[Kataw-- in Philippine mythology, they are a race of merfolk, or mermaid]
***
"Purol! Purol! Gumising ka!" Iyon ang naririnig ni Purol kasabay ng mga mahihinang hampas ng isang kamay sa kanyang mga pisngi. Doon niya lamang napagtanto na siya pala ay nawalan ng ulirat. Napatayo tuloy siya kaagad at nakitang nasa caracoa na ulit siya ngayon. Ummalog-alog pa nga ito at hinahampas nang malakas na tubig, tanda na hindi na maganda ang panahon dito sa laot.
"Ano ang nangyari?" bulalas niya at baling sa taong katabi niya na nakaantabay sa paggising niya. Si Ubay iyon, na siyang tumatawag sa kanya kanina.
"Natagpuan ka naming walang malay sa paanan ng Zulatre," sagot ni Ubay. "Bakit ka ba kasi nagtungo roon? Alam mo namang hindi pangkaraniwan ang pook na iyon. kahit mga Catalona ay natatakot na magtungo roon," nag-aalalang saad ni Ubay sa kanya.
"Siya nga, Purol. Tinakot mo naman kami. Akala namin ay sinaktan ka na ng Bathala na iyong sinundan doon," sabat naman ni Balang, isa pa sa mga kaibigan niya na nakababatang kapatid na babae ni Ubay.
Ngunit hindi sinagot ni Purol ang mga tanong ng mga kaibigan niya bagkus ay nagtanong din siya sa mga ito. "Ang Mahal na Dian! Nasaan siya? Bakit wala siya rito?"
"Hindi pa siya bumabalik mula roon," sagot sa kanya ni Ubay. "Kaya nga inakala naming siya ang nanakit sa iyo."
"Hindi niya ako sinaktan. Ang totoo nga niyan ay hindi ko siya nakita doon sa paanan ng ZXulatre, bagkus ay may iba akong nakasalamuha roon."
"Ha? Sino naman?"
"Hindi ko siya kilala, ngunit tila pakiramdam ko ay dapat kilala ko siya." Nagkatinginan sina Ubay at Balang, halatang sila ay hindi naintindihan ang mga winika ni Purol. Ngunit wala roon ang isipan ni Purol kung hindi ay naroon sa kanyang huling naaalala bago siya nawalan ng malay. Tanda niya pa ang sinabi ng lalaki na nakausap niya roon. Ang sabi nito ay magtungo raw sila sa Hiraya.
Hiraya...
Isang malaking kalokohan, isip-isip ni Purol. Malamang ay iisang malaking guniguni lamang ang nangyari sa kanya doon sa paanan ng Zulatre sapagkat sino naman ang mag-uutos sa kanya na magtungo sa isang pook na hindi niya nga alam kung tunay nga bang mayroon o wala?
"Hiraya..." bigkas niya sa pangalan ng pook na iyon. "Ang sabi niya ay magtungo raw kami roon ng Mahal na Dian..."
"Ano? Hiraya?"
Natawa sina Ubay at Balang doon. "Hiraya ba kamo? Ang maalamat na pook na iyon na sinasabing nasa dulo ng Daang Bathala?"
Tumango si Purol. "Iyon nga. Ang sabi ng lalaking nakausap ko kanina, naroon raw ang hinahanap naming kasagutan---"
"Kung ganoon ay nakausap mo rin pala ang nilalang na iyon," saad ng isang tinig na nagpalingon sa kanila sa pinanggalingan nito, na nasa tubig. Nakita roon ni Purol si Arowana, na nakalutang sa tubig. Sa tingin niya ay nasa anyong kataw ito ngayon, gaya ng niligtas siya nito mula sa tuluyang pagkalunod. "Nagpakilala ba sa iyo ang nilalang na iyon?"
Umiling si Purol. "Naputol kaagad ang pag-uusap namin, Mahal na Dian."
"Ganoon din ang nangyari sa pag-uusap namin. Katulad mo, sinabihan niya rin ako na magtungo sa Hiraya." Lumapit na sa bangka ang Bathala at umahon na ito. Nagpalit na rin ito ng anyo at ngayon ay isa na ulit itong pangkaraniwang dilag. Nag-iwas naman ng tingin sa kanya sina Ubay at Balang dahil nasindak ang mga ito sa Bathala. "Purol, malakas ang kutob ko na siya ang aking asawa. Tinawag niya pa nga akong 'irog.' Marahil ay siya nga iyon at hinihintay niya lamang ako na dumating dito."
Napaisip doon si Purol. "Nakatitiyak ka ba, Mahal na Dian?"
"Nakatitiyak ako na siya iyon. Ngunit nakatitiyak din ako na guniguni o panaginip lamang iyon, iyong nakausap natin. Wala talaga rito ang aking asawa. Marahil ay isa iyong uri ng kapangyarihan, na iniwan niya sa puno ng Zulatre. Na kung sakali mang mapadpad ako rito ay magpapakita ito sa akin upang sabihin sa akin kung ano ang dapat kong gawin."
"Maaari ngang iyan ang nangyari," sagot naman ni Purol dahil katulad ni Arowana, iyon ang tingin niya. Na kung ang nilalang na iyon ang katipan ni Arowana, dapat ay nagpakita na ito ngayon kung talagang nandito ito. Ngunit malamang ay wala ito ngayon sa pook na ito at ang nakasalamuha nila ay isang guniguni lamang na nagbigay sa kanila ng palatandaan o babala. "Mahal na Dian, mukhang kailangan mong magpasya kung nais mong magtungo sa Hiraya gaya ng sinasabi ng nilalang na nakausap natin."
"Tama ka," ani Arowana. "Kailangan ko munang pag-isipan ang sinabi sa atin sapagkat hindi natin alam, baka isa lamang iyong walang saysay na pangitain."
"O baka isa iyong patibong," dagdag pa ni Purol. Dahil doon, nagpasya ang dalawa na kailangan pa ring makausap ni Arowana si Durao gaya ng nauna nilang balak. Kaya't nang handa na sila, humayo na sila at nagsagwan patungo sa caragoda ng Miar na si Pinunong laim kung nasaan ang Bathala na si Durao Liliente.
***
Tahimik lamang sila hanggang sa marating nila mismo ang caragoda ng Miar. Doon sa may hagdanan paakyat nang dambuhalang bangka ay may nakatayo na dalawang lalaking may hawak na mga sandata. Ito ay mga sundang--- mahahabang itak na may kawit sa dulo. Napalunok tuloy si Purol nang makita niya ang mga iyon. Napaisip pa nga siya kung dapat pa ba nilang ituloy ang binabalak nila.
Ngunit kung tila naduduwag na si Purol sa nakita niyang mga mandirigma ng Miar na may hawak na nakakatok na mga sundang, parang wala lang naman kay Arowana ang nakita niya. Sa kanilang lima na nasa bangka ngayon, siya lamang ang mukhang hindi nasindak sa mga tauhan ng Miar.
"Sino kayo?" usal na tanong ng isa sa mga lalaki sa kanila.
"Kami po'y mga mangangalakal mula sa bayan ng Talisay. Narito po kami para sana bumili ng mga telang Aratela at Bauna, gayun din ng mga sangkap para sa paggagamot ng aming kasamang Catalona," ani Ubay at itinuro niya si Arowana na ngayon ay balot na balot sa isang kulay pulang kasuotan na napapalamutian ng mga kabibe at perlas. May mga guhit at dibuho rin sa tela na mga katagang hindi maintindihan nina Purol. Tanging ang mga mata lamang ni Arowana ang masisilayan ng mga tao, kaya't naging mainam ito para sa kanyang pagbabalat-kayo.
Pinagmasdan naman siya ng mga lalaki nang maigi, na animo'y palihim na sinisipat kung isa nga bang Catalona ang naturang babae. Bihira kasing makasalamuha ng mga tulad nila ang isang Catalona kaya't natigilan sila saglit pagkatingin nila dito. Ngunit maaari ring dahil ito sa may nakahahalinang mga mata ang babae. Napatango na lang sila dito at nag-iwas na ng tingin.
Kay Ubay na sila ngayon nakatingin, na parang sinusukat ito kung kaya ba nila talagang bumili ng mga sinabi nilang kalakal. "Ano naman ang inyong magiging pambayad?"
Lumingon si Ubay sa isa pa nilang kasama, isang matabang lalaki na kababata rin ni Purol. "Ito po," sagot nito at ipinakita nito ang mga bagay na nasa loob ng kanyang damit pang-itaas. Mga perlas iyon at mga baryang ginto.
"Magaling. Umakyat na kayo. Kami na ang magtatali sa bangka niyo habang nasa loob kayo, ngunit may maiiwan dapat dito sa inyo."
"Naiintindihan po namin," sagot ni Ubay. Nagkasundo na kasi sila na isa sa kanyang mga isinama ang maiiwan, si Balang. Umakyat na ang apat at inalalayan pa ng dalawang tauhan si Arowana sa pag-akyat kaya't nangamba pa si Purol na baka makilala nila ang Bathala.
Nang makasampa na sila sa caragoda ay tumambad sa kanila ang ilang katulad nila na abala sa pamimili sa mga telang nakalatag sa sahig. May mga banig din at mga bayong at iba pang mga kasangkapang makikita sa isang pamamahay. May mga tauhan naman ng Miar ang nakabantay sa mga mamimili.
Napangiwi naman si Arowana nang makita ang mga nagkakagulong mamimili na halos mag-agawan na sa mga tela. "Bakit hinahayaan nila ang ganyang mga pag-uugali?" bulong niya kay Purol na katabi niya lang na naglalakad. "At ang mga tela! Nakalatag lang sa sahig! Nadudumihan na ang mga ito!"
Bumulong din sa kanya si Purol. "Hindi naman kamahalan ang mga iyan, Mahal na Dian. Ang mga murang kalakal ay nakalatag talaga sa sahig at pinag-aagawan ng mga tao. Ang mga mahahalin ay naroon pa sa unahan. At habang nakikipagtawaran kami sa Miar ay kumilos ka na."
Tumango na lamang si Arowana kahit na lantaran na siyang inutusan ni Purol. Mas mahalaga naman kasi ngayon ang kailangan niyang gawin. Kaya't tahimik silang naglakad patungo sa bahagi ng caragoda na may bubong at kung saan nakahilera ang mga mas mahahalagang kalakal. At naroon sa gitna noon ang Miar, nakaupo sa isang trono. Sa pagitan niya ay mga babaeng tagapag-silbi. Ang isa ay may hawak na dambuhalang pamaypay at ang isa nama'y isang makulay na payong ang hawak. Pareho nilang pinagsisilbihan si Pinunong Laim na nakatuon ang tingin sa mga bagong dating.
Nang makita ni Purol na napansin na sila ng Miar ay sabay-sabay na silang apat na nagbigay-pugay rito. Tumayo naman ang Miar upang asikasuhin sila, nagningning pa nga ang mga mata nito nang makita ang mga buhol ng perlas at ginto na hawak nila.
Hinanap naman ng tingin ni Arowana ang kanyang tunay na pakay, at nakita niya itong nakatayo sa likod ng isang dambuhalang gintong anito. Nakatingin din ito sa kanya, kaya't kanya na itong nilapitan.
"Hindi ka na dapat pa nagpunta rito." Iyon ang narinig ni Arowana sa Bathalang kaharap niya ngayon.
"Gusto sana kitang makausap," pasubali niya naman.
"Alam ko. Ngunit mapanganib dito. Ang aking almajo ay isang tusong nilalang. Mag-usap tayo sa ibang pook," dagdag pa ni Durao na sinang-ayunan naman ni Arowana.
"Kung ganun ay sumama ka sa akin," sagot naman niya at hinatak niya si Durao sa kamay patungo sa gilid ng caragoda. Biglang dumilim ang paligid at tumalon na ang dalawa sa tubig.