[Mungkahi-- suggestion]
***
Pagkabagsak na pagkabagsak nila sa tubig ay agad na nagpalit ng anyo si Arowana. Ito ang nagiging wangis niya kapag siya ay nasa ilalim ng tubig, ang kanyang anyong kataw. Ang kanyang balat ay tinutubuan ng kaliskis; ang kanyang buhok ay kumikinang kahit na sa ilalim ng tubig, at ang kanyang kamay at paa ay nagkakaroon ng mga palikpik. Animo'y kaisa siya ng karagatan noon pa man, at kanya ang tubig na kanyang sinusuong sapagkat siya ang mala-alamat na Bakunawa. Ang Bathala ng Karagatan.
Magkahawak-kamay sila ngayon ni Durao, at ramdam ni Arowana ang dumadaloy na kapangyarihan sa katawan ng kanyang kasama. Ramdam niya ang pagpintig ng kamay nito, na para bang yari sa kidlat ang balat nito. May kaunting pinaghalong kirot at kiliti siyang nararamdaman habang hawak niya ang kamay ni Durao at hindi niya ito maipaliwanag. Marahil ay dahil sa ito ang Bathala ng Kulog at Kidlat kaya't sadyang dumadaloy sa balat at maging sa buong katawan nito ang buhay na kidlat. Lumangoy sila papalayo sa caragoda ng Miar na siyang panginoon ni Durao Liliente. Umahon lamang sila nang makakita si Arowana ng isang malaking batong nakausli sa dagat. Doon niya naisipang kausapin si Durao dahil alam niyang may kalayuan na ito sa caragoda na kanilang tinakasan. Sa kanyang pag-ahon ay nagbalik siya sa kanyang tunay na wangis. Binitawan na rin niya ang kamay ng kapwa Bathala.
Habol-habol naman ni Durao ang kaniyang hininga. Mukhang hindi kasi ito sanay na lumangoy sa tubig nang ganoon katagal. "Sabihin mo na ang nais mong sabihin sapagkat hahanapin na ako ng Miar. Dalian natin ang ating pag-uusap," aniya. May pagmamadali sa tinig nito kung kaya't alam ni Arowana na babalik pa rin ito sa Miar pagkatapos nitong makipag-usap sa kanya. Nais sana ni Arowana na yayain itong sumama sa kanya, ngunit ngayon pa lamang ay nagpahiwatig na si Durao na wala itong balak na siya ay daluhan sa kung saan mang lupalop nito nais magpunta. "Batid kong may nais kang malaman sa akin, Bakunawa. Tama ba ang aking hinuha?"
Tumango naman si Arowana. "Siyang tunay. Ako ay hindi nakatulog sa kaiisip kung paano ka malalapitan nang hindi nalalaman ng iyong almajo."
"Kay lakas talaga ng iyong loob. Hindi ka man lang nasindak sa naganap kagabi nang unang pagkakataon na tayo ay nagkaharap?"
Umiling doon si Arowana. "Mas lalo lamang akong nagkaroon ng pagnanais na makausap ka. At bakit ka pa ba babalik sa Miar na iyon kung ginagawa ka lamang niyang alipin? Maaari ka namang hindi na bumalik sa iyong almajo. Sumama ka na lamang sa amin," pag-anyaya nito sa kapwa Bathala.
Umiling agad si Durao sa mungkahi. "Ako ay kanyang alejar. Hindi ako makakatakas sa kanya."
"Ano ang ibig mong sabihin?" tanong ni Arowana dito. "Nakaalis ka na mula sa kanya. Narito ka na. Maari ka ng hindi bumalik roon sa kanyang caragoda!"
Kumunot naman ang noo ni Durao sa kanya, wari'y hindi makapaniwalang hindi alam ni Arowana kung ano ang tinutukoy niya. "Hindi mo ba alam ang tungkol sa pagiging alejar ko?"
"Ang aking alam lamang ay maaaring mahuli at bihagin ang mga tulad natin, na tinatawag na alejar. Ginagawa rin ito sa mga pangkaraniwang tao. Ang nakahuli naman sa isang alejar ay tinatawag na almajo. Ngunit hindi ko talaga batid kung paano iyon nangyayari sa mga tulad natin..." pag-amin ni Arowana. Ang totoo niyan, bumabagabag rin sa kaisipan ni Arowana ang bagay na ito. Paano nga ba nagagapi ang mga tulad nilang makapangyarihan ng mga tulad lamang ng Miar na yun na di hamak namang mas mahina kaysa sa kanila ni Durao?
"Kung ganun, hindi mo pala alam na nanganganib ka," ani Durao sa kanya. "Makinig ka sa aking wiwikain, Bakunawa. Tayo ay makapangyarihan ngunit tayo rin ay may mga kahinaan. Nabibilang lamang sa ating mga daliri ang mga paraan upang ang isang Bathalang tulad natin ay magapi sa isang labanan, at isa sa mga paraang iyon ang ginagamit ng aking almajo. Ito ay ang dagta ng halamang kung tawagin ay kansuray. Sa tapang ng taglay na lason ng halamang ito ay kahit ang mga tulad natin ay nanghihina rito. Iyon ang ginamit sa akin ng Panginoong Laim. Ang palaso na kanyang ginamit laban sa akin noo'y may dagta ng kansuray. Ako'y nanghina nang tamaan ako ng palaso na may lason ng kansuray at nagawa niyang makakuha ng aking buhok."
Kumunot ang noo roon ni Arowana. "Ano naman ang kinalaman ng buhok mo sa nakalalasong dagta ng halaman na tinutukoy mo?"
Napailing na lamang si Durao sapagkat hindi niya inakalang ganito kawalang alam ang kausap niyang Bathala na kilala pa man din bilang isang mapanganib na nilalang sa karagatan. "Marahil ay alam mo na kung ano ang mangyayari kapag may makaputol ng ating buhok?"
Nang umiling si Arowana ay halos matawa na si Durao. Hindi siya makapaniwalang wala nga talagang alam ang kaharap niyang Bathala tungkol dito. Napapaisip pa nga siya kung paanong hanggang ngayon ay wala pang nakakahuli sa Bakunawa kung hindi nito batid kung ano ang maaring magpahina sa kanya.
"Kung ganoon ay dapat alam mo ito, Bakunawa. Sa oras na may makaputol ng iyong buhok sa pamamaraang labag sa iyong kalooban, ito ang magiging mitsa sa iyong pagiging alejar ng sinumang makakagawa nito sa iyo. Magiging katulad na kita na sunod-sunuran sa kahit ano mang iutos sa akin. Dahil kapag ako'y sumuway, mauupos at unti-unting maglalaho ang buhok na nakuha nila sa akin. At kapag nangyari iyon, ako'y maglalaho na parang bula."
Napatigagal si Arowana sa kanyang narinig at natuklasan. Hindi niya alam na ganoon pala kalupit ang maaari niyang sapitin kapag nagkataon. Alam niyang marami na ang naghahangad na mahuli siya. Na marami ang nais siyang mapasakamay. Ngunit hindi niya batid na napakadali pala nitong gawin, kung tutuusin. Pasalamat pala siya't wala pa siyang nakakaharap na kaya siyang gawing alipin nito!
"Naiintindihan mo na ba, Bakunawa? Ayaw kong maglaho. Kaya sabihin mo na ang nais mong sabihin sa akin," anas ni Durao sa kanya. Doon na nagsimulang kabahan si Arowana. Kinakabahan kasi siya sa maaaring isagot ng kausap niyang Bathala. Hindi niya man lang pala napaghandaan ang pag-uusap nilang ito. Sana pala ay nag-isip siya kung paano tatanungin si Durao.
"Dalian mo Bakunawa---"
"Huwag mo akong tawagin sa bansag na iyan. May pangalan ako."
"Ano?"
"Arowana," kinakabahang sagot naman niya. "Iyan ang aking ngalan. W-Wala ka bang kakilala sa ganoong pangalan?"
"Wala," payak na sagot ni Durao na nagpabilis ng t***k ng puso ni Arowana.
"Ano? Ibig sabihin, hindi mo ako nakikilala? O natatandaan?"
"Hindi. Paumanhin, ngunit hindi kita matandaan. Ngunit hindi ka na dapat magulat, dahil lahat naman tayo ay ganito, hindi ba?"
"Ano'ng ibig mong sabihin, Durao?"
"Sa aking pagkakaalam, lahat tayo'y walang naaalala sa ating nakaraan. Lahat tayong mga Bathala ay hindi natin matandaan ang mga bagay na dapat ay alam natin patungkol sa ating mga nakaraan..."
Gustong magpapadyak ni Arowana sa galit sa naging sagot ni Durao, ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Marami pa kasi siyang nais itanong dito. "Ibig sabihin, hindi mo rin matandaan kung sino ka? At kung ano ka noon? Hindi mo batid kung ano ang nangyari sa atin at kung bakit tayo napunta sa ganitong kinalalagyan na pakalat-kalat kung saan-saan?"
Umiling pa rin si Durao. "Wala rin akong matandaang mahalagang bagay tungkol sa aking nakaraan. Tulad mo, pagala-gala lang ako noon bago ako mahuli ng Panginoong Laim."
"G-Ganoon ba? Wala ka ba talagang maalala? Halimbawa, kung may...may asawa ka ba noon?"
Umiling ulit si Durao, at parang gusto nang magsisigaw ni Arowana sa inis. Hindi kasi ganito ang kanyang inaasahan. Akala niya talaga ay si Durao na ang kaniyang nawawalang asawa. "Wala akong maalala. Ang tanging naaalala ko ay sa isang paniginip, kung saan ako raw ay may iniirog na Bathala..."
Natigilan saglit si Arowana sa kanyang narinig. "Iniirog? Kung ganun, may asawa ka?"
"Hindi ko alam. Hindi ko masabi kung siya ba'y aking asawa o hindi. Kahit nga ang kanyang mukha ay hindi ko matandaan. Ang naaalala ko lamang ay siya'y nagsasayaw sa hangin..."
"Sa hangin?"
"Oo. Kasabay ng mga ulap at bahaghari..." ani Durao na nakatingin na rin sa kawalan. "Ngunit sa panaginip kong iyon, ramdam kong siya'y aking sinisinta."
"Durao... tulad mo, naaalala ko ring ako'y may asawa..." banggit ni Arowana. "Paano kung...kung ikaw iyon? At ako rin ang tinutukoy mong iniirog mo?" Natahimik silang dalawa sa tinuran niya. Wari'y kapwa sinusukat ang maaaring sagot sa kanilang mga katanungan.
"Ano, Durao? Ano ang sa iyong palagay?"
Matagal siyang tinitigan ni Durao bago ito umiling. "Hindi ko alam. Nakakapagsayaw ka ba sa hangin at sa bahaghari?"
Hindi naman makasagot si Arowana. Ang totoo, hindi niya alam. Hindi niya pa kasi iyon nasusubukan. Hindi naman niya iyon naiisipang gawin. Naging abala siya sa paglalakbay... Hindi niya pa nagagawa ang ganoon. Ngunit maaari niya namang subukan, hindi ba?
"Kung ganun, hindi ikaw iyon, Arowana."
"Ngunit hindi ka rin nakasisiguro," sagot naman niya. "May nakasalamuha ka na bang ibang babaeng Bathala? Paano kung ako lang pala ang babaeng Bathala?"
Hindi na napigilan ni Durao ang kanyang sarili. Natawa na siya sa kanyang kausap. "Hindi ko pa sila nakakasalamuha, ngunit alam kong may iba pang tulad mong babaeng Bathala."
"Kung ganun, nasaan sila?"
"Hindi ko alam. Ang alam ko, naisin ko mang hanapin sila isa-isa, hindi ko ito magagawa dahil ako'y isa na ngang alejar." Tumango doon si Arowana. Batid niya kasing nasa isang mahirap na kalagayan ang kanyang kausap.
"Wala na bang paraan upang makalaya ka mula sa iyong pagkakabihag?" tanong pa ni Arowana rito. "Kung nais mo, tutulungan kita. Sabihin mo lang kung paano..."
Nangiti sa kanya si Durao na umiiling-iling. "Bakit mo naman ako nais tulungan? Kung tutuusin, ako ay iyong kaaway. Nais ka ring makuha ng aking Panginoon."
"Dahil katulad kita," sagot naman ni Arowana. "Sino pa ba ang magtutulungan kung hindi tayo-tayo rin? Ayaw mo bang lumaya mula sa iyong almajo, Durao?"
"Sino bang may ayaw sa kalayaan?" ganting tanong naman nito sa kanya. "Ngunit mahirap ang iyong nais maganap. Upang makawala ako sa aking almajo, kailangan niya akong palayain nang kusa..."