Kabanata 2

1251 Words
"Alalayan niyo siya, magmadali kayo!" utos ni Kuhol na hindi na mapakali. Hindi na rin siya makapaghintay na mahawakan ang dalaga, at kung saan-saan na napadpad ang kanyang utak sa kakaisip ng mga bagay na kasama ang kanyang bagong Dian. Naiisip na niyang mas lalo siyang makikilala kung magkakaroon siya ng napakagandang asawa. Nakikita na niya ang kanyang kinabukasan kung mapapangasawa niya ang dilag na nakasakay na ngayon sa kanyang karakoa. Magiging mas matagumpay rin ang kanilang pangangayaw kung may kasama silang magandang dilag. Maaari siyang maging tagalinlang sa mga sasakyan ng mga mangangalakal na nais nilang pagnakawan. Napapangiti na si Kuhol sa nakikinita niyang kaganapan sa hinaharap. Ngunit mangyayari lamang iyon kung makukuha niya ang loob ng dalaga. Mukha namang nasa tamang landas sila dahil hindi naman ito natatakot o naiilang sa kanila. Bagkus ay sumayaw pa ito sa gitna nila sa galak na nakasakay na ito ngayon sa mas malaking sasakyang pandagat. "Ano nga pala ang iyong pangalan, magandang Dian?" tanong ni Kuhol na pilit pinapakalma ang sarili. Nais niya muna kasing mapalagay ang loob sa kanya ang dalaga bago niya isagawa ang pakay niya rito. Nasabihan niya na rin ang kanyang mga tauhan kanina sa nais niyang gawin kaya't tiyak na niyang wala silang magiging suliranin. At magaganap iyon kung ititikom din ni Purol ang kanyang bibig. "Ang ngalan ko'y Arowana..." "Arowana? Kakaibang pangalan. Saan ka ba galing at ganito ang iyong ngalan?" Tumigil si Arowana sa pag-indak at lumapit ito sa gilid ng karakoa. Bigla itong nalumbay nang magmasid ito sa karagatan. Ngunit hindi iyon ang napansin ng mga Mangangayaw kung hindi ang kagandahan ng dilag habang hinahaplos ng hangin ang kanyang buhok. Tila may gayuma ang kanyang wangis na nagpapatigil sa pag-iisip ng mga lalaki. "Ako ay isang ng ulila. Mula ako sa kanluran, sa isang maliit na isla kung saan ang ikinabubuhay namin ay ang paghabi ng mga kasuotan. Naglalakbay ako upang makahanap ng magandang buhay, lalo na ng isang mapapangasawa..." Umilaw sa kinang ang mga mata ng mga Mangangayaw, lalo na si Kuhol. Kanina pa siya nangangati na mahawakan ang dilag, at masamyo ang kanyang halimuyak at pinipigilan niya lang ang kanyang sarili. Ayaw niya namang maging masama sa paningin ni Arowana. Biglang umiyak ang dalaga kaya nataranta ang mga lalaki. Hindi nila alam kung bakit napahikbi si Arowana ngunit nag-unahan silang lumapit dito upang patahanin sana ito, at dito na lumabas ang katotohanan. Umitim bigla ang kalangitan, at nawala ang sikat ng araw na animo'y takip-silim na. Nanigas sa takot ang mga Mangangayaw sa naganap, lalo na't patuloy lang sa pag-iyak si Arowana. "Anong nagaganap?" tulala si Kuhol sa nangyayari, at lahat sila ay hindi makapaniwalang nakatunghay sa kalangitan na tila magdidilim na. "Hindi pa ako nakakaranas ng ganito. Sarinawa! Ano ito? Magugunaw na ba ang mundo?" "Umalis na tayo rito! Bumalik na tayo sa baybayin, Pinunong Kuhol! Baka ito pa ang maging katapusan natin!" "Oo nga po! Ayaw pa po naming mamatay!" Ngunit bago pa man makapagpasya si Kuhol, naganap na ang kanina pang nagbabadyang maganap. Nagkaroon nang malalakas na sigawan ng isa-isang magbagsakan sa tubig ang mga Mangangayaw. Sa biglaang pagdilim ng paligid ay panandaliang nabulag ang mga lalaki kaya't wala silang kamalay-malay sa nangyayari. Tanging si Purol lamang ang nakapansin sa tunay na naganap, kaya't mali sina Kuhol nang bansagan nila itong 'Purol.' Dahil kaagad siyang lumayo mula sa dalagang pinaakyat nila sa kanilang sasakyang pandagat. Ngunit kung nakalayo siya, malas naman ang kanyang mga kasamahan. Dahil namalayan na lamang ni Kuhol na nahulog na siya sa tubig. Magaling siyang lumangoy sapagkat siya'y lumaki sa dagat, ngunit naramdaman niyang kakaiba ang lakas ng alon ngayon na kanina lang ay mahinahon! Dahil dito ay hindi siya makalapit sa kanyang karakoa! Nahihirapan na rin