Kabanata 18

2040 Words
Maingat at tahimik ang ginawa nilang pagtatago sa loob ng mga malalaking kahon ng kalakal. Mahigit sampung kahon ang narito sa loob ng pook na ito kung saan sila nagtago, kaya pumili na lamang ang bawat isa sa kanila ng kahon na kanilang pagtataguan. Mabilis na nakahanap ng mapagtataguan sina Ubay at Balang, at ganoon din si Purol na labis ang kaba sa kanilang gagawin. Ngunit dahil sugatan si Arowana, tinulungan siya ni Purol na makapasok nang maayos sa loob ng kahon ng mga kalakal. Inuna niya pa ang dalaga bago ang sarili niya dahil ito nga ay lubos na nanghihina na sa ngayon. "Mahal na Dian, pakiusap, huwag kang mag-iingay habang hindi tayo nakakalabas sa mga kahon na 'to," paalala ni Purol kay Arowana bago siya pumasok sa sarili niyang kahon. "Hindi nila tayo maaaring mahuli dahil kukunin ka ni Pinunong Laim." Pinanlisikan naman siya ni Arowana ng kanyang mga mata. "Magbabayad ka mamaya, Purol," sagot nitong may kauntiing pag-ungol pa dahil sa sakit na nararamdaman niya ngayon mula sa lason na nakuha niya sa palaso na tumama sa kanya na may dagta ng halamang Kansuray. "Kung inaakala m-mo.... Hindi ko pa nakakalimutan ang ginawa mo..." bulong pa nito sa binata na ikinatakot naman ng huli. "Magbabayad ka..." Oo nga pala. Parang nabuhusan ng malamig na tubig ang buong katawan ni Purol sa kanyang narinig mula sa Bathala ng Karagatan. Bakit nga ba kaagad niyang nakalimutan ang tungkol doon? Galit nga pala sa kanya ang Bathala dahil sa ginawa niya rito kanina. Ngunit wala naman siyang ibang pagpipilian kanina kung hindi unahan ang mga may nais na gawing alejar si Arowana. Kung hindi niya ginawa ang ginawa niyang iyon, si Pinunong Laim at Durao naman ang gagawa noon kay Arowana. Nilayo niya lang ang Mahal na Dian sa kapahamakan. "Opo, Mahal na Dian, alam ko iyon. Nakahanda ako sa ano mang ipaparusa mo sa akin, ngunit mamaya mo na gawin iyon kapag nakaligtas na tayo mula sa mga humahabol sa atin... Sa ngayon, huwag ka munang gumalaw o mag-ingay sa loob niyan..." Hindi naman na sumagot ang Bathala, kaya marahang tinakpan na ni Purol ang kahon kung nasaan si Arowana at dali-daling nagtago rin sa kahon niya. Umaasa siyang pakikinggan siya nito. Dahil tiyak katapusan na talaga nila kapag nagkataong sumuway si Arowana sa bilin niya. Naghintay si Purol sa loob hanggang sa maramdaman niya na gumagalaw na ang kahon na kinalalagyan niya. Mukhang may bumubuhat na sa mga ito, at ang tanging dasal na lamang ni Purol ay huwag sana nilang buksan ang mga kahon habang sila ay binubuhat ng kung sino man ang mga ito. Sana ay madala muna sila sa caragoda ng Handiwa na iyon upang magkaroon sila ng pagkakataong makatakas. Saka na lang ulit mag-iisip ng paraan si Purol kung paano sila makakalayo kapag wala ng humahabol sa kanila. Mabuti na lang, natupad ang kanyang kahilingan. Hindi naman binuksan ang mga kahon nila hanggang sa maramdaman niyang inilapag ang mga ito at tumahimik na ang kanilang paligid. Akala pa nga ni Purol ay mabubuko sila sapagkat 'di hamak namang mas mabigat na ang mga kahon na ito ngayong may mga tao sa loob nito. Akala niya ay magtataka ang mga bumubuhat nito at sisilipin ang laman ng mga kahon kung bakit ito bumigat, ngunit hindi nga iyon nangyari. Marahil ay mahigpit na pinagbabawal na silipin ng mga bumubuhat dito ang mga mamahaling kalakal, kung kaya't hindi na nila ito sinilip. Mabuti na rin iyon dahil nabigyan sila Purol ng pagkakataon. Pinakiramdaman ni Purol ang paligid. Nang marinig niya na walang nag-iingay sa paligid niya, saka niya binuksan ang takip ng kahon at dahan-dahan siyang lumabas mula rito. Nagulat pa siya pagkalabas niya sapagkat akala niya ay nasa isang caragoda na siya. Ngunit mali siya ng inaakala. Nasa pantalan pa rin sila, at wala namang caragoda sa ilog. Kinakabahan na si Purol, lalo na nang makita niyang dalawang kahoy na kahon lamang ang nandito ngayon. Kaagad niyang binuksan ang isang kahon na katabi ng sa kanya. Nakita niya sa loob si Arowana, ngunit napansin niya rin agad na wala na itong malay. Sa takot na baka tuluyang mamatay si Arowana, kaagad niya itong sinubukang gisingin. "Mahal na Dian..." natatakot na tawag ni Purol dito. "Wag ka munang mamamatay, Mahal na Dian!" "Hindi pa siya mamamatay," saad ng isang tinig na nagpalingon kay Purol sa pinanggalingan nito. Doon niya lamang napansin na may tao pala sa likuran niya, na nasa harap ng isang maliit na kubo na sa pagkakatanda niya ay hintayan ng mga tao dito sa pantalan habang hindi pa dumaraong ang mga sasakyang pandagat nila. Pinagmasdan niya ang taong nakaupo doon sa harapan ng kubo. Alam ni Purol na ito ang nagsalita sapagkat ito lang naman ang ibang tao rito ngayon. Isa itong babae, ngunit batid ni Purol na hindi ito pangkaraniwang babae lamang. May karangyaan ang kaniyang kasuotan, kaya naman alam na ni Purol na marahil ay may mataas na antas ng pamumuhay ang babae. At hindi lamang iyon ang kanyang napansin. Ang suot nito sa kanyang ulo na isang uri ng pananggalang mula sa init ay nakikilala niya na sinusuot lamang ng isang pangkat. Hindi niya nga lang matandaan ngayon kung anong pangkat iyon. "S-Sino ka?" kinakabahang tanong dito ni Purol dito sapagkat bigla niyang naisip na paano kung isa rin pala itong Bathala? Hindi malabong mangyari iyon. Batid niya namang maraming mga Bathala ang nagkalat sa buong sansinukob, lalo na rito sa Daang Bathala, kaya hindi na siya magtataka kung bigla itong magpakilala nang ganoon. Napatayo ang babae mula sa pagkakaupo nito at hinarap si Purol na nakangiti. Maaliwalas ang mukha ng babae. Hindi rin maitatanggi na siya ay may angking kagandahan. Sa palagay ni Purol ay mas matanda ito sa kanya, ngunit alam niya ring hindi pa ito ganoon katanda. Ang kutob niya nga ay isa rin itong dalaga. Mahaba ang itim na buhok nito na nakatirintas, ngunit kanyang napansin na ang dulo ng buhok ng babae ay mistulang kinulayan ng pula. May biglang naalala si Purol doon. May isang pook sa Daang Bathala kung saan kinukulayan ng mga babae ang kanilang buhok na pula, tanda na sila ay wala pang asawa. Iyon nga lang ay nakalimutan na niya ang pangalan ng pook na iyon dahil nakuwento lang din naman sa kanya iyon. "Ako? Isa akong Mangangalakal. Ikaw, sino ka at bakit nasa loob ka ng aking mga kalakal?" "Ah... Eh..." "Sino ang babaeng nasa isa pang kahon?" tanong pa ulit nito kay Purol. HIndi naman malaman ng binata ang gagawin, sapagkat hindi niya mabasa ang babae kung ito ba ay magiging kaaway nila o kakampi. "Ah... Kaibigan ko siya..." pagsisinungaling ni Purol. "Oo, tama, kaibigan ko siya. Nais sana naming makisakay sa iyong caragoda---" Ngunit pinutol na ng babae ang sinasabi ni Purol. "May narinig ako sa bayan nang ako ay mamasyal kanina. Narito raw sa Talisay ang Bathala ng Karagatan na si Arowana, na kilala sa palayaw nitong Bakunawa. Ang sabi pa nila, nasugatan daw ito nang malubha, at may kasama daw itong binata na nagsisilbing almajo nito. Hindi naman kayo yun, 'di ba?" "Ah eh..." "Kayo nga ba sila?" "Paano kung oo? Paano kung kami nga ang tinutukoy mo?" pabalik na tanong naman ni Purol sa babae. Hindi niya nga alam kung bakit niya ba ginawa yun, ngayong hindi niya naman kilala ang taong ito. Paano kung isuplong siya nito sa mga humahabol sa kanila? Tiyak mahuhuli na sila. Ngunit nagulat si Purol nang mapangiti ang babae sa tugon niya rito. "Mabuti naman at tumigil ka agad sa pagsisinungaling. Sa lahat ng ayaw ko, pinakaayaw ko sa mga sinungaling." "Dakpin mo na kami kung iyan ang iyong nais," panghahamon pa ni Purol dito. "Ngunit nais ko munang malaman kung ano ang nangyari sa dalawa pa naming kasama?" Iyon na lamang ang kanyang nasambit sapagkat nag-aalala rin siya kina Ubay at Balang. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kapag may nangyaring masama sa mga ito, dahil kung tutuusin, dinamay niya lamang ang dalawa sa gulong ito. "Hindi magaling magtago ang mga kasama mo, binata, kaya nahuli sila. Naroon sila ngayon sa tahanan ni Ginoong Hasilum, ang pinuno ng bayang ito. "Hindi maaari! Kailangan ko silang puntahan!" "At iiwan mo ang dalagang ito rito? Paano kung mahuli rin siya ng mga tauhan ni Laim? Maaatim mo bang mahuli rin siya?" "Bahala na!" sagot sa kanya ni Purol. "Mahalaga rin sa akin ang mga kaibigan ko!" "Kung ganoon, hayaan mo akong tulungan kita," saad ng babae na ikinagulat naman nang husto ni Purol. "Ano? Bakit mo naman ako tutulungan? Ni hindi mo ako kilala!" Tumango ang babae. "Alam ko iyon. Ngunit wala ka rin namang mapagpipilian. May iba ka pa bang kayang gawin?" Natigilan si Purol doon sapagkat tama naman ang babae. Ang taong ito na lamang ang tangi niyang pag-asa kahit na hindi niya pa rin ito mapagkatiwalaan. At mistulang narinig naman ng babae ang kanyang iniisip, dahil kaagad itong nagsalitang muli. "Ako si Handiwa, isa akong Mangangalakal na nagmula sa bayan ng Ilang-Ilang. At katulad mo, isa akong almajo..." Napanganga si Purol sa gulat dahil tama nga siya. Kaya pala parang nakikilala niya ang uri ng pananamit ng babaeng ito, dahil mula pala ito sa bayan ng Ilang-Ilang, ang bayan ng mga Bulaklak. Marami rin siyang narinig na mga kuwentong bayan mula sa pook na iyon, at ang natatandaan niya ay sinasabing ang mga nakatira raw roon ay hindi tumatanda. "Magtiwala ka sa akin. Ako ang magbabantay sa iyong Bathala. Puntahan mo na ang iyong mga kaibigan at iligtas mo sila bago pa sila ipatapon ni Ginoong Hasilum..." "Teka, teka... Bakit naman sila ipapatapon?" "Hindi mo ba alam? Mariing ipinagbabawal ng batas ng bayang ito ang pagtapak dito ni Arowana... Hindi mo ba nakita na halos patayin siya ng mga Catalona rito?" "Ano? Ngunit bakit naman bawal ritong tumapak si Arowana?" "Hindi ko alam. At mamaya na natin pag-usapan ang tungkol diyan. Unahin mo ang pagliligtas sa mga kaibigan mo. Dahil parurusahan sila kapag napatunayan na sila ay kasama ng Bakunawa na magtungo rito. Halos kahalintulad na rin kasi sa pagtataksil ang ginawa ninyo... Dinala niyo rito ang Bakunawa..." Napatango na lang ako. "Kung ganoon, ituro mo sa akin ang daan patungo sa bahay ng sinasabi mong Ginoong Hasilum! Ililigtas ko sina Balang at Ubay!" Kaagad namang itinuro ni Handiwa ang daan patungo sa naturang tahanan ng pinuno ng bayan ng Talisay. "Oo, magmadali ka na! Kailangan mo silang abutan bago nila dalhin sa kung saan ang mga kaibigan mo! At ito pa nga pala. Mag-iingat ka kay Ginoong Hasilum. Katulad nating dalawa, isa rin siyang almajo. May alejar rin siyang isang Bathala, na si Dalikmata." "Dalikmata? Ang Bathalang may maraming mata sa kanyang katawan?" "Tama. Mag-iingat ka sa Bathalang iyon. Huwag mo siyang titingnan sa kanyang mga mata kung ayaw mong mapahamak!" Dahil sa mga babala ni Handiwa kay Purol, higit na natakot lamang ang binata sa maaaring manganap sa kanyang pagtungo sa tahanan ng Hasilum na iyon. Akala niya ay ang tanging suliranin lamang nila ay si Pinunong Laim at si Durao. Ngunit nagkakamali sila roon. Kahit pala ang namumuno sa bayang ito ay 'di hamak na makapangyarihan, dahil may kaagapay rin itong isang Bathala! "Huwag kang panghinaan ng loob," saad pa sa kanya ni Handiwa. "May magagawa ka laban sa kanila. May kailangan kang gawin upang magawa mo silang labanan..." "T-Talaga? Ano naman yun?" "Ang puno ng Zulatre na iyan," turo niya sa dambuhalang puno na nasa harapan lamang nilang dalawa ngayon. "Nakatago riyan ang sandata ni Arowana. Ang Buntot-Pagi. Kunin mo iyon at makukuha mo na ang isa sa pinakamalakas na sandata sa buong sansinukob!" "Paano ko naman iyon makukuha?" "Puntahan mo lamang ang puno. Malalaman mo kung paano mo ito makukuha kapag naroon ka na nang mag-isa." "Ngunit paano ko naman masasabi kung nagsasabi ka nga sa akin ng totoo? Hindi kita kilala---" "Kung kalaban ako kanina pa kita pinatay upang makalaya na mula sa 'yo si Arowana. Ngunit hindi iyan ang aking pakay kung 'di ang sandata niya na nakatago sa puno ng Zulatre. Ito ang dahilan kung kaya't nais kitang tulungan..." "Bakit? Dahil kukunin mo mula sa akin ang sandata?" "Parang ganoon na nga," sagot ni Handiwa na nakangisi pa kay Purol.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD