Kabanata 27

2064 Words
"Balisong? Pakuwari ko ay narinig ko na ang ngalan niya, ngunit hindi ko lang matandaan kung saan ko ito narinig," sagot ni Purol sa balita ni Handiwa. Nagsasabi siya ng totoo sa pagkakataong ito. May bahagi kasi sa kanya na nabigla ng marinig niya ang pangalang binanggit ni Handiwa. "Hindi naman ako nagulat na maari ngang narinig mo na ang pangalang 'Balisong' sapagkat kilala naman siya ng karamihan," ani Handiwa. "Isa siyang bantog na panday, at mula sa lahi ng mga mambabarang..." "Mambabarang..." ulit ni Purol sa salitang iyon habang hinihimas niya ang ilalim ng kanyang baba sapagkat napaisip siya. "Teka lamang, Handiwa... Hindi ba't ang mga Mambabarang ay mapanganib?" "Siyang tunay, Purol. Dahil may kaalaman sila sa pambabarang... Isang uri ng sinaunang kaalaman na ginagamit sa mga kaaway... Ayon sa mga matatanda, ang mga Mambabarang ay lahi ng mga taong malapit noon kay Sidawa, ang Bathala ng Kamatayan. Ang Bathalang iyon daw ang nagturo sa mga taong ito sa pamamaraan ng pagbabarang, kaya naman may mga kakayahan sila na wala ang pangkaraniwang tao... Kaya kinakatakutan ang mga katulad nila maski hanggang ngayon." "Oo nga pala. Naalala ko na. Sa aking palagay ay sa aking lola ko narinig ang tungkol sa mga Mambararang," sagot ni Purol. "Ngunit tama ba ang narinig ko? May kakayahan silang alisin ang bisa ng ginawa ko sa Mahal na Dian? May kakayahan ang Balisong na ito na wakasan ang pagiging alejar ng Mahal na Dian sa akin?" "Iyon ang aking alam," ani Handiwa. "Narinig ko na kasi ang tungkol diyan noon... Noong mga panahong naghahanap ako ng paraan upang mapalaya si Mayumi mula sa pagiging alejar ko." "Nakakagulat naman iyan, Handiwa. Ninais mo rin palang mawala ang bisa ng iyong pagiging almajo sa Bathalang si Mayumi." "Oo naman. Kahit paano kasi ay naging magkaibigan na kami. Nais ko rin namang makalaya na siya mula sa akin kapag nagawa ko na ang kailangan kong gawin... At ngayong malapit ko na iyong matupad, sa tingin ko nga ay panahon na rin upang paghandaan ko ang kanyang paglaya mula sa akin. Maganda ito, sapagkat kapag nagtungo na tayo kay Balisong sa bayan ng Kamyas ay malalaman ko na rin kung paano mapuputol ang pagiging alejar ng isang Bathala nang walang namamatay sa dalawa... Makakatulong din ito sa amin ni Mayumi kapag nagawa na nga namin ang aming kailangang gawin..." "Handiwa, ngayong nagkasundo naman tayong magtulungan, hindi ba't tama lang din naman na may malaman ako tungkol sa iyo at sa pakay mo sa Buntot-Pagi? Hindi kasi ako mapalagay. Pakiramdam ko ay marami pa akong hindi alam tungkol sa iyo kaya nagdadalawang-isip pa akong makipagtulungan sa iyo..." "Kung sa bagay, tama ka naman diyan," pagsang-ayon sa kanya ni Handiwa. "Wala ka nga palang alam tungkol sa akin o kung bakit kita tinutulungan. Hindi rin malinaw ang naging paliwanag ko sa iyo kung bakit nais kong makuha ang Buntot-Pagi ng Bakunawa. Ngunit ito ang sasabihin ko sa iyo, Purol... Hindi ako kaaway. Mas mapanganib pa ang Bakunawa kaysa akin, kung iyon ang iyong iniisip." "Hindi ako nakakatitiyak diyan," ani Purol na pinipilit na magsalita pa si Handiwa tungkol sa kanyang sarili. "Sa ngayon kasi, napagtanto ko na mas makabubuti para sa akin na wala ng pagkatiwalaan kaagad, lalo pa't kahit sino ay maari ko nang maging kaaway." "Naiintindihan kita, Purol. Ngunit maari ko ring sabihin iyan tungkol sa iyo... Hindi ba't kahit ikaw ay nakakapagduda?" Natigilan si Purol sa mga katagang narinig niya kay Handiwa. Nakangiti pa ito ngayon sa kanya na tila nagpapahiwatig na may alam ito tungkol sa binata na hindi niya batid na alam na nito. "Ano naman ang iyong tinutukoy, Handiwa?" "Nakakatitiyak ka ba na ayos lamang sa iyo na sabihin ko ang nalalaman ko tungkol sa iyo ngayon?" tanong ni Handiwa na nagpalinga-linga pa sa kanilang paligid at kahit si Purol ay napatingin na rin. Wala naman siyang nakitang ibang tao rito kung nasaan sila ngayon kaya mas lalo lamang siyang nagtaka sa ikinikilos ni Handiwa. "Hindi ko tiyak kung dapat ko nga bang bigkasin ang mga katagang iyon ngayon dito, Purol. Lalo na't maaring marinig ng Catalona o kahit ng Bakunawa ang sasabihin kong tungkol sa iyo." Natawa na lamang si Purol sapagkat wala naman siyang naisip na maaring panghawakan ni Handiwa laban sa kanya na tungkol din sa kanya. Isa lamang siyang binatang Mangangayaw na nanirahan sa Batuk-Ao kaya't ano naman ang maaaring alam pa ni Handiwa tungkol sa kanya? "Mukhang hindi ka nag-aalala, Purol. Iyan ba ay dahil wala ka lang pakialam kahit na marinig ng dalawang babaeng kasama natin dito sa caragoda ang bagay na alam ko tungkol sa iyo, o hindi naman kaya ay ikaw rin ay walang alam tungkol sa bagay na ito kaya ganyan ang iyong naging pagtugon?" "Iyong huli," sagot ni Purol na naguguluhan na tuloy sa naging takbo ng usapan nila ni Handiwa. "Ano ba iyang nais mong sabihin sa akin?" "Ganito na lang, Purol... Sabihin na nating ang isang katulad mo ay ang matagal ng hinhintay ng mga nilalang na nagnanais na makarating sa Hiraya... Kaya huwag ka nang magulat kung magmula ngayon ay mapukaw at maagaw mo ang pansin ng mga taong ito." "Mga taong nagnanais na makarating sa Hiraya?" Tumango ulit si Handiwa. "Tama ka. Marahil ay narinig mo naman ang tungkol sa Hiraya kahit noong hindi pa nagtatagpo ang mga landas niyo ng Bakunawa, hindi ba?" "Oo... Isa iyong alamat na karaniwang kinukwento sa mga bata... Sinasabing tahanan daw ng mga Bathala ang pook na iyon... At kapag marating mo ang Hiraya ay matutupad ang kahit ano'ng hilingin mo. Tama ba ako?" "Oo at hindi. Ang Hiraya ay isang maalamat na pook... Ngunit hindi ito maituturing na tahanan ng mga Bathala... Marahil ay mas bagay na sabihing isa itong pook na tanging mga Bathala lamang ang nakakaalam kung nasaan ito sapagkat hindi ito kayang puntahan ng mga pangkaraniwang tao." "At ang patungkol sa alamat na kapag narating mo ito ay maaring matupad ang kahit anong hilingin mo? Hindi rin ba iyon totoo?" "Hindi ko alam, Purol. Walang nakakaalam, sapagkat wala pa naman yatang nakakrating doon... Bathala man o tao. Ngunit ang alam ko'y maari nga raw maging isang Bathala ang isang pangkaraniwang tao na makarating doon... Kaya noong unang panahon ay maraming mga tao ang naglakbay patungo sa Hiraya..." "Ngunit magpa-hanggang ngayon ay wala pang nakakarating doon, tama ba?" tanong ulit ni Purol, na nagkaroon na nang matinding kagustuhan na mas lalo nilang pag-usapan ni Handiwa ang tungkol doon. "Mukhang ganoon na nga... O 'di kaya ay wala ring nakabalik mula roon..." "Ah, oo nga naman. Maari rin palang mangyari yan," pagsang-ayon din ni Purol doon sapagkat naisip niya na baka ang Hiraya ay isang pook na kapag narating mo ay hindi ka na makakabalik. O malamang hindi mo na naising bumalik pa. "Ngunit Handiwa, ano naman ang kinalaman ko sa lahat ng mga sinabi mo? Isa lamang akong Mangangayaw. O dahil ba isa akong Mangangayaw kaya ganoon na lang ang pansing ibinibigay niyo sa akin?" "Hindi ito dahil sa isa kang Mangangayaw," ani Handiwa. "Kung 'di dahil ikaw ay nagmula sa Batuk-Ao. Ayaw kong sa akin ito manggaling, Purol, ngunit ayoko rin namang hanggang ngayon ay wala kang alam... Isipin mo na lang ito--- Ang Daang Bathala, ang daang sinasabing dapat tahakin upang makarating sa Hiraya, ay ang mga pook na may nakatanim na mga puno ng Zulatre sa mga ito. Sa madaling salita, ang daang ito ay ang pinagdugtong-dugtong na mga pook na may mga puno ng Zulatre. Kagaya na lamang ng Talisay, o ang aking bayang pinagmulan ng Ilang-Ilang. May dahilan kung bakit may mga puno ng Zulatre sa mga pook na ito... Halos lahat ng mga pook na ito ay dating tinirahan ng isang Bathala noong panahong namumuhay pa ang mga Bathala at mga tao nang matiwasay..." "Ah... Alam ko ang panahon na iyon... Tinatawag din iyong Riaga Zul." "Tama ka riyan. Tulad ng Talisay, na sinasabing dating tahanan ni Arowana, o mas kilala sa kanyang palayaw na Bakunawa... Ang bayan ko rin na Ilang-Ilang ay sinasabing itinatag noon ni Mayumi, ang Bathala ng himpapawid. Ayon na rin sa kasaysayan na itinala ng ilang taga-tala ng kasaysayan, ang bawat pook sa Daang Bathala ay bahagi ng nakalipas kung saan ang mga Bathala ay may ugnayan pa sa ating mga tao. Ngunit kung hindi mo pa napapansin, ang Batuk-Ao na iyong pinanggalingan ay walang tala mula sa kasaysayan na ito ay dating pook na tinirahan o itinatag ng isang Bathala. Kaya para sa mga Pantas at kagaya kong may alam tungkol sa kasaysayan, isang palaisipan kung bakit may puno ng Zulatre sa Batuk-Ao." "Ha? Ngunit hindi ba't dahil iyan sa ang Batuk-Ao ay nasa bukana ng ilog na patungong Talisay na nagsisilbi ring simula ng Daang Bathala?" "Iyan ang iniisip ng karamihan," ani Handiwa. "Ngunit sa tingin ko ay may ibang dahilan kung bakit may puno ng Zulatre doon." "At ano naman iyon?" Nagkibit-balikat si Handiwa. "Hindi ko pa sa 'yo maaring sabihin ang nasa isip ko sapagkat hindi ko rin tiyak kung tama ba ang aking sapantaha... Ngunit bibigyan kita ng maari mong pag-isipan... Ang nagawa mo sa Buntot-Pagi... Ang gawin itong isang batuk sa iyong balat, isa itong uri ng sinaunang kapangyarihan na ipinagkaloob din ng isang Bathala, tulad kung paano ipinagkaloob ang pambabarang sa mga Mambabarang... Ayan, Purol, kay rami ko nang sinabi sa iyo... Unawain mo nang mabuti ang mga narinig mo mula sa akin upang makalikha ka ng isang magandang hinuha." Natahamik na lamang si Purol upang makapag-isip siya nang malalim. Nagpaalam naman sa kanya si Handiwa na maghahanda na raw siya at ang kanyang alejar na si Mayumi upang sila ay makadaong na sa lupa. Hanggang ngayon ay namamangha pa rin si Purol na may uri pala ng sasakyan na maaring lumipad--- ngunit naalala niyang ito ay maaring lumilipad lam,ang sa tulong ni Mayumi na may kakayahang gamitin ang hangin ayon sa kanyang kagustuhan. At dahil wala siyang maisip na sagot sa mga palaisipang iniwan ni Handiwa sa kanya, nagbalak na lamang siyang matulog muna doon sa silid kung saan nagpapagaling ang kanyang mga kaibigang sina Balang at Ubay. Ngunit bago pa siya makarating doon ay may humila sa kanya patungo sa kabilang dulo ng caragoda kung saan walang tao, at isang tulak na lamang ay mahuhulog na siya mula sa sasakyang panghimpapawid na ito... Patungo sa kanyang kamatayan. "Ito na ang katapusan mo, Purol," bulong sa kanya ni Arowana mula sa kanyang likuran. Ang Mahal na Dian pala ang may kagagawan nito sa kanya. Ang bilis na ng t***k ng kanyang puso sapagkat nalulula siya habang tinitingnan kung gaano sila kataas mula sa lupa. Sa wari ni Purol ay mawawalan pa siya ng ulirat kapag nagtagal siya dito sa pinakadulo ng caragoda. "Bibitawan na kita, at ikaw ay mamamaalam na..." "Mahal na DIan!" pakiusap ni Purol. "Maawa ka! Hindi mo ako dapat paslangin dahil mamamatay ka rin! Maglalaho ka! Hindi mo na makakasama pa ang iyong kabiyak!" "Alam ko... Ngunit hindi ko na siya kailangang makita pa," ani Arowana at ikinagulat iyon ni Purol. "Teka, ano ang iyong ibig sabihin, Mahal na Dian? Batid mo na ba kung sino ang iyong kabiyak na iyong nakalimutan?" "Oo, Purol. Sa hindi inaasahang pangyayari ay naalala ko siya kanina..." "Kanina?" "Oo, kanina. Nakikinig kasi ako nang palihim sa usapan niyo ng Handiwa na iyon. At nabanggit niya ang isang pangalan na naging susi upang maalala ko ang aking kabiyak." "T-Talaga? Ngunit sino naman iyon? Si Balisong ba?" gulat na tanong ni Purol dahil iyon lang naman ang pangalan na naaalala niyang nabanggit ni Handiwa kanina. "Nagpapatawa ka ba? Malamang ay hindi... Ang tinutukoy kong ngalan na nabanggit ni Handiwa ay ang Bathalang nagngangalang Sidawa--- ang Bathala ng Kamatayan... Sa kasamaang palad, siya pala ang aking asawa..." bulalas ni Arowana. " At sa aking pagkakatanda ay hindi ko siya nais maging asawa. Ako ay kanyang pinilit lamang na gawing kanyang kabiyak--- Muling nagbalik sa aking utak ang mga alaala ko kung paano niya ako p;inilit na kanyang gawing asawa... Isa siyang malupit na asawa, Purol. Kaya hindi ko na nais na siya ay makilala pa... Kaya paalam na. Mas mabuti na lamang na ikaw ay mamatay na, taksil kong almajo, at ako naman ay maglalaho na rin..." Iyon ang huli niyang sinabi bago niya bitawan si Purol at itulak palabas ng caragoda. Sumigaw si Purol habang siya ay nahuhulog pababa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD