"Sarinawa! Ano ang nangyayari?" naguguluhang tanong ni Abiya nang makita ang paglaho ng mahiwagang latigo mula sa mga kamay ni Hasilum at ang biglaang paglitaw naman nito pabalik kay Purol. Napansin niya ring nakakagalaw na siya, kaya napaatras siya patungo sa dingding na yari sa bato ng piitan dahil na rin sa takot. Ngayon lang kasi nakasaksi si Abiya nang ganito.
"Ang Buntot-Pagi ay nagbalik sa iyo..." sabi naman ni Hasilum kay Purol na nakatitig pa rin sa sandata na pag-aari ng Bathala ng Karagatan na si Arowana. "Hindi ko maintindihan. Bakit ito naglaho sa aking mga kamay at biglaang napunta sa iyo? Dalikmata? Ano ang nagaganap?"
Nakita ni Purol na umiling sa tanong ni Hasilum ang bathalang may maraming mata sa kanyang katawan. "Ipagpaumanhin niyo, Panginoon, ngunit hindi ko alam kung paano nangyari ang bagay na iyan. Sa aking pagkakaalam, ang mga sandata naming mga Bathala ay maaari lamang sumunod sa kagustuhan ng bathalang nagmamay-ari sa mga ito. Kaya kung iyong mamarapatin, sa aking palagay ay kagagawan ng Bakunawa ang nagaganap. Maaring ipinag-utos niya sa kanyang sandata na magpahawak lamang ito sa binatang Mangangayaw..."
"Ganoon ba? Naiintindihan ko na. Maaari ngang iyan ang kasagutan sa palaisipang ito. Salamat, Dalikmata. Kung gayon, hindi ko pa rin pala tuluyang mapapasakamay ang sandatang yan hangga't hindi ko nga nagiging alejar ang Bakunawa." Napakamot sa ulo niya si Hasilum. Para bang inaako niya ang nangyari kahit na hindi naman dapat dahil hindi niya naman batid kung ano ang gagawin ni Arowana.
Ngunit para kay Purol, tila mahirap paniwalaan ang sinabing paliwanag ni Dalikmata. Hindi niya nakikitang iyon ang tunay na dahilan sa nangyari sa Buntot-Pagi lalo pa't mahina ngayon ang Bathala dahil sa lason na nagpapahirap ngayon sa kanya. Kung siya nga ang may kagagawan ng nangyaring iyon ay tiyak naman ni Purol na kakailanganin ni Arowana ng lakas upang magawa ang ganoong uri ng kapangyarihan sa isang sandata.
Iba ang kanyang kutob. Pakiramdam niya ay walang kinalaman si Arowana doon sa nangyari. Mas maniniwala pa si Purol kung sinabi ni Dalikmata na tila may sariling pag-iisip ang sandata. O 'di kaya ay maaari ring may kinalaman dito ang pagkain niya ng bunga sa tuktok ng Punong Zulatre kanina bago siya nagtungo rito sa piitang ito. Hindi niya pa rin kasi alam kung ano ang tunay na nangyari doon sa tuktok ng dambuhalang punong iyon, kaya may hinala na siyang iyon nga ang sagot sa nangyayari ngayon sa kanya.
"Hindi ko akalaing magiging mahirap pala ang pagkuha sa maalamat na sandatang iyan," ani Hasilum. Nagtataka pa nga si Purol sa inaasal nito dahil nawala na ang kaninang galit nito. "Ngunit hindi na bale. Inaasahan ko rin naman na magkakaroon ng abala sa aking mga balak sapagkat ang Bathala ng Karagatan ang pinag-uusapan natin dito. Kahit naman ganito ang nangyari ay balak ko pa rin namang hulihin siya. Yun nga lang, kailangan ko palang maunahan si Laim." Bumaling ito kay Purol na nakangiti na ngayon, at hindi ito nagustuhan ng huli dahil alam niyang panganib lamang ang dulot ng pagngiting ito ni Hasilum. Mula kasi nang marinig ni Purol na isa palang Pantas si Hasilum ay nangamba na siya. Natuklasan na kasi niyang hindi pala talaga basta-basta ang lalaking ito na nasa kanyang harapan ngayon.
"Purol... Kailangan mo nang umalis mula rito," bigla namang saad ni Abiya sa kanya. "Tumakas ka na. Umalis ka na rito ng Talisay!"
Natawa doon si Hasilum. "Napakagaling mo palang magpatawa, Catalona. Sa tingin mo ba talaga ay may pag-asang makatakas ang lalaking ito ngayon? Wala na kayong magagawa pa. Kaya kung ako sa 'yo, Abiya, ibibigay ko na lamang ang lunas sa lason ng halamang Kansuray at baka maisip ko pang pabalikin ka ng Iraya."
Doon na bumalik ang galit kay Purol. "Ano ang ibig mong sabihin doon? May masama ka bang balak kay Abiya? Akala ko ba kami ng Bakunawa ang kailangan mo? Kaya bakit tila dinadamay mo na rin si Abiya?"
"Purol, hindi mo yata alam, ngunit hindi ko naman mga kaibigan ang mga Catalonang ito," sagot ni Hasilum na napatingin kay Abiya na may halong pang-uuyam. Ramdam ni Abiya ang mababang tingin na iginagawad sa kanya ng lalaki, kaya nabuhay rin ang poot sa kanyang dibdib dahil doon. "Hinayaan ko silang manirahan sa Iraya na nasasakupan ng Talisay dahil mahalaga ang taglay nilang kaalaman tungkol sa mga Bathala, lalo na sa Bakunawa. Bukod pa sa kaalaman nila sa panggagamot, at tanging sila lang ang nakakaalam kung paano gawin ang lunas sa lason ng halamang Kansuray na nagpapahina sa mga Bathala. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, may hindi ako nagugustuhan sa kanila. Alam mo ba kung ano yun?"
"Ano?"
"Nais nilang palayain ang mga Bathala na naging alejar na ng mga tao. Tulad ko. Tulad mo. Hindi sila sang-ayon na ginagawa nating alipin ang mga tulad nina Dalikmata, Durao, o ang Bakunawa. Para sa kanila, isang malaking kahibangan ang ginagawa natin, sapagkat mawawasak daw muli ang sansinukob kapag nagpatuloy ang ganito nating gawain. Kaya tama ba yun?"
"Sang-ayon ako sa kanya," sagot naman sa kanya ni Purol. "Hindi ako tulad mo na ganid sa kapangyarihan. Kaya ko lang naman nagawa ang ginawa ko kay Arowana ay dahil ayokong maging alejar siya ng Laim na iyon. Ngunit kung may napagpilian lamang akong ibang gawin noong panahong iyon, hindi ko gagawing alejar si Arowana..."
Ang lakas ng naging halakhak ni Hasilum sa mga sinabi ni Purol. "Kung ganoon ay isa ka palang hibang, Purol. Ngunit hindi naman ako doon nagtataka. Isa ka lang hamak na Mangangayaw. Hindi ko naman talaga inaasahang magkakaroon ka ng matalas na pag-iisip."
"Huwag mo akong subukan, Pantas. Kanina mo pa ako minamaliit, pati na rin ang mga Catalona at maging ang mga Bathala. Halata sa iyo na mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Kung makaasta ka ay para bang iyo ang mundo, o kilala ka ng lahat ng tao, ngunit ang tototoo ay isa ka lang din namang Pantas na tinubuan ng yabang."
Nabura ang ngiti sa mukha ni Hasilum sa narinig niya mula sa binatang Mangangayaw. "Magdahan-dahan ka sa sinasabi mo... Hindi mo alam kung sino ang kinakalaban mo..." banta pa nito ngunit tinawanan lang siya ni Purol. Hindi niya rin alam kung saan niya nakuha ang lakas ng loob na pagsalitaan ng ganoon si Hasilum, ngunit kanina pa siya naririndi sa kayabangan nito kaya minabuti na niyang ilagay ito sa lupa.
"Tingnan natin kung sino ang dapat magdahan-dahan," sagot naman ni Purol sa banta sa kanya. Iwinasiwas na niya ang Bunto-Pagi, at tatamaan na sana nito si Hasilum, ngunit sinalag iyon ni Dalikmata. Ito ang tinamaan ng kanyang pagsugod, at lahat sila ay hindi makapaniwala sa sunod na nangyari.
Isang malakas na pagsabog ang naganap nang tumama kay Dalikmata ang latigo na animo'y may paputok na nasilaban. Kaagad nawasak ang gusali kung nasaan sila, at biglang nagkaroon ng tubig sa lupa na agad nilang napansin. Ang tubig ay umaalon, at namalayan na lamang nilang lahat na tila tinatangay na sila nito na para bang bigla silang napadpad sa gitna ng isang ilog na may rumaragasang tubig!
"Abiya!" Sinikap ni Purol na abutin ang kamay ng dating kasintahan, at nagtagumpay naman siya. Ngunit hindi sina Hasilum at Dalikmata. Natangay sila ng alon na umibabaw pa nga sa kanilang dalawa. Walang nagawa si Hasilum nang lamunin siya ng tubig, lalo pa't nawalan pala agad ng malay si Dalikmata nang tamaan ito kanina ng latigo sa katawan nito.
Si Purol lamang ang hindi nagagalaw ng tubig na biglang lumitaw sa kung saan at tumangay sa kaniyang mga kalaban. Siya rin ay hindi makapaniwala sa naganap, at titig na titig siya sa Buntot-Pagi na nasa kanyang mga kamay dahil hindi siya makapaniwalang may ganoong uri ng malakas na kapangyarihan ang sandatang ito na pag-aari ni Arowana! Tunay nga talagang ito ay isang maalamat na sandata!
"Purol, ang iyong mga kaibigan!" ani Abiya, at nagtungo sila agad sa kabilang silid na magkahawak-kamay. Umaagos pa rin kasi ang tubig sa lupa na kanilang inaapakan kaya natatakot pa rin si Abiya na baka tangayin din siya ng agos nito. Mabuti na lamang at hindi naman ganoon ang nangyari, at kaagad naman nilang nahanap sina Ubay at Balang.
Naawa naman si Purol nang makita niya ang sinapit ng kanyang dalawang kaibigan. Nakatali kasi ang mga ito at malubha ang mga sugat na tinamo nila sa kanilang mga katawan. Bakas ang paghihirap na dinanas nila sa kamay ni Hasilum at ni Laim, kaya nabuhay ulit ang galit sa loob ni Purol dahil doon. Ngunit wala na silang panahon pa upang maghiganti. Gaya nang sinabi kanina ni Abiya, kailangan na nilang makaalis sa pook na ito dahil batid niyang hindi pa iyon ang katapusan ni Hasilum.
Inalalayan nilang dalawa ni Abiya sina Ubay at Balang, hanggang sa marating nila ang pantalan ng bayan ng Talisay kung saan niya iniwan si Arowana kanina. Ngunit wala na ito doon, kasama na ang dalagang si Handiwa na tumulong sa kanya kanina. "Nasaan na kaya sila?" tanong ni Purol, dahil kinakabahan na siya na baka naisihan na naman pala siya. Ano'ng malay niya kung may masama rin palang balak kay Arowana ang Handiwa na iyon? Hindi niya rin ito kilala at baka katulad pala ito ni Hasilum.
"Purol!" Napalingon silang dalawa ni Abiya nang marinig ang malakas na sigaw ng isang lalaki. Sina Durao at Laim iyon na tumatakbo papunta sa kanila. Galing sila sa kabilang bnahagi ng bayan, iyong daan patungong Iraya, kaya malayo pa sila sa kinaroroonan nila. Ngunit nakita ni Purol na lumilikha ulit si Durao ng sibat na yari sa kanyang kidlat kaya alam niyang nasa panganib na naman ang kanilang mga buhay. Kailangan na talaga nilang makaalis mula rito! Ngunit paano? Saan sila magtutungo? At nasaan na nga ba ang Mahal na Dian?
"Purol, tingnan mo iyon," sabi naman ni Abiya sa kanya na nakatingala pala sa madilim na kalangitan. Sinunod niya ang dating kasintahan. Tumingin nga siya sa langit at napanganga siya sa kanyang nakita sapagkat isang caragoda ang naroon sa himpapawid, lumulutang o lumilipad, at lulan noon si Handiwa na nakatingin sa kanila rito sa baba!