Sa wari ni Arowana ay narinig na niya ang tungkol sa mga Mambabatuk noon, ngunit hindi niya lamang matandaan kung saan niya narinig ang salitang iyon. Kanina niya pa iniisip kung ano ang mayroon sa salitang iyon dahil tila nabuhayan siya nang marinig niyang binanggit ito ng lalaki kanina. At ang lalaking iyon... Tulad niya ay isa pala itong Bathala rin. At kung mamalasin nga naman, narito siya ngayon sa tahanan ng Kanlaon na ito sapagkat nahuli siya nito nang walang kahira-hirap.
Nauto siya ni Kanlaon. Sumama siya rito nang banggitin nito na patungo ito sa kinaroroonan ni Purol, ngunit sa sandaling hindi na siya nakatingin dito ay may ginawa itong kung anong bagay na nagpahina sa kanya, at nagising na lamang siya na narito na siya sa isang uri ng piitan na tila nasa ilalim pa ng lupa. Mainit at masikip dito, at tanging lupa at mga bato ang nandito. Mahina pa rin ang kanyang katawan kaya't wala siyang magawa upang makatakas dito.
"Huwag ka nang magmatigas diyan, Bakunawa," ani Kanlaon. Nakatayo ito sa tapat ng silid-piitan ni Arowana. "Paparating na rito ang binatang Mangangayaw na may tangan sa iyong pinakamamahal na sandata. Maya-maya lamang ay magkakasama na ulit kayo, kaya sana ay huwag kang mainip."
Kahit hindi nakakatawa ang sinabi ni Kanlaon ay tumawa na lamang si Arowana sapagkat may kataasan din pala ang tingin sa sarili ng lalaking Bathala. "Mukhang nakatitiyak ka na magagapi ng mga tauhan mo si Purol, Kanlaon. Akala ko ba ay batid mo kung gaano kalakas ang aking Buntot-Pagi? Kaya bakit tila hindi mo naisip na maaring matalo ni Purol ang mga tauhan mo gamit ang aking maalamat na sandata?"
"Iyon ba? Nakatitiyak naman akong matalo man niya ang mga tauhan ko o hindi ay magtutungo ang binatang Mangangayaw rito sa aking tahanan sa loob ng Bulkang Agay-on. Matatanggap niya mula kina Pong at Palong ang aking babala na ikaw ay aking papaslangin kapag hindi ka niya puntahan dito, at dahil nga ikaw pala ay isang alejar ng binatang yun, salamat sa kaalamang yan na ibinahagi mo sa amin kanina, hindi nanaisin ng binatang Mangangayaw na ikaw ay mapaslang sapagkat iyon ay magbubunga ng isang matinding sumpa sa kanya."
"Hindi natin alam kung mangyayari nga ba talaga yan," sagot naman ni Arowana. "Ang sabi mo'y naroon din ang tikbalang na dati mong kaaway, at ang aming kaibigang may alejar ding Bathala ay hinahanap kami, kaya hindi ko nakikitang magtatagumpay ka sa nais mong gawin sa akin, Kanlaon."
"Bakit, ano ba sa tingin mo ang balak kong gawin sa iyo, Bakunawa? Kung iniisip mo na may halaga ka sa akin, nagkakamali ka. Para sa akin ay isa ka lang ding walang silbing Bathala na nakalimot sa nakaraan gaya ko. Ang kailangan ko, gaya ng lahat ng may nais na makarating sa Hiraya, ay ang iyong sandata."
Natigilan doon si Arowana. "Ang aking Buntot-Pagi? At ano naman ang kailangan mo sa aking sandata? Wala ka rin bang sandata ng sarili mo? Bakit mo hinahangad ang isang bagay na pag-aari na ng iba?"
"Sapagkat ang iyong sandata ay ang isa sa pitong maalamat na sandata na kung tawagin ay Paraluman... Ang mga Paraluman ay ang mga sandatang ginamit noon ng mga Bathala upang buksan o ipinid ang lagusan papasok at palabas ng Hiraya. Ngayon, naiintindihan mo na ba, Bakunawa? Ang sino mang mayroon ng mga sandatang ito ay maituturing na mas malapit na sa Hiraya kaysa sa ibang mga nilalang na wala nito. Masasabi ring ito lamang ang tanging susi patungo doon sa Hiraya, kaya ganoon na lamang ito kahalaga sa aming mga nagnanais na makarating ng Hiraya."
"Kung ganoon... Kung mayroong pitong ganoong sandata,, ibig sabihin ay may iba pang mga Bathala na mayroon nito?"
"Tama ka riyan, Bakunawa. At tulad mo, ako ay mayroon ding sandatang kung tawagin ay Paraluman. Ito ay isang umaapoy na Kampilan na nilikha ko mula sa mga bato at kumukulong putik na nagmula sa bulkang ito. Halika, pagmasdan mo ang aking sandata," paanyaya niya pa kay Arowana. Inilahad naman ni Kanlaon ang kanyang kanang kamay sa hangin, at isa ngang mahabang kampilan ang lumitaw sa kanyang kamay mula sa kawalan. Ang kampilang ito ay napakaganda; ang hawakan nito ay kulay pula na tila gawa sa mga mamahaling bato, habang ang talim naman nito ay kulay abo, ngunit may mga dibuhong nakaukit dito na tila apoy ang wangis.
"Ito ang aking maalamat na sandatang kampilan, Bakunawa. Ang ngalan nito ay Ningas. Tulad ng iyong Buntot-Pagi, ito ay makapangyarihan... Ito ang dahilan kung bakit walang tao o nilalang ang nakakahuli pa sa akin at gawin akong alejar--- sapagkat isang wasiwas ko lamang sa aking Ningas ay masusunog ka na at magiging abo. Kahit ang dakilang Lakan ay hindi ako ninais na kalabanin dahil dito... Hindi niya sinakop o nilagay sa kanyang pamamahala ang kabundukang ito dahil sa aking taglay na lakas. Natatakot ba siya sa akin? Hindi ako nakatitiyak ngunit isa lang ang masasabi ko, kung balakin niya akong lusubin mula rito ay hindi na siya makakauwi nang buhay. Kaya nga marahil ay naisip niyang gisingin na ang tikbalang na iyon... batid niyang kakailanganin na niya ang tulong ng iba pang malalakas na mga nilalang upang magapi ako at maagaw sa akin ang aking Ningas... Ngunit naunahan ko na ang Lakan ngayonb dahil nasa aking mga kamay na kayong dalawa ng binatang may kakayahang gumawa ng mga batuk!"
***
"Bitawan mo ako! Bitawan mo kami ng aking kapatid!" giit ng batang tagalipol na si Pong habang hinihila ko siya patungo sa daan. Nakatali sila ngayon gamit ang sarili nilang sandatang tanikala, at sila ang magsisilbi naming gabay ngayon patungo sa bulkan ng Agay-on na siya raw tahanan ng lapastangang Bathala na si Kanlaon.
"Sa ginagawa niyo sa amin ngayon, magpakasaya na kayo," banta naman ni Palong sa amin. May galos at sugat ang kanyang mukha dahil nakipaglaban pa rin ito sa amin ni Agto kahit na tagilid na sila laban sa amin. "Tiyak hindi kayo tatantanan ni Kanlaon habang hindi niya kami naigaganti sa inyo. Hindi siya natutuwa sa mga nilalang na nananakit sa amin... Kaya tiyak kong papaslangin niya kayo..."
"Tumahimik ka na lamang, batang paslit," sagot naman ni Agto rito. Kung siya nga lamang ang masusunod ay kanina niya pa dapat ito pinaslang, ngunit sinabi ni Purol kanina na mas makakabuting gawin nalang nila itong mga bihag. Bukod sa maituturo ng mga batang Tagalipol na ito kung nasaan ang tahanan ni Kanlaon ay magdadalawang-isip pa ang Bathalang iyon na saktan sila nito kung hawak nga nila sa leeg ang dalawang batang paslit na mukhang mahalaga naman para kay Kanlaon.
"Agto, kung iyong mamarapatin, ang iyong nais ay bawiin ang lupaing ito mula kay Kanlaon, hindi ba? Kapag matalo ba natin siya ay mananatili ka na rito?" tanong ni Purol habang naglalakbay sila patungo sa tahanan ng pinag-uusapan nilang Bathala.
"Iyon ang aking balak," tugon naman ni Agto. "Ngunit kung ako ay mabibigyan ng pagkakataon, nais ko rin sanang maglakbay sa Daang Bathala upang marating ang Hiraya tulad niyo ng Bakunawa..."
"Talaga? Sa ano namang kadahilanan at nais mong marating ang Hiraya?"
"Alam kong may pagkaganid na ang nais kong mangyari ngunit hindi na ako mahihiyang sambitin ito sa 'yo ngayon, Purol, sapagkat pinagkakatiwalaan na kita ngayon," paunang bungad pa nito. Natuwa naman si Purol sa sinabi ng tikbalang, dahil nga kanina nang maiwan silang dalawa pagkaalis ni Mayumi ay nagkapalagayan na rin naman sila ng loob. Naikwento niya na rin kasi kay Agto ang kwento kung paano niya naging alejar ang Mahal na Dian, kaya't nawala na ang pagdududa ni Agot sa kanya. Nalungkot pa nga ito nang malaman niyang sa kabila ng katotohanang ninais niya lamang iligtas si Arowana mula kina Laim at Durao ay nagalit pa rin sa kanya ang Bathala ng Karagatan kung kaya't nangako pa si Agto na tutulong ito na magkasundo na sila ni Arowana.
Doon napagtanto ni Purol na may kabutihan din sa kanyang puso ang tikbalang. Nahiya nga siya rito dahil nahusgahan na niya ito agad dahil lamang sa isa itong tikbalang. Hindi niya dapat inisip na masama na ito dahil lamang sa anyo o lahi nito. Kung tutuusin ay mas mabait pa ito sa mga taong nakasalamuha niya gaya na lamang ng dalawang batang Tagalipol na ito.
"Batid ko kasing magiging mahirap na para sa akin ang ipagtanggol ang kabundukang ito kung ako ay isa lamang tikbalang," ani Agto. "Maraming mas malalakas na nilalang sa akin, lalo na rito sa Daang Bathala. Kung kaya't mas mainam sana kung ako ay magiging isang Bathala... O kahit kasing lakas lamang ng isa sa kanila..."
"At naisip mo na kapag narating mo ang Hiraya ay magiging katulad ka na ng mga Bathala?"
Tumango si Agto. "Iyon lamang ang naiisip kong paraan upang hindi na muling maagaw sa akin ang lupaing ito, Purol."
Natuwa naman si Purol. "Kung ganoon naman pala ay sumama ka na sa amin!" masayang paanyaya niya rito. Bakit hindi ka sumama sa amin sa aming paglalakbay? Mukha namang kaibigan ka nga ng Mahal na Dian, at malakas ka rin kaya't makakatulong ka sa amin. Ano, payag ka ba?"
"Talaga? Ibig bang sabihin niyan ay hindi ka na natatakot sa akin?"
Nahiya naman doon si Purol na ikinatawa na si Agto. "Ipagmaumanhin mo sana ang aking inasal sa iyo kanina, Agto. Hindi lang kasi ako sanay na makasalamuha ang isang nilalang na gaya mong hindi tao. Ngunit oo, napagtanto kong hindi ko naman pala kailangang matakot sa iyo, sapagkat ikaw ay may kabutihang-puso rin naman. Kaya kung iyong nanaisin, maari kang sumama sa amin sa aming paglalakbay. Ako ang bahala sa aking ibang mga kasama... Titiyakin kong hindi ka rin nila katatakutan..."
Malakas ang naging tawa ni Agto sa kanyang mga narinig, dahil na rin sa ito ang unang pagkakataong may taong nagyaya sa kanya sa isang paglalakbay. Matagal na niyang nais maglakbay noon pa man, ngunit kahit saan siya magpunta ay may mga nilalang na kumakalaban sa kanya. Batid niyang takot ang karamihan ng mga tao sa kanya, at ito ang dahilan kung bakit nanatili na lamang siya rito sa kanyang tahanan hanggang sa masumpa siya ng Lakan."
"Tinatanggap ko ang iyong paanyaya, Purol," nakangiting sagot naman ni Agto sa kanya. Nagkamay silang dalawa, tanda ng simula ng kanilang pagkakaibigan.