[Dalisay- pure; clean]
Hindi makakalimutan ni Arowana ang mga sandaling ito, sapagkat ito na rin ang mga huling sandali nilang dalawa. Hindi niya makakalimutan ang mukha ng kanyang katipan na nakangiti sa kanya ngayon habang siya nama'y tumatangis.
Hindi makakalimutan ni Arowana kung paano siya nangakong hahapin niya ang lalaking nakayakap sa kanya ngayon habang ito'y sumusuka ng dugo. Hindi niya makakalimutan ang kaba sa kanyang dibdib na baka... na maaring ito na ang huling pagkakataon na sila'y magkakasama. Na ito na ang huli nilang sandali na magkasama. May agam-agam sa kanyang isipan, at tila may nag-uudyok sa kanya na huwag na lamang iwan ang kanyang kasama.
Hindi niya makakalimutan kung paano niya kinimkim ang galit sa kanyang kaibuturan para sa kanyang mga kaaway na marahil ngayo'y nagdiriwang na. Hindi niya makakalimutan kung paanong nagdilim ang kalangitan at kung paanong nagsimulang mangalit ang karagatan mula nang sila ay makarating sa pook na ito. Sapagkat ang kanyang poot ay poot rin ng kalikasan. Ang kanyang pagbagsak ay pagbagsak rin ng katahimikan ng mga alon at hangin. Hindi siya ang Bathalang matatakot gumanti. Siya ay isang Bathalang naninibugho at nakikipagtuos.
Kaya't hindi niya makakalimutan kung paano niya isinumpa ang mga tao--- kung paanong pinagtaksilan siya ng mga ito... Siya, na kumalinga sa kanilang mga ninuno... Siya, na nagbibigay sa kanila ng makakain at maiinom... Siya na nagbibigay ng mga babala... At siya, na kumakalaban sa mga Bathala ng Pitong Buwan...
Siya, si Arowana na noo'y bato ang puso ngunit lumambot nang makilala niya ang kanyang asawa...
Bakit nila ito nagawa?
Bakit?
Kaya't masisisi ba nila ang kanyang inipong poot at pagkamuhi? Masisisi ba nila ang Bathalang labis na nasugatan kung kaya't nilunod nito ang lahat ng mga nilalang na nagtakang lumisan sa bayang ito?
Kailanma'y hindi niya makakalimutan ang pook na ito...
Ang pook kung saan sila unang nagkita... Ang pook kung saan ay nagsilbi nilang tagpuan... Ang pook kung saan itinago nila ang kanilang mga sandata... Ang pook kung saan huli silang nag-usap...
Kay raming mga alaala... Kay raming mga binigkas na mga salita't pangako sa isa't-isa... Mga paalala't mga dalisay na mga kataga na nagbigay sa kanya ng lakas upang magpatuloy... Mga bagay na pilit niyang itinatatak sa utak niya upang sana'y masaulo niya...
Ngunit lahat ng ito'y kanyang kinalimutan...
Sa pagsipat ng kabilugan ng buwan...
Lahat ay kanyang nakalimutan.
***
Napaatras si Purol sa iniutos ng Mahal na Dian na pinangako niya sa kanyang sarili na kanyang pagsisilbihan. Akyatin ang Zulatre? Tila nahihibang na ang Bakunawa, ang Bathala ng Karagatan. Hindi kumilos si Purol sa tinuran ni Arowana sapagkat unang-una, walang matinong tao ang gagawin ang ipinag-uutos nito sa kanya.
Sapagkat ang nais nitong gawin niya'y hindi na makatotohan! Wala pa siyang naririnig na umakyat sa mga dambuhalang gintong punong ito na nabuhay upang ikwento ang kanyang ginawa dahil ito'y hindi maaaring mangyari! Wala pang nakakaakyat sa tuktok nito, at lalong wala pang nakakarating sa tuktok nito dahil alam naman ng lahat na singtayog ng langit ang mga Zulatre!
At higit sa lahat, ang mga punong ito'y itinuturing na banal! Kahit ang paghawak dito ay ipinagbabawal! Ayon sa kanyang namayapang lola, ang paghawak sa Zulatre ay isang kasalanan! Ang kasunod nito ay ang poot ng mga Bathala! Tiyak na kamumuhian ka na ng mga ito at mamalasin ka hanggang sa dulo ng buhay mo! At ang kamalasang ito'y mapapasa mo pa sa iyong mga anak at mga apo!
At kung ikaw ay buhay pa pagkatapos ng kamalasang tatanggapin mo sa mga Bathala kapag ito ay iyong ginawa, ikaw naman ay dadakpin ng mga kinauukulan. At ito na rin ang magsisilbi mong katapusan, sapagkat ang parusa sa paglapastangan mo sa banal na puno ng Zulatre ay kamatayan!
Kahit nga ang mga Mangangayaw doon sa Batuk-ao ay hindi nangahas na akyatin ang Zulatre na naroon, siya pa kaya? Isang kahibangan ang inuutos sa kanya ni Arowana, lalo na sa pook na ito kung saan marami ang maaaring makakita sa gagawin niya kung sakali! Kung may nakakakita nga lang ngayon sa pagsandal ni Arowana sa Zulatre, tiyak na sila ay huhulihin at paparusahan nang malubha!
"M-Mukhang wala na sa kanyang tamang p-pag-iisip ang Mahal na Dian," may halong kabang bulalas ni Balang sa kanyang mga kasama habang patuloy ang pagkulog at pagkidlat ng kalangitan sa taas nila. Sa isip ni Purol, mabuti na nga lamang at malayo na sila kay Durao, na hindi yata makakilos dahil sa mga halamang kansuray na taglay ng mga Catalona. Ganoon din kasi ang nangyari kay Arowana. Inakay na lamang nila ang Bathala upang makalayo ito sa kasumpa-sumpang halaman.
"Tumahimik ka! Alam ko ang sinasabi ko!" bulyaw naman ni Arowana kay Balang. Nakapikit pa rin ito marahil sa sakit ng tinamo niyang sugat na kanyang iniinda. "Purol! Kung ayaw mo akong magalit sa iyo, susundin mo ang utos ko!"
"Ngunit Mahal na Dian, paano ko naman gagawin ang nais mo? Napakatayog ng Zulatre! Hindi ko ito kayang maakyat!"
"Gumawa ka ng paraan!" giit nito at nagkatinginan na lamang sina Purol at Balang. Kapwa hindi alam ang gagawin. Kahit si Ubay ay walang maisip na paraan kung ano ang kanilang gagawin.
"Purol, may mga paparating!" turo ni Balang sa kung saan sila galing. Sa gitna ng dilim ay natanaw nila ang mga anino ng mga taong patungo sa kanilang kinaroroonan. Marahil ay tumatakbo sila, at napasigaw sa takot si Ubay nang mapagtanto kung sino-sino ang mga paparating na ito.
"Ang mga Catalona! Tiyak ang Mahal na Dian ang kanilang pakay!" pagsinghap ni Balang na kinakabahan.
"Oo nga!" ani Ubay. "At may mga kasama silang mga kawal ng Talisay!"
"Ano? Hindi ito maaari!" tugon ni Purol sa kanyang mga kaibigan. Naisip niya kasing kapag mahuli sila ng mga kawal, tiyak na matutuklasan ng mga ito na siya ay isang Mangangayaw at siya'y dadakpin ng mga ito! Kilalang galit sa mga Mangangayaw ang mga tagarito sa Talisay, at naririnig na noon ni Purol na mahigpit ang Uma o pinuno ng Talisay sa mga katulad niya.
"Kailangan na nating tumakas!"
"Hindi maaari!" pagsingit ni Arowana sa mungkahi ni Ubay. "Kailangan mong akyatin ang Zulatre, Purol, kung hindi ay papatayin kita!"
Napalunok ng laway si Purol sa narinig. Ngayon lang niya naisip na kayang-kaya nga siyang paslangin ni Arowana kung nais nito. Ngunit siguro'y makapaghihintay pa naman iyon sapagkat malapit na sa kanila ang mga tumutugis sa kanila. Namukhaan niya pa si Abiya na tila nais talagang hulihin ang Bakunawa na alam nitong mahina na.
"Patawarin mo ako Mahal na Dian, ngunit mamaya mo na ako paslangin," buong tapang na saad ni Purol sa Bathala na ikinagulat ng dalawa niyang mga kaibigan. Sa katunayan, sa sobrang gulat, napatakip sa kanyang bibig si Balang at napanganga naman sa kanya si Ubay na nanlalaki ang mga mata.
"Alam kong tama ka, Purol ngunit kapag mamatay ka'y 'wag mo akong isasama sa hukay!" hinaing ni Ubay nang magkasundo na silang tatlo at inalalayan na nilang dalawa ang Bathala upang makalayo na sila. Nais magpumiglas ni Arowana ngunit nanghihina na rin talaga siya kaya't tuluyan na siyang nawalan ng malay.
"Buhay pa ba siya?" natatakot na tanong ni Balang sa likod nila. Lakad-takbo ang ginagawa nila patungo sa mga kabahayan sa kaliwang bahagi ng bayan.
"Oo naman sapagkat isa siyang Bathala!" sagot ni Ubay. "At patay tayo kapag bumalik ang lakas niya!"
"Saka na natin isipin iyan," saad ni Purol sa mga kaibigan niya. "Kailangan muna nating makatakas mula rito!" Kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip na buhatin na ang walang malay na Bathala upang makatakbo sila papalayo sa mga humahabol sa kanila. Mabuti na nga lamang at kumidlat nang pagkalakas-lakas malapit sa kanila kaya hindi makalapit sa kanila ang mga Catalona na malapiit na sana silang maabutan.
Nakarating sila sa harap ng isang malaking gusali at buong lakas na itinulak ni Purol ang tarangkahan nito. Napakapalad naman nila dahil ito'y bumukas agad. Pumasok silang lahat sa loob kung saan naman bumungad sa kanila ang isang hardin; dahil sa dilim ng gabi ay wala silang masyadong maaninag maliban sa mga ilaw ng mga alitaptap na nagkukumpulan sa isa sa mga puno roon.
"Mag-ingat kayo at baka lumabas ang may-ari," pabulong na babala ni Purol sa mga kasama. Tiningnan niya ang gusali na nasa harap lamang nila at mukha namang walang tao roon sa loob. O 'di kaya'y tulog na ang mga ito kahit na maaga pa. Sa hula ni Purol, wala rito ang mga nakatira sa malaking gusali na ito.
Nagtungo sila sa isang sulok na napapalibutan ng mga bulalak. May kataasan din naman ang mga halamang ito kaya't sa likod sila ng mga ito nagtago upang matakpan sila ng katawan ng mga halaman. Nilatag nila sa damuhan ang walang malay na Bathala. Tiningnan nilang tatlo ang kabuuan niya.
"Purol, sinasabi ko sa 'yo, kapag magising siya, patay na tayong lahat," ani Ubay. "Ano kaya ang naroon sa tuktok ng Zulatre, sa tingin niyo? Talagang ipinagpipilitan niyang akyatin mo roon na parang isang puno ng bayabas lang ang aakyatin mo."
"Hindi ko alam," nagtataka ring sagot ni Purol kay Ubay. "Ang nadinig ko lamang kanina ay may iniwan daw roon ang asawa niya para sa kanya."
"Sabagay, kung isa ring Bathala ang asawa niya, yun nga ang gagawin nun. Mag-iiwan ito ng mga bagay sa tuktok ng isang dambuhalang puno na wala pang nakakaakyat."
"Baka may naaalala na ulit siya?" sagot naman ni Balang. "Marahil naalala na niya kung sino ang asawa niya at ngayo'y naalala niya rin ang inihabilin nito sa kanya?"
"At ano iyon? Isang bunga sa tuktok ng Zulatre?"
Natawa silang tatlo doon, ngunit huminto rin sila agad sapagkat may narinig silang mga tinig. Mga tinig ng mga taong pumasok din sa gusali kaya sila'y nagsiksikan sa likod ng mga halamang namumulaklak upang hindi sila makita ng mga ito. Tinakpan ulit ni Balang ang bibig niya.
"Nasaan ang mga Catalona?" Narinig nilang tanong ng isang tinig na pagmamay-ari ng isang lalaki na sa tingin ni Purol ay bata pa. Marahil nga ay kaedad niya ang nagsasalita.
"Nasa bayan, hinahanap pa rin nila ang Bakunawa," sagot naman ng isa pang tinig na mula naman sa isang mas matandang lalaki.
"Magaling. Dahil sa kanilang mga kansuray, mahihirapang makaalis si Arowana. Ang dasal nila na nakapaloob sa mga halaman ay nakakapanghina sa isang Bathala kapag ito'y malapit sa kanila. Nakita mo naman ang nangyari sa Durao na iyon."
"Napansin ko nga po. Ngayo'y naiintindihan ko na kung bakit hindi niyo pinagbabayad ng dote sa bayan ang mga Catalona."
"Malaki ang silbi nila, Orlan. Sila lang din ang nakakapagparami ng halamang ito. Kahit na naisin kong magkaroon ng halamang ito sa aking lupain ay hindi ko rin magagawa sapagkat hindi ito tumutubo nang basta-basta. Tanging ang mga Catalona lamang ang may alam kung paano magpatubo ng pambihirang halamang ito."
"Napakailap naman pala ng kansuray," sagot ng kausap nito.
"Siyang tunay. At ang dagta nito na kanilang ibinibigay sa atin bilang panlason sa mga Bathala ay sila lang din ang nakakagawa. Kaya't kahit na may sarili silang dahilan kung bakit nila nais hulihin ang Bathala ng Karagatan, hinahayaan ko sila."
"Sa tingin niyo po ba'y hindi pa nakakalayo ang Bathalang si Arowana?"
"Hindi. Mahina na siya. Ang sugat na tinamo niya mula sa Miar ay may lason ng kansuray. Idagdag pa na naglilibot sa buong Talisay ang mga Catalona na may mga dalang halaman. Sa aking palagay ay narito lang siya sa isa sa mga tahanan at nagkukubli."
"Kung ganoon, hayaan niyo po akong tumulong sa paghahanap---"
"Huwag na Orlan. Kaya kita isinama rito ay upang kunin mo ang mga kahon ng mga gulay na binili sa atin ng Mangangalakal na paparating mamayang hating-gabi. Nasa loob sila ng bahay ko. Paparating na rin ang mga kawal ko na tutulong sa iyo."
"Masusunod po, Mahal na Uma."
Nagkatinginan naman sila Purol at Ubay sa narinig. Ang Uma ng Talisay ang narinig nilang nagsasalita. Halata tuloy sa mukha ni Ubay ang pangamba sapagkat ang Uma, ay ang taong namumuno sa isang bayan katulad ng Talisay. At para sa isang maunlad at malaking bayan na kagaya ng Talisay, isang malaking tao ang Uma na ito.
Ang mga sumunod na ingay na narinig nila ay ang tunog ng mga kahoy na kahon na inilalapag o pinagpapatong-patong. Katakot-takot na pagtitiis ang ginawa nila upang hindi sila makagawa ng ingay, at ipinagdarasal ni Ubay sa kalangitan na sana'y hindi magising si Arowana dahil kung hindi ay katapusan na nila. Hindi nga niya alam kung ano ang mas ayaw niyang maganap kung sakali; ang mapatay ni Arowana dahil sa pagsuway nila rito o ang pagkahuli sa kanila ng Uma.
Maya-maya, isang malakas na tinig ulit ang narinig sila at agad nila itong nakilala. "Mahal na Uma, tumigil na sa paghahanap ang mga Catalona! Utusan mo silang huwag huminto!" daing ni Pinunong Laim na ngayo'y kausap ang Uma. Nais sanang sumilip ni Purol sa mga ito ngunit pinigilan niya lamang ang sarili niya. Isang maling galaw lamang kasi ay mahuhuli sila. Kung bakit ba kasi sa dinami-rami ng gusaling papasukin nila ay 'yung sa Uma pa ang mapipili nila!
"Paumanhin, Laim, ngunit hindi ko sila hawak. Wala na tayong magagawa kung hindi niyo pa nahuhuli ang Bakunawa."
"Ngunit baka makatakas ito at ang Mangangayaw nitong almajo! Hindi ako papayag, Mahal na Uma! Akin lang ang Bakunawa!"
"Ano ang sinabi mo? May almajo na ang Bathala ng Karagatan?" tila gulat na tanong ng Uma sa Miar na si Pinunong Laim.
"Tama ang narinig mo Mahal na Uma! At sa lahat ng maaari niyang maging almajo, ang lapastangang Mangangayaw pang iyon! Kaya gigil na gigil akong mahuli ang dalawang iyon!"
Nagulat naman sina Purol nang marinig nilang tumawa ang Uma. Tila nakarinig ito ng isang nakakatawang biro. "Kung totoo ang iyong tinuran, Laim, aba'y mapaglaro ngang talaga ang kapalaran. Ang makapangyarihang Bakunawa na kinatatakutan ng mga Mangangayaw at mga Mangangalakal ay mapapasailalim sa isang mababang uri ng nilalang!"
"Iyon nga ang nakakagalit! Pakiramdam ko ay napahiya ako, Mahal na Uma!"
Mas lalo pang tumawa ang batang Uma sa huling sinabi ni Pinunong Laim. Habang sina Balang at Ubay naman ay nakatulala na kay Purol at bakas sa mga mukha nila ang pinaghalong pagkamangha at gulat!
Dahil hindi nila naisip ang bagay na narinig nila. Hindi nila agad binigyang pansin ang ngayo'y maikli ng buhok ng Bathala na katabi nila ngayon! Talagang nakakamangha nga kung tunay ang narinig nila! Dahil ibig sabihin noon, kung talagang si Purol na nga ang almajo ni Arowana, ibig sabihin hindi na nito maaaring paslangin ang kaibigan nila! At mauutusan pa ni Purol ang Bathala na huwag rin silang paslangin! Sa makatuwid, sila'y mabubuhay pa kahit magising na ang Bathala!
"Hindi nakakatawa iyon, Mahal na Uma! Dahil isang makapangyarihang Bathala ang nakalusot sa aking mga kamay! Makikinabang ka rin naman kung sakaling ako ang makahuli sa kanya!"
"Tumigil ka na, Laim," saad ng Uma at natahimik nga ang Miar sa pagngawa nito. "Bakit hindi mo na lamang gamitin si Durao ngayon sa paghahanap mo? Hindi na rin siya mahina ngayon dahil umalis na ang mga Catalona, hindi ba? Humayo ka na kung nais mong hulihin ang almajong Mangangayaw na tinutukoy mo. Ako ay abala pa sa mga kalakal na binili sa'kin ni Handiwa."
"Ano? Hanggang ngayo'y nakikipagkalakan ka pa rin sa babaeng yun? Samantalang ako ang pinakamalaki at may pinakamaraming paninda?"
"Huwag ka sanang masasaktan, Laim, ngunit mas nais ko ang mga bulaklak na kalakal ni Handiwa. Kilala mo naman ako na mahilig sa pagtatanim."
Nag-usap pa ang dalawa tungkol sa mga halaman at ganun na lamang ang takot ni Purol na baka lumapit ang mga ito sa halamang nagkukubli sa kanilang lahat. Sa kabutihang palad, hindi naman umabot sa ganoon. Nang matapos ang paglalabas ng mga kalakal, isang tinig ang narinig nila na nagbalita sa dalawa na tila namataan na raw ang hinahanap nilang Bathala kaya dali-daling umalis ang mga ito.
Nang tumahimik na ang paligid nila, doon lamang nakaisip ng paraan si Purol upang makatakas sila. Ipupusta na niya ang kanilang mga buhay sa gagawin nilang ito dahil ito na lang ang nakikita niyang paraan! Iyon ay ang pagtago nila sa loob ng mga malalaking kahon ng mga kalakal, at nawa'y madala sila sa caragoda ng Handiwa na ito nang hindi sila natatagpuan! At sa pagkakataong makaalis nga sila sa bayang ito sa ganung paraan, kailangan naman nilang humanap ng gamot sa lason na ngayo'y unti-unting pumapatay kay Arowana!