Ligtas na nakadaong ang sasakyang panghimpapawid ni Handiwa sa lupa. Narito na sila ngayon sa bayan ng Kamyas, ang bayang tinutukoy ni Handiwa kung saan mahahanap nila ang panday at mambabarang na si Balisong. Ngunit dahil hindi nila kasama ngayon si Purol, hindi alam ng lahat kung ano ang gagawin nila.
Gising na rin sina Ubay at Balang, na ngayon ay inaalalayan ni Abiya. Ito rin ang nagkwento sa dalawang kaibigan ni Purol kung ano ang nangyari sa kaibigan nila habang wala pa silang malay kaya naman galit na galit din ang dalawa sa Bathala ng Karagatan. "Hindi kami makapaniwala na ninais mong paslangin ang kaibigan namin," ani Ubay kay Arowana. "Wala naman siyang ginawa kung 'di ang unahin ang iyong kalagayan, Mahal na Dian. Ngayon, hindi na namin alam ang aming gagawin. Sumama lang naman kami sa paglalakbay mo dahil kay Purol."
"Tama si Ubay," sabat din ni Balang. "Ngayong nawawala na ang aming kaibigan, wala na ring saysay pa na sumama kami sa iyo."
"Ganyan din ang aking nararamdaman," pagsang-ayon ni Abiya sa dalawa. "Bakunawa, ngayong wala na si Purol, ayaw ka na naming makasama. Napagkasunduan na namin ni Handiwa na dito na tayo maghihiwalay ng landas. Kaya sa ayaw at sa nais mo'y ikaw ay dapat nang umalis."
Napangiti lang sa kanila si Arowana. Oo nga't nagkamali siya sa ginawa niya kay Purol, ngunit masyado yatang lumakas ang loob ng mga kaibigan niyang ito kabilang na ang Catalona. Nakakalimutan yata ng mga ito na isa pa rin siyang Bathala na 'di hamak namang mas malakas sa kanila. Kung tutuusin ay kaya niyang paslangin ang mga ito ngayon din, ngunit ikagagalit lamang iyon ni Purol kaya nagtitimpi siya ngayon.
Ngunit si Handiwa naman ang nagsalita at ito ang nagbigay sa kanya ng sakit ng ulo. "Inatasan ko na si Mayumi na hanapin si Purol. Gamit ang kanyang kapangyarihan ay nakatitiyak akong madali niyang mahahanap si Purol. Kapag nakabalik na siya ay saka natin siya kakausapin kung ano na ang susunod nating gagawin, bukod sa napag-usapan naming pagtulong niya sa aking sariling suliranin..."
Napabuntong-hininga naman doon si Abiya. "Sarinawa, sana nga ay mahanap ng iyong alejar na Bathala si Purol! Ngayong alam nating buhay pa siya ay hindi na ako masyadong mag-aalala para sa kanya."
"Huwag ka munang magbunyi agad, Abiya. May suliranin din tayo. Ang pook kung saan nahulog si Purol mula sa aking caragoda ay ang kabundukan ng Agayon. At alam kong batid mo kung ano ang kahulugan noon."
Napasinghap si Abiya sa gulat dahil sa kanyang nalaman mula kay Handiwa. "Siyang tunay? Sarinawa! Kung nagsasabi ka ng totoo ay malaking suliranin nga ito! Mapanganib ang kabundukang iyon!"
Hindi naman nakatiis si Arowana at sumabat na rin siya sa usapan nila. "Bakit? Ano ang mayroon sa pook na iyon? Bakit ganyan na lang kayo mag-alala kay Purol?"
"Hindi mo ba alam ang tungkol sa pook na yun? Ang kabundukang iyon ay tahanan ng mga Tagalipol, isang pangkat ng mga mababangis na mandirigma at mga mangangaso. Pinapaslang nila sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo ang sini mang napapadpad sa kanilang tahanan, kaya kinakatakutan sila. Dahil doon, walang nangangahas na maglakbay at pumasok sa kabundukan na iyon, lalo na sa kabundukan nito kung saan may isang bulkan sa gitna nito."
"Mukhang may mga mapapanganib na nilalang nga roon," sagot ni Arowana na napapaisip. "Ngunit yun na ba iyon? Iyon na ang ikinakakatakot niyo? Nakakalimutan niyo na bang hawak na ni Purol ang aking Buntot-Pagi? Dahil sa hindi ko alam na paraan ay nagawa niya itong gawing isang batuk," aniya na nakatingin nang masama kay Handiwa. Galit pa rin kasi siya nang malamn niyang ito ang nagturo kay Purol kung paanong naging isang batuk sa bisig ni Purol ang kanyang maalamat na sandata. "Kaya kung may sumubok mang pumaslang kay Purol, madali niyang magagapi ang mga ito sa tulong ng aking Buntot-Pagi. Lubhang makapangyarihan ang aking sandatang iyon, na sinasabing kayang lumikha ng isang buong karagatan kung maalam ka kung paano mo ito gamitin. Kaya nakatitiyak akong hindi basta-basta mapapaslang si Purol ng kung sino man sa kabundukang iyon."
"Masyado ngang mataas ang tingin mo sa iyong sarili," tugon naman ni Handiwa sa Bathalan ng Karagatan. "At naiintindihan ko naman. Kung sa bagay, bago ka sumulpot dito sa Daang Bathala ay nasa karagatan ka lamang. Ang tanging nakakalaban mo roon ay mga Mangangayaw o mga halimaw sa karagatan. Bihira kang makasalamuha ng mga kapwa mo Bathala doon, kaya hindi mo naisip na may iba pang mga Bathala na kasinglakas mo o higit pa."
"Lapastangan!" sigaw ni Arowana kay Handiwa. "Ang iyong mga binitawang salita ay isang malaking kalapastanganan! Sawa ka na ba sa iyong buhay? Babaeng bulalak? Sabihin mo lamang at ng ikaw ay mapaslang ko na rin! Kanina pa kita nais lagutan ng hininga!"
"Huwag mo akong pagbantaan, Bakunawa. Tandaan mo, alejar ko si Mayumi, sa siyang Bathala ng himpapawid. Sa madaling salita, kaya ko siyang samuhin dito kahit nasa malayo siya ngayon sa paghahanap kay Purol. Dahil tulad ng hangin, si Mayumi ay nasa bawat pook. Ngayon, kung balak mo akong saktan, kayang-kaya ka naming labanan ni Mayumi. Kaya kung ako sa oiyo ay hindi na muna ako mag-iisip na gumamit ulit ng dahas..."
Natahimik doon si Arowana. Nagpapalipat-lipat naman ng tingin sina Ubay, Balang, at Abiya sa dalawa na kinakabahan na. Bakas kasi sa mukha ng dalawa na ano mang sandali ay maari silang maglaban, at iyon ang ikinakatakot nilang tatlo dahil maaari silang madamay kapag nagkataon.
"Bigla na lang nag-iinit ang iyong ulo, Bakunawa. Akala mo pa rin ba ay ikaw lang ang malakas dito? Kayang-kaya kitang labanan kung ito ang nais mo, ngunit kapag ginawa mo iyon, mawawalan ka na ng pagkakataong maalis ang bisa ng iyong pagiging alejar, sapagkat iyon naman ang dahilan ng pagpunta natin dito. Balak namin ni Purol na alisin kaagad ang iyong pagiging alejar. Ngunit dahil hinulog mo siya sa kabundukan ng Agayon, hindi ko na muna itutuloy ang balak naming iyon. Lalo pa't hindi natin alam kung makakabalik pa nga ba nang buhay si Purol mula sa nakakatakot na pook na yun. At kapag napaslang na siya, makakalay ka na sa pagiging alejar mo. Magandang balita sana iyon para sa iyo, ngunit kapag namatay na si Purol ay isasama niya sa kanyang kamatayan ang iyong sandata, at hindi mo naman yata nais iyon, hindi ba?"
"M-Maglalaho ang aking Buntot-Pagi kapag napaslang si Purol?"
"Hindi ako nakakatitiyak, Bakunawa, ngunit yan ang aking hula. Dahil nga isa ng batuk ang iyong sandata, malamang ay maglalaho rin ito kapag namatay si Purol. Ngunit maaari rin namang mali ako doon, ngunit sinasabi ko sa iyo ngayon pa lamang... hindi pa ako nagkakamali sa aking mga hula... Patunay na riyan ay ang hula kong naging katotohanan na ang bunga sa puno ng Zulatre sa bayan ng Talisay ay ang iyong sandata, na kapag kinain ni Purol ay magiging isang batuk."
Nagmuni-muni muna si Arowana sa mga tinuran ni Handiwa. Mukha naman kasing hindi nagsisinungaling sa kanya ang babaeng Miar, na mukha talagang isang bulalak dahil na rin sa kanyang kasuotan. Lumalabas din na marami itong alam tungkol sa mga Bathala at mga kapangyarihan nito. Kaya malamang ay hindi rin ito nagyayabang lamang nang sinabi nitong kayang-kaya niyang makipagsabayan sa kanya sa larangan ng pakikipaglaban.
At mahirap ngang kalaban ang isang Bathala na may kakayahang gamitin ang hangin bilang kanyang panlaban. Hindi niya alam kung ano ang kayang gawin nito sa ngayon, kaya mas makakabuti yata para sa kanya na huwag munang gumawa ng mga hakbang na maari niyang ikapahamak. ANg dapat niyang pagtuunan ng kanyang pansin ngayon ay si Purol. Paano nga kasi kung mapahamak ito doon sa kabundukang binanggit ni Handiwa? Talaga nga bang maglalaho rin ang kanyang sandata kasabay ng pagkamatay ni Purol?
Hindi iyon maaring mangyari! Bukod sa makapangyarihan ang kanyang Buntot-Pagi, kailangan niya pa si Purol. Batid niyang may alam ito tungkol sa kanyang nakaraan na hindi pa nito nasasabi sa kanya, sapagkat nakatitiyak din siya na noong sandaling kinain ni Purol ang bunga sa tuktok ng puno ng Zulatre, muli nitong nakausap ang lalaki na nagpapakita sa kanila sa tuwing makakarating sila sa isang Zulatre. Nanaginip kasi si Arowana tungkol sa lalaking iyon na nag-uusap sila ni Purol, kaya kutob niya ay may sinabi na naman itong mahalagang bagay kay Purol kagaya nang naganap sa Batuk-Ao.
Isa pa ay kailangan niyang bumawi kay Purol. Malaki ang kasalanan niya rito. Buong akala niya ay katulad din ito n g ibang mga almajo na sakim katulad nina Laim at Hasilum, ngunit hindi naman pala. Masakit sa kianyang pakiramdam na pinagbintangan niya ang binata ng isang bagay na hindi naman pala totoo. Tulad na lang ngayon, kaya pala nila nais magtungo rito sa Kamyas ay dahil narito ang taong maaaring mag-alis ng kanyang pagiging alejar. Nagkamali si Arowana at kailangan niyang itama iyon.
"Huwag mo na akong labanan, Bakunawa upang hindi ko na kailanganin pa ang tulong ni Mayumi. Hayaan na lamang natin siyang hanapin si Purol, upang mailigtas natin siya mula sa kapahamakan na dulot ng pook na iyon. Lalo pa't galit sa mga dayuhan ang pinuno ng mga Tagalipol."
"Pinuno? Sino ang kanilang pinuno?" tanong naman ni Ubay kay Handiwa.
"Ang pinuno nila ay isang Bathala, ayon sa mga bali-balita. Ito ay si Kanlaon, na nakatira sa loob ng bulkan dahil siya ang Bathala ng mga ito. Wala pang nakakakita sa kanyang wangis dahil sinasabing pinapatay nito ang sino mang nakakakita sa kanyang mukha. Kaya ganoon na lamang ang pag-aalala ko na baka dahil gagamitin ni Purol ang Buntot-Pagi sa mga Tagalipol ay baka magpakita rin sa kanya si Kanlaon. Paano kung patayin niya si Purol? Kilalang may galit pa naman ito sa mga tao. Ang sabi-sabi ay may minahal itong tao noong unang panahon, kaya't naninibugho ito sa kanila. Ang mga Tagalipol lamang ang mga tao na kanyang kinaibigan. Huwag naman sana ngunit maaring dahil sa kanya ay hindi na makabalik pa sa atin si Purol."
"Hindi ko hahayaang mangyari yan!" giit ni Arowana. Naglakad na siya palayo mula sa mga kaibigan ni Purol ngunit tumigil din siya dahil hindi niya pala alam kung paano magtungo doon. "Sino ang nais na sumama sa akin upang iligtas si Purol? Magtutungo ako ngayon din sa kabundukang iyon upang iligtas siya."