Kung inaakala ng dalawang batang Tagalipol na masisindak si Purol sa kanilang kwento tungkol sa Bathala ng mga Bulkan na si Kanlaon, nagkakamali sila. Hindi nila napigilan si Purol na pilitin silang dalawa na ituro ang daan palabas ng kagubatan at paalis ng kabundukang ito ng Agayon. "Tama ba itong daang tinatahak natin?" tanong ni Purol sa kanila habang naglalakad sila sa gilid ng isang malalim na bangin na ang ilalim ay isang rumaragasang ilog. "Baka sinasadya niyong dalhin ako sa kung saan ah? Baka akala niyo ay maaari niyo akong linlangin at ihulog sa ilog sa ibaba. Tandaan niyo mga batang paslit, kaya kong gamitin ang sandata ko upang makaligtas ako mula sa pagkalunod. Hindi gagana sa akin ang balak niyo..."
"Hindi ka namin nililinlang," tugon naman ni Pong. "Totoong dinadala ka namin sa daan palabas ng kabundukang ito."
"Ayusin niyo lamang mga bata," ani Purol na naiinip na sapagkat kanina pa sila naglalakad at tila wala namang katapusan itong daan na nilalakad nila. "Tandaan niyo, kilala ko ang Bakunawa na siyang Bathala ng Karagatan. Siya ang nagbigay sa akin ng mahiwagang sandata na tangan ko. Kaya huwag kayong magkakamaling linlangin ako sapagkat mapapaslang ko kayo bago pa man kayo makabalik sa Bathalang pinuno niyo."
Mukha namang natakot ang dalawa sa mga pananakot niya. Naisip ni Purol, magagamit din niya pala bilang panakot ang pambihirang ugnayan nila ng Mahal na Dian. Iyon nga lang ay walang laman ang kanyang pananakot, sapagkat batid niya namang kahit na ilang beses niyang samuhin ang Bathala patungo rito sa kung nasaan siya ay hindi naman ito babalik sa kanya. Alam niyang malabo nang maayos ang naging alitan nilang dalawa, kahit na hindi niya naman talaga inaway ang Mahal na Dian. Kaya makakabubuti para sa kanyang makaalis na lamang sa pook na ito sa lalong madaling panahon bago pa matuklasan ng mga batang ito na hindi na niya talaga maasahan pa ang Bathala ng Karagatan na ipinagmamalaki niya sa mga ito.
Habang naglalakad naman sila ay napaisip nang malalim si Purol. Mula noong nasa sasakyang panghimpapawid pa siya kasama sina Handiwa at ang mga kaibigan niya ay napapaisip na siya tungkol sa bagay na bumabagabag sa isipan niya ngayon. Tungkol ito sa mga salitang binitawan ni Handiwa tungkol sa kanya. Pakiramdam kasi ni Purol ay may mga mahahalagang bagay pa siyang kailangang malaman na alam ni Handiwa na hindi nito nilalahad sa kanya.
Tulad na lamang ng katotohanang batid pala ni Handiwa ang tungkol sa kanyang pagkatao--- na siya ay nagmula sa bayan ng Batuk-Ao. Tila may lihim ang dalagang Miar tungkol doon, ngunit hindi ito mahulaan ni Purol kung ano ito. Ngunit kahit na wala siyang maisip ay nagtataka pa rin siya. Bakit nga ba hinayaan ni Handiwa na kainin niya ang bunga sa tuktok ng puno ng Zulatre? Batid ba niyang kapag kinain niya ang bunga ay mapapasakamay niya ang maalamat na sandata? At paano niya nalaman na magiging isang batuk sa kanyang balat ang Buntot-Pagi? Sa palagay kasi ni Purol ay isang pambihirang pangyayari ang naganap doon sa tuktok ng puno ng Zulatre...
Matagal nang alam nina Hasilum at Handiwa na naroon ang kanilang hinahanap na maalamat na sandata ng Mahal na Dian, ngunit hindi nila iyon makuha-kuha. Tila ang ginawa ni Purol na pagkain sa bunga at gawin itong isang batuk sa kanyang katawan ay isa sa mga natatanging paraan upang makuha ang Buntot-Pagi mula sa puno ng Zulatre na iyon sa bayan ng Talisay. Tila ba sinasabi ni Handiwa noon sa kanya na batid nitong ang isang kagaya niyang nagmula sa Batuk-Ao ay isa sa mga paraan upang makuha ang sandata...
At iyon ang ipinagtataka ni Purol dahil bakit nga ba nagawa niya ang bagay na ito? Nakakatiyak naman kasi siyang maraming paraan na ang sinubukan nina Handiwa, Hasilum, at maaring ng iba pang mga Pantas ang lahat ng alam nilang maaring gawin upang matagumpay na kunin ang sandata ng Mahal na Dian... Ngunit walang nagtagumpay sa kanila ni isa... Kaya nakakapagtaka lamang na siya pa... na isang hamak na Mangangayaw na mula sa Batuk-Ao pa ang nakakuha sa sandatang iyon na tila nais makuha ng lahat ng mga nilalang na nagnanais na marating ang pook na tinatawag na Hiraya... Naguguluhan si Purol sapagkat tila ba hindi lamang nagkataon ang pagkakasali niya sa paglalakbay ng Mahal na Dian... Na para bang nakalaan talaga sa isang tulad niya ang kanyang kinalalagyan ngayon...
Samantala, habang patuloy sa paglalakad sina Purol at ang dalawang batang Tagalipol, ang Uma o pinuno naman ng bayan ng Talisay ay nasa isang silid kung saan siya ay nakaluhod sa harap ng isa pang binata. Ang binatang ito ay nakaupo sa isang mataas na upuan na gawa sa bakal at ginto. Nakasuot siya ng magarang kasuotan na kasingliwanag ng sinag ng araw, at ang salakot sa kanyang ulo ay napapalamutian ng mga mamahaling bato. May hawak naman siyang tungkod na tila hindi naman nababagay sa kanya sapagkat siya ay malakas pa at hindi pa nangangailangan ng tulong mula sa isang tungkod upang makakilos ito.
"Paumanhin, aking mahal na kapatid," ani Purol sa binatang nasa kanyang harapan. Hindi siya makatingin dito dahil sa kanyang nagawang pagkakamali. Tiyak kasi niyang paparusahan siya ng kanyang kapatid sa nangyari sa Talisay. Kahit siya ay galit sa kanyang sarili dahil sa kanyang kapalpakan--- hawak-kamay na niya ang Bakunawa at ang mahiwagang sandata nito ngunit hindi pa rin niya napasakamay ang mga ito dahil minaliit niya ang binatang Mangangayaw. "B-Buong puso kong tatanggapin ang parusang nais mong ipataw sa akin dahil sa aking kapabayaan..."
"Tumayo ka na, Hasilum..." sagot naman ng kanyang kapatid na sa totoo lang ay mas nakakababata sa kanya. Ito ay labing pitong taong gulang pa lamang, higit na mas bata pa kay Hasilum ngunit dahil sa katayuan at katungkulan nito ay mas mataas ito sa kanya sa kahit anong larangan at tanggap ito ni Hasilum. "Lahat naman tayo ay nadadala sa ating pansariling ninanais. Oo, ako ay hindi natuwa sa inyong ginawa ni Laim... Dalawa na kayong nilagay ko doon sa Talisay ngunit dalawa rin kayong mabigong hulihin ang Bakunawa... Matagal ko nang sinasabi sa inyo na paghandaan niyo ang kanilang pagdating ngunit inuna niyo pa ang inyong mga pansariling mga balakin. Mga sakim kayo ni Laim. Kayo ay mayroon ng kanya-kanyang mga Bathalang alejar na ipinagkaloob ko sa inyo ngunit hindi pa pala iyon sapat sa inyo... Ang bilin ko'y hulihin niyo lamang ang Bakunawa... Wala akong sinabi na gawin niyo siyang inyong panibagong alejar..."
Napatungo ulit si Hasilum dahil walang mali sa pangaral ng kanyang kapatid. Tama naman ito. Hindi lamang nagpabaya si Hasilum, bagkus ay naging ganid din siya. May dahilan kung bakit siya itinalaga bilang Uma ng Talisay at yun ay upang mabantayan niya ang pagdating ng Bakunawa na matagal nang naglalakbay sa mga karagatan... Dahil nakapaloob sa dagat ang kapangyarihan nito, mahirap itong hulihin doon... Kaya naman ang tanging paraan lamang upang mahuli nila sana ito ay kapag ito na ang magtungo sa Talisay na siyang babalikan niya rin sapagkat dito ito huling namataan noon---
Maganda na sana ang kanilang ginawang pagbabantay. Si Laim ay naging Miar na nagtutungo sa mga karatig-bayan upang mangalakal ngunit ang totoo ay nakikibalita rin ito kung nasaan na ba ang Bakunawa... Habang siya naman ay nanatiling pinuno ng Talisay at nakipagkaibigan kunwari sa mga Catalona ng Iraya upang makakuha rin siya ng lason ng halamang Kansuray na tanging paraan nila upang magapi ang napakalakas na Bathala... At muntik na nilang mahuli ang Bakunawa kung 'di lamang nabigo sila na tapusin muna ang buhay ng kasama nitong Mangangayaw na naging tinik sa kanilang mga dibdib.
"Nangyari na ang nangyari, Hasilum. Hindi na natin maibabalik ang nakalipas na, kaya't humayo ka na at gawin mo na ang ipinag-uutos ko. Huwag kang mag-alala, sapagkat hindi ako nagagalit sa kabiguan ninyo ni Laim. Bagkus ako pa ay natuwa sapagkat nangyari na ang isang bagay na matagal ko nang hinihintay..." Ngumiti pa ang binata na tila may naisip siyang isang bagay na lubos na nagpasaya sa kanya. "Kaya humayo ka na. Magtungo na kayo sa Kabundukan ng Agayon at gisingin niyo na ang matagal nang natutulog na alaga kong pinakamamahal..."
Nanlaki ang mga mata ni Hasilum sa kanyang narinig. "Nakatitiyak ka ba sa nais mong gawin, aking kapatid? Kapag ginising mo ang nilalang na iyon, maaring magkaroon ng malawakang kaguluhan sa buong sansinukob---!"
"At yan ang kailangang maganap, Hasilum," ngiti lang sa kanya ng kanyang kapatid. "Umalis ka na. Gisingin mo na ang aking natatanging alagang tikbalang..." aniya sabay tawa nang malakas. Hindi naman kaagad nakakilos si Hasilum sa kanyang narinig sapagkat ang nilalang na nais gisingin at pakawalan ng kanyang kapatid ay may kakayahang kumitil ng napakaraming mga buhay!"
***
"Narito na tayo. Nakikita mo ang malaking punong iyan? Iyan ang palatandaan na malapit ka na sa daan palabas ng kabundukan ng Agayon," ani Pong. Nasa harap silang tatlo sa isang napakatayog na puno. Pangkaraniwang puno lamang ito at hindi ito katulad ng Zulatre ngunit naramdaman ni Purol na may kakaiba rito.
"Ano ang punong iyan? Bakit may nararamdaman akong kakaiba riyan?"
Nagkatinginan ang dalawang bata. "Paano mo nalaman na may hindi pangkaraniwang nagaganap sa puno ng Balete na iyan?"
Nagkibit-balikat si Purol. "Hindi ko rin alam ngunit ramdam ko ang isang kakaibang lakas na tila nagmumula sa isang nilalang na nariyan sa loob ng punong iyan."
"Tama ka. Dahil ang punong iyan ang tahanan ng sinaunang nilalang na namumuno sa pook na ito, ang tikbalang na si Agto. Siya ay kaaway namin, pati na rin ng aming pinunong si Kanlaon. Sinasabing ang tikbalang na iyan ay may kakayahang tumalo sa mga Bathala, kaya ito ay pinatulog ng dating Lakan."
"Lakan? Isang Lakan ang nagpatulog sa tikbalang?"
Tumango si Pong. "Tama ang iyong narinig. Ang tikbalang na nariyan ay kumakain ng tao, kaya't ito ay isinumpa na mahimbing habang buhay."
"Hindi ko alam na may ganyang kuwento pala sa punong iyan."
"Huwag kang mag-alala, sapagkat hindi naman yan magigising. Tanging ang Lakan lang ang makakapagpagising dito, at hindi naman iyon gagawin ng Lakan."
"Mabuti naman pala kung ganoon nga," ani Purol. At magsasalita pa sana siya ngunit bigla silang nakaramdam ng isang malakas na lindol. Sa lakas nga nito ay natumba silang lahat sa lupa! At ang masama pa, nabuwal bigla ang puno ng Balete, kung saan isang itim na usok ang nagsimulang lumabas mula doon, at narinig nila ang isang malakas na pagtawa!
"Sa wakas! Nakalaya na ako!" sigaw ng isang nakakatakot na tinig at nahintukan lalo si Purol.