[Catalona- in Philippine mythology, the catalonas or katalonan, also known as Babaylan, are the local shamans of the local tribes in the pre-colonial Philippines]
"Kumusta ang inyong pag-uusap, Mahal na Dian?" usisa ni Purol kay Arowana nang magkita na sila pagkatapos ng kanilang ginawang pagtungo sa caragoda ng Miar na si Piinunong Laim. Kasalukuyan naman sila ngayong nasa kanilang sariling caracoa, at naglalayag na sila pabalik sa tahanan ni Purol. Nalampasan na nila ang higanteng Zulatre, ngunit nakatunghay pa rin dito ang Bathalang si Arowana.
Sinasariwa niya pa rin kasi sa kanyang gunita ang naging pag-uusap nila kanina ni Durao, kung saan nabanggit niya rito ang tungkol sa lalaking nakita at nakrinig niya sa puno ng Zulatre. Natatandaan niya pa ang gulat sa mukha ni Durao nang banggitin niya na mayroon ngang nilalang sa puno ng Zulatre na narito sa Batuk-Ao.
"Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy mo," sabi sa kanya ni Durao, "ngunit may narinig na rin akong mga kwento tungkol sa mga puno ng Zulatre na nagkalat sa bawat bahagi ng Daang Bathala."
"Talaga? Ano naman ang mga narinig mong mga kwento tungkol dito?"
Napabuntong-hiniga si Durao sapagkat ayaw niya sanang humaba pa ang usapan nila ni Arowana ngunit mukhang wala rin siyang mapagpipilian sapagkat tila wala ngang kaalam-alam ang kausap niyang Bakunawa. "Iniiwasan ng mga tao ang mga puno ng Zulatre. Bukod kasi sa natatakot sila na ito ay sinasabing mga puno ng mga Bathala, iniisip din nila na may sumpa o nakakatakot na nilalang sa mga punong ito. At mukhang totoo nga ang mga sabi-sabi sapagkat ikaw na ang nagpatunay na may nakausap ka nga roon."
"Durao, malakas ang kutob ko na isang Bathala rin ang lalaking nakatagpo ko sa Zulatre. Sinabihan niya pa akong magtungo sa Hiraya kung nais ko raw malaman ang mga kasagutan sa mga tanong ko."
Ang akala ni Arowana ay tatawanan siya ni Durao sa sinabi niya ngunit laking gulat niya nang tumango lamang ito. "Iyan rin ang narinig ko doon sa Zulatre na napuntahan ko."
Napasinghap doon si Arowana. "T-Talaga? May nakausap ka rin bang---?"
Ngunit umiling na kaagad si Durao bago niya pa man matapos ang tinatanong niya. "Wala akong nakitang kahit anong uri ng nilalang doon. Ngunit may narinig akong tinig ng isang babae na nagsabi sa akin na kailangan ko raw makabalik ng Hiraya. Iyon ang ginawa ko. Sinubukan kong magtungo roon ngunit sa kasamaang palad ay nahuli ako ng aking almajo."
"At hindi ka na makakalaya sa kanya kahit ano'ng gawin mo?"
"Tama. Maari lamang akong makatakas kapag ako ay pinakawalan niya nang kusa. O 'di kaya ay namatay siya."
"Eh 'di patayin mo siya."
Doon na natawa si Durao. "Hindi ganoon kadali ang nais mong mangyari. Hindi ko siya maaring patayin. Kahit naisin ko man, hindi ko yun magagawa sapagkat ako ay kanya ng alejar. Ganoon gumagana ang kapangyarihan ng isang almajo sa kanyang alejar. Hindi ko siya kayang suwayin o saktan sa kahit anong paraan."
"Kung ganoon, kailangang may pumatay sa kanyang iba," sabi ni Arowana. "Paano kung patayin ko siya? Makakalaya ka na ba noon?"
Tumango si Durao. "Maari. Ngunit ang tanong, magagawa mo ba siyang patayin?"
"Oo naman! Isa lang naman siyang pangkaraniwang tao! Hindi naman siya isang Bathala kaya alam kong kaya ko siyang patayin!"
"Ngunit isa nga akong alejar ng Miar," ani Durao. "Habang nasa tabi niya ako, hindi mo siya masasaktan sapagkat mas malakas ako sa iyo, Bakunawa. Hindi ko nakikitang magagapi mo ako sa isang labanan kaya huwag ka nang umasa pa---"
"Aba, napakataas naman ng tingin mo sa sarili mo!" singhal sa kanya ni Arowana sapagkat hindi siya natuwa sa pagmamayabang ni Durao. "Hindi ka nakatitiyak diyan! At isa pa, kung malakas ka nga talaga, bakit nahuli ka ng isang tao lamang?"
Napatiim-bagang doon si Durao. "Wala kang alam---"
"Kaya nga, at ganoon ka rin sa akin," putol rin ni Arowana sa sinasabi ni Durao. "Wala ka ring alam sa akin. Ngunit nagbago na rin ang isip ko. Hindi na kita tutulungan. Ngayong alam ko nang hindi ikaw ang aking asawa, makakaasa kang hindi na ako muling lalapit pa sa iyo. bahala kang mamuhay na isang alipin ng isang tao."
Hindi nagustuhan ni Durao ang mga huling sinabi ni Arowana. At kung siya lamang ang tatanungin, nais na niyang saktan ang kausap niya. Ngunit hindi mainam para sa kanya ang nais niyang gawin sapagkat nasa gitna sila ngayon ng laot. Sa pagkakataong ito ay mas nakakalamang ang kausap niyang Bathala dahil napapalibutan sila ngayon ng tubig.
Kaya nagbuntong-hininga na lamang ulit siya. "Tama ka, hindi natin kilala ang isa't-isa kaya mabuti pa ngang huwag na tayong mag-usap. Ang masasabi ko lamang sa iyo, ay hindi mo dapat ako hinahamak sapagkat hindi ka pa naman nakakarating sa mga pook na nasa Daang Bathala. Narito nga pa nga lang sa Batuk-Ao. Malayo pa ang iyong tatahakin kung nais mo talagang makarating sa Hiraya. At sa lagay mo ngayon, mukhang malabo na marating mo ang pook na iyon kung hindi mo nga alam kung ano-ano ang mga panganib na nakaamba sa iyong daraanan. Kaya't kung ako sa iyo, pag-iisipan ko nang mabuti kung dapat nga ba akong magtungo roon."
"Hindi ako natatakot," ani Arowana. "Sanay na akong makipaglaban, Durao, kaya nakahanada ako sa kahit ano mang maaring maganap habang tinatahak ko ang Daang Bathala. At kung sakali mang magkita ulit tayo, ipapamalas ko sa 'yo ang tunay kong kapangyarihan ng hindi mo na isipin na mas mahina ako sa 'yo."
Napangisi na lamang doon si Durao. "Aasahan ko yan kung ganoon, Bakunawa. Hindi rin ako magdadalawang-isip na labanan ka sa susunod nating pagkikita."
At doon natapos ang pagkukwento ni Arowana kina Purol sa naging pag-uusap nila ni Durao. Hindi talaga siya natuwa sa naging takbo ng usapan nila ng kapwa Bathala, at kahit si Purol ay nabanas sa nangyari. "Ang lakas naman ng loob niyang tanggihan kayo, Mahal na Dian. Ikaw na nga po ang nag-alok ng tulong."
"Hindi ko rin naman siya masisisi," giit naman ni Arowana. "Naging mapait sa kanya ang kapalaran niya. Tapos nakatitiyak akong hindi siya basta-bastang papakawalan ng Miar na iyon..."
"Kung ganoon, ano ang balak mong gawin ngayon, Mahal na Dian?"
Umiling-iling na lamang ang Bathala. "Hindi ko alam. Nais ko sanang malaman kung sino ang narinig ko sa paanan ng Zulatre ngunit alam kong mapanganib nang bumalik ulit doon."
"Tama po kayo, Mahal na Dian. Isa pa, kailangan na nating makalayo mula rito sapagkat may kutob ako na isusumbong ka ni Durao Liliente sa kanyang panginoon. Baka subukan ka nilang hulihin at hindi maganda iyon."
"Tama ka, Purol. Ngunit kung may pagkakataon ako, susubukan ko pa ring pakawalan mula sa Miar si Durao. Malaking bagay kapag nagawa natin siiyang palayain mula sa kanyang pagiging alejar. Marami siyang alam sa Daang Bathala at sa Hiraya," aniya. Kumunot naman ang noo ni Purol sa tinuran ng kanyang pinagsisilbihang Bathala. Hindi niya kasi maintindihan ang sarili kung bakit hindi siya sang-ayon sa mga ninanais ni Arowana. Mabigat ang loob niya sa kagustuhan nitong palayain ang Bathala ng kidlat. Kung siya kasi ang tatanungin, hindi dapat pinagkakatiwalaan ang tulad ni Durao na sumusunod sa bawat utos ng kanyang almajo.
Ngunit sa kabila nitong kanyang pagdududa, may gumiguhit ding kirot sa puso niya kapag tinititigan niya ang maamong mukha ng Mahal na Dian. Tila nahihirapan din siya sa nangyayari rito. Kaya't siya na ang nag-isip ng paraan upang masakatuparan nila ang nais ni Arowana.
"Mahal na Dian, may naisip akong paraan upang malaman natin kung tama ang iyong sapantaha. Kung ang narinig nating tinig sa Zulatre ay ang iyong nawawalang asawa."
"Talaga? Ano namang paraan iyon, Purol?"
"Magtutungo tayo sa bayan ng Talisay, doon kung saan may isang Catalona na naninirahan. Maaari niyang malaman kung si Durao nga ba ang iyong asawa."