siyang lumangoy dahil nga sa tindi ng lakas ng bagyo, at wala na siyang magawa nang makita niya ang kanilang karakoa na gumalaw at nagsimula nang maglayag palayo sa kanila. Halo-halong sigawan ang maririnig sa tubig at natanaw ni Kuhol ang babaeng nakatayo sa timon ng karakoa. Naroon si Arowana na nakatingin sa kanya. Kumaway pa ito na parang nananadya pang siya ay galitin! Kay lakas ng loob ng babaeng iyon! Kung ganun, habang sinusubukan nilang kunin ang loob nito, ay ito pala ang kumukuha na sa kanilang loob upang sila'y malinlang! Sa makatuwid, nais talaga nitong kunin ang kaniyang karakoa sa umpisa pa lamang! Ngunit kahit ano pa man ang gawin niya, hindi na maririnig ni Arowana ang kanyang pagngingitngit. Bumalik nga ang liwanag ng araw ngunit malayo na ngayon ang karakoa kung saan lulan ang mapangahas na babae. Hindi niya tuloy maiwasang mapaisip sa tinuran kanina ni Purol. Paano kung isa ngang Bathala ang babaeng iyon? Ibig sabihin ba nito'y totoo sila? *** Gustong pigilan ni Arowana ang kanyang pagtawa ngunit hindi niya nagawa. Napabunghalit siya ng tawa dahil sa nangyari--- kay dali naman niya kasing napaglaruan ang mga lalaking iyon! Wala talagang nakakaligtas sa kanyang alindog! Magsasagwan na siya nang mapansin niya ang isa sa mga Mangangayaw na nagtatago sa likod ng isang malaking pundina. Agad niya itong nilapitan. "Sarinawa! Narito ka pa pala!" Agad umatras ang lalaki. "Huwag kang lalapit! Huwag mo akong lapitan! Alam ko kung ano ka!" Natigilan si Arowana. Tiningnan niya sa mata ang lalaki. "Bakit, lalaki. Ano ba ako?" mapang-akit niyang tanong dito. Nanginginig naman sa kaba ang kawawang Mangangayaw, kaya't naisipan ni Arowana na paglaruan ito. "Isa ka sa...sa kanila?" "Kanila? Ano'ng kanila?" "I-Isa ka sa mga Zul! Mga Bathala! Kinukwento noon ng aking lola ang tungkol sa mga tulad mo!" Pilit na lumapit si Arowana sa lalaki at inakit niya ito gamit ng kanyang maamong ngiti. Napapalunok na lang si Purol sa takot. "Ano naman ang naririnig mo tungkol sa akin?" "Marami kang pangalan, ngunit kilala ka ng lahat sa tawag na Bakunawa. Marami ang nagsasabi na nlilibot mo ang mundo upang magdulot ng kapahamakan sa mga naglalakbay, ngunit ang totoo ay may hinahanap ka." Natigilan si Arowana sa naging sagot ng Mangangayaw. Mukha lamang itong mahina ang utak ngunit maalam pala ito kapag patungkol sa mga Bathala. Kahit paano ay natuwa siya na may nakakilala agad sa kanya. "Magaling, lalaki. Ako ay iyong napahanga sa tatas ng iyong kaalaman. Dahil dito, ika'y aking gagantimpalaan. Hindi kita papaslangin." Napayuko agad sa kanya si Purol. "Maraming salamat, Mahal na Bathala! Salamat at ako'y iyong kinaawaan!" "Ngunit may gagawin ka para sa akin, lalaki. Ipagsagwan mo ako patungo sa Daang Bathala. Kailangan akong makarating doon sa lalong madaling panahon." "A-Ano po ang gagawin niyo doon?" tanong naman sa kanya ni Purol. "Tulad ng iyong nabanggit, may hinahanap nga ako." "Ano po iyon?" "Hinahanap ko ang aking asawa," sagot agad ni Arowana na siyang ikinabigla ni Purol. "Katulad ko'y isa siyang Bathala ngunit ang aking suliranin ay hindi ko siya kilala..." Tila may bahid ng kalungkutan ang pagkakasabi doon ni Arowana, at batid ni Purol na totoo na ngayon ang ipinapakita sa kanya ng napakagandang Bathala. "Paanong hindi mo kilala kung sino ang iyong asawa?" "Mahabang salaysayin, lalaki. Ngunit batid kong tulad ko, ay narito lamang siya sa mundo. Naglalakbay. Nagliliwaliw nang mag-isa. At nakasisiguro ako na hinahanap niya rin ako." May himig ng kalungkutan sa pagkakasaad doon ni Arowana, at hula ni Purol ay mas binibigkas ito ng Bathala sa kanyang sarili kaya't nabigyan na niya ito ng awit. Tila hinaplos nito ang buong pagkatao ni Purol, kaya naman siya ay nakapagpasiya na. Nais niyang maging tagasunod ni Arowana, at tuluyan na niyang tatalikuran ang pangangayaw upang pagsilbihan ang Bathala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD