Kabanata 12

1944 Words
[Agam-agam-- hesitation, doubt] Bakas na sa mukha ni Arowana ang pagkagulat nang marinig ang tungkol sa Catalona. Pakiramdam niya nga ay ito na talaga ang kasagutan sa kanyang mga katanungan na matagal na niyang hinahanap. Napahanga rin siya na naisip ito ni Purol sapagkat oo nga naman, kung may nilalang man sa buong sansinukob ang maaring may kaalaman tungkol sa nilalang na kasalamuha niya sa paanan ng puno ng Zulatre, isang Catalona na marahil iyon. "Purol, sa tingin mo ba ay may kasagutan ang mga Catalona tungkol sa ating nasaksihan doon sa paanan ng Zulatre?" Tumango sa kanya si Purol. "Ang mga Catalona'y maalam sa ilang uri ng dunong lalo na kung ang mga ito ay patungkol sa mga anito o higit pa. Bukod dito'y sinasabing kinalulugdan sila ng mga Bathala, kaya maaari nilang samuhin ang mga ilan sa mga ito at magtanong tungkol sa nakaraan niyo ni Durao." Parang hindi pa naniniwala si Arowana sa kanyang naririnig. "Totoo ba yan? Kaya nilang sumamo ng mga Bathala?" "Ganun na nga, Mahal na Dian. May mga dasal sila na nagpapasamo sa ilang mga Bathala." "Ganoon lang kadali? Natatawag nila ang ilang Bathala sa ganoong paraan lamang?" "Iyon ang aking naririnig. May mga Bathala umanong gumagabay at nakikisalamuha sa kanila. Iyon nga lang, hindi ko alam kung gaano ito katotoo." Napasinghap na roon si Arowana. Hindi kasi siya makapaniwala na may alam naman palang ganito si Purol ngunit hindi ito sinabi ng huli sa kanya. Kung ano-ano pa tuloy ang nais niyang gawin gayong mayroon naman palang mas mabisang paraan upang makakuha siya ng kaalaman na kailangan niya, at yun ang mga Catalona! "Purol, kailangan ko silang makausap. Ang sabi mo ay naninirahan sila sa isang bayan. Talisay kamo? Doon ba sila naninirahan?" "Opo, Mahal na Dian," sagot naman ni Purol. "Ngunit kahit saang bayan naman ay may mga Catalona. Iyon nga lang, sa Talisay sila nag-aaral at nagsasanay upang maging isang ganap na Catalona, kaya't karamihan sa kanila ay naroon." Napatayo sa galak si Arowana, at hindi na niya napigilan ang kanyang sarili. Kanyang nayakap sa saya si Purol, na siyang ikinabigla naman ng huli. Namutla at nanigas sa kanyang kinauupuan si Purol dahil sa biglaang pagyakap sa kanya ni Arowana, na tila nawalan na rin ng tinig. Ngayon lang kasi niya nahawakan ang Bathala. Kahit naman kasi magkasama sila nitong mga nakaraang araw ay hindi naman ito lumalapit sa kanya. Laging may puwang sa kanilang pagitan, tanda na rin na ang dalaga ay isang Bathala na hindi basta-bastang nagpapahawak sa isang pangkaraniwang nilalang.  Gulat na gulat siya sa ginawa ng Bathala, at nang magkatinginan sila ay doon lamang napagtanto ni Arowana kung ano ang kanyang nagawa. Dali-dali siyang lumayo kay Purol at bumalik kung saan siya nakaupo. "Paumanhin kung nabigla kita..." ani Arowana na hindi makatingin kay Purol. "Nagalak lamang ako sa iyong isiniwalat." Pulang-pula naman ang mga pisngi ni Purol. "A-Ayos lang... Mahal na D-Dian..." Tumikhim si Arowana. "Ngunit nagsasabi ka naman ng totoo, hindi ba? Na maari nating kausapin ang isang Catalona sa bayan ng Talisay." "Tama po kayo." "Kung gayon, magtungo tayo roon kaagad. Nais ko nang maliwanagan sa aking mga nasaksihan." "Yun din po ang nais ko, Mahal na Dian. Iyon nga lang, mahabang paglalakbay ang gagawin natin lalo pa't nasa Daang Bathala rin ang bayang iyon." "Sarinawa! Ibig mo bang sabihin ay may Zulatre rin doon?" "Ganoon na nga po, Mahal na Dian. Nakarating na po ako roon ng ako ay bata pa at natatandaan ko ang tungkol sa puno ng Zulatre na nakatayo sa gitna ng kanilang bayan. Makasaysayan ang bayan ng Talisay, Mahal na Dian kung kaya't naroon ang mga Catalona." "Makasaysayan? Sa paanong paraan naman ito makasaysayan?" Napailing na lamang si Purol dahil hindi rin siya nakatitiyak kung totoo nga ba ang alam niyang sagot sa tanong ni Arowana. "Ang alam ko po ay may isang makapangyarihang Bathala ang noo'y nakatira sa bayan ng Talisay. Iyan ay ayon na rin sa mga Catalona." "Tila marami kang alam tungkol sa mga Catalona. May kakilala ka bang isa sa kanila?" Pinamulahan naman ng kanyang pisngi si Purol dahil sa tinuran ni Arowana. "G-Ganoon na nga po, M-Mahal na Dian," sagot na lamang ni Purol na halatang ayaw niya sa napag-uusapan nila. "Titingnan ko na muna sina Ubay at Balang..." aniya at umalis na siya at lumabas ng silid ng caracoa kung saan sila nag-usap ng dalagang Bathala. Nagtungo si Purol sa labas malapit sa dulo ng caracoa kung saan nakatambay ang dalawa niyang kaibigang sina Ubay at Balang. Kinuwento niya sa dalawa ang tungkol sa nagpa-usapan nila ni Arowana at mabuti na lang at nagpasya ang dalawa na ihatid sina Purol at Arowana sa bayan ng Talisay. Mas mainam naman ito para kay Purol dahil hindi na siya mahihirapang magsagwan nang mag-isa. Mapagkakatiwalaan niya naman ang mga kababata niya dahil noon pa man ay mga kasama na niya ang mga ito sa tuwing maglalakbay siya. "Talaga bang sasama ka sa Bathala patungo sa Hiraya, Purol?" nag-aalalang tanong sa kanya ni Ubay nang makalapit siya sa mga ito. Nagpapahinga sila ngayon sa pagsagwan. Mabilis naman kasi ang pag-usad ng kanilang caracoa sa ilog dahil na rin sa tulong ng hanging umiihip sa mga layag nito. Kanina pa nga nila napapansin ang kakaibang pag-ihip ng hangin na animo'y nagtutulak sa sasakyan nila papasok sa Daang Bathala. "Sa Talisay muna kamimagtutungo," sagot niya sa tanong ng kaibigan. "At kapag mahanap naman ng Mahal na Dian ang kanyang pakay roon, hindi na namin kailangan pang magtungo ng Hiraya," sagot ni Purol sa matalik na kaibigan. "Alam ko kung bakit kayo nag-aalala. Ako ma'y may agam-agam sa paglalakbay naming ito. Ngunit ngayong malaya na ako mula kina Kuhol, wala naman na akong ibang gagawin. Saka pakiramdam ko ay ito ang tama kong gawin. Kahit na mas maraming naghihintay na panganib sa Daang Bathala, hindi na ako maaring umatras pa. Nais ko ring malaman kung talaga nga bang may nilalang na maaring makarating sa maalamat na pook na kung tawagin ay Hiraya." "Iyan ay kung makakarating ka nga ba roon, Purol," sagot naman ni Balang. "Hindi nga ba't ang pook na iyon ay sinasabing ang pinagmulan ng mga Bathala? Talaga bang makakarating doon ang katulad nating mga tao lamang?" "Hindi natin malalaman ang sagot diyan kung walang susubok," sagot naman ni Purol. "At hindi ko pa naman iniisip ang bagay na iyan. Gaya nga ng sabi ko, balak ng Mahal na Dian na makipag-usap sa mga Catalona. Baka doon pa lamang ay makuha na niya ang sagot na ninananis niya," dagdag pa niya. Ipinaliwanag na rin niya kung ano ang nais malaman ni Arowana mula sa mga Catalona. Ngunit napansin ni Purol na nakakunot ang noo ng kanyang mga kaibigan. "Bakit kayo ganyan makatingin?" Sumilay ang ngisi sa mukha ni Ubay. "Malayo ang Talisay, Purol." "Ngunit nasa Daang Bathala rin naman ito," tugon niya. "Doon din naman talaga ang daang tinatahak natin." Tumango-tango naman si Ubay. "Ngunit marami namang ibang Catalona... Talagang iyong sa Talisay pa ang nais mong puntahan." Nagkatinginan ang dalawa na tumawa pa. Napakamot na lang tuloy sa batok niya si Purol. "Mali kayo ng iniisip." Ngunit parang ayaw maniwala ng kanyang dalawang kaibigan, kaya't maski siya ay napapailing na lamang. "Nga pala, huwag na tayong dumaan pa sa bahay. Magtungo na tayo agad ng Talisay nang makabalik din kayo agad. Alam ko na abala kayo sa mga gawain niyo." Sumang-ayon naman sina Ubay at Balang. Nagsagwan na sila patungo sa malaking ilog na siyang daan patungo sa Talisay. Halos wala ngang tulog ang tatlo dahil nagpapalitan sila sa pagbabantay sa caracoa, at pagsapit ng tanghali kinabukasan ay nangangalahati na sila sa kanilang paglalakbay patungo sa bayan ng Talisay. Katulad ng Batuk-Ao, ang Talisay ay isang bayan na nasa gilid ng ilog na siyang kanilang binabaybay sa kasalukuyan. Ngunit hindi tulad ng bayang kinalakihan nina Purol, ang Talisay ay higit na mas malaking bayan. Mayaman ito at sagana sa pagkain. Makapangyarihan din ang mga mamamayan dito dahil maraming mga Miar dito na tulad ni Pinunong Laim. Naglipana rin ang samu't-saring mga tao na may matataas na katungkulan dito. Kabilang din ang bayang ito sa Ariaga Vora, na isang samahan ng mga bayan at kaharian sa buong mundo. Ang samahang ito ng mga bayan ay ang itinituring na pamahalaan ng buong mundo sapagkat ang pinuno rito ay ang Lakan. Hindi nga lamang kasama ang Batuk-Ao dito dahil sa bahid nito ng karahasan, dahil na rin sa mga naninirahang mga Mangangayaw. "Kung makakalapit lang sana tayo sa Lakan," ani Balang habang nagkukwentuhan sila sa kanilang pananghalian. Inabutan na kasi sila ng panibagong araw sa ilog "Maaari rin natin siyang matanong tungkol sa mga katanungan mo, Mahal na Dian. Ang sabi nila'y maraming nalalaman ang Lakan, lalo na kung kasaysayan ang pag-uusapan. Sa tingin ko nga'y batid niya ang mga kaganapan sa inyong mga Bathala." Umiling lang si Arowana. "Ayokong magtiwala sa sino man sa kanila. Hindi lingid sa aking kaalaman na sila'y mapang-abuso, iyang Ariaga Vora na iyan. Naririnig ko nga na may mga bayang ipinasunog ang Ariaga Vora dahil hindi na ito nakakapagbayad ng buwis sa kanila." "Tumpak, Mahal na Dian. At hindi rin naman tayo basta-bastang makakalapit sa Lakan lalo pa at mula kami sa Batuk-Ao. Huhulihin muna nila kami bago nila kami papasukin ng kanilang balangay." "At lalo naman ako," dugtong ni Arowana sa sinabi ni Purol. "Sa sandaling matuklasan nila kung sino ako, nakatitiyak akong gagawin nila akong isang alejar." Sang-ayon doon si Purol. Talagang hindi sila maaaring makita ng kung sino mang may mataas na katungkulan sa Ariga Vora, o kahit ng isang Miar lamang sapagkat nakatitiyak siyang lahat ng mga nabanggit niya ay magkakaroon ng kagustuhan na mapasakamay nila ang Bathala ng Karagatan na mas kilala sa bansag na Bakunawa. Kaya naman nais ni Purol na mas lalong maging mapagmatyag sa nagaganap sa kanilang paligid habang sila ay naglalakbay dahil hindi nila alam kung kailan lalapit ang panganib. Pagkatapos ng kanilang pananghalian ay bumalik sa pagmumuni-muni si Arowana. Hindi pa rin kasi siya mapalagay sa naging pag-uusap nila ni Durao. Iniisip niya ang mga ibinunyag nito sa kaniya. Na silang dalawa ay tila hindi maapuhap ang kanilang nakaraan. Ni hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila bago ang pagliliwaliw nila. Sino ba siya noon? Sino ba siya bago ang sinasabing Riaga Zul, o ang panahon ng mga Bathala? Ano ba ang ginagawa niya noon? At paano ba siya nagkaroon ng asawa? May mga magulang din ba siya o pamilya? Kay rami ng mga katanungan sa kanyang isip na wala siyang maisagot. At umaasa siyang ang Catalona na pupuntahan nila ay makakatulong nga sa kaniya. Dahil kung hindi, hindi na niya alam ang gagawin. Ayon kay Purol, ang isang Catalona ay isang babaeng may mataas na katungkulan na nagagawang makipag-usap sa mga kaluluwa at mga anito--- mga kaluluwa ng kalipaligiran, tulad ng mga diwata. May kakayahan din sang mga Catalona na manggamot at magbigkas ng mga sumpa. Ngunit ayon pa kay Purol ay bihira silang makita dahil kadalasan ay nagkukubli sila. Ngunit hindi maitatanggi na maaari ngang may kaalaman sila patungkol sa kanilang mga Bathala. Kaya't umaasa talaga si Arowana na masasagot ng mga Catalona ang mga katanungang gumugulo sa kaniyang isipan. "Mahal na Dian, natatanaw ko na ang bayan ng Talisay," balita sa kanya ni Purol na nakaturo sa harap ng kanilang caracoa. Kaya naman lumapit siya sa harapan ng kanilang sasakyan at tiningnan ang bayang kanilang pupuntahan. Nang makita niya ang isang bagay doon, agad siyang napasinghap nang malakas. Dahil naaalala niya ang pook na ito. "Purol," tawag niya sa kanyang kasama. "Dito kami nagkita noon ng aking asawa! Natatandaan ko! Natatandaan ko!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD