gamitin ang iyong Paraluman na Buntot-Pahgi ay mahihirapan nga si Pinunong Kanlaon. Apoy laban sa tubig ng karagatan. Nais ko sanang mapanood ang labanan ng dalawang sandatang Paraluman." "Tiyak akong magwawagi si Purol," tugon ni Arowana kay Silag. Nakatayo pa rin siya sa tapat ng lagusan palabas ng bulkan kahit na hindi pa rin siya makalabas mula rito. "Hindi man isang Bathala si Purol, nakatitiyak naman akong mas malakas ang kapangyarihan ng aking Buntot-Pagi kaysa sa Ningas ni Kanlaon." "Hindi ka tiyak kung yan nga ang mangyayari, Bakunawa. Nasa gumagamit pa rin ng sandata ang katiyakan kung maipapanalo ba niya ang laban o hindi. Magdasal ka na lamang na batid ni Purol gamitin nang tama ang iyong maalamat na sandata..." Tama si Silag, ngunit ayaw sumang-ayon ni Arowana sa kanya kaya iniba niya na lamang ang usapan. "Ikaw, hindi ba't ang iyong sabi kanina ay isa kang dating Catalona? Ibig sabihin ay galit ka rin sa akin. Bakit kayo galit sa akin? Ano ba ang nagawa ko sa inyo?" "Ako? Galit sa iyo? Nagkakamali ka, Bakunawa. Ang mga galit lamang sa iyo ay ang mga Catalona na nakatira sa Iraya sa bayan ng Talisay," paliwanag naman ni Silag. "Sila kasi ay inatasan na ipagtanggol ang bayan na iyon laban sa iyo. Kung hindi mo kasi matandaan, dati kang nanirahan doon at ang iyong katipan, ngunit naging kaaway ka ng mga taong naninirahan doon kaya itinaboy ka nila sa tulong na rin ng mga Catalona. Nagtagumpay sila na ikaw ay mapalayas, ngunit nangako ka raw na babalik ka roon at wawasakin mo ang bayang iyon, kaya ganoon na lamang kagalit sa iyo ang mga Catalonang nandoon." "Ganoon pala... Ngunit hindi ko na maalala ang tungkol sa alitan namin. Hindi ba't parang hindi naman makatarungan na singilin nila ako sa isang bagay na hindi ko naman matandaan na ginawa ko." "Tama ka naman diyan, Bakunawa. Ngunit hindi mo rin naman sila masisisi. Malaki ang naging kasalanan mo sa kanila. Nag-iingat lamang sila, lalo pa't ang mga Catalona, na mga sugo ng Bathalang si Pandaki, ay kaaway mo rin." "Pandaki? Sino siya?" "Hindi mo siya kilala? Siya ang Bathala ng mga Halaman at mga Lunas sa mga Karamdaman. At kaming mga Catalona ay kanyang mga tagasunod. Sinasabing isa siya sa mga pinakamalakas na Bathala, at naging kaaway mo siya noong Riaga Zul." "Nasaan na siya ngayon?" "Aba'y malay ko, Bakunawa. Hindi ba't ikaw dapat ang mas nakakaalam sa sagot diyan sa tanong mo. Ngunit hindi rin naman nakakapagtaka na wala kang alam, dahil nabura nga ang iyong mga alaala." Natigilan saglit si Arowana, malalim ang iniisip. Binilang niya kasi ang mga Bathalang nakasalamuha na niya o narinig. Si Durao Liliente, na Bathala ng Kidlat. Nariyan rin si Mayumi, na Bathala ng Himpapawid. At ang Bathalang alejar ni Hasilum, si Dalikmata, ang Bathalang may maraming mga mata. At ngayon ay nakilala niya na rin si Kanlaon, na kagaya niya ay may maalamat din na sandata. Tapos naalala niya na rin na ang kanyang asawang Bathala ay si Sidawa, ang Bathala ng Kamatayan! At ngayon ay may isa pang Bathala, na ang ngalan ay Pandaki at ito ay kanyang kaaway? Napatingala naman si Arowana sa puno ng Zulatre na nasa likod ni Silag. "At ang puno ng Zulatre na iyan? Bakit ganyan ang wangis niyan? Ano na ang nangyari riyan?" Napalingon naman sa dambuhalang puno si Silag. "Iyan ba? Ang punong yan ay unti-unti nang naglalaho. Hindi mo ba alam na maaaring mangyari ito?" Umiling si Arowana. "Paano nangyayari ang ganyan?" "Kapag natupad na ng puno ang tungkulin nito," tugon naman ng matanda kay Arowana. "Tulad ng punong ito, nagawa na nito ang tungkulin nito na dahilan kung bakit ito nilikha. Kung hindi mo pa batid, Bakunawa, hindi lang ginawa ng mga Bathalang gaya mo ang mga punong ito upang maging pananda ng Daang Bathala. Ang mga ito ay may kanya-kanyang tungkulin. At ang isang ito ay ang puno kung saan nakatago ang Ningas ni Pinunong Kanlaon. Kaya nang makuha na niya ang kanyang Paraluman mula rito, wala ng silbi pa ang puno ng Zulatre na ito kaya't ito ay naglalaho na." "K-Kaya pala...." bulalas ni Arowana na hindi pa rin makapaniwala sa kanyang mga bagong natuklasan ngayon lamang. Kung nagsasabi ng totoo ang kausap niyang matandang hukluban, ibig sabihin pati ang puno ng Zulatre sa bayan ng Talisay ay unti-unti na ring maglalaho. Gaya ng punong nandito sa loob ng bulkan, unti-unting maagnas at magiging tuod ang puno ng Zulatre na iyo at liliit ito hanggang sa hindi na ito masisilayan ng mga tao sa malayo. Sa madaling salita, ito ay maglalaho na rin. "Ang mga puno ng Zulatre ay may mga itinatagong sandata o kung ano pa para sa Bathalang nagmamay-ari nito. Hangga't hindi nakukuha ng nasabing Bathala ang pagmamay-ari niya sa punong ito, hindi ito maglalaho. Mananatili itong isang matayog na puno na abot hanggang langit ang mga ginintuang sanga nito. Ngunit alam mo ba na may puno ng Zulatre rin sa bayan ng Batuk-Ao, na wala namang Bathala na doon ay nanirahan o nagmula? Kaya nakapagtataka ang pook na iyon, sapagkat ang naiisip ko lamang na maaaring may kinalaman sa puno ng Zulatre na naroon ay ang mga Mambabatuk." Napasinghap si Arowana sa kanyang napagtanto. "Si Purol! Hindi kaya ay isa siyang Mambabatuk?" Natawa nang malakas si Silag sa winika ni Arowana. "Ngayon mo lamang ba naisip yan, Bakunawa? Hindi ba dapat ay hayagan mo nang nakita yan magmula nang maipamalas niya ang natatanging katangian ng mga Mambabatuk?" Hindi na ininda ni Arowana ang tila pangmamaliit pa sa kanya ng matandang hukluban, dahil para sa kanya ay mas mahalagang pag-usapan ngayon ang mga bagay na nagkakaroon na ng linaw. Bakit niya nga ba kasi hindi naisip ito? May kakayahan si Purol na gawing batuk ang kanyang sandata! Hindi iyon isang pangkaraniwang kakayahan lamang! "Si Purol ay isang Mambabatuk," bulalas ni Arowana. "Kaya siya nais makilala ni Kanlaon! At kaya rin siya kinaibigan ni Handiwa dahil sa kadahilanang ito!" "Tumpak, Bakunawa. Hindi ko kilala ang Handiwang iyong binanggit, ngunit tama ka sa iyong mga sinabi tungkol kay Pinunong Kanlaon. At hindi lang yan ang natatanging bagay na taglay ng iyong binatang almajo. Hindi lang mga sandata ang kayang gawing batuk ng isang Mambabatuk." "Talaga? Ano pa?" "Kaya rin nilang gawing batuk ang mga sumpa o basbas, Bakunawa. Kaya nga't noong unang panahon ay mga Catalona ang kanilang pinapakasalan, dahil ang mga Catalona ay nag-aaral kung paano lumikha ng sumpa at mga basbas. Sila ang tagalikha ng mga ito, at itatago naman ng mga Mambabatuk ang mga iyon sa kanilang balat bilang mga batuk. Sa ganitong paraan ay mananatiling malakas ang kanilang lahi." Muntik nang mabuwal sa lupa si Arowana nang magsimula na namang lumindol. Ngunit wala roon ang kanyang isipan, kung 'di na kay Purol, na dati ay kasintahan ng Catalonang si Abiya! Paano kung sila talaga ay sadyang pinagsama dahil alam nilang si Purol ay isang Mambabatuk? Ibig sabihin nito ay marami pang lihim na itinatago si Purol kay Arowana! Kailangan na talaga nilang mag-usap!

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD