[Silakbo- emotional outburst]
***
May kakaibang sigla at kaba ngayon sa dibdib ni Arowana. Ngayon lang niya ito naramdaman, at sa kanyang palagay ay may kinalaman dito ang bayan ng Talisay na ngayo'y nasa kanyang harapan. Tila lumulundag ang kanyang puso sa galak na kanyang nararamdaman habang papadaong sila sa bayan.
Malaki ang Talisay at matao. Napapalibutan ito nang matatayog na mga pader, at sa bukana nito ay ang matayog na Zulatre. Ito talaga ang nagpabilis ng t***k ng puso ni Arowana nang makita niya ito sa gitna ng bayan dahil bigla siyang may kakaibang naramdaman nang masilayan niya ito. Para bang alam na niyang naroon ang dambuhalang puno bago pa man niya marating ang bayang ito, na tila ba naghihintay lamang ito sa kanyang pagdating.
"Nakatitiyak ka ba, Mahal na Dian?" tanong naman agad ni Purol sa kanya. "Natatandaan mo ang Talisay?"
"Oo. Nakatitiyak akong nakarating na ako doon!" Sa totoo lang ay hindi tiyak ni Arowana kung nakarating na nga ba siya sa pook na ito dahil paano kung natatandaan niya lamang ito dahil napanaginipan niya ito? Maaaring ganoon ang nangyari, ngunit hindi na niya kayang bawiin ang kanyang mga sinabi na dulot na rin sa biglaang silakbo ng kanyang damdamin. Batid niya kasi sa kaibuturan ng kanyang diwa na may mahalaga siyang ugnayan sa pook na ito. At iyon ang kanyang aalamin.
"Hindi naman iyon nakapagtataka," sabi naman ni Ubay at napatingin ang lahat sa kanya. "Isa po kayong Bathala, Mahal na Dian. At ang bayang ito ay nasa Daang Bathala. Kung totoo ang mga alamat tungkol sa matayog na Zulatre, maaari ngang dati'y nanirahan na kayo rito."
Napatango si Arowana sa kanyang narinig. At nagpalakas pa ito lalo ng loob niya. "Marahil nga. At kung dito nga ako nanirahan doon, ibig sabihin ay dito rin nanirahan noon ang aking asawa. Dito kami namalagi noon."
Napailing si Purol doon sa kanyang narinig. Nais niya sanang sumalungat sa sinasabi ng Bathala ngunit ayaw na niya itong galitin. Alam niyang nabuhayan lang ito ng loob ng may bigla itong matandaan dito. Kaya't iba na lamang ang kanyang sinabi. "Kung may natatandaan ka nga, Mahal na Dian, maaaring mas marami ka pang matandaan sa pook na ito. May kalakihan ang Talisay. Ano'ng malay natin at baka nga may madagdag pa sa iyong nalalaman."
"Tama ka. Kailangan kong libutin ang pook na ito, Purol. Samahan mo ako."
Akala ni Arowana ay agad na papayag si Purol sa kanyang alok ngunit muli itong umiling. "Paumanhin Mahal na Dian ngunit gaya ng ating napagkasunduan ay kailangan kong magtungo sa kakilala kong Catalona. Maaari rin kasing may alam siya tungkol sa inyong mga Bathala. Ayokong palampasin ang pagkakataon na iyon."
"Kung sa bagay. Mukhang maghihiwalay muna tayo habang hindi mo pa nahahanap ang Catalona na iyong kakilala."
"Ganoon na nga po, Mahal na Dian. Narito naman sina Ubay at Balang. Magpasama na lamang kayo sa isa sa kanila."
Nais sanang magalit ni Arowana sapagkat lantaran na siyang sinusuway ng kanyang tagasunod, ngunit naisip niya rin agad na makabubuti rin para sa kanya ang nais gawin ni Purol. Oo nga naman, mas mainam na gawin nila ang napag-usapan. Sapagka't wala namang katiyakan na may makukuha nga siya sa kanyang magiging paglilibot. Tama ang naisip ni Purol. Hindi rin kasi sila maaring magtagal sa bayang io dahil nakatitiyak si Arowana na marami ang susubok na mahuli siya kapag siya ay nakilala ng mga ito. At dahil dito, napahanga na naman siya ng binatang Mangangayaw.
"Balang, ikaw na lang ang sumama sa Mahal na Dian. Magpanggap kayong magkapatid na naghahanap ng matutuluyan. Kami naman ni Ubay ang magtutungo sa Catalona," ani Purol. "Magkita-kita na lang tayo rito sa may Zulatre bago lumubog ang sikat ng araw kung hindi natin agad magawa ang mga bagay na kailangan nating gawin."
Masama ang tingin ni Arowana kay Purol, ngunit hindi na siya nagsalita. Naiinis siya na pinangungunahan siya nito, ngunit hindi naman niya ito masalungat sapagkat mainam ang mga sinasabi nito. Inisip na lamang niya ang magandang pagkakataon na naghihintay sa kanya. Ang pagkakataong maalala na rin niya sa wakas ang kanyang asawa.
***
Tahimik lang sina Purol at Ubay habang naglalakad sila sa gitna ng pamilihan. Naidaong na nila ang kanilang caracoa at nakaalis na sina Arowana at Balang na maglilibot sa bayan. Sila namang dalawa ay patungo na sa Iraya, ang pook kung saan naninirahan ang kanilang pakay. Nasa labas ito ng Talisay kung kaya't maglalakad pa sila.
"Sa tingin mo ba Purol ay may maaalala nga talaga ang Bathalang Arowana dito sa Talisay?" usisa sa kanya ni Ubay habang papaakyat sila ng mga batong hagdan na maglalabas sa kanila mula sa pamilihan na puno ng mga tao, kalakal, at ilang Miar na kanilang pinangilagan.
"Hindi ko alam."
"Sana'y may maalala nga siya," bulalas ng kasama ni Purol. Wala itong alam sa nararamdaman ngayon ni Purol, na tila nag-iisip kung tama ba ang ginawa nilang maghiwa-hiwalay.
"Oo sana nga," dagdag din ni Purol. "Ngunit hindi ko rin maiwasang mangamba."
Kumunot ang noo ni Ubay sa kanya. "Bakit ka naman nangangamba para sa kanya? Isa siyang Bathala, Purol. Kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya."
Nagkibit-balikat naman doon ang dating Mangangayaw. "Hindi ko rin masyadong maintindihan. Ngunit may nararamdaman akong pangamba sa pook na ito."
Natawa nang malakas doon si Ubay, at tinapik nito sa balikat ang kababata. "Mukhang alam ko na kung bakit ka nagkakaganyan, Purol. Nangangamba ka nga, ngunit hindi ito para sa Bathala. Nangangamba ka dahil magkikita na ulit kayo ni Abiya."
Napasimangot si Purol, ngunit hindi niya rin maikakaila sa sarili niya na tama ang kaibigan sa tinuran nito. Matagal-tagal na rin noong huli silang nagkadaupang-palad ng dalagang binanggit ni Ubay.
"Akalain mo nga naman ano, Purol?" may halong panunuksong tanong ni Ubay. "Noong una'y palusot lang natin upang makapasok tayo sa caragoda ng Miar na iyon ang tungkol sa Talisay at ang Catalonang narito. Ngayo'y narito na nga tayo sa Talisay at patungo na kay Abiya."
"Tumigil ka na nga, Ubay."
Ngunit mas lalo lang nanukso si Ubay, kasabay nang sunod-sunod na halakhak nito sa ilang na ipinapakita ni Purol. "Bakit, may nararamdaman ka pa rin ba para sa iyong dating kasintahan, Purol?"
Hindi mabasa ang mukha ni Purol habang naglalakad sila palayo sa mga kabahayan. "Kay tagal na nun, Ubay."
"Hindi naman masamang aminin kung may pagtatangi ka pa rin kay Abiya," ani Ubay sa kanya. "Dahil kung ako ang tatanungin mo, sa aking palagay ay mahalaga ka pa rin naman para kay Abiya. Batid mo namang kung hindi siya naging isang Catalona ay maaaring asawa mo na siya ngayon."
Hindi nakasagot si Purol. May bigla kasi siyang naalala, at animo'y may nagising na silakbo ngayon sa kanyang puso na matagal-tagal na ring nahihimbing. Sapagkat tama si Ubay sa winika nito. Kung hindi lang naging isang Catalona ang kanyang dating kasintahan ay baka nga ay mag-asawa na sila nito ngayon. Baka nga nakabuo na rin siya ng kanyang sariling pamilya, at hindi na siya naging isang Mangangayaw upang makalimot sa kanyang masakit na sinapit sa nakaraan nila ni Abiya. Isa iyon sa mga bagay sa buhay ni Purol na ayaw na sana niyang balikan, ngunit ngayon nga ay papalapit na siya nang papalapit sa dati niyang kasintahan. Makikita niya na rin ang maamo nitong mukha.
Samantala, nagkahiwalay naman sina Balang at Arowana. Bilang Bathalang may mataas na pagtingin sa kanyang sarili, hindi maatim ni Arowana na kasa-kasama niya ang isang mababang nilalang na tulad nitong si Balang. Pakiramdam niya kasi ay bumababa rin ang antas niya bilang isang mas makapangyarihang nilalang kapag ganitong nakikisalamuha siya nang mas madalas sa mga tao.
Kaya ang ginawa niya, palihim niyang iniwan si Balang ng hindi ito nakatingin. Naging abala ito sa kakatingin ng mga panindang pagkain kaya't nagkaroon ng pagkakataon si Arowana na pumuslit mula rito. Tinungo ni Arowana ang mga gusaling may mararangyang anyo sa pag-iisip na baka may maalala siya sa mga ito. Kung tama kasing dito nga siya noon nakatira, tama lang naman na isipin niyang isa sa mga malalaking gusali siya nakatira, 'di ba?
Tahimik siyang naglibot-libot habang nagpapanggap na isang manlalakbay. Kahit ayaw niyang sundin ang mga utos ni Purol ay tama ito. Mapanganib para sa kanya kung may makakakilala sa kanya dito sa Talisay. Lalo na't naglipana ang mga Miar sa bayang ito. Ayon kasi kay Purol, isa ang bayang ito sa mga pook na may masiglang kalakalan kaya hindi na nakapagtatakang may mga Miar nga rito. Mas lalong hindi magtataka si Arowana kung magtungo rin dito sina Pinunong Laim at Durao. Kaya kailangan niyang maging maingat.
Napahinto si Arowana nang mapansin niya ang bulwagan ng isa sa mga pinakamalaking gusali dito sa Talisay. Sa malapad at mataas na dingding kasi nito ay may mga nakaukit na dibuho. Nang una niya itong masilayan ay akala niya mga tao lamang ito, ngunit napansin niya ang isa sa mga babaeng nakaukit sa bato ay tila may pagkakahawig sa kanya. Nakatayo ito sa isang bangka na nasa laot. At nakatunghay naman ito sa tubig, kung saan may isang binatang lumalangoy at may hawak na bulaklak. Tila inaabot nito sa dalagang nasa bangka ang bulaklak.
Kinabahan agad si Arowana. Niliptan niya ang dingding at hinawakan ang mga nakaukit na bato. Animo'y mapipigti na ang kanyang hininga sa kanyang nakikita.
"Ang kwento nilang dalawa ang isa sa mga pinakamasakit na kwento ng pag-ibig na maririnig mo," saad ng isang tinig na nagmula sa kanyang likuran. Agad na napalingon dito si Arowana.
Isang matangkad na binata ang nakangiti sa harapan niya ngayon. Matipuno ang pangangatawan nito at maamo ang mukha. Nakasuot ito ng isang marangyang kasuotan at mukha itong may mataas na katungkulan. "S-Sino ka?" usisa agad ni Arowana rito.
"Ang pangalan ko'y Hasilum," sagot nitong nakangiti sa kanya. "Ako ang may-ari ng bahay na ito."
Nagulat si Arowana. "Ganun ba? Paumanhin kung nandito ako---"
"Ayos lang," malumanay nitong sagot. "Pinahihintulutan naman namin ang mga tagalabas na pagmasdan ang mga nililok sa dingding ng aming bahay. Sa katunayan, maraming dayo ang nagtutungo dito sa Talisay upang masilayan lang ang Riaga Zul Farran."
"Riaga Zul Farran?"
Tumango si Hasilum. "Ang ibig sabihin noon ay 'Pagtitipon ng mga Bathala sa kanilang Panahon.' Kaya makikita mong nasa iisang pook ang lahat ng mga Bathala sa dibuhong iyan."
Napatingin ulit si Arowana sa mga nakaukit sa dingding. Tama nga si Hasilum. Mukha ngang lahat ng mga nakaukit dito'y mga Bathala gaya niya. Ang dalagang nakasakay lang kasi sa maliit na bangka ang pinagtuunan niya ng pansin kanina. Ngunit ngayo'y pinagmasdan na niya ang lahat ng mga nakaukit. Hindi niya mabilang kung ilan silang naroroon sa dibuho, ngunit batid niyang mga kauri niya nga ang mga ito.
Mayroong Bathalang natutulog sa ilalim ng puno. Mayroon ding umaawit at umiindak habang napapalibutan ng mga hayop. Mayroon namang lumilipad at parang ibon sa kalangitan. At mayroon ding may hawak na sandata at akmang makikipaglaban. Nakita niya rin ang isang Bathalang may hawak na sibat na tila kidlat.
"Durao?" hindi mapigilang bulalas ni Arowana at itnuro nito ang nakita.
Tumango si Hasilum. "Ang Bathala ng Kidlat, si Durao Liliente. Isa sa pinakamababait na Bathalang kumampi sa mga tao."
"Kumampi?"
"Yun ang sabi ng aming mga ninuno. Nagkaroon daw noon ng digmaan sa pagitan ng mga tao at mga Bathala, at isa si Durao Liliente sa mga kumampi sa mga tao laban sa kapwa niya Bathala."
"Hindi ko alam yun..." tugon agad ni Arowana bago pa niya maisip kung ano ang nasabi niya.
Kumunot tuloy ang noo ni Hasilum sa kanya. "Marami nga ang hindi alam ang tungkol sa mga alamat na ito. Ngunit mas marami ang hindi nakakaalam na ilan sa mga Bathalang ito ay narito at naninirahan kasama natin."
Napalunok si Arowana. "Tulad nino?"
"Tulad ni Durao Liliente," ani Hasilum. "Ngayon ay isa na siyang alejar ng Miar na si Pinunong Laim. Dahil dito, yumaman ang Miar at isa sa mga Pinuno ng Daang Bathala."
"Kilala ko ang Miar na yun."
"Siya nga? Kung ganoon ay isa ka yatang Mangangalakal, binibini. Namimili ka ba sa Miar ng mga kalakal?"
"Oo..." sagot na lamang ni Arowana. "Ilang pagkakataon ko na ring nakadaupang palad ang Miar na iyon. Ito rin ang dahilan kung bakit ko kilala si Durao."
Tumango-tango si Hasilum. "Ganoon pala. Akala ko'y isa kang anak ng isang may antas sa lipunan. Mukha ka kasing nagmula sa isang marangyang pook."
"Hindi. I-Isa akong Mangangalakal," pagsisinungaling ni Arowana dito. "Nagulat lamang ako na nakaukit dito si Durao."
"Iyon nga ang nakakatuwa sa iyo, binibini," tugon ng binata sa kanya. "Hindi lahat ng tulad mo ay may ganiyang pagtingin sa mga alamat."
"Bumalik tayo doon sa Bathalang nasa bangka," sabi naman agad ni Arowana. "May sinabi ka kanina tungkol sa kanya at sa binatang nasa tubig."
"Ah, ang tinutukoy mo ay si Arowana, ang Bathala ng Karagatan."
Hindi na halos makahinga si Arowana sa naririnig niya. "At sino iyong lalaking may inaalay na bulaklak sa kanya."
"Iyon ang kanyang iniibig," sagot naman ni Hasilum.
***
Nang makarating sina Purol at Ubay sa Iraya, ang tahanan ng Catalona, isang dalagang sumasayaw sa saliw ng tugtugin na nagmumula sa mga kulintang ang kanilang naabutan. Nakatungtong ito sa isang patag na bato, at sa palibot nito ay nakaluhod ang mga katulad niyang Catalona na may hawak na mga sanga ng isang halaman. Umuusok ang dulo ng mga ito, at tila pinapaypay naman palayo ng dalaga sa tuktok ng bato ang usok na nagtutungo sa kanya.
Natigilan ang dalawang binata sa nakita. Nakatutok si Purol sa babaeng nasa bato. Nakasuot ito ng kulay pulang kasuotan na napapalamutian ng mga kabibe at perlas. May nakalagay na mga gintong palamuti sa kanyang buhok kaya nagmumukha siyang bulaklak na sumasayaw. Tumigil ito sa pagsasayaw at bigla na lamang itong nalaglag mula sa bato. Mabuti na lamang at nasalo siya ng mga kasamahan nito.
"Ano ang iyong dalang pangitain, mahal na anito?" tanong ng isa sa mga mas nakakatandang Catalona sa walang malay na dalaga.
Ikinagulat naman ni Purol nang magsalita ang dalagang nahulog kanina mula sa bato. "Narito na sa Talisay ang ating pinakahihintay," saad nito sa malamig na tinig na animo'y hindi sa kanya nanggaling.
"Ang Bathala?"
"Ang Bathalang puno't-dulo nitong lahat," sagot ulit ng nagsayaw na Catalona.
"Ano po ang aming gagawin?"
"Kailangan niyo siyang itaboy..."
Nagising bigla ang dalaga pagkatapos noon. Tumayo ito na tila walang nangyari. Nilibot ng kanyang pangingin ang kanyang paligid at doon niya nakita ang dalawang lalaki na naroon sa may tarangkahan. Nagtama ang kanilang mga paningin.
Kinabahan agad si Purol. Ngumiti siya kay Abiya at nakahinga siya nang maluwag nang ngitian din siya pabalik ng dating kasintahan. Nilapitan siya nito.
"Purol? Bakit ka naparito?" tanong nito at halos hindi na makahinga si Purol nang marinig nito ang tinig ng dalaga. Kanina kasi ay tila ibang tao ang nagsalita habang wala itong malay.
Si Ubay na ang nagsalita. "Ah, Abiya, may mahalagang pakay sa 'yo si Purol. Tungkol ito sa mga Bathala."
Nagtaka naman agad ang Catalona. "Bathala? Sinong Bathala?"
"Abiya, may kilala ka bang Bakunawa? Siya ang aming tinutukoy..." sagot ni Purol.
Tumango naman si Abiya. "Ang makasalanang Bathala. Bakit niyo tinatanong ang tungkol sa kanya?"
"May alam ka ba kung may asawa ba siya o kasintahan?" Wala ng paligoy-ligoy pa sa pagtatanong ni Purol.
Tila napaisip naman si Abiya. "Iyan din ang aming tanong, Purol."
"Ano ang iyong ibig sabihin, Abiya?"
"Sa aming pag-aaral bilang mga Catalona, aming natalakay ang tungkol sa Bathala ng Karagatan, na mas kilala bilang Bakunawa. Ayon sa mga alamat, siya ay nagkaroon ng kasintahan, at iyon ay tinutulan ng kanyang mga kapwa Bathala."
"Talaga? Bakit naman nila tinutulan na magkaroon siya ng asawa?"
"Kung sino ang nakakaalam sa sagot sa iyong tanong, hindi kami iyon, Purol. Lahat ng mga nangyari noong Riaga Zul ay nakalimutan na ng mga tao at mga Bathala."
Hindi makapaniwala si Purol sa kanyang naririnig. Buong akala niya ay matutulungan siya ni Abiya. Ngunit nagkamali siya. Katulad niya'y wala rin pala itong alam.
"Ngunit may isa akong alam, Purol."
"Ano iyon?"
"Si Arowana o Bakunawa, siya ang dahilan kung bakit nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Bathala at tao noon. At ngayon ay nandirito na siya ulit sa Talisay. Ayon sa aming pangitain, ang pagbabalik niya rito ang hudyat na magsisimula na ang ikalawang digmaan sa pagitan ng mga tao at Bathala."