Kabanata 26

1731 Words
Kaagad na naitumba ni Arowana si Purol sa sahig ng lumilipad na caragoda ni Handiwa at mariin niyang sinasakal ang binatang Mangangayaw. Hindi niya ito tinitigilan kaya nahihirapan nang huminga si Purol. Halos lumuwa na nga ang kanyang dila at ganoon na rin ang kanyang mga mata sa tindi nang pagsakal sa kanya ni Arowana. "M-Mahal---" "Kailangan mo nang mamatay, Purol!" sigaw sa kanya ni Arowana bago pa man matapos ni Purol ang sasabihin nito. Nasa ibabaw na siya ng binata at ayaw niya talaga itong tigilan. Puno ng galit at hinanakit ang kalooban niya ngayon sapagkat pinagtaksilan siya ng binatang Mangangayaw. Nais na niya itong bawian ng hininga dahil ang gawin siyang alejar nito ay isang bagay na hinding-hindi niya mapapatawad! Ngunit sa totoo lang ay mas nagagalit siya sa kanyang sarili. Alam niya naman kasi na hindi talaga maaaring pagkatiwalaan ang mga tao, lalo na ang mga lalaki, ngunit sumugal pa rin siya dahil akala niya ay naiiba si Purol. Ngunit nang makakuha lamang ito ng pagkakataon ay pinagtaksilan na siya nito agad kaya para sa kanya ay dapat na talaga itong mamaalam! "Nahihibang ka na yata, Bakunawa," sabi naman ni Handiwa na nasa gilid lamang at nanonood sa nagaganap sa dalawa. "Buo na ba talaga ang iyong loob na papaslangin mo na siya?" "Manahimik ka! Hindi ko hinihingi ang kuro-kuro mo!" Napakamot na lamang sa ulo niya si Handiwa habang natatawa sa Bakunawa. "O siya, hindi na kita pipigilan sa nais mong gawin kay Purol. Ngunit ipapaalala ko lamang sa iyo na siya ay ang iyo ng almajo at ikaw naman ay ang alejar niya. Sa madaling sabi ay alipin ka na ni Purol, kaya kapag pinaslang mo siya gamit ang sarili mong mga kamay ay maglalaho ka na nang tuluyan." Doon lamang natigilan si Arowana. Bigla niya kasing naalala ang naging usapan nila ni Durao noon. Nabitawan niya na rin sa leeg si Purol at napaubo ito nang malakas at sunod-sunod dahil na rin sa pagkakasakal sa kanya ng Bathala ng Karagatan. "Kapag sinabi mong ako ay maglalaho, hindi na ako makakabalik, hindi ba?" tanong pa ni Arowana kay Handiwa at magkatitigan na silang dalawa ngayon. Nagkibit-balikat naman si Handiwa. "Huwag mong panghawakan ang aking mga winikang salita, Bakunawa. Bakit hindi mo na lamang subukan iyon nang iyong malaman? Gawin mo na lamang at nang malaman mo kung anong uri nga ba ng 'paglalaho' ang magaganap sa iyo. Huwag mong isalalay sa akin ang katotohanan dahil hindi pa naman ako pinapaslang ng aking alejar na Bathala..." Napatiim-bagang doon si Arowana sa narinig niya. "May alejar ka rin?" galit na tanong niya kay Handiwa. Nanlilisik pa rin ang kanyang mga mata sapagkat hindi pa rin naglalaho ang poot sa kanyang dibdib ngayon. "Kaya naman pala magkakasundo kayo ng taksil na ito," aniya, "dahil magkatulad kayong gahaman sa kapangyarihan..." "Hindi ako magsasalita nang ganyan kung ako sa iyo," sagot ni Handiwa. "Baka hindi mo pa alam, nasa caragoda kita. Maaari kitang ipahulog kay Mayumi sa lupa kung nanaisin ko." Ngunit hindi pinansin ni Arowana ang banta sa kanya ni Handiwa bagkus ay kay Purol ito ulit nagsalita. "Alisin mo ang bisa ng iyong ginawa sa akin, Purol. Kung nais mong mawala ang galit ko sa iyo, iyon ang dapat mong gawin. At sa totoo lang iyon lang talaga ang maaari mong gawin upang mapawi mo ang galit ko sa iyo..." Napaupo na sa sahig si Purol na natuwa sa narinig niya mula sa kanyang Mahal na Dian. "Huwag kang mag-alala, Arowana. Iyon naman talaga ang balak ko sa umpisa pa lamang. Nais ko naman talagang alisin sa iyo ang pagiging alejar mo. G-Ginawa ko lang naman iyon upang iligtas ka mula kina Durao at Pinunong Laim, ngunit ngayon ay napagtanto ko na rin na mali pa rin ang ginawa ko. Kaya patawarin mo sana ako. Wala naman akong masamang balak---" "Walang ano mang uri ng paliwanag ang pakikinggan ko mula sa iyo, Purol. Inalis mo kasi ang tiwala ko sa 'yo. Nang magsimula tayong magsama sa paglalakbay na ito ay malinaw naman sa ating naging kasunduan na ikaw ay aking magiging matapat na tagasunod. At walang matapat na tagasunod ang nagtataksil kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa iyo, ngunit nakatitiyak ako na hindi kita mapapatawad sa ginawa mo sa akin." Hindi na nakasagot doon si Purol, dahil alam niyang tama naman ang mga katagang binitawan ng Mahal na Dian. Tunay namang pinagtaksilan niya ito at wala iyon sa kanilang napagkasunduan nang magsimula silang maglakbay dito sa Daang Bathala. Kaya naiintindihan niya kung bakit ganito ang mga sinabi sa kanya ni Arowana. Batid niyang mahalaga ang pagtitiwala sa pagitan nilang dalawa dahil hindi pa naman matagal nang sila ay magkakilala ngunit kaagad na niyang nasira ang tiwalang binigay sa kanya ni Arowana. Matagal na katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa. Nagsabi si Arowana na ayaw niya munang makita ang mukha ni Purol kaya napilitan si Purol na umalis ng silid na iyon at magtungo na muna sa kanyang mga kaibigan na sina Ubay at Balang. Kapwa wala pa silang mga malay kaya't mas lalong bumigat ang kalooban ni Purol. Alam niya rin kasing may kasalanan siya kung bakit humantong sa ganito ang lahat. Naroon rin sa silid si Abiya na pinupunasan at nililinis ang mga sugat ng dalawang kaibigan ni Purol. Hindi man niya tungkulin ang gamutin at bantayan ang mga ito ay ginagawa niya pa rin sapagkat wala rin siyang ibang magawa. Ayaw niyang mapalapit sa Bakunawa, at wala rin siyang tiwala sa Handiwa na ito. "Kailan kaya sila magigising?" tanong ni Purol kay Abiya. "Nais kong humingi sa kanila ng tawad kapag sila ay nagkamalay na. Hindi dapat nila dinanas ang bagay na ito sa kanila. Kasalanan ko ito dahil dinamay ko sila sa gulong napasok ko." "Ngunit hindi mo naman yata sila pinilit na samahan ka, hindi ba?" ani Abiya na pinagagaan ang loob ng kanyang dating kasintahan. "Hindi. Ngunit inaako ko pa rin ang kasalanan sa nangyari sa kanila sapagkat tinulungan nila ako..." "Yun ay dahil tunay mo silang mga kaibigan, Purol. Huwag mo nang sisihin ang sarili mo. Nakatitiyak naman akong hindi ganyan ang iniisip nila." Napangiti doon si Purol dahil kahit paano'y gumaan ang kanyang loob. "Maiba tayo. Narinig ko ang naging alitan niyo ng Bakunawa sa kabilang silid. Mukhang hindi ka na niya nais pang makasama sa kanyang paglalakbay. Ano na ang balak mong gawin ngayon?" Matagal bago sumagot si Purol, dahil na rin sa isa itong bagay na pinag-iisipan niya pa rin hanggang ngayon. "Hindi ko alam. Ang nais ko na lang munang gawin ay magkausap pa kaming muli ng Mahal na Dian. Kailangan ko pang malaman kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan. Hindi ako maaring magpasya ng ako lamang." Napailing na lang si Abiya sa winika ng kanyang dating katipan. Nais niya man sanang magalit dito dahil mukhang nais pa rin nitong sumama sa Bakunawa kung magbabago ang isip ng huli at patatawarin nito si Purol. Kilala niya si Purol at madali lang namang mabasa ang nilalaman ng utak ng binata. At dahil doon ay nag-aalala siya para rito. "Purol... Alam mong mahirap nang mawala ang galit niya sa 'yo, 'di ba? Kaya kung ako sa 'yo, tuparin mo na lang ang pangako mo sa akin." Natigilan ulit si Purol, dahil ang tinutukoy ni Abiya ay ang pangako niyang siya ang papaslang sa Mahal na Dian. Ngunit pinangako niya lang naman yun dahil wala siyang ibang mapagpipilian. Wala naman talaga siyang balak na paslangin ang Mahal na Dian, at sa tingin niya ay batid din naman iyon ni Abiya. Akala nga ni Purol ay hindi na sila magkakasundo pa ni Abiya dahil sa alam naman nitong hindi niya magagawa kay Arowana ang nais ni Abiya na gawin niya rito, ngunit nagulat na lamang siya at pumayag ito at ginamot ang Bathalang kanyang kinamumuhian. At wari'y alam ni Abiya ang nilalaman ng kanyang isipan ngayon, nagsalita naman ang Catalona tungkol sa kanilang kasunduan. "Huwag kang mag-alala sa naging kasunduan natin. Nais kong tuparin mo pa rin ang ating naging kasunduan, ngunit hindi kita minamadali. Ang napagkasunduan lang naman natin ay papaslangin mo siya. Hindi naman natin sinabi kung kailan mo iyon isasakatuparan. Nasa sa iyo na iyon, Purol." "T-Talaga?" gulat na tugon ni Purol. Hindi kasi siya makapaniwala na hindi ngayon nagagalit si Abiya kahit na kakasabi lamang nito na hindi siya nito minamadali. Tumango si Abiya. "Alam ko naman ang kalagayan mo ngayon. Ayaw ko namang paslangin mo siya habang siya ay alejar mo pa. Ang sabi mo pa nga ay may kaakibat iyong sumpa, hindi ba? Kaya gawin mo muna ang kailangan mong gawin upang hindi ka madapuan ng sumpa kapag kailangan mo nang gawin ang bagay na yun." "Abiya..." "Sinasabi ko sa iyo ang mga bagay na ito Purol sapagkat batid ko na hindi magtatagal ay mapupunong muli sa iyo ang Bakunawa. Isa pa rin siyang Bathala, at isa siya sa pinakamalupit na Bathala sa buong sansinukob. Kaya't tama naman yata kung sasabihin kong doon din kayo papunta. Kaya pakiusap Purol, iligtas mo ang iyong sarili habang nasa iyo pa ang pagkakataon." Tumango na lamang si Purol sa mungkahi ni Abiya. Alam niya namang nais lamang ng kanyang dating kasintahan na siya ay maging ligtas, ngunit ayaw niya rin namang pagtaksilang muli ang Mahal na Dian. Kapag ginawa niya kasi iyon ay pinatunayan niya lang sa kanya na isa nga siyang taksil na hindi maaring pagkatiwalaan. Nais ni Purol na bumalik ang tiwala sa kanya ng Bathala ng Karagatan. "Purol, lumabas ka muna. Nais kitang makausap. Tungkol ito sa pook kung saan dadaong ang caragoda ko," ani Handiwa mula sa labas ng silid, kaya lumabas naman kaagad si Purol upang makausap ito. Naabutan niya ang dalaga na nakadungaw sa labas ng caragoda, at doon lamang napansin ni Purol na tila pababa na ang sasakyang panghimpapawid na ito na mistulang ibon na lumipad sa langit. "Nasaan na tayo? Tama ba ang dinig ko? Dadaong na tayo?" Tumango naman sa kanya si Handiwa. "Nakarating na tayo sa ating patutunguhan. Malapit na tayo sa Kamyas." "Kamyas?" "Oo, Purol. Isa itong bayan na tulad ng Talisay ay nasa Daang Bathala. Saktong-sakto nga na dito tayo pumunta, sapagkat may kilala ako rito na maaring mag-alis ng pagiging alejar ng Bakunawa." "Talaga? Sino ang taong ito?" "Ang ngalan niya ay Balisong. Isa siyang panday at mambabarang," sagot naman ni Handiwa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD