"Tiyak matutuwa si Ayu nito, Palong! Matagal-tagal na rin magmula nang makakain siya ng buhay na tao, kaya ikatutuwa niya ang handog nating taong ito sa kanya!" masayang sabi ng isa sa magkamukhang bata, na sa palagay ni Purol ay magkakambal. Nahihintakutan man, kailangan niyang iligtas ngayon ang kanyang sarili laban sa mga batang ito na alam niyang hindi rin pangkaraniwan.
"Tama ka riyan, Pong! Nitong mga nakaraang araw ay mainitin na ang ulo ng alaga nating Ayu, kaya tamang-tama ang pagbagsak ng lalaking ito mula sa langit! Hindi namin alam kung saan ka galing, ngunit ito na ang iyong katapusan! Magiging pagkain ka na ng alaga naming halimaw!"
Kasabay nang pagsigaw ng batang iyon ay ang pagsugod nila sa kanya nang sabay. At dahil hindi mamakilos si Purol sapagkat nababalutan nga siya ng hindi nakikitang sapot na mula sa uod na nasa beywang niya, wala siyang nagawa nang tumama sa kanya ang sandata ng isa sa mga batang mangangaso. Ito 'yung sandatang tanikala na may matalim na kalawit sa dulo nito. Mabuti na nga lang at hindi ang talim ng kalawit nito ang tumama kay Purol kung 'di ang tanikala talaga.
Sa kabutihang palad ay tinamaan nito ang uod ng gagambang kanina pa nakadikit sa katawan niya, kaya naalis na ito sa kanyang beywang at nahulog sa lupa. Ngunit ang tanikala naman ang pumalit doon at siyang pumulupot sa kanyang beywang. Nagulat pa nga si Purol sapagkat may kabigatan pala ang sandatang ito, na nagpapahiwatig lang na malakas ang batang gumagamit nito. Sinubukang makawala ni Purol mula rito dahil akala niya ay madali niya lang magagapi ang bata kung palakasan lang ng katawan ang magiging batayan, ngunit doon siya nagkamali. May kung ano sa sandatang ito na kakaiba sa kanyang pakiramdam... hindi siya makakilos! Tila nasipsip ng sandatang tanikala ang kanyang buong lakas!
"Pong! Ikaw naman ngayon! Ang iyong palaso!" hiyaw ng batang may hawak sa tanikala, at ang kasama niya naman na Pong ang pangalan ay nag-angat na ng kaniyang palaso at inasinta na si Purol. Masama ang kutob niya rito lalo pa't naalala niya ang palasong may lason ng mga Catalona. Paano kung may lason din ang palasong ito ng batang ito? Kaya bago pa man siya tamaan ng palaso nito ay tumingin na sa kanyang paligid si Purol. Tamang-tama, nakahanap siya ng isang maliit na batis sa kanyang kaliwa... Sakto lang ang isang tao na lumusot dito, at ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang siya ay lumusot at mahulog sa batis dahil kailangan mabasa ang kanyang bisig kung nasaan ang batuk ng Buntot-Pagi.
"May sayad yata sa utak ang isang ito!" bulalas ng isa sa mga bata nang makita nilang kusang nagpatihulog si Purol sa tubig sa kaliwa niya. Gumulong-gulong kasi si Purol sa lupa patungo sa maliit na batis na ito at saka siya nahulog sa tubig. "Nagsarili siyang magpahulog doon sa tubig! Nahihibang na yata ang lalaki!"
Nagtawanan ang mga bata. "Hayaan na natin siyang malunod diyan. Hindi naman siya makakaangat mula sa tubig dahil sa tanikala mong nakapulupot sa katawan niya, Palong. Tama yan, magandang mamatay na siya agad upang mas mabilis natin siyang maipakain kay Ayu."
Hinintay nga nila na malunod na nang tuluyan si Purol, ngunit iyon ang kanilang malaking pagkakamali. Sapagkat sa sandaling din iyon ay nagawa na ni Purol ang kailangan niyang gawin. Nabasa na ng tubig ang batuk niya kaya't sumulpot na sa kanyang mga kamay ang Buntot-Pagi. Inisip na lamang ni Purol na matutulungan siya ng sandata ng Mahal na Dian upang makaalis siya mula sa pagkakagapos niya sa sandatang tanikala na pag-aari ng mga bata. Tagisan ito ngayon ng mga mahiwagang sandata.
"Pong, ano ang nangyayari? Bakit gumagalaw ang tubig sa batis na yan?" tanong ni Palong, ang kakambal ng batang si Pong. Kapwa kasi nila napansin na tila may kakaibang nagaganap sa tubig sa batis kung saan nakalublob ngayon ang katawan ng lalaking kanilang nahuli.
"Hindi ko alam, Palong, ngunit may kakaiba sa tubig! Tila dumarami ito at umaapaw!"
Tama sila sa kanilang napansin. Gamit ang kapangyarihan ng Buntot-Pagi, nagawang umapaw ng tubig palabas ng batis kaya't nakahinga ulit si Purol. At hindi lang iyon, gamit din ang sandata na ito ni Arowana ay kumalas ang tanikalang nakagapos sa kanya. Sa sandaling nakawala na siya doon ay kaagad na tumayo si Purol dahil naramdaman niya agad ang pagbabalik ng kanyang lakas. Sa makatuwid, nailigtas siya ng Buntot-Pagi mula sa maari niyang katapusan kanina lamang! Kung wala sa kanya ang maalamat na sandata na ito ay natitiyak niyang malamang ay nalunod na siya at ngayo'y ginawa ng pagkain ng mga batang paslit sa kung ano mang uri ng halimaw ang tinatawag nilang Ayu!
"Pong... Ang lalaking ito... May kapangyarihan din siya!" kinakabahan nang saad ni Palong. "Kailangan na nating tumakbo palayo! Mukhang hindi siya basta-basta!"
"Tayo na! Alis na tayo rito!"
Kumaripas na nga ng takbo ang dalawa, kung kaya't hinabol sila kaagad ni Purol. basang-basa ang kanyang buong katawan dahil sa nangyari sa kanya kung kaya't nahirapan siyang tumakbo. Ilang pagkakataon din siyang bahagyang nadulas at nadapa dahil doon, kaya't ginawa niya ang tanging bagay na kaya niyang gawin. "Sandali! Hindi kayo maaring tumakas! Kailangan ko pa kayo!" pahabol na sigaw niya sa dalawang bata na malayo na ang natatakbo.
Hindi niya maaring patakasin ang dalawang bata, dahil ang mga ito lamang ang makakapagturo sa kanya kung saan siya magtutungo. Kaya't pumikit siya at nagdasal sa Buntot-Pagi. Inisip niyang tulungan siya nito na mapigilan o maabutan ang dalawang batang mangangaso dahil tiyak na maliligaw siya sa bundok na ito kung walang magtuturo sa kanya sa tamang daan lalo pa't hindi na siya umaasang hahanapin siya nina Handiwa at Abiya. Baka nga nagkakagulo na silang tatlo doon ng Mahal na Dian sa caragodang iyon... Baka nag-aaway-away na sila sa ngayon.
Samantala, takot na takot na ang dalawang batang mangangaso dahil hindi nila talaga akalain na may kapangyarihan pala ang lalaking bumagsak mula sa himpapawid. Akala nila ay isa lamang itong taong naligaw sa kabundukan na ito ng Agayon, ngunit nagkakamali sila. May kakaiba pala siyang sandata na kayang gamitin ang tubig upang gawing sandata niya!
"Huwag niyo akong takbuhan kung ayaw niyong masaktan!" dinig nilang sigaw ng lalaki mula sa likuran nila. Hinahabol din sila nito, ngunit mabagal itong tumakbo. Sa isang iglap ay naramdaman na lamang ni Palong na siya'y natumba na sa batuhan. May kung ano'ng tumama sa kanya mula sa kanyang likuran, at nakaramdam siya kaagad ng kirot. Tapos narinig niya rin ang paghiyaw ng kanyang kakambal na si Pong, at nakita niya itong natumba rin.
Doon siya nahintukan sa nasaksihan niya. Nakita niya kasi kung ano ang nangyari kay Pong, sapagkat nasa unahan niya ito. Isang mahabng latigong kulay itim ang tumama sa likuran ng kanyang kakambal...ngunit ang kaibahan lang nito ay tila may kapangyarihan ang latigo na may maraming tinik. Napansin kasi ni Palong na nababalutan ito ng tubig at ang tubig na ito ang siyang tumama sa likuran ng kanyang kapatid.
"Pong!" pagtawag niya sa kanyang kapatid. Nag-aalala siya na baka napuruhan ito sapagkat nakita niyang dumugo ang likuran nito nang tamaan ito ng sandatang latigo ng lalaking humahabol sa kanila. At marahil ay ito rin ang tumama sa kanya kaya rin siya nakaramdam na mayroong kumikirot sa likuran niya ngayon.
"Sa wakas! Naabutan ko rin kayong mga batang paslit! Sinabi ko na kasing huwag kayong tumakbo! nais niyo kasing masaktan!"
Nanlilisik ang mga mata ng batang si Pong nang tumingin ito kay Purol. Naabutan niya na kasi ang mga ito na natumba sa batuhan. Narito na sila ngayon sa may paanan ng bundok, papasok sa kakahuyan kung saan masukal at mayabong ang mga puno at halaman. "Pakawalan mo kami!"
"Huwag kayong mag-alala, wala akong balak na saktan kayo o paslangin. Hindi niyo naman ako katulad na basta na lamang pumapaslang ng aking nakikitang mga nilalang. Pakakawalan ko kayo kung tutulungan niyo ako."
"Tulong? Ano'ng tulong naman ang nais mo mula sa amin, dayuhan?"
"Una, sagutin niyo ang mga itatanong ko sa inyo. Pangalawa, tutulungan niyo akong makarating sa pook na kailangan kong mapuntahan."
Kumilos na si Purol at itinayo niya ang dalawang bata. Mabuti na lamang at tila natatakot na nga ang mga ito sa kanya. Marahil ay napagtanto rin nilang wala ring silbi na tumakbo ulit sila sapagkat alam na nilang kaya silang abutin ng Buntot-Pagi. Humahaba kasi ang katawan ng latigong ito sa tulong ng kapangyarihan ng tubig, at kapag natamaan ka nito ay para ka na ring tinamaan ng malakas na buhos o agos ng tubig. Ito ang dahilan kung bakit dumugo ang likuran ng dalawang batang paslit nang tamaan sila ng latigong yari sa tubig. Dahil masyadong malakas ang 'daloy' ng tubig sa katawan ng latigo ay kaya nitong sumugat ng balat.
"Ano, sasagutin niyo ba ang mga tanong ko, o nais niyong danasin ito?" tanong ni Purol na may halong pananakot, at saka niya iwinasiwas ang Buntot-Pagi sa pinakamalapit na puno. Kaagad na naputol ang katawan ng punong iyon nang tamaan ito ng latigong hawak ni Purol na nababalutan ng tubig. Nanlaki tuloy ang mga mata ng kambal na batang mangangaso, dahil talagang malakas pala ang sandatang hawak ng lalaki!
"Oo na! sasagutin na namin ang mga katanungan mo! Ano ba ang nais mong malaman sa amin?"
Napangiti na si Purol sapagkat makikinig din naman pala sa kanya ang dalawa. Kailangan niya pang sindakin ang mga ito, ngunit hindi siya nakaramdam ng awa sa mga ito lalo pa't nauna na silang nagnais na siya'y ipakain sa alaga nila. "Magaling. Mabuti naman at susunod na kayo sa aking kagustuhan. Akala ko'y kailangan pa nating magkasakitan. Una, bakit hindi muna kayo humingi ng tawad sa akin? Hindi biro ang ginawa niyo kanina sa akin... At ano iyon? Nais niyo akong ipakain sa alaga niyong halimaw?"
Napalunok ng laway si Pong. "Hindi halimaw si Ayu!"
"Oo, yun nga. Ayu. Kaya ano, hindi ba kayo hihingi ng paumanhin sa akin? Ninais niyo akong mamatay."
"Patawad," sabay na sagot ng dalawa ngunit halata naman sa kanila na napilitan lamang silang sabihin yun. Nanlalaki pa nga ang butas ng ilong ni Palong, tanda na ayaw niya sa kanyang paghingi ng tawad.
"Sapat na yan sa akin ngayon. At dahil humingi na kayo ng tawad, tatanungin ko na kayo. Marami kasi akong nais malaman. Una na riyan ay kung nasaan ba tayo? Hindi ko batid kung saang bahagi na ako ng sansinukob nahulog dahil sakay nga ako ng isang sasakyang panghimpapawid."
"Hindi mo alam kung nasaan ka?" gulat namang tugon sa kanya ni Palong. "Ikaw ay nasa Kabundukan ng Agayon, ang aming tahanan, ang mga Tagalipol!"
"Ah... Sinasabi ko na nga ba at mga Tagalipol kayo... Unang sulyap ko pa lamang sa inyo ay naramdaman ko nang hindi kayo pangkaraniwang mga mangangaso. At saka may kapangyarihan din ang inyong mga sandata."
"Tama! Sapagkat ang aming mga sandata ay gawa sa dugo ng Bathala ng Bulkan na si Kanlaon!"
Natigilan doon si Purol. "Kanlaon?"
"Oo! Siya ang Bathalang namumuno sa Agayon! Kaya humanda ka na, lalaki! Dahil kapag hindi kami kaagad nakabalik sa aming tahanan, mag-aalala si Kanlaon at kanya kaming hahanapin! Sa sandaling malaman niya na sinaktan mo kami, iyon na rin ang magiging katapusan mo!